Ka Joma: Buhay pa ako!
Pinasinungalinan ni Prof. Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ngayong araw ang ipinakakalat na balitang pumanaw na siya. Ipinalagap ng mga ahente ng NTF-Elcac at mga troll nito ang balita sa nakaraang tatlong araw.
“Buhay pa ako. Mga sinungaling ang mga nagpapakalat ng tsismis na ako ay patay na,” saad ni Ka Joma sa isang pahayag. Sinabi niyang wala siyang malubhang sakit, pero nakararanas ng ilang pamamaga sa paa dahil sa rheumatoid arthritis noong nakaraang araw at kahapon.
Bago nito, sinagot niya ang ilang pag-aalala sa kanyang post sa Facebook na aniya’y isinuspinde sa nakaraang mga araw. “Tulad ng sinabi ng manunulat na si Mark Twain, labis na eksaherado ang bali-balita ng aking pagkamatay,” biro niya.
Ibinalita niya na nakatakda siyang magbigay ng dalawang magkahiwalay na pag-aaral online tungkol sa pasismo at eleksyong 2022 sa Pilipinas sa susunod na mga araw.
Para sa upisyal sa impormasyon ng PKP na si Marco Valbuena, ang pakanang ito ng NTF-Elcac ay isang desperadong tangka para magkalat ng kahibangan pero nagtagumpay lamang na pagmukhaing tanga ang kanilang mga sarili.
“Matagal nang hangarin ng mga pasistang panatiko ang kamatayan ni Ka Joma dahil sa kanyang matikas na komunistang pananaw at pagsusulong ng pambansa at demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino,” dagdag pa ni Valbuena.
Ngayon ang ika-83 taong kaarawan ni Ka Joma. “Ilampung libong mga komunista at rebolusyonaryong mandirigma, patriyotiko at demokratiko sa Pilipinas ang naghahangad ng magandang kalusugan at marami pang taon ng intelektwal at pratikal na pagbibigay-serbisyo sa mamamayang Pilipino at internasyunal na proletaryo at lahat ng api at pinagsasamantalahang mga uri,” pagtatapos ni Valbuena.