Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Relasyon ng Partido sa BHB at sa Nagkakaisang Prente







Agosto 1992


Direktiba
Para sa: Lahat ng Yunit at Kasapi ng Partido
Mula sa: KT/KS
Paksa: Relasyon ng Partido sa BHB at sa Nagkakaisang Prente
Petsa: Agosto 1992 Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang abanteng destakamento ng proletaryado, na siyang namumunong uri sa rebolusyong Pilipino. Ang talibang papel ng proletaryado ay walang pasubaling kinakailangan para maisagawa ang rebolusyong Pilipino sa dalawang magkaiba pero magkadugtong na mga yugto: bagong demokratiko at sosyalista. Dahil sa 2-yugtong linya ng pagsulong ng rebolusyong Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado, malinaw na kahanay ito sa kategorya ng rebolusyong Sobyet, Tsino, Koreano, Byetnames, Kubano at mga katulad na rebolusyon at hindi sa kategorya ng mga rebolusyong ang layunin ay simpleng dekolonyalisasyon sa pamamagitan ng isang kompromisong neokolonyal o di kaya'y demokratisasyong walang tunay na liderato ng proletaryado at kung gayon ay nauuwi lamang sa balangkas ng paghaharing burges. Kung hindi ang proletaryado at rebolusyonaryong partido nito ang mamumuno, lahat ng pagtatangka sa rebolusyong panlipunan sa isang bayang tulad ng Pilipinas ay mabibigong umalpas sa gapos ng paghahari ng magkasanib na makauring diktadura ng malaking burgesya at panginoong maylupa, kahit pa ang ilang elementong petiburgis na hindi nakakapagpanibagong-hubog sa sarili ay mag-aastang tagapagtanggol ng demokrasya at repormang panlipunan at magmukhang hiwalay sa mga naghaharing uri sa mabagsik na paglaban sa talibang papel ng proletaryado at rebolusyonaryong partido nito. Ang sambayanang Pilipino ay may tatlong kasangkapan sa pagsusulong ng 2-yugtong rebolusyong Pilipino: una, ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang abanteng destakamento ng namumunong uring proletaryo; ikalawa, ang Bagong Hukbong Bayan; at ikatlo, ang nagkakaisang prente, may pormal na organisasyon man o wala. Ano ang relasyon sa isa't isa ng mga kasangkapang ito ng mamamayan? Bilang kinatawan ng namumunong uri, hinahawakan ng Partido ang armadong pakikibaka at nagkakaisang prente bilang dalawang sandata sa demokratikong rebolusyong bayan. Ang mga kadre at kasapi ng Partido, una sa lahat, ay mga kasapi ng Partido kapag tumutupad sila ng mga gawain sa larangan ng armadong pakikibaka o nagkakaisang prente. Tungkulin nilang itaguyod at tupdin ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan na itinakda ng Partido at sundin ang disiplina ng Partido. Ang rebolusyonaryong makauring liderato ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido ay kailangang paulitulit na idiin dahil may mga elementong nais umiwas sa kanilang mga obligasyon at responsabilidad bilang kadre at kasapi ng Partido sa pamamagitan ng paggigiit ng "kasarinlan" at "pagiging hiwalay" ng Pambansang Demokratikong Prente (NDF). Kailangan din itong linawin sa mga kadre at kasapi ng Partido na nasa Bagong Hukbong Bayan sa harap ng paglitaw ng ilang konsepto ng hiwalay na makinarya at wala sa panahong bertikalisasyon ng istruktura at daloy ng kumand ng hukbong bayan, kaalinsabay ng tendensyang pahinain ang pamumuno ng mga katapat na komite o organo ng Partido. Sa labas ng Partido, nariyan ang mga imperyalista, rebisyonisya, at mga antikomunistang elementong petiburgis na patuloy na nagsisikap na pahinain ang paniniwala ng mga kadre at kasapi ng Partido sa talibang papel ng proletaryado, demokratikong sentralismo at sosyalistang kinabukasan ng rebolusyong Pilipino.

