#Balitaan: Mga pamilyang nagsumite ng reklamo laban kay Duterte sa ICC, lampas 1000 na

Umaabot na sa 1,050 pamilya ang nagsampa ng reklamo laban kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) noong Agosto 30. Kaugnay ito sa kasong malawakang pagpaslang na itinuturing na krimen laban sa sangkatauhan na isinampa laban sa kanya noon pang 2018. Inihapag ang mga reklamo sa 204 na dokumento, at kumakatawan sa 1,530 indibidwal. Ang paglilikom ng mga reklamo ay bahagi ng proseso ng korte para buksan ang pormal na imbestigasyon bago ang aktwal na paglilitis laban sa akusado.
Sa mga ulat, pinakamarami ang kaso ng pagpatay. Kasunod na mga krimen ang tortyur, iligal na detensyon, pagdukot, tangkang pagpatay at tatlo ay kaugnay sa sekswal na karahasan. Ayon sa korte, ang mga dokumentong ito ay isusumite sa mga husgado, at sa ngayon ay hindi pa itinuturing na mga ebidensya. Isasagawa ng korte ang sarili nitong imbestigasyon kahit pa aktibo itong hinaharang ng rehimeng Duterte.
#Aklas
#DuterteWakasanNa
#StopTheKillings