Balita

Internasyunal na suporta, hiningi para sa mga tinutugis sa Pilipinas

,

Nanawagan ngayong araw ang International League of Peoples Struggles (ILPS), sa lahat ng kasapian at kasaping organisasyon nito sa buong mundo na suportahan ang mga madre, misyunero sa kanayunan, abugado, at iba pang personahe na kasalukuyang tinutugis sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL) ng Pilipinas.

Ang panawagan ay kaugnay sa pagsasakdal sa 16 na indibidwal, kabilang ang apat na madre ng Rural Missionaries of the Philippines, sa kasong “pagpopondo sa terorismo.” Isinampa ng Department of Justice (DoJ) ang naturang kaso laban sa kanila.

Inaakusahan ang mga madre at iba pa na lumabag sa seksyon 8 ng Republic Act 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.) Ang lahat ng mga akusasyon sa kanila ay batay lamang sa gawa-gawang salaysay ng dalawang nagpakilalang “dating myembro ng PKP.” Walang inilabas na dokumento ang DoJ kaugnay sa kanilang akusasyon.

Ang panawagan ng ILPS ay inihayag ni Len Cooper, kasalukuyang tagapangulo ng grupo. Hinikayat niya ang lahat na magprotesta laban sa gubyerno ng Pilipinas, at kundenahin ang pinakabagong serye ng pag-atake sa karapatang-tao ng mamamayang Pilipino, laluna ng mga taga-Mindanao at mga taong tumutulong sa kanila.

Isinalaysay ni Cooper kung paanong ang mga isinakdal ay matagal nang umaagapay sa mga katutubo at kanilang komunidad sa pagtataguyod ng kanilang konstitusyunal na mga karapatan.

“Ang walang-batayang kaso ng ‘pagpopondo sa terorismo’ ay bahagi lamang ng napakaraming tangka na pahinain ang gawain ng pagsusulong sa karapatan ng mamamayan sa Northern Mindanao,” ayon kay Cooper.

Sa pahayag ngayong araw, binatikos ng RMP ang kasong isinampa laban sa mga kasapi nito.

“Bakit pursigido ang gubyerno–laluna sa ilalim ni Duterte hanggang kay Marcos–sa paggamit ng lahat ng rekursong meron ito para lang ipasara nang tuluyan ang RMP?” Nangangamba ang grupo para sa kaligtasan ng mga myembrong sinampahan ng kaso.

“Ginagamit ng gubyernong Marcos II ang parehong mga taktika ng sinundan nitong si Duterte sa paninira sa ligal na demokratikong mga organisasyon… na nagbiigay ng kinakailangang serbisyo sa mamamayan,” ayon sa RMP.

Binigyang diin ng grupo na ang lahat ng mga proyekto nito ay “mahusay na nakadokumento, nakaulat at naka-akawnt. Sumusunod ito sa lahat ng rekisito sa pagkuha ng pondo para sa mga proyekto, kabilang ang mga awdit.”

Ayon pa grupo, ang gawaing misyonero ng RMP ay seryosong nagagambala dahil sa walang-patid na mga pag-atake ng estado.

Ang RMP ay binuo noong Agosto 1969 ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), isang organisasyon ng mga pinuno ng mga kongregasyon. Nagsisilbi itong katuwang ng AMRSP sa pagbibigay ng serbisyo sa mahihirap na komunidad sa Pilipinas sa nakaraang mahigit 50 taon.

AB: Internasyunal na suporta, hiningi para sa mga tinutugis sa Pilipinas