Ang Relasyon ng Partido at BHB

Absoluto ang pamumuno ng Partido sa BHB. Kung hindi malinaw at mahigpit na hawak ang prinsipyong ito, ang kumand ng BHB sa bawat antas ay maaaring mahulog sa bitag ng pananaw na lantay militar. Ang rebolusyonaryong pulitika ng proletarydo, na kinakatawan ng Partido, ang siyang dapat nasa kumand ng BHB. Ang Partido ang may tangan ng baril na pinagmumulan ng kapangyarihang pampulitika sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Maling sabihing hiwalay at independyente ang BHB na para bagang pwedeng bitawan ang pamumuno ng Partido. Ang Partido at ang BHB ay may magkaibang organisasyon at mga tungkulin pero sila ay di-mapaghihiwalay at nagsasaligan, kung saan ang Partido ang gumagampan ng prinsipal na papel, at ang BHB, ng segundaryong papel. Ang buong Partido ang nasa unahan ng buong BHB. Sa bawat antas, mula sa pambansa pababa, ang komite ng Partido ang nagbibigay ng pampulitikang pamumuno sa kumand ng BHB. Ang Komite Sentral ay namumuno nang tuwiran at sa pamamagitan ng Komisyong Militar nito sa Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB (NOC); ang komisyon sa teritoryo ng Partido sa Interrehiyunal na Kumand sa Operasyon; ang komite ng Partido sa rehiyon sa panrehiyong kumand sa operasyon; ang komite ng Partido sa larangan sa kumand sa larangan; hanggang sa pinakamababang antas. Bilang kalakaran sa anumang antas, dapat pag-ibahin at pagbukurin ang namumunong komite ng Partido at ang kumand ng BHB sa dalawang kadahilanan:
  1. Ang namumunong komite ng Partido ay ang kumprehensibong organo sa lahat ng usapin sa loob at labas ng BHB; at,
  2. Amg namumunong komite ng Partido ay hindi dapat malimitahan sa makitid na mga usaping militar.
Habang nasa unahan ng BHB, ang Partido ang siya ring nasa gulugod ng BHB. Sa bawat antas ng kumand, mula kumpanya pataas, mayroong komite ng Partido. Sa antas ng NOC/BHB, mayroong Kagawaran sa Pulitika para ipatupad at ipalaganap ang gawaing pang-ideolohiya at pampulitika sa loob ng BHB at sa mga lokalidad at tiyakin na may pagbubuo ng Partido sa batayang antas pataas sa BHB at sa mga lokalidad. Sa bawat antas ng kumand at sa bawat yunit ng BHB, mayroong dalawahang pamunuan. Ang kumander ang siyang namamahala sa kumand at pangangasiwang militar. Ang upisyal o komisar pampulitika ang namamahala sa gawain sa ideolohiya at pulitika. Ang kumander militar at upisyal o komisar pampulitika ay dapat magkonsultahan at magkasamang kumilos para makumbina ang pagkakamit ng mga layuning pampulitika at pangmilitar. Sa sitwasyon ng kagipitang militar kung saan di uubra ang konsultahan ng kumander at upisyal pampulitika o ang pulong ng buong yunit ng BHB, inaako ng kumander ang buong pananagutan. Ang Partido sa loob ng BHB, mula sa antas sangay hanggang sa mga komite ng Partido sa mas mataas na antas ay dapat umasikaso sa gawaing pampulitika sa hanay ng mga Pulang mandirigma at dapat tumiyak na ang mga yunit ng BHB ay nagpapatupad ng gawaing pampulitika sa hanay ng mamamayan sa mga lokalidad. Sa mga lokalidad kung saan ang mga yunit ng BHB ay nagsisimula pa lamang sa gawaing masa, ang Partido sa loob ng BHB ay mas superyor sa Partido sa mga nasabing lokalidad sa malinaw na dahilang ang una ay may naunang kaalaman at karanasan at mas mahusay na ugnay sa mga nakatataas na antas ng Partido. Ang sitwasyon ng Partido sa mga lokalidad ay maaaring magpabagu-bago dahil sa mga kampanya ng kaaway. Sa tamang panahon, habang ang Partido sa mga lokalidad ay sumusulong sa kaalaman at karanasan, ang mga ito ay nagiging matatag na pwersa at nagpapaunlad ng kanilang tuwirang relasyon sa mas mataas na antas ng Partido na itinatakda ayon sa nakakasaklaw na teritoryo. Sa katunayan, ang mga yunit ng BHB ay makakakilos ng pinakamabisa sa anumang lokalidad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Partido sa BHB at Partido sa mga lokalidad, bukod pa sa mahigpit na relasyon ng mga yunit ng BHB sa mamamayan at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang Relasyon ng Partido at Nagkakaisang Prente

