Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino Waray
   

BUKAS NA LIHAM: Mga Operasyong Militar ng AFP: Dagdag na Pahirap sa Mamamayan ng Northern Samar

Ka Amado Pesante
Tagapagsalita
Rodante Urtal Command
Bagong Hukbong Bayan -Northern Samar
Agosto 09, 2004

Ang malakas na mga operasyong militar ngayon sa Northern Samar, lalo na ang mga SOT (special operations team) operation ng AFP, ay dagdag lang sa kahirapan na dati nang binabalikat ng mamamayan sa kanayunan. Bukod sa hindi na matiis na malubhang kahirapan sa kabuhayan bunga ng krisis sa ekonomya, biktima pa ang masang magsasaka ng lumalakas na militarisasyon sa kanayunan. Malaking balakid sa tahimik at payapang pamumuhay sa mga bukid ang malakas na mga operasyong militar ng AFP.

Ibinalik at muling pinalakas ng militar ang mga SOT operation sa lalawigan noong 2001. Bawat taon ay may malinaw na target area ang kanilang mga SOT operation. Noong 2001, nagsimula ang mga ito sa mga baryong sakop ng mga bayan ng San Isidro, Bobon at Catarman. Pagdating ng 2002, ipinagpatuloy ang mga SOT operation sa mga baryong sakop ng mga bayan ng Gamay, Lapinig, Catubig at parte ng Las Navas sa Hagbay River, at noong 2003, sa mga baryo naman ng Lao-ang at Bobon. Ngayong 2004, muli nilang binalikan ang mga baryo ng Las Navas at Silvino Lubos, kung saan nagpapatuloy magpahanggang ngayon ang malakas na mga operasyong militar.

Sa tuwing paglakas ng mga SOT operation ng militar, kasabay na lumalakas din ang mga paglabag ng AFP sa karapatang pantao. Sadyang hindi maiiwasan ang mga paglabag at pangangabusong ito dahil ang lahat ng balakin ng mga operasyong militar sa pagsugpo sa rebolusyonaryong kilusan ay nakaangkla sa estratehiya ng militar na "LIMASIN ANG TUBIG UPANG MAMATAY ANG ISDA", kung saan ang rebolusyonaryong kilusan daw ang isda at ang masa at mamamayan naman ang tubig. Kung gayon, malinaw na kabilang ang sibilyang populasyon sa target ng militar sa pagbuwag sa tinatawag nitong pampulitikang istruktura ng CPP-NPA-NDF.

Nagiging pangkaraniwang gawain na lamang ng mga sundalo ng AFP ang pagdakip at interogasyon sa mga sibilyan anumang oras nila gustuhin, ang pananakot, pwersahang pagpagiya sa mga operasyong militar, at ang sapilitang rekrutment ng mga CAFGU at mga sibilyang impormer. Pinakamalubha pa ang pag-salvage nila sa mga pinaghihinalaan nilang kasapi o tagasuporta ng BHB, katulad ng ginawa nila sa dalawang kabataang nakilala sa mga pangalang Marlon, 16, at Ricky, 17, na sinalvage ng isang yunit ng 63rd IB PA sa Brgy. San Vicente, Catubig noong nakaraang 2003.

Sa pamamagitan ng mga SOT operation, pwersahang "pinasusurender" ng militar ang mga sibilyan, na ang mga gumigiit na ayaw sumurender ay iniipit at binabantaang huhulihin, ikukulong o papatayin. Sa takot ng mga tao, napipilitan silang "sumurender"-pumirma ng mga papeles na "nagpapatunay" na sumusurender sila at lumahok sa mga pekeng seremonya ng pagpapasurender. Kaya marami nang magsasaka ang tigatlo hanggang apat na beses nang "sumurender", kahit ang simpatya nila ay nananatili sa rebolusyonaryong kilusan.

