Balita

Marcos, tinawag na "makapal ang mukha" at "matapobre" sa ginawang paninisi sa taumbayan sa matinding pagbaha

,

“Kami na nga ang naperwisyo, kami pa ang may kasalanan?” Ito ang bwelta ng grupong Kadamay sa paninisi ni Ferdinand Marcos Jr sa taumbayan bilang sanhi ng baha. Sa pag-iikot ni Marcos noong Hulyo 25, sinabi niyang ang pagbaha sa Metro Manila ay dahil sa climate change at “kawalan ng disiplina” ng mga tao sa pagtatapon ng basura.

“Hindi kasalanan ng mamamayan ang pagbaha at kalamidad,” ayon sa grupo. “Kasalanan ito ng estadong nagpapakabulag sa pera dahil hayok ito na kumita sa pamamagitan ng pagpapatag ng mga bundok, pagpapayag sa reklamasyon, at iba pa.”

“Makapal ang mukha” ang tawag ng grupo kay Marcos, na isinisi pa sa mga “sachet” na binibili ng maralita. “Yun lan din naman ang kayang bilhin ng kapiranggot na sahod na pinagmalaki niya,” anila.

“Bago siya manisi ng Pilipino, siguraduhin niya muna na totohanan niyang pinapalawak ang pambansang industriya, pinauunlad ang ating agrikultura, at itinataguyod ang climate justice,” ayon sa Kadamay. “Bago siya manisi, siguraduhin niya muna na nagagawa niyang mabuti ang trabaho niya bilang pangulo.”

“Matapobre pa rin,” ayon kay Kabataan Rep. Raoul Manuel. “Di ganito kasimple ang dahilan ng malalang baha sa NCR, kaya di dapat sinisisi ang mga ordinaryong kababayan na mismong biktima ng mga baha.”

Aniya, pakitang-tao lang ang pagsimpatya ni Marcos sa kunwa’y pagbisita niya sa mga nabahaan. “Kung sigurado siya sa tingin niyang sanhi ng baha, sinabi rin ba niya sa mukha mismo ng mga nasalanta na kasalanan nila ang baha dahil sa kanilang basura?”

“Siya dapat ang magpaliwanag sa anong kinahinatnan ng 244.57 bilyong piso para sa flood control projects. Habang nagtutulungan ang kabataan at mga kababayan natin sa gitna ng sakuna, di natin kailangan ng paninisi mula sa nakaupong pangulo,” ayon kay Manuel.

Ganito rin ang pahayag ng Center for Enviromental Concerns. “Ang tunay na lider kumikilala sa mga problema at kahinaan,” anito. “Problema ang climate change pero ang kawalan ng paghahanda at aksyon ng mga gubyerno ang sanhi ng mga sakuna. Ang maayos na sistema ng basura at edukasyon para sa wastong pagtatapon nito ay responsibilidad ng mga ahensya ng gubyerno.”

AB: Marcos, tinawag na "makapal ang mukha" at "matapobre" sa ginawang paninisi sa taumbayan sa matinding pagbaha