Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

ERAP: HARING PASISTA, GANGSTER AT PATRIARKO

Aleta Alvino
Spokesperson
Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan
National Democratic Front
Marso 05, 1999

pahayag ng MAKIBAKA-NDF sa Araw ng Kababaihan, MARSO 8

Masaklap na tumataon ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sa unang taong pagkaluklok ng isang haring pasista, gangster at patriarko sa Malakanyang.

Simula nang humawak ng kapangyarihan si Joseph "Erap" Ejercito Estrada, tinatrato nito ang bayan tulad ng trato nito sa kababaihan - pinapadama para umamo. Nangako siya na dadalhin ang mga mahihirap sa paraiso, tulad ng pangangako sa kababaihan ng mga araw at bituin. Sinisilaw niya ang mga mga mahihirap ng panaginip ng karangyaan, tulad ng sinisilaw niya ang kababaihan ng mga mansyon at mararangyang bahay. Sa kalaunan, sising-alipin ang mga nahulog sa bitag ni Erap

Isang malaking kahihiyan ng bansa at sumpa sa kababaihan ang rehimeng Erap. Malaking insulto, pagmamaliit, at paghamak sa kababaihan ang lantarang pangangalandakan nito ng walang katapusang machismo. Sa katunayan wala pang ibang rehimen maliban kay Erap na ginawa nang opisyal na kalakaran ang magkaroon ng isang harem ng mga asawang babae. Ang ganitong patriyarkang sagad-sa-buto ay naglalagay sa lahat ng kababaihang Pilipino sa katatawanan, pang-aabuso at indignidad sa loob at labas ng bansa.

Ang patriyarkong si Erap ay walang ibang nais gawin kundi maging "kusang-loob" na alipin ang mga mamamayan, katulad ng ginagawa nito sa kababaihan. Sa pamamagitan ng pang-uuto at panghahambog, nais nitong ang masang Pilipino ay maging kasang-ayon sa kagulat-gulat na pagbabalik ng mga Marcoses at mga kroni nito, sa pag-aapruba sa Visiting Forces Agreement, sa pagtatanggal sa lahat ng anupamang natitirang restriksyon sa dayuhang negosyo sa konstitusyon, sa pagbabalik sa pwesto ng mga berdugo ng karapatang-tao, at sa mabilis na pagbabalik ng mga proseso at institusyon ng diktadura.

Ang gangster na si Erap ay nasa mga kamao yata ang utak at dikit sa kasabihang "kung hindi makuha sa santong dasalan, sa santong paspasan." Tulad ng isang gangster sa kanto, inuupatan at tinatakot-takot nito ang National Democratic Front at Moro Islamic Liberation Front na animo'y tulad ng mga babaing pinaglalaruan lamang nito at kinakayan-kayanan.

Ang haring pasistang si Erap, sa wakas, ay naghubad na rin ng balatkayo. Habang nagmamatigas sa suspensyon ng usapang pangkapayapaan sa NDF, binubugbog naman nito ng bomba pati na kababaihan at mga bata sa isang todo-giyera sa kanayunan ng Luson, Bisaya at Mindanaw. Ang batas ng lakas ang siya ring batas ni Erap para pwersahing pasunurin ang mga mamamayan sa gusto nito. Isa pa, natural na magpakita ng dominasyon ang isang katulad ni Erap na wala na yatang ginawa sa tanang buhay kundi kontrolin at mang-api ng kababaihan.

Gayunman, nasa likod pa rin ng pagyayabang ni Erap ang desperadong pangangayupapa at pagyukod nito sa mga among imperyalistang U.S. Ang bawat hakbang ni Erap ay lalong nagtitiyal sa permanenteng interes ng U.S. sa bansa sa larangan ng ekonomiya, pulitika at militar. Ngunit hindi rin maikakaila na itong si Erap, na ang palagay sa kababaihan ay pasibo at bobo, ay lumalabas namang pinakabobong papet sa lahat.

Na di maiwasang ikasiya, laluna ng mga rebolusyonaryong kababaihan. Si Erap na rin mismo ang lumilikha ng kalagayan para daang-daang kababaihan sa isang araw ang patuloy na lumahok sa rebolusyonaryong kilusan, matapos masuklam sa inabot na kabulukan ng reaksyunaryong sistema.

Dumaraming kababaihan ang nakakakita na nasa ultimong interes nila na wasakin ang lantarang pyudal at patriyarkal na rehimeng Erap sa pamamagitan ng puspusang pagsusulong ng pambansa demokrationg rebolusyon.

Ang kolektibong pag-aalsa ng kababaihan laban sa rehimeng ito at sa lahat ng kinakatawan nito ay pumuputok sa buong bansa sa pamamagitan ng mga protesta sa kalsada at ng armadong pakikibaka. Isang araw ay makikita na lamang ng rehimeng Erap ang sarili nito na may lubid sa leeg habang ang rebolusyonaryong masa ng kababaihan, kasama ng kalalakihan, ay naniningil ng pananagutan sa rehimen.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.