Para maipatupad ng Partido ang patakaran sa nagkakaisang prente at mahawakan ang nagkakaisang prente bilang sandata nito, maaaring itayo o hindi itayo ang anumang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente. Ang importante ay ipinapatupad ng Partido ang rebolusyonaryong linyang makauri na binubuo ng sumusunod: pamumuno ng uring manggagawa, saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka, alyansa ng mga saligang pwersa ng masang anakpawis at ng petiburgesya sa lunsod, alyansa ng mga positibong pwersa na binubuo ng saligang pwersa at ng pambansang burgesya, alyansa sa mga seksyon ng reaksyunaryong mga uri at paghihiwalay at pagwasak sa kaaway. Kaugnay ng saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka, naging sapat nang pamunuan at ikoordina ng Partido ang mga organisasyon ng uring manggagawa at magsasaka. Gayunman, ang saligang alyansang ito ang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Kahit walang anumang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente, nagawa ng Partido at BHB na makipagugnayan sa mga indibidwal at organisasyong kabilang sa petiburgesyang lunsod at sa mga naliliwanagang seksyon ng mga reaksyunaryong uri mula pa ng mag-umpisa ang armadong pakikibaka noong 1969. Nagkaroon ng mga ligal na alyansang multisektoral at batay-sa-isyu na nagkukumbina ng masang anakpawis at petiburgesyang lunsod at kung minsa'y kasama ang pambansang burgesya o kahit mga seksyon ng mga reaksyunaryong uri. Kumikilos sa loob ng mga alyansang ito ang mga kadre at kasapi ng Partido bagamat ang Partido ay hindi pormal na kinikilalang bahagi. Mayroong mga kalakasan at kahinaan ang mga alyansang ito na nakaugnay sa kanilang ligal na katayuan. Kalakasan nila ang ligal na pagtataguyod at pagpapalaganap ng pambansa-demokratikong linya. Pero kahinaan nila ang pagiging bulnerable sa mapanupil na kapangyarihan ng reaksyunaryong estado. Mula pa noong 1973, ang Pambansang Demokratikong Prente (NDF) ay iniisip bilang pinakakumprehensibong pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa, batay sa linya ng rebolusyong bagong demokratiko at para sa armadong pakikibaka. Ang mga prinsipyo ng nagkakaisang prente ay hinalaw, pangunahin mula sa pag-aaral ng mga karanasan at mga sulating Pilipino, Tsino, at Byetnames. Ang mga sulatin ni Mao Zedong ang pinakamayamang mapagkukunan ng mga ideya. Pero dagdag sa pag-aaral sa mga karanasang Pilipino sa pagtatayo ng mga pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente, ang NDF ay itinuring na pinakamalapit sa South Vietnam National Liberation Front bilang isang dayuhang halimbawa. Sa pagsisikap na itayo kamakailan ang NDF bilang isang "pederasyon" o "kumpederasyon", nalabag ang ilang prinsipyo ng nagkakaisang prente sa sumusunod na mga paraan:
  1. Ang pamumuno ng uring manggagawa, ang linya ngbagong demokratikong rebolusyon at ang sosyalistang perspektiba ay nililikida. Ang itinakdang ultimong layunin ng rebolusyon ay ang pagtatayo ng isang "pambansa-demokratikong lipunan" kapag naagaw na ang kapangyarihang pampulitika. Kaya ang programa ay ang pagbuhay muli sa lumang demokratikong rebolusyon. Ang uring manggagawa ay nauuwi sa pagpapakahirap para sa burgesya.
  2. Ang Partido ay nauuwi sa katayuan ng isang"myembrong organisasyon" na nakapailalim sa botohan at maaaring daigin sa boto dahil sa pangingibabaw ng mga myembrong organisasyong di proletaryo, karamiha'y petiburgis kahit pa may mga grupo ng Partido sa loob. Sinasalungat ang mga prinsipyo ng pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido at ang kasarinlan at inisyatiba ng Partido.
