#Balitaan: Benepisyo ibigay na, Duque-Duterte Wakasan na!, sigaw ng mga manggagawang pangkalusugan
“TAMA NA! SOBRA NA!”, ito ang sigaw ng mga manggagawang pangkalusugan sa isinagawa nilang koordinadong pagkilos kasabay ng paggunita sa Araw ng mga Bayani noong Agosto 31. Lumahok dito ang mga manggagawang pangkalusugan ng University of Sto. Tomas Hospital, Calamba Medical Center, St. Luke’s Medical Center-QC, St. Luke’s Medical Center-Global City, Metropolitan General Hospital, The Medical City, Our Lady of Lourdes Hospital, San Lazaro Hospital at Cardinal Santos Medical Center. Lumahok din ang mga nars at iba pang healthworkers sa Philippine General Hospital at National Kidney Transplant Institute.
Nagsimula ang buong araw na protesta sa paglabas ng mga kasapi ng unyon ng mga nars ng St. Luke’s sa Global City at Quezon City nang alas-9 ng umaga. Sinundan ito ng mga manggagawang pangkalusugan sa UST, Lourdes Hospital at iba pang unyon.
Sa St. Luke’s – QC, mahigit 80 manggagawang pangkalusugan ang sumama sa protesta. Pahayag ni Jao Clumia, pangulo ng St. Luke’s Medical Center Employees Association, Agosto 31 ang dedlayn para ibigay ang mga benepisyo at alawans ng mga manggagawang pangkalusugan pero wala silang ibang naririnig kundi mga palusot at pagtuturo ni Sec. Francisco Duque III.
Kamakailan, laman ng balita ang reklamo ni Duque na ‘winarak’ umano sila ng Commission on Audit matapos mabunyag ang P67 bilyon pondo para sa pandemya na hindi nagamit ng Department of Health (DOH).
Ayon sa mga manggagawa, Hunyo pa dapat naipamahagi ang special risk allowance (SRA), active hazard duty pay (AHDP), at mga meals, accommodation at transportation allowance (MAT), pero hanggang ngayon ipinagkakait ito sa kanila.
Para naman kay Jaymee de Guzman, nars sa San Lazaro Hospital, dapat nang patalsikin si Duque sa DOH. Nangakong silang hindi titigil kahit paulit-ulit na inaatake. Aniya, “kahit may mga panahon na pinagmumukha kaming namamalimos, hinding hindi na kami mamamalimos. Lalaban kami, kukunin namin ang para sa amin!”
Nangako rin ang mga manggagawa na hinding hindi pababayaan ang mga pasyente. Ayon sa UST Hospital Union, “wag po sanang baliktarin ang sitwasyon na parang kami pa ‘yung gumagawa ng hindi maganda.” Dagdag pa ng pangulo ng unyon na si Donell Siazon, sa “araw ng mga bayani wala kaming dahilan para magdiwang dahil sa bigong pagtugon ng gubyerno sa Covid-19.”
“Kami ay nagngangalit sa nagaganap na inhustisya at sistematikong kapabayaan ng rehimen,” atin kay Siazon.
Dagdag sa kanilang panawagan na isama ang lahat ng mga empleyado sa mabibigyan ng SRA.
Ayon naman kay Robert Mendoza, pangulo ng Alliance of Healthworkers, bukod sa mga pagkilos sa labas ng ospital ay magkakaroon ng iba pang porma ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa buong bansa gaya ng noise barrage, pagsuot ng pulang armband at snake rally.
Paliwanag ni Mendoza, ang kanilang mga protesta ay para rin mabigyan ng kalidad na serbisyo ang mga pasyente, “hindi ito para sa aming sarling kapakanan.” Nagkaisa ang mga unyon na itutuluy-tuloy ang mga pagkilos hangga’t hindi naibibigay ang nararapat na mga benepisyo.
“Tapos na ang panahon ng desperasyon. Ito na ang panahon ng tapang at pakikipaglaban,” ani De Guzman sa pagtatapos ng kanyang talumpati.
May mga protesta rin sa Jose Reyes Memorial Medical Center, Philippine General Hospital, Tondo Medical Center at National Center for Mental Health. Isa pang protesta ang ilulunsad sa Setyembre 1 sa pangunguna ng Filipino Nurses United. Nanawagan sila sa publiko na lumahok at suportahan ang kanilang mga pagkilos.
#Aklas
#StandWithOurHealthworkers
#DuqueResign
#DuterteWakasanNa