Tuso at walang batayan ang pagbaba ng taripa sa iniimport na bigas

Tuso at walang batayan ang Executive Order 135 na inilabas ng rehimeng Duterte noong Mayo 17. Nakasaad sa naturang kautusan ang pagbaba ng taripa sa inaangkat na bigas mula 40%-50% tungong 35% sa loob ng isang taon. Anito, ang pagbababa ay para “tiyakin ang suplay” sa bansa at “palawakin ang pagkukunan” sa labas ng mga bansang Asean. Kailangan diumano ito sa gitna ng “napipintong kakulangan” ng suplay at pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.
Pinabulaanan ang pahayag na ito ng mga grupo ng magsasaka. Anang mga grupo, sa ngayon ay hindi kulang ang suplay ng bigas sa Pilipinas. Noong Marso, mayroon nang 2.08 milyong metriko tonelada bigas sa loob ng bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority, mas mababa lamang ito ng 4.5% kumpara noong unang kwarto ng nakaraang taon. Sa gayon, hindi kailangang dagdagan ang iniimport na bigas. Katunayan, mas mababa nang 3% ang inimport ng bansa (601,428 metriko tonelada) mula Enero hanggang Marso ngayong taon kumpara sa iniimport nito sa parehong panahon noong 2020. Tumaas din nang 9% ang bolyum ng ani ng palay sa parehong panahon.
Baligtad sa sinasabi ng rehimen, isa ang bigas sa relatibong istable ang presyo sa pandaigdigang pamilihan. Ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations, ang istabilidad ng presyo at suplay ng bigas ang isa sa mga pumipigil ngayon sa mas malawak pang pandaigdigang gutom. Mababa rin diumano ang tsansang sisirit ang mga presyo nito dahil hindi kulang ang suplay sa daigdig. Nagtataasan ang mga ani ng mga nag-aangkat na bansa sa nakaraaang mga taon, partikular sa India. Kung bababa man ang produksyon ng ilang bansa tulad ng Thailand at Vietnam, hindi tataas ang presyo dahil ibababa ito ng sapat na suplay mula sa India. Sa ngayon, punung-puno ang mga bodega ng China ng sarili nitong bigas kaya “sorpresa” na lamang kung may biglaang taas ng demand para rito. Anu’t anupaman, sa taya ng mga magsasaka ng palay sa Asia, tataas pa ang ani ngayong taon sa mga bansang Asean dahil sa penomenang La Nina na magdadala ng mas maraming ulan.
Kung usapin naman ng pagbili ng bigas labas sa mga bansang Asean, matagal nang nag-aangkat ng bigas ang Pilipinas sa Pakistan at India, at nitong huli pati sa China. Hindi kailangang baguhin ang taripa para rito.
Ayon sa mga magsasaka, kalokohan ang sinasabi ng rehimen na hindi maapektuhan ang presyo ng lokal na palay dahil hindi naman diumano mag-aangkat sa panahon ng anihan. Ipinangako na ito ng rehimen noong 2020, pero hindi nito napigilan ang pagbagsak pa rin ng mga presyo dahil kayang-kaya ng mga negosyante ng bigas na hintayin ang imported na suplay.
Masahol pa, hindi nagawa ng rehimen na pigilan ang pagbaha ng imported na bigas sa panahon mismo ng anihan. Sa panahon ng anihan noong Setyembre hanggang Nobyembre 2020, bumaha ang 232,000 metriko toneladang imported na bigas sa bansa. Nagresulta ito sa pagbagsak ng presyo ng lokal na palay tungong P16/kilo, P3 na mas mababa sa presyong inaalok ng National Food Authority na P19/kilo. Sa panahong ito, hindi signipikanteng bumaba ang presyo ng bigas sa merkado taliwas sa pangakong bababa ito oras na “mapunan” ang pinalaking kakulangan sa suplay.