Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  


Rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa



<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>



April 20, 1977



KABANATA I
ANG PANGUNAHING NILALAMAN NG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN

Seksyon 1. Ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ay ang pagkakamit sa hangarin ng mga magsasaka na magkaroon ng lupa at ang pagpawi sa iba�t ibang anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Seksyon 2. Kung gayon, prinsipal na tungkulin ng demokratikong gubyernong bayan na kamtin ang tinurang hangarin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng komprehensibong programa sa reporma sa lupa na ang esensyal na layunin ay ipamahagi nang libre ang lupa sa mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang-magsasaka at ibunsod ang kooperasyon sa produksyon sa hanay ng masang magsasaka.

KABANATA II
ANG PROGRAMA PARA SA REPORMA SA LUPA

Seksyon 1. Minimum na layunin ng programang ito para sa reporma sa lupa ang ibaba nang husto ang upa sa lupa at pawiin ang usura; at maksimum na layunin ang kumpiskahin at isabansa ang lupain ng mga panginoong maylupa at libreng ipamahagi ang mga ito sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa. Palagiang layunin din ng programang ito na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawang bukid sa mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista.

Seksyon 2. Seksyon 2. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong bayan ipatutupad ang maksimum na layuning kumpiskahin ang lupain ng mga panginoong maylupa, isabansa ang mga ito, at ipamahagi nang libre sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa.

Seksyon 3. Habang hindi pa nagtatagumpay sa buong bayan ang demokratikong rebolusyong bayan, ang pagkumpiska ng lupain ay ipapataw lamang sa mga piling despotikong panginoong maylupa na may mabigat na krimen laban sa masang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan.

Seksyon 4. Habang hindi pa nagtatagumpay sa buong bayan ang demokratikong rebolusyong bayan, ang mga lupaing kinumpiska, gayundin ang mga lupaing pinagtrosohan at iba pa na nakatiwangwang at abandonado o di kaya�y napasakamay ng rebolusyonaryong kilusan sa iba�t ibang dahilan, ay ipabubungkal nang walang bayad sa mga magsasakang wala o kulang ng lupa.

Seksyon 5. Ang Komite ng Partido sa mga rehiyon ang may awtoridad na magpasya sa pagkumpiska ng lupain ng mga panginoong maylupa na may mabigat na kontrarebolusyonaryong krimen at sa pamamahagi ng mga lupaing nasa disposisyon ng rebolusyonaryong kilusan. Susubaybayan at rerepasuhin ng Komite Sentral ng Partido ang mga desisyon sa pagkumpiska at pamamahagi ng mga nasabing lupain. Ang Komite ng Partido sa mga rehiyon ay maaaring magbabalangkas ng kinakailangang gabay para sa pangangasiwa at paggamit sa mga lupang abandonado at nakatiwangwang.


KABANATA III
PAGBABABA SA UPA AT PAGPAWI SA USURA

Seksyon 1. Sa mga lupaing umiiral ang relasyong pyudal, ibababa ang upa sa lupa ng limampung porsyento (50%) mula sa dinatnang umiiral na upa sa lupa bilang panimulang hakbang. Pwedeng pera o produkto ang ibayad na upa sa lupa.

Seksyon 2. Patuloy pang ibaba nang hakbang-hakbang ang upa sa lupa hanggang sa sampung porsyento (10%) o mas mababa pa ng netong ani habang lumalawak at lumalakas ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, ang demokratikong gubyernong bayan, mga samahang magsasaka at ibang organisasyong masa, milisyang bayan at mga lokal na gerilya sa lugar.

Seksyon 3. Para makuha ang netong ani, babawasin sa kabuuang ani ang lahat ng ginastos ng kasama sa pagsasaka. Nasa kategorya ng gastos sa pagsasaka ang mga ginastos sa pag-aararo, pagsusuyod, pag-arkila o pagmamantini at depresasyon (o pagbaba ng halaga) ng mga hayop at kagamitang pansaka, patubig, pagpupunla, binhi, pagtatanim, paggamas, abono, pestisidyo, pag-aani, paghahakot, paggiik at pagpapakiskis. Kukwentahin ang gastos ayon sa mga istandard na presyong itinakda ng mga samahan ng magsasaka, at ayon din sa kasalukuyang mga presyo.