  3. Sa ngalan ng pagpapalaya diumano ng NDF mula sa"sentralismo" ng Partido at pagtatayo ng NDF na hiwalay at indipendyente sa Partido, may ilang elementong nais ipailalim sa NDF ang proletaryado at Partido nito at ituring ang NDF bilang sentro ng rebolusyong Pilipino. Kabilang sa mga elementong ito ang ilang kasapi ng Partido at di-kasapi ng Partido na kasapi ng mga "myembrong organisasyon" ng NDF, gayundin ang mga indibidwal na hindi naman kasapi ng anumang "myembrong organisasyon" ng NDF pero itinuturing na mga tuwirang kasaping indibidwal ng NDF.
Kung itatayo ng Partido ang NDF bilang isang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente, ang Programa at Saligang Batas nito ay dapat umalinsunod sa sumusunod:
  1. Dapat muling pagtibayin ang pamumuno ng uringmangagawa at dalawang-yugtong linya ng pagsulong ng rebolusyong Pilipino.
  2. Ang konsepto ng "pederasyon" o "kumpederasyon"ay dapat iwaksi. Ang mga organisasyong nagtitipon sa NDF ay mga organisasyong magkakaalyado o nagtutulungan at hindi "myembrong organisasyon". Dapat tamasahin nila ang kasarinlan at inisyatiba. Ang kanilang mga kinatawan ay maaring mag-usap-usap, magkonsultahan at magkasundo sa ilalim ng tuntunin sa konsensus at pagkakaisa.
  3. Hindi dapat magkaroon ng mga tuwirang kasapingindibidwal ang NDF na hindi nakapaloob sa alinmang kaalyado o nakikipagtulungang organisasyon ng NDF. Dapat palakasin ang mga organisasyong magkakaalyado o nagtutulungan. Ang tanging kaso ng mga indibidwal na maaaring imbitahan sa NDF ay iyong kumakatawan sa ilang makabuluhang tunguhin, sektor, at seksyon ng mga organisasyong nasa labas ng NDF at iniimbitahang maging myembro ng mga namumunong konseho sa iba't ibang antas.
  4. Dapat alisin sa burador ng Programa at Saligang Batasng NDF ang anumang maaaring mapagbatayan ng ilang elemento upang igiit na hindi ang Partido kundi ang NDF ang sentro ng rebolusyong Pilipino. Sa gayon, maaalis ang batayan para isubo ang Partido at NDF sa pusisyong magbabanggaan o gamitin ang pangalan ng NDF laban sa Partido.

Relasyon sa Pagitan ng Partido, BHB at NDF

Ang Partido ba o ang NDF ang namumuno sa BHB? Ang Partido ang namumuno sa BHB. Kaalinsabay, wasto ring sabihin sa sumusunod na pagkakasunod na ang BHB ay ang hukbo ng Partido, ng gubyernong bayan, ng NDF at ng buong mamamayang Pilipino. Ano ang relasyon ng Partido, ng NDF at ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika? Pinamumunuan ng Partido ang nagkakaisang prente at ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang NDF ay nakikipagtulungan sa Partido sa pamamagitan ng paghawan ng landas para sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at para sa epektibong pag-andar ng mga ito sa iba't ibang aspeto ng paggugubyerno. Hindi isinusuko ng Partido ang kapangyarihang pampulitika sa anumang organisasyon sa nagkakaisang prnete. Hindi itinayo ang NDF para palitan ang pamumuno ng Partido sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa sandaling makumpleto na sa saligan ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika sa buong bansa, ang Partido ay patuloy na magpapatupad ng kanyang pamumuno sa demokratikong gubyernong koalisyon at sa demokratikong estadong bayan, kung talagang ipapatupad natin ang sosyalistang rebolusyon.


Back to top
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.