Balita

2 magsasaka, panibagong biktima ng pagpaslang ng 2nd IB sa Masbate

,

Pinaslang ng mga sundalo ng 2nd IB ang mga magsasakang sina Pitot Clores at Onel Camposano sa Purok 3, Barangay Simawa, Uson, Masbate ngayong araw, Setyembre 26. Kinundena ng Karapatan-Masbate at Defend Bicol Stop the Attacks Network ang pinakahuling krimen na ito ng 2nd IB.

“Sila ay mga sibilyan na parehong magsasaka sa kanilang komunidad,” pahayag ng Karapatan-Masbate. Isinalaysay rin nila na nag-aasikaso lamang sa kalabaw sa tabing-ilog ang mga biktima nang paslangin ng militar.

Tulad sa karaniwang modus, pinalalabas ng 2nd IB na naka-engkwentro nito ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate sa naturang purok nang alas-5:40 ng umaga na tumagal umano ng 20 minuto. Dito nila pinalabas na napatay ang dalawang magbubukid at nakumpiska ang iba’t ibang mga baril at armas pandigma.

Mismong mga residente sa naturang lugar ang nagkumpirma sa social media na hindi kasapi ng hukbong bayan ang mga pinaslang. Napuno rin ng mga komento ng mga taumbaryo ang paskil na balita o post sa social media ng lokal na mga midya at radyo. Ayon sa isa, “kung may konsensya po kayo bilang tao, pakiayos po nang report…dahil yang binabalutan niyong NPA…taong magsasaka po yan.”

Anila, may binubuhay na mga pamilya ang mga pinaslang. “Mga taong patas lumaban sa kahirapan, pero ano po ang ginawa nyo? Pinatay sila na parang hayop. Saan po ang umiiral na batas natin?”

Sa talaan ng Ang Bayan, ang Masbate ang kasunod sa Negros na mayroong pinakamaraming biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sina Clores at Camposano ang ika-34 at ika-35 biktima ng pamamaslang ng 2nd IB sa prubinsya.

AB: 2 magsasaka, panibagong biktima ng pagpaslang ng 2nd IB sa Masbate