Seksyon 4. Ang usura ay lubusang papawiin sa apat na paraan:

a. hihimuking mag-impok ang masang magsasaka;

b. pakikilusin ang samahan ng magsasaka bilang kooperatiba para maparami ang naiimpok at iba pang kinikita;

k. Ibababa ang interes sa pautang ng limampung porsyento (50%) mula sa dinatnang interes sa pautang bilang panimulang hakbang. Patuloy na pabababain ito hanggang sa antas na mataas lamang nang kaunti sa pinaiiral sa mga bangko; at

d. buburahin ang lahat ng di makatwirang pautang, at muling kekwentahin ang mga inutang sa loob ng nakaraang limang taon, alinsunod sa interes na itinakda (mas mataas nang kaunti sa interes na pinaiiral sa mga bangko), sa kundisyong payag ang pangkalahatang pulong ng samahan ng magsasaka.

Seksyon 5. Ang anumang gastos sa pagsasaka, laluna sa binhi, na pwedeng sagutin ng panginoong maylupa ay babayaran nang walang ganansya o interes, at babawasin sa kabuuang ani. Uusisain ng samahan ng magsasaka ang bawat kasunduan sa pautang na pinasukan ng panginoong maylupa at ng kasama, at hindi hahayaan ang sinumang panginoong maylupa na obligahin ang kasama na umutang sa kanya o sa simumang kilalang usurero, laluna kung ang sinisingil na interes ay higit sa interes na ipinapahintulot ng samahang magsasaka.

Seksyon 6. Ibababa ang paarkila sa hayop at kagamitang pansaka na parehong pag-aari ng panginoong maylupa, batay sa disiyon ng samahan ng magsasaka pagkatapos ng masusing konsiderasyon. Hihikayatin ang mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka na ibaba rin ang paarkila sa kanilang mga hayop at kagamitang pansaka.

Seksyon 7. Ang sinumang panginoong maylupa, administrador o katiwala ay hindi hahayaang humingi ng anumang klase ng buwis sa pamilya ng mga kasama, sa porma man ng pagtatrabaho, pagpapaalila, pera o anumang produkto mula sa pangunahin o dagdag na hanapbuhay ng mga kasama.

Seksyon 8. Ang mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka ay hihikayatin na itaas ang sahod ng inuupahan nilang mga manggagawang bukid o ibaba ang upang ibinabayad sa kanila ng mga kasama ayon sa mga istandard na itinakda ng samahan ng magsasaka. Ang mga istandard na ito ay hindi magiging dahilan ng pagkawala ng kanilang katayuan bilang mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka.

Seksyon 9. Kapag nagkaroon ng kalamidad tulad ng baha, tagtuyot, peste, sunog, aksyon ng kaaway, o anumang tulad ng mga ito, at ang nasira�y hindi liliit sa dalawampung porsyento (20%) ng ani, ang kasama ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa sa panginoong maylupa. Kung di liliit sa limampung porsyento (50%) ang nasira sa ani, ang kasama ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa para sa kasalukuyang ani at pati sa susunod na ani. Ang bayad sa mga naging utang dahil sa pagkasira ng ani ay makatarungang didisisyunan ng samahan ng magsasaka ayon sa konkretong kalagayan. Pwedeng burahin ng samahan ng magsasaka ang mga utang hanggang sa halagang katumbas ng laki ng nasira, laluna kung ang nagpautang ay mga panginoong maylupa at iba pang pribadong nagpapautang.

Seksyon 10. Kung sa anu�t anumang rason ay binitiwan ng kasama ang karapatan niyang bungkalin ang lupa, responsibilidad ng samahan ng magsasaka na pagpasyahan kung kanino dapat mapunta ang pwesto. Ang karapatan sa pwesto ay ibibigay sa malapit na kamag-anak ng dating kasama o sa sinumang manggagawang bukid o maralitang magsasaka.

Seksyon 11. Ang simpleng paraang di ipinapaalam sa panginoong maylupa ang tunay na ani ay pwedeng gamitin para ibaba nang husto ang upa sa lupa sa mga lugar lamang na hindi pa laganap na ipinapatupad ang minimum na layunin ng programa para sa reporma sa lupa. Sa ganitong kaso, ang kalahati ng upa sa lupa na hindi ibinigay sa panginoong maylupa ay ibibigay sa demokratikong gubyernong bayan sa pamamagitan ng mga samahan ng magsasaka o ng Bagong Hukbong Bayan, at ang natitira ay mapupunta sa mga kasama.

