Balita

Imbestigasyon sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte, aprubado na sa International Criminal Court!

Inaprubahan na kahapon, Setyembre 15, ng mga huwes ng International Criminal Court ang hiling ng tagausig nito para sa pormal at buong imbestigasyon sa mga krimen ni Rodrigo Duterte laban sa sangkatauhan. Sasaklawin ng imbestigasyon ang mga ekstra-hudisyal na pamamaslang na iniutos ni Duterte sa ngalan ng “pagsugpo sa iligal na droga” mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 2019. Ang mga pagpaslang mula 2011 hanggang 2016 ay nakasentro sa Davao City, kung saan nagsisilbi siya noon bilang meyor at ang Mayo 2016-Marso 2019 ay bilang pangulo ng Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng mga huwes ng ICC, hindi nila nakikita bilang “lehitimong operasyon” ang “gera” ni Duterte laban sa iligal na droga, at ang mga pagpaslang na isinagawa sa ngalan nito bilang “lehitimo o kalabisan lamang ng mga lehitimong operasyon.” Malakas ang ebidensya, anila, na naganap ang malawakan at sistematikong pag-atake sa sibilyang populasyon alinsunod sa patakaran ng estado.

Sa inihapag na rekwes ng noo’y punong tagausig ng ICC na si Fatou Bensouda, tinayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang mga pinatay ng “gera kontra-droga” ng estado mula Hulyo 2016 hanggang 2019, kung kailan pormal na pinaatras ni Duterte ang Pilipinas sa ICC. Hawak din ng korte ang impormasyon tungkol sa 385 kaso ng ektra-hudisyal na pamamaslang sa Davao City mula 2011 hanggang 2015. Bahagi ang mga kasong ito sa naisadokumeto ng Coalition Against Summary Execution, isang grupong nakabase sa Davao City, na 1,424 kaso ng pagpatay ng tinaguriang “Davao Death Squad” mula 1998 hanggang Disyembre 2015.

United Nations, hinimok na magsagawa ng independyenteng imbestigasyon

Bago nito, muling nanawagan ang Investigate PH, isang internasyunal na grupong binubuo ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na kagyat na maglunsad ng independyenteng imbestigasyon sa sitwasyon ng karapatang-tao sa Pilipinas. Batay ito sa inilabas na pangatlo at huling ulat ng grupo noong Setyembre 13.

Inimbestigahan ng grupo ang mga paglabag ng estado at ni Rodrigo Duterte sa mga karapatan sa ekonomya, lipunan at kultura, ang karapatan sa kabuhayan at kaunlaran, pagpapasya-sa-sarili at kapayapaan.

Tinutukan nito ang sumusunod:

• mga karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, migrante at kababaihan na nilabag ni Duterte

• paggamit ng estado sa militar bilang tugon sa krisis sa kalusugan na dulot ng pandemyang Covid-19

• karapatan ng mga bata sa edukasyon at ng mamamayan sa relihiyon

• mga bagong instrumento ng estado para sa panggigipit, at

• pangangayupapa ng estado sa mga interest ng US na lumalabag sa karapatan ng mamamayan sa pagpapasya-sa-sarili at iba pa.

Ayon sa ulat, palala nang palala ang sitwasyon ng karapatang-tao sa Pilipinas. Kabilang sa malalaking kaso sa ulat nito ang koordinadong pagpaslang ng mga pulis at sundalo sa 9 na aktibista sa Southern Tagalog noong Marso 7, 2021 at ang masaker sa mga komunidad ng Tumandok noong Disyembre 30, 2020. Binanggit din ng ulat na tumaas nang 50% hanggang 70% kada buwan ang mga pagpatay sa ngalan ng “gera kontra-droga” sa ilalim ng pandemya, kumpara sa nakaraang taon.

Binatikos ng grupo ang Anti-Terrorism Act ng 2020, Joint Industrial Peace Concerns Office at National Task Force to end Local Communist Armed Conflict bilang mga instrumento ng panggigipit sa mamamayan. Ang mga ito ang ginagamit ng estado para sa laganap na Red-tagging at ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga aktibista at ordinaryong sibilyan.

Inilabas ng Investigate PH ang una at pangalawang ulat nito noong Marso at Hulyo 2020. Isusumite ang mga ito, kasama ang pangatlong ulat, sa ika-48 regular na sesyon ng UNHRC at sa International Criminal Court.

Samantala, muling inilagay ng Global Witness, isang non-government organization na nakabase sa United Kingdom, ang Pilipinas sa listahan ng pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol sa kalikasan. Sa taunang ulat nito para sa 2020 na The Last Line of Defense, inilagay nito sa pangatlong pwesto ang bansa bilang pinakapeligroso dulot ng pagpaslang sa 29 na mga aktibistang pangkalikasan. Pinakamarami ang pinaslang sa Colombia (65) at Mexico (30). Ayon sa Kalikasan PNE, umabot na sa 166 mga aktibistang nagtatanggol sa lupa at kalikasan ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.

AB: Imbestigasyon sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte, aprubado na sa International Criminal Court!