Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

10 punto ng pagkilos ng mga armadong tauhan ng reaksyunaryong estado para sa pagsusulong ng sariling kagalingan at kapakanan ng sambayanan

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 14, 2004

  1. Magbuo ng mga lihim at ligal na grupo sa loob ng AFP at PNP. Ang mga karaniwang sundalo at pulis at mga nakabababang upisyal ay maaaring magbuklud-buklod batay sa magkakatulad na hinaing laban sa pang-aapi ng matataas na mga heneral ng militar at pulisya.
  2. Kumilos at ipaglaban ang mga demokratikong karapatan at kagalingan ng mga karaniwang sundalo at pulis kabilang ang karampatang sahod, pensyon, mahusay na serbisyong pangkalusugan, pabahay at iba pa. Ilantad at labanan ang korapsyon. Gamitin ang lahat ng pagkakataon para sa pamamahayag, tulad ng pagtawag sa radyo, pagsusulat sa dyaryo at iba pa. Maglunsad ng mga mapayapa at sama-samang pagkilos sa loob at labas ng mga kampo at presinto.
  3. Palalimin ang pag-unawa sa kalagayan ng AFP at buong organisasyong militar. Pag-aralan ang kasaysayan ng AFP bilang isang instrumentong inorganisa ng imperyalismong US upang supilin ang paglaban ng mamamayang Pilipino; at bilang isang instrumentong patuloy na ginagamit upang supilin ang lehitimong mga paglaban ng sambayanan.
  4. Makipagkaisa sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Suportahan ang mga pakikibaka ng bayan laban sa korapsyon, militarismo at dayuhang panghihimasok. Iugnay ang mga karaingan ninyo at ng inyong mga kapamilya sa mas malawak na karaingan ng mamamayang Pilipino laban sa bulok na gubyerno at laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan.
  5. Magdaos ng mga progresibong pag-aaral at talakayan tungkol sa kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas. Magparami at mamahagi ng mga progresibong babasahin. Hinihikayat namin kayong pag-aralan ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong programa ng National Democratic Front of the Philippines at programa ng Partido Komunista ng Pilipinas.
  6. Suwayin ang mga iligal at anti-mamamayang utos ng inyong mga nakatataas na upisyal. Kabilang dito ang panghahalughog sa mga komunidad ng mga magsasaka, iligal na pang-aaresto, pagtortyur, pagpapaulan ng mga bomba o bala sa mga sibilyan at iba pang kautusang nakapipinsala sa mamamayan at lumalabag sa kanilang mga demokratikong karapatan. Pag-aralan ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na kasunduang pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front. Mangahas na ilantad at labanan ang mga paglabag sa karapatang-tao.
  7. Sagkaan ang mga operasyong militar laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa. Labanan ang bulag na pagpapasugod sa inyo sa digmaan. Sa pagkakataong kayo'y mapapalaban, hinihikayat namin kayong kaagad humingi ng tigil-putukan at isurender ang inyong mga armas sa NPA. Hindi katumbas ng inyong buhay ang ipagtanggol ang isang bulok na organisasyon at isang bulok na sistema. Alalahanin ninyo ang inyong mga pamilya. Sa panig ng NPA, kikilalanin ang inyong mga karapatan at mahusay kayong tatratuhin alinsunod sa mga internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digmaan.
  8. Umalis sa reaksyunaryong militar at mamuhay bilang karaniwang sibilyan. Mas mainam ito kaysa magpatuloy sa paglilingkod sa bulok na papet at reaksyunaryong militar. Kung naninirahan sa mga sonang gerilya, maaari kayong tulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyon na makakita ng alternatibong hanapbuhay.
  9. Lihim na makipag-ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Isulong ang Kilusang Lt. Crispin Tagamolila sa loob ng AFP at PNP. Maaari kayong maglabas ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma, magpaabot sa NPA ng mga kinakailangang impormasyon sa kilos ng militar o gumampan ng iba pang rebolusyonaryong tungkulin.
  10. Sumanib sa rebolusyonaryong kilusan. Ang inyong mga suliranin, sa katuus-tuusa'y nakaugnay sa mga suliranin ng sambayanang Pilipino at mapagpasyang malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagbabago. Maaari kayong sumapi sa NPA o sa mga yunit ng Milisyang Bayan at tuwirang lumahok sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.


Back to top

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.