#Balitaan | Biyakan sa PDP-Laban: Pagkabasag sa ilusyon ng popularidad ni Duterte
Umiiral ang ilusyon ng popularidad ni Rodrigo Duterte sa loob ng mahigit limang taon bilang pangulo ng bansa. Ngunit nabasag ang ilusyon ito sa proseso ng mga biyakang naganap sa loob ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Masa (PDP-Laban) nitong nakaraang mga buwan.
Noon isang palaisipan ang pagpapanatili sa popularidad ni Duterte. Ito ay sa kabila ng kanyang mga pambobola, mga kasinungalingan, diskriminasyon sa kababaihan, mga bakla at lesbyan, mga krimen laban sa sangkatauhan bunsod ng pekeng gera kontra-droga at gerang kontra-insurhensya. Ginigipit niya ang kanyang mga karibal sa pulitika at negosyo habang binibigyang pabor ang mga alipures nito, mga dagdag na pasaning buwis, walang katapusang pangungutang sa dayuhang mga bangko at institusyong pampinansya. Lalong ibinuyangyang ang likas na yaman ng bansa sa malalaking dayuhang kapitalista at pagkanulo niya sa pambansang soberanya sa imperyalistang China at US.
Sa isang hakbang para “maisalba mula sa krisis” ang kanilang partido, nagdaos noong Agosto 29 ng pulong ang pambansang konseho ng PDP-Laban sa pamumuno ni Sen. Manny Pacquiao. Dinaluhan ng 11 pambansang upisyal, pitong tagapangulo ng mga komite at 34 panrehiyong pangulo at mga pangkalahatang kalihim nito. At ginanap ang halalan kung saan napili si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III bilang tagapangulo at nahalal din ang iba pang mga bagong upisyal nito.
Maaalalang hinirang na tagapangulo ng PDP-Laban si Duterte nang naging pangulo siya ng bansa noong 2016. Bunsod nito, naging “solidong partidong koalisyon” ang PDP-Laban bilang partido ng administrasyon. At dahil sa angking “supermayorya” ay kinontrol nito ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Naging sunud-sunuran na lamang ang dalawang kapulungan sa kung ano ang nanaisin ng tiranong pangulo.
Ngunit habang papalapit ang eleksyong 2022 at nakatakdang matapos ang ligal na termino ni Duterte bilang presidente, nagsimulang magkaroon ng lamat sa loob ng PDP-Laban. Nalipasan na umano si Duterte sa kanyang pusisyon bilang tsirman ng partido. Dapat ay hanggang dalawang taon lamang siyang manungkulan. Kaya sinipa siya bilang tsirman ng PDP-Laban sa ginanap na pulong ng pambansang konseho.
Si Pacquiao naman ay naging acting president ng PDP-Laban noong Disyembre 2020 nang bumaba si Pimentel sa pwesto. Pinakamasugid na tagasuporta noon ng rehimeng Duterte si Pacquiao. Pareho silang nagkamit ng pinakamaraming boto: si Duterte ay nahalal bilang pangulo ng bansa sa botong 16,601,997 habang naging senador naman si Pacquiao sa botong 16,050,546.
Nagsimulang tumabang ang relasyon ng dalawa nang pinuna ni Pacquiao noong Mayo 3 ang malamyang postura ni Duterte sa West Philippine Sea sa harap ng pang-aagaw ng
China. At nagpatuloy ang kanilang balitaktakan. Dahil popular si Pacquiao at may ambisyong tatakbo sa mas mataas na pusisyon, nakita ni Duterte na malaking banta si Pacquiao sa pagtakbo ng kanyang anak na si Sara (hindi kasapi ng PDP-Laban) bilang presidente at sa kanyang planong maging bise presidente na inamin niyang paraan para matakasan ang pag-uusig ng International Criminal Court sa kanyang mga krimen laban sa sangkatawhan.
Sa kabila ng pagtutol nina Pacquiao at Pimentel, binasbasan ni Duterte si Energy Sec. Alfonso Cusi bilang pangalawang tagapangulo ng partido na pamunuan ang pambansang asembleya sa Cebu City noong Mayo 31. Nagpasa ito ng isang resolusyong humihimok sa presidente na tumakbo bilang bise presidente at malayang pumili siya kung sino ang kanyang patakbuhin sa pagka-pangulo. Sa kasunod na mga pangyayari, pinatalsik si Pacquiao bilang presidente at inihalal kapalit sa kanya si Cusi habang nananatiling tsirman si Duterte. Hindi ito kinilala ng “mga orihinal” na kasapi ng PDP-Laban.
Lalong uminit ang tunggalian nina Pacquiao at Duterte nang hamunin nito si Pacquiao na pangalanan ang mga ahensyang korap at kung wala siyang matukoy ay kakampanya umano siya laban kay Pacquiao sa susunod na eleksyon. Tinanggap ni Pacquiao ang hamon ni Duterte sa pagsabing wala siyang tinatagong lihim sa buhay, hindi siya sinungaling, walang kinurakot na pera, at may hawak umano siyang mga dokumento at ibubunyag niya ang korap na mga ahensya pagkatapos ng kanyang laban sa boksing sa US.
At sa ngayon ay hindi na matago ni Duterte ang kanyang pagkataranta sa tuluy-tuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga kaso ng korapsyon na nakalkal ng Commission on Audit (COA) sa panahon ng pandemyang Covid-19. #