Taktikang Nazi: Mga dokumento ng NDFP, ipinatanggal ng AFP sa Kalinga State U library
Kinundena ng mga grupong sumusuporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NFP) at Government of the Republic of the Philippines ang pagpapatanggal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga ahente ng rehimeng Duterte sa mga dokumento ng NDFP sa library o aklatan ng Kalinga State University (KSU) noong Setyembre 2.
Kabilang sa mga ipinatanggal ang kopya ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sampung iba pang dokumento na tumatalakay sa usapang pangkapayapaan at programa ng NDFP.
Ibinigay ng unibersidad ang mga kopya ng libro sa AFP at PNP para umano pigilan at pangalagaan ang mga mag-aaral sa “panghihimasok ng mga komunista” sa pamantasan. Tahasang paglabag ito sa kalayaang akademiko ng pampublikong paaralan.
Sa isang pahayag, ikinumpara ito ng grupong Karapatan sa taktikang Nazi kung saan ipinasamsam ang mga libro at ipinasunog ang mga ito. Dagdag pa ng Karapatan, ginamit na panulsol sa aksyong ito ng KSU ang pagtatalaga sa NDFP bilang isang ‘teroristang’ organisasyon sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Bahagi ang hakbang na ito sa hakbang-hakbang na panghihimasok ng militar sa mga kampus at pagsikil sa akademikong kalayaan ng mga mag-aaral at maging ng mga guro.
Hinamon ng Pilgrims for Peace, ACT for Peace at Student Christian Movement of the Philippines ang Board of Regents ng KSU na pag-aralang muli ang kanilang desisyon. Ayon sa kanila, dapat pag-aralan ng BOR ng KSU ang nilalaman ng mga dokumento para malaman nila kung ano ang esensya at bakit mahalaga itong pag-aralan ng kanilang mga estudyante.