Pahayag

Mga mangingisda sa Manila Bay, magkaisa at humingi ng pananagutan sa pagtagas ng langis

,

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa libu-libong mangingisda sa palibot ng Manila Bay sa paghingi ng agaran at mapagpasyang tugon ng rehimeng Marcos sa pagtagas ng langis kasunod ng paglubog ng oil tanker na MT Terra Nova noong Hulyo 25 sa baybayin ng Limay, Bataan. Hindi katanggap-tanggap ang mabagal na pagtugon ng gubyerno dahil banta ito sa kabuhayan ng mahihirap na komunidad.

Nananawagan ang Partido sa lahat ng mangingisda sa baybayin ng Metro Manila, Cavite, Bulacan, Pampanga at Bataan na magkaisa at humingi ng pananagutan sa oil spill. Dapat nilang panagutin at igiit ang makatarungang pagparusa sa may-ari ng oil tanker at sa mga upisyal ng Philippine Coast Guard para sa paglalayag ng oil tanker sa gitna ng labis na maalong karagatan.

Dapat din silang humingi ng makatarungang kabayaran mula sa Petron Corporation (ang kontratista ng kargamentong langis) para sa pinsalang dulot ng tumagas na langis sa kanilang kabuhayan. Ang Petron Corporation ay may mahabang kasaysayan ng kapabayaan. Bukod sa insidenteng ito, nasangkot ito sa hindi bababa sa tatlong iba pang oil spill, kabilang ang paglubog ng MT Solar 1 noong 2006 (2.1 milyong litro ng bunker fuel), MT Makisig noong 2013 (500,000 litro ng diesel na tumapon sa tubig ng Cavite), at MT Princess Empress noong 2023 (900,000 pang-industriyang langis na tumagas sa baybayin ng Naujan, Oriental Mindoro).

Kasabay nito, dapat nilang iugnay ang mga kagyat na mga panawagang ito sa kanilang kahilingang itigil ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na nagtataboy sa kanila ng kanilang mga lugar ng pangingisda. Ang mga proyektong ito ay nag-ambag din sa lumalalang pagbaha sa loob at paligid ng Metro Manila.

Mga mangingisda sa Manila Bay, magkaisa at humingi ng pananagutan sa pagtagas ng langis