Seksyon 12. Kapag malapit nang kumpiskahin at libreng ipamahagi ang mga ari-arian ng panginoong maylupa, sabay-sabay na ititigil ng mga kasama ang pagbibigay ng upa sa lupa sa mga panginoong maylupa. Ang kalahati ng upa sa lupa na hindi ibinigay sa panginoong maylupa ay awtomatikong ibibigay sa demokratikong gubyernong bayan sa pamamagitan ng mga samahan ng magsasaka o Bagong Hukbong Bayan, at ang natitira ay mapupunta sa mga kasama. Ang ganitong hatian ay mananatili hanggang maipatupad sa baryo ang libreng pamamahagi ng lupa.

Seksyon 13. Magdadaos ng mga pulong masa tungkol sa reporma sa lupa ang samahan ng magsasaka at mga komite nito, at patuloy nilang pag-aaralan at tatalakayin at sa bandang huli�y pagkakasunduan kung paano ipapamahagi ang mga lupang kukumpiskahin sa mga panginoong maylupa. Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, mapapadali ang kasalukuyan at panghinaharap na gawain ng komite para sa reporma sa lupa.

Seksyon 14. Parurusahan ayon sa bigat ng krimen ang sinumang panginoong maylupa na gumagamit ng dahas o anupamang kontra-rebolusyonaryong aksyon para kontrahin at isabotahe ang kampanyang ibaba ang upa sa lupa at pawiin ang usura; gayundin, kukumpiskahin ang kanyang lupa at buburahin ang kanyang mga pautang nang walang anumang ibabayad pa sa kanya. Gayunman, ang ibang myembro ng kanyang pamilya ay bibigyan ng pagkakataong magkaroon ng ikabubuhay, kabilang ang pagbubungkal ng lupa, sa kundisyong susunod sila sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.

Seksyon 15. Pagpupunyagiang itaas ang produksyon ng masang magsasaka sa pamamagitan ng pagtutulungan o kooperasyon at mutwal na palitan ng lakas-paggawa at pagsasagawa ng mga proyektong pangkabuhayan at pagpapaunlad ng mga serbisyong agrikultural na magbebenepisyo ang masang magsasaka.


KABANATA IV
LIBRENG PAMAMAHAGI NG LUPA

Seksyon 1. Kukumpiskahin at isasabansa ang lupain ng mga panginoong maylupa, at ipapamahagi nang libre sa mga pamilya ng mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka, na may prayoridad sa disposisyon ng lupang binubungkal na nila; pero kailangan namang sumang-ayon sila sa ilang pag-aayos na dapat gawin para masigurado na may sapat na lupang binubungkal ang bawat pamilya at nang sa gayo�y maitaguyod ang kapakanan ng lahat.

Seksyon 2. Ipapamahagi ang lupa ayon sa prinsipyo ng pagpapantay-pantay ng lupang sinasaka at pagtulong sa mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka na maging gitnang-panggitnang magsasaka. Ang sistema ng pamamahagi ay alinsunod sa sistemang per capita. Bibigyan ng sapat na konsiderasyon ang sumusunod:

a. ang kabuuang laki ng lupang pwedeng ipamahagi sa lugar;

b. ang laki at lakas-paggawa ng bawat pamilya o bawat bubong na tatanggap ng lupa; at

k. ang kalidad, lokasyon, at sukat ng lupa.

d. tipo ng pananim

Seksyon 3. Ang mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre't Pulang mandirigma ay may prayoridad sa partihan ng lupang ipinapamahagi nang libre. Kung wala silang sapat na lakas-paggawa, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan na ibibigay sa kanila ng lokal na samahan ng magsasaka ang lahat ng tulong na kailangan para mabungkal ang kanilang lupa.

Seksyon 4. Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka ay papartihan sa lupang ipinapamahagi nang libre para mapataas din naman ang antas ng kanilang pamumuhay, sa kundisyong hindi sila magiging nakakataas-na-panggitnang magsasaka o mayamang magsasaka dahil sa makukuha nilang kaparte.

Seksyon 5. Seksyon 5. Papartihan sa lupang ipinapamahagi nang libre ang mga manggagawa, tagayari ng handikrap, maglalako, at iba pang maralitang di magsasaka na handang magbungkal ng lupa. Kung patuloy silang maghahanapbuhay bukod sa pagbubungkal ng lupa, gagawa ng angkop na pag-aareglo sa kanilang parte sa lupa.

Seksyon 6. Ang mga hayop na pantrabaho, kagamitang pansaka, at iba pang ari-ariang kinumpiska sa mga panginoong maylupa ay ipapamahagi nang libre batay sa pagpapantay-pantay ng ari-arian, o kaya�y ipapamahala sa samahan ng magsasaka para pakinabangan ng lahat.

