Balita

"Bagong Pilipinas" ni Marcos, kinutya matapos nalubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila

,

Dalawang araw matapos ipagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address ang kanyang mga “nagawa,” kabilang ang 5,500 “flood control project,” lumubog sa baha ang maraming bahagi ng Metro Manila at Luzon. Dulot ito ng dalawang araw na malakas na pag-ulan na dala ng hanging habagat na pinalakas ng Bagyong Carina noong Hulyo 24.

Sa huling mga ulat, mahigit 1.3 milyon ang apektado sa mga pagbaha at 211,000 ang lumikas sa kanilang mga komunidad. Pinakamarami ang naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nag-ulat ng 552,000 apektadong indibidwal. Nasa 24 syudad at munisipalidad ang nawalan ng kuryente. May 14 na naitalang namatay, dalawa ang nasugatan at dalawa ang nawawala sa ulat noong Hulyo 26.

Matindi ang pagbaha sa National Capital Region, kung saan marami ang kinailangang sagipin mula sa kanilang mga bahay at sinasakyan. Inihalintulad ng maraming residente ang bilis ng pagtaas ng tubig at lawak ng mga napinsala sa panahon ng Bagyong Ondoy noong 2009.

Sa panimulang mga ulat, tinatayang 1,400 magsasaka at kanilang mga sakahan ang tinamaan, at ₱9.7 milyon ang pinsala sa agrikultura. Iniulat din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang pinsala sa mga sistema ng irigasyon ay umabot na sa ₱6.5 milyon.

“Bahang-baha sa ‘Bagong Pilipinas’ ni Marcos!” pagkutya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). “Nasaan na ang multimilyong badyet para sa pagpapahubas ng tubig at dredging ng mga ilog? Nasaan ang pondo para pigilan ang mga pagbaha?”

“Tayo-tayo lang ang magtutulungan,” ayon sa KMP habang nangangalap ng tulong pinansya at materyal para sa apektadong mga komunidad. Gayundin ang mga pahayag ng ibang mga demokratikong organisasyon na kagyat na tumulong sa mga nasalanta.

“Habang nagtutulong-tulong tayo, wag nating kalimutan na ang matinding pagbaha ay dala ng pagbenta ng rehimeng Marcos sa lupa, kabundukan, katubigan at mga rekurso,” pahayag ng Anakbayan.

“Dapat managot ang rehimeng Marcos sa kriminal na kapabayaan nito at lantarang paglulustay ng pera ng bayan para sa ganansya ng mga kapitalista at dayuhan,” anito. “Isa na rito sa porma ng malawakang reclamation projects na sumisira sa ating kalikasan tulad na lamang ng Manila Bay Reclamation project.”

Ayon sa ulat ng Kalikasan PNE, mayroong di bababa sa 23 proyektong reklamasyon sa Manila Bay na naglalagay sa mga residente ng rehiyon sa peligro ng mga storm surge, pagbaha at coastal erosion.

AB: "Bagong Pilipinas" ni Marcos, kinutya matapos nalubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila