Balita

Atake ng AFP sa unyon ng manggagawang bukid sa Isabela, walang lubay

Mula Hunyo, walang awat ang mga operasyong kombat at pandarahas ng mga yunit ng 502nd IBde at 5th CMO Battalion sa mga komunidad sa tubuhan sa Sta. Maria, Isabela. Sa tabing ng Retooled Community Support Program, nagkakampo ang mga sundalo sa mga baryo ng Sta. Maria. Sapilitan nilang pinadadalo sa mga aktibidad at tinatakot ang mga lider at kasapi ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)-Isabela.

Isa-isang pinatatawag ng mga sundalo sa kanilang detatsment ang mga kasapi ng UMA para “maglinis” ng pangalan at dumalo sa mga pulong kung saan nagkakalat sila ng mga kasinungalingan at paninira laban sa mga progresibong organisasyon. Nagpahayag din ang yunit ng AFP na magtatayo ng unyon sa tubuhan na tatawagin umano nilang “unyon ng manggagawa sa tubuhan” upang tiyakin na nakatali at sunud-sunuran sa kanila ang mga manggagawa. Pinamumunuan ni Lt. Erwin Babas ang pasistang okupasyon.

Sa kabila ng pananakot, maraming mga lider at kasapi ang hindi dumadalo dahil mulat silang wala silang ginawang iligal o masama. Nananatiling mahigpit ang kanilang pagkakaisa. Patuloy nilang isinusulong ang mga kampanyang pangkabuhayan. Una na nilang naigiit na dagdagan ng P50 ang kanilang arawang sahod. Iginigiit naman nila ngayon ang P10,000 ayudang pinansyal at iba pang benepisyo. Ilang libong pamilya na rin ang nabahaginan ng UMA ng mga relief goods na nakalap mula sa iba’t ibang organisasyon at sektor.

AB: Atake ng AFP sa unyon ng manggagawang bukid sa Isabela, walang lubay