Seksyon 7. Ang mga prutasan, palaisdaan at iba pang pag-aari ng panginoong maylupa na mababawasan ang pagiging produktibo kung hahatiin ay ipapamahala sa mga kooperatiba o sa demokratikong gubyernong bayan para pakinabangan ng lahat. Ang mga bahay, gusali, at iba pang istrukturang kinumpiska ay gagamitin ng demokratikong gubyernong bayan sa kaukulang paraan.

Seksyon 8. Ang mga munisipal na pinangingisdaan ay pangangalagaan laban sa panghihimasok ng malalaking lokal at dayuhang bangkang pangisda.

Seksyon 9. Depende sa kongkretong kundisyon, isa hanggang sampung porsyento (1%-10%) ng lupang kinumpiska sa mga panginoong maylupa ay ilalaan para gamitin ng publiko; para gawing loteng pamproduksyon ng Bagong Hukbong Bayan, mga samahan ng magsasaka, at iba pang organisasyong masa; para gawing bukirin na pang-eksperimento, at para rin magsilbing reserba sa pag-aayos na gagawin sa hinaharap kaugnay ng lupang ipinamamahagi.

Seksyon 10. Hindi kukumpiskahin ang sobrang lupa at iba pang kasangkapan sa produksyon na pag-aari ng mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Gayunman, hihikayatin sila na itaas pa ang sahod ng mga manggagawang bukid na inuupahan nila, o ibaba ang upang ibinabayad sa kanila ng mga kasama, ayon sa mga istandard na itinakda ng samahan ng magsasaka. Ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa, at kukumpiskahin ang lupa ng panginoong maylupa na inuupahan ng mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Sa libreng pamamahagi ng lupa, tatanggap ng karampatang parte ang mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka.

Seksyon 11. Ang lupa ng mga rebolusyonaryong martir, kadre, Pulang mandirigma, titser, propesyonal at manggagawa - na hindi lumalampas sa takdang sukat ng lupang pwedeng ariin ng mga mayamang magsasaka - ay hindi ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa at hindi kukumpiskahin, sa kundisyong ang lupa ay bubungkalin ng mga kamag-anak ng may-ari, at sa kundisyon ding sang-ayon ang masa sa lokalidad.

Seksyon 12. Ang mga bahay, empresang pang-industriya�t pangkomersyo, talyer ng mga artesano, iskwelahan, gusaling panrelihiyon, plasa, palaruang publiko, at iba pang tulad ng mga ito ay papayagang manatili sa lupang sapat ang laki para sa pangangailangan. Bago pa man ipamahagi nang libre ang lupa, sisiguraduhin na ang loteng kinatatayuan ng bahay ng mga kasama ay magiging kanila nang walang anumang ibabayad sa panginoong maylupa.

Seksyon 13. Hindi parurusahan o hihiyain ang mga naliliwanagang panginoong maylupa na sumusuporta sa demokratikong gubyernong bayan at sumasang-ayon sa programa para sa reporma sa lupa, at papayagan ang bawat isa sa kanila na magmay-ari ng sariling bahay, personal na pasilidad, at negosyo sa industriya o komersyo, o kapirasong lupang humigit-kumulang ay kasinlaki ng lupang pag-aari ng isang mayamang magsasaka, sa kundisyong sila mismo ang magbubungkal ng lupa.

Seksyon 14. Ang mga panginoong maylupa na hindi gumawa ng malubhang krimen laban sa mamamayan ay papartihan ng lupa na ang laki at kalidad ay kapareho ng sa lupang ibibigay sa mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka, sa kundisyong handa silang magbungkal ng lupa at magbago ng pananaw sa pamamagitan ng sarili nilang paggawa.

Seksyon 15. Ang mga taong maayos ang katayuan na umalis sa sarili nilang baryo sa ano�t anumang rason ay bibigyan ng lupang mabubungkal pagbalik nila, kung magsasabing handa sila magbungkal ng lupa.

Seksyon 16. Ang nag-alsa o tumakas na mga sundalo�t upisyal ng kaaway ay patatawarin sa mga aksyong ginawa nila bilang pagsunod sa utos ng kanilang mga superyor, at kung gayo�y papayagang makinabang sa reporma sa lupa.

Seksyon 17. Parurusahan ayon sa bigat ng krimen ang sinumang panginoong maylupa na gumagamit ng dahas o anupamang kontra-rebolusyonaryong aksyon para isabotahe o kontrahin ang kampanyang ipamahagi nang libre ang lupa. Gayunman, ang ibang myembro ng kanyang pamilya ay bibigyan ng pagkakataong magkaroon ng ikabubuhay, kabilang ang karapatang magmay-ari at magbungkal ng isang parsela ng lupa, sa kundisyong susunod sila sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.


KABANATA V
ANG SAMAHAN NG MAGSASAKA BILANG KOOPERATIBA

Seksyon 1. Ang samahan ng magsasaka sa antas ng baryo pataas ay magsisilbing kooperatiba, pangunahin ng mga maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, pwera kung may partikular na pangangailangang magkaroon ng kooperatiba na iba pa sa samahan ng magsasaka.

Seksyon 2. Laging ibubunsod at isasagawa ng samahan ng magsasaka ang mga panimulang porma ng kooperasyon sa hanay ng mga myembro, tulad ng pagtutulungan at palitan ng paggawa, para maitaguyod ang kapakanan ng lahat, mapataas ang produksyon, mabawasan ang ilang gastos sa produksyon, at mapawi ang pangangailangang umutang sa mga usurero.

Seksyon 3. Bilang kooperatiba, lilinawin ng samahan ng magsasaka kung ilang sapi ang katumbas ng butil o pera na ikinontribusyon ng mga myembro ng samahan. Minsan sa tatlong buwan, kekwentahin ng samahan ang halaga at ganansya ng sapi. Sinumang myembro ng samahan ay pwedeng bumili ng kahit ilang sapi pagkaraang mabili niya ang takdang bilang ng sapi. Pero gaano man karami ang sapi ng sinumang myembro sa kooperatiba, susundin ang patakarang "isang myembro, isang boto". Ang mga hindi kwalipikadong maging myembro ng samahan ay papayagang magpahiram lamang ng kapital sa kooperatiba.

Seksyon 4. Ang mga sapi ay gagamitin para sa alinman sa sumusunod na layunin:

a. para bumili ng mga hayop na pantrabaho, kagamitang pansaka, kasangkapan at pasilidad na hindi kayang bilhin ng iisang tao o pamilya;

b. para magtayo ng tindahan na mamamakyaw ng mga batayang kalakal pati binhi, abono at pestisidyo, na ititingi naman sa mga mamamayan ng lokalidad sa presyong mas mababa kaysa sa presyo ng nasabing mga kalakal kung bibilhin sa iba;

k. para magpaunlad ng mga dagdag na hanapbuhay;

d. para mag-ipon ng gamot sa mga karaniwang sakit, at para rin magkaroon ng sapat na serbisyong medikal at dental;

e. para suportahan ang mga aktibidad sa edukasyon at kultura, at mga proyekto't pasilidad sa paglilibang;

g. para pahusayin ang mga pasilidad sa transportasyon at komunikasyon;

h. para bayaran ang mga gastos sa pagpapalibing.

Seksyon 5. Titiyakin ng samahan ng magsasaka na ang produkto ng mga myembro nito ay maibebenta sa pinakamagandang presyo, at lalabanan ng samahan ang pagsasamantalang ginagawa ng mga komersyante. Ang mga komersyante ay makatarungang pakikitunguhan ng samahan ng magsasaka, at papayagan silang kumita ng makatwirang ganansya.

Seksyon 6. Ang samahan ng magsasaka ay pwedeng bumili ng modernong mga kasangkapan tulad ng bomba sa patubig, traktora, at tilyadora't makinang pangkiskis; pero bago bumili ng anuman ang samahan, igigiit nito sa mga may-ari ng mga kasangkapang kasalukuyan nang ginagamit na gawing mas mahusay at mas mura ang serbisyo.

Seksyon 7. Kapag ang samahan ng magsasaka ay nagpapautang sa partikular na mga myembro, hindi ito sisingil ng interes na mas mataas kaysa sa itinakda ng samahan na interes sa pautang; at bilang kolateral ay tatanggapin ng samahan ang lupa, ang susunod na ani, mga hayop na pansaka, kagamitan o anumang kapaki-pakinabang na personal na ari-arian katumbas ng halaga ng ipinautang. Magpapautang lamang kung ang uutangin ay para sa produksyon o iba pang mahalagang paggagamitan. May karapatan ang samahan ng magsasaka na imbistigahin anumang oras ang aktwal na pinaggagamitan ng pautang.

Seksyon 8. Ayon sa kongkretong kundisyon, didisisyunan ng samahan ng magsasaka kung paano babawiin ang mga gastos, pananatilihing sapat ang pinansya, at gaganansya nang katamtaman sa mga ipinuhunan.