Mas mabigat ang epekto ng mga operasyong militar at SOT operation laban sa anumang likas na kalamidad na naranasan na ng masa sa lalawigan. Kung may bagyo o baha, ang malubha lamang na apektado ay ang mga pananim, hayupan, kabahayan at, sa ilang kaso, ang buhay mismo ng tao. Samantalang sa panahon ng paglakas ng militarisasyon, hindi lamang ang mga tanim, hayop at buhay ng tao ang nanganganib, kundi pati na ang kanilang malaya at payapang pag-iisip, paninirahan at pagkilos. Marami ang magsasakang nagugutom dala ng takot na tumungo sa kanilang mga bukirin upang maghanap sana ng pagkain at mapagkakakitaan. Bukod sa takot na paghinalaang kasapi o tagasuporta ng BHB, natatakot din silang madaanan ng militar sa kanilang mga bukirin o sa daan at piliting maggiya sa mga operasyon militar, o abusuhin at pagbintangan na namang BHB.

Mismo sa mga baryo ay hindi mapayapa ang paninirahan at pamamahinga ng mga tao. Marami ang kanilang inaalala kung nasa baryo nila ang militar. Una, nanganganib ang mga sibilyan sa crossfire sakaling magkaroon ng labanan dahil sa humahalo lang ang mga sundalo sa mga tao dito. Pangalawa, natatakot din sila kung nalalasing ang mga sundalo dahil marami na ang kasong sila-sila rin ang nagbabarilan. Kongkretong halimbawa nito ang pagkamatay noong 2000 ng isang Sgt. Husayan ng 19th IB PA sa Brgy. Capacuhan, Palapag. Nanganganib din ang mga tao kung nalalasing ang mga sundalo dahil kung saan-saan na lang itinututok ang mga baril nito. Pangatlo, may kaunting di magustuhan lang sa mga sibilyan, armas agad ang sagot ng militar. Ilang kaso nito ang matinding pamumugbog ng mga sundalo kay Marsing Durin, isang may kapansanan sa pag-iisip, sa Brgy. Bolao, Las Navas, at ang pamamaril at pagpatay kay Agosto Capoquian sa harap ng mga tao sa Brgy. Dolores, Las Navas noong Hulyo 2003.

Saanmang baryo ang may mga sundalo, doon lumalala ang kaguluhan. Lumalaganap ang sugal at inuman dahil ang mga sundalo mismo ang nangunguna, gayundin ang nakawan ng mga manok na ipinupulutan. Naranasan ng mga tao sa Brgy. Hiparayan, Silvino Lubos at Brgy. San Vicente, Catubig ang mga kaso na ang militar mismo ang nagtatayo ng mga grupong kawatan ng kalabaw, na ang ilang kasapi ay mga CAFGU. Matindi ang pag-aalala ng mga kalalakihan na mabiktima ng militar ang kanilang mga asawa at mga anak o kamag-anak na babae, dahil laganap na ang karanasang ito sa maraming baryo. Batid din ng masa na maraming sundalo ang gumagamit ng bawal na gamot.

Ang mga pangyayaring ito, luma man o bago, ay malinaw na paglabag ng AFP sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) na nilagdaan ng gobyerno ng republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Patunay lang din ito na isa ang AFP sa malalaking balakid sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Dito ipinapakita ng militar ang kanyang tunay na kulay bilang mersenaryo at pasistang hukbo na nagsisilbi hindi sa interes ng bayan at mamamayan kundi sa interes ng imperyalismong US, malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa. Kaya walang kahit ano ang mamamayan kung wala ang Bagong Hukbong Bayan na siyang magtitiyak sa pangangalaga sa interes ng bayan at mamamayan.

Kailangang maging masigasig ang sambayanan, kasama ang BHB-ang tunay na hukbo ng bayan-sa pakikipaglaban upang biguin ang maitim na balakin ng kaaway na sugpuin ang makatwirang pakikibaka ng sambayanan. Kailangang labanan at tutulan ang papalakas na militarisasyon sa kanayunan. Kailangang malawakang imulat at organisahin ang malawak na sambayanan para sa pagsuporta sa mga anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibaka. Kabilang din sa dapat organisahin ang mga kamag-anak at kaibigang kasapi ng AFP, PNP at CAFGU, upang hindi sila sumunod sa mga anti-mamamayang mando ng kanilang mga nakatataas, at sa halip ay pumanig sa interes ng mamamayan. Bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa pakikiisa sa sinuman sa kanila na may pagmamahal at pagkampi sa bayan at mamamayang busabos.

Sa ngalan ng rebolusyonaryong kilusan
at mamamayan sa Northern Samar,

Ka. AMADO PESANTE
Tagapagsalita, Rodante Urtal Command
Bagong Hukbong Bayan
09 Agosto 2004

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.