$12 bilyon na ang ibinuhos na ayudang militar ng US sa Ukraine
Todo-todo ang pagbuhos ng US ng mga armas at ayudang militar sa gerang proxy nito sa Ukraine laban sa Russia. Mula Pebrero hanggang Agosto, umabot na sa $12 bilyon ang halaga ng mga armas at ayudang ipinadala nito sa bansa para panatilihin sa poder ang papet nitong rehimeng Zelensky at patagalin at paigtingin ang pakikipaggera nito sa Russia.
Nakatakdang tumaas pa ito tungong $13.7 bilyon sa katapusan ng Setyembre. Ang halagang ito ay mas malaki sa mayor na mga programa ng gubyernong Amerikano tulad ng programa sa syensya, hudikatura, kongreso, sa upisina ng ehekutibo at maging sa pangangalaga sa kalikasan. Bahagi ito ng $40 bilyong ipinangako ni Pres. Joseph Biden ng US na “suporta” sa Ukraine para sa buong taon.
Inianunsyo ng US nitong Agosto 24, araw ng independensya ng Ukraine, ang pagpapadala ng karagdagang $2.98 bilyong ayuda. Kasama sa ipinadala ng US ang daan-daan libong artillery rounds o bala mga howitzer, anim na sistemang surface-to-air missile, mga mortar, 24 na radar, mga drone na Puma at ScanEagle at laser-guided na mga rocket.
Bago ang paketeng ito, pinakamalalaki ang ibinigay ng US noong Agosto 8 at Hunyo 15 (tig-$1 bilyon) na inawtorisa mismo ni Biden. Ang bulto sa mga ito ay mga HIMARS (High Mobility Artillery Rocket System), mga bala nito at iba pang klase ng misayl at artileri. Bago nito, todo buhos ang pagpadala ng US ng mga sasakyan, tangke at balang pantangke, surface-to-air missile, grenade launcher, barkong pampatrulya, howitzer, helikopter, armored personnel carrier, bomba, mga sistemang anti-armor at puung-libong samutsaring baril.
Nagpadala din ito ng daan-daang mga Switchblade at Phoenix Ghost drone, mga “suicide drone” na tinatawag na “loitering munition” o yaong matagal na nakapapailanlang bago nito pasasabugin ang target. Ang mga Phoenix Ghost drone, na maaaring manatili sa ere anim anim na oras at may infrared capability (maaaring gamitin sa dilim), ay espesyal na nilikha ng US para sa gamit nito sa Ukraine. Sinasabing kaya nitong durugin ang isang katamtamang-laking sasakyan.
Sa $40 bilyong upisyal na “ayuda” ng US sa gera sa Ukraine, di bababa sa $17.3 bilyon ang tinatayang mapupunta sa mga kumpanyang militar na nagmamanupaktura sa mga armas na ipinapadala nito sa bansa. Bulto nito ay mula sa $10 bilyong pondo para sa “weapons procurement” (pambili ng armas) at dagdag na $10 bilyon na inilaan bilang “bilateral military aid to Ukraine” (dagdag na armas).