Seksyon 9. Ang mga myembro ng samahan ng magsasaka ay sama-samang tutulong sa mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre't Pulang mandirigma na magbungkal ng kanilang lupa o makakuha ng ibang pagkakakitaan.

Seksyon 10. Batay sa prinsipyo ng kooperatiba ay itatayo ng samahan ng magsasaka ang mga dagdag na hanapbuhay tulad ng pagtatanim ng prutas at gulay, pagmamanukan, pagbababuyan, pag-aalaga ng baka, pagtatabla, pagkakarpintero, pangangahoy, pangingisda, pagpapalaisdaan, paggawa ng mga produkto mula sa isda, paggawa ng handikrap, pananahi, pagpapanday, transportasyon (traysikel, dyip at bangkang de-motor), pagkukumpuni ng makina sa talyer, at iba pa.

Seksyon 11. Ang samahan ng magsasaka ay kukuha ng lupa para gamitin ng kooperatiba, at magkakaroon ng sariling parte kapag ipinapamahagi na nang libre ang lupa. Ang mga lupa ng kooperatiba ay magsisilbing basihan para maabot ang mas matataas na antas ng kooperasyon. Ang kita roon ay gagamitin para bilhin ang sobrang lupa ng mga mayamang magsasaka at iba pang pinapayagang magmay-ari ng sobrang lupa, at para bilhin din ang dating pag-aaring lupa ng mga benepisyaryo ng reporma sa lupa na sa ano't anumang rason ay gustong ibenta

ang kanilang lupa.

Seksyon 12. Sa pagbubungkal ng lupa ng kooperatiba, ang mga myembro ng samahan ng magsasaka ay magkakaroon ng magkakapantay na bahagi sa trabaho at sa kikitain. Gayunman, ang samahan ng magsasaka ay gagawa ng isang sistema ng puntos sa trabaho para mabigyan ng kaukulang halaga ang aktwal na mga pagkakaiba sa kantidad at kalidad ng trinabaho ng mga myembro. Sa sistemang ito ibabatay ang bayad sa mga myembro.

Seksyon 13. Ang samahan ng magsasaka ng ilan mang baryo, bayan, distrito o probinsya ay pwedeng magtulung-tulong sa mga proyektong pangkooperatiba, at ang mga ito ay pangangasiwaan ng isang komite at kailangan munang sang-ayunan ng kinauukulang antas ng demokratikong gubyernong bayan.


KABANATA VI
MAHUSAY NA KUNDISYON SA PAGTATRABAHO AT PAMUMUHAY NG MGA MANGGAGAWANG BUKID SA MGA KAPITALISTANG SAKAHAN

Seksyon 1. Sa lahat ng sakahang pinatatakbo sa batayang kapitalista, lubos na susuportahan ang pagbubuo ng unyon ng mga manggagawa at ang paggamit ng mga manggagawang bukid at iba pang manggagawa sa kanilang mga demokratikong karapatan. Lubos na susuportahan din ang paggigiit ng mga unyon na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay at makuha ang iba pang benepisyo. May karapatan ang mga unyon na alamin ang tunay na kwenta ng kumpanya para magkaroon sila ng matibay na batayan sa paggigiit na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay, at makuha ang iba pang benepisyo.

Seksyon 2. Ang ibig sabihin ng mahusay na kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay at ng pagkakaroon ng iba pang benepisyo ay: hindi basta-basta maaalis sa trabaho ang sinuman, makatwiran ang minimum na sahod, mas mataas ang sahod para sa obertaym at trabahong mas peligroso, ibabatay ang pag-aantas-antas ng sahod sa kahusayan at tagal sa serbisyo, mahusay ang pasilidad sa pagtatrabaho, mahusay ang pasilidad sa pabahay, may pribilehiyong magbakasyon, may mga plano kaugnay ng pensyon, magkakaroon ng mga tindahang kooperatiba na magbebenta ng mga batayang kalakal sa mababang presyo, libre ang serbisyong medikal at dental para sa buong pamilya ng manggagawa, pag-aaralin nang libre sa elementari at hayskul ang mga anak ng manggagawa, may kompensasyon para sa mga namatay o naaksidente, libre ang pagpapalibing, at iba pa.

Hanggat pwede, ang mga manggagawang bukid ay papartihan ng loteng magagamit sa paghahanapbuhay na mapagkukunan ng dagdag na pagkain at kita.

Seksyon 3. Dahil kinukuha sa hanay ng masang magsasaka ang mga manggagawang bukid