Balita

CCTV footage at mga larawan sa pagdukot ng 2 aktibista, isinapubliko

Isiniwalat ng mga pamilya, kaibigan at abugado ng dalawang dinukot na aktibista na sina Felix Salaveria Jr at James Jazmines ang mga larawan at CCTV footage ng pagdukot sa kanila noong Setyembre 23. Ayon sa abugado nilang si Atty. Tony La Viña, malinaw sa mga nakuhang bidyo at litrato na mga “propesyunal” ang dumukot sa dalawa.

“Ang paraan ng pagdukot (kay Salaveria) noong Agosto 28 at ang pagkuha kay James Jazmines limang araw bago nito ay mga indikasyon na sangkot ang mga mga pwersa ng estado,” ayon kay Atty. La Viña.

Sa isang bidyo na kuha noong Agosto 29, makikita si Salaveria na naglalakad sa isang mayor na daan ng Barangay Cobo, Tabaco City, Albay. Maya-maya lamang ay sinalubong at tinapatan siya ng isang Toyota van na may plate number na VAA5504. Lumabas ang ilang kalalakihang nakasibilyan at hinablot at pwersahan siyang ipinasok sa sasakyan. Ilang saglit lang ay mabilis na tumalilis ang van. Pinaghihinalaan ng pamilya na kasama sa operasyon ang ilang kalalakihang nakamotor na sumunod sa van. Isinagawa ang pagdukot bandang alas-11 ng umaga, sa gitna ng maraming tao sa paligid.

Noon namang Agosto 23, isa ring Toyota van na may plate number na NDR5274 ang nakitang pumasok bandang alas-10 ng gabi sa Barangay San Lorenzo, Tabaco City, Albay, kung saan dinukot naman si James Jazmines. Lumabas ang van sa barangay ng alas-10:16, kasunod ang isang itim na Hilux pick-up, isang gray na Avanza na sasakyan at isa pang gray rin na Innova na sasakyan.

Nang inusisa ng mga grupo sa karapatang-tao ang mga plate number, napag-alaman nilang nakarehistro sa ibang sasakyan ang mga ito.

“Napaka-organisado ng lahat,” ayon naman kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Mula sa mga “look out,” dami ng mga sasakyan, pagkokomboy at iba pa. “Marami itong pagkakapareho sa ibang kaso ng pagdukot at pagdesaparesido ng mga aktibista,” aniya.

Pakiusap ng pamilya na ipalaganap ang mga bidyo at larawan at nanawagan sa sinumang may dagdag na impormasyon kaugnay sa dumukot sa dalawa.

Dismayado sila, laluna ang mga anak ni Salaveria, sa bagal ng usad ng paghahanap sa nawawalang mga ama. Animo’y walang kakagyatan na maghanap ang mga pulis, anila, kahit pa kitang-kita sa CCTV footage ang krimen na ginawa kay Salaveria.

Sina Salaveria at Jazmines ay parehong aktibista na may mahabang rekord ng pagsisilbi sa sambayanan. Isa si Salaveria sa mga tagapagtatag ng Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo and Kabataan para sa Tribung Pilipino at Cycling Advocates (CYCAD). Si Jazmines naman ay myembro ng League of Filipino Students noong kabataan niya. Nagsilbi rin siyang information officer ng Kilusang Mayo Uno.

Sa tala ng Ang Bayan, umaabot na sa 153 ang dinukot sa ilalim ng rehimeng Marcos. Hindi bababa sa 43 sa kanila ay hindi pa nahahanap hanggang sa ngayon.

AB: CCTV footage at mga larawan sa pagdukot ng 2 aktibista, isinapubliko