6 na berdugong sundalo ng AFP, napatay sa mga aksyon ng BHB-North Central Mindanao
Hindi bababa sa anim na mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napatay sa pag-atake at aktibong depensa ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Central Mindanao noong Marso at Hulyo, ayon sa ulat ng Ang Kalihukan, rebolusyonaryong pahayagang masa sa rehiyon, sa Marso-Hulyo na isyu nito. Samantala, 12 naman ang naitalang nasugatan sa mga armadong aksyong ito.
Noong Hulyo 5, pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng AFP sa Barangay Manalog, Malaybalay City, Bukidnon. Samantala noong Marso 6, naunang nakapagpaputok ang mga Pulang mandirigma laban sa umaatakeng tropa ng 8th IB at Special Forces Battalion sa kampo ng BHB sa Barangay Indalasa sa parehong syudad. Dalawang sundalo ang napatay sa sagupaang ito.
Sa Lanao del Sur, nabigo ng BHB ang pag-atake ng AFP sa kanilang kampo sa Haluan Creek sa hangganan ng bayan ng Maguing at Bumbaran noong Marso 11. Nagawang makapagmaniobra ng mga Pulang mandirigma at maglunsad ng kontra-atake sa paglusob ng berdugong mga sundalo.
Noon namang Marso 18 ng umaga, nakapagdepensa ang yunit ng BHB na nagkakampo sa 128th BIAF Base Camp, Sitio Talid-talid, Dominorog, Talakag, Bukidnon sa pag-atake ng mga sundalo ng AFP. Matapang na lumaban ang mga Pulang mandirigma at ligtas na nakapagmaniobra.