Mangangalakal, binaril ng tanod Maynila dahil lumabag umano sa ECQ

Binaril at napatay ng barangay tanod na si Cesar Panlaqui ang mangangalakal ng basura na si Eduardo Geñoga noong gabi ng Sabado sa Barangay 156 sa Tondo, Manila. Si Geñoga ay maysakit sa pag-iisip.

Bago ang pamamaril, nagtalo ang dalawa nang na sitahin ng tanod ang biktima dahil umano sa mga paglabag sa mga alituntunin sa ng enhanced community quarantine. Unang binaril ng tanod ang biktima ngunit nag-jam ang kanyang baril. Tinangkang tumakas ng biktima ngunit muli siyang pinaputukan ng tanod na kanyang agarang ikinamatay. Hindi lisensyado ang baril na ginamit ng tanod sa pagpaslang.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, kilala ng tanod ang biktima at alam niyang may sakit ito sa pag-iisip. Anila, kadalasang inaabot ng gabi si Geñoga sa labas dahil ito ang oras ng kanyang pangangalakal.

Maihahalintulad ang kasong ito sa pagpaslang ng pulis sa beterano na si Winston Ragos noong Abril 21, 2020 sa Quezon City. Gaya ni Geñoga, mayroon ding sakit sa pag-iisip si Ragos. Matatandaang iniutos ni Duterte noong Abril, 2020 sa mga pulis na barilin ang sinumang lalabag sa mga alituntunin sa lockdown.

AB: Mangangalakal, binaril ng tanod Maynila dahil lumabag umano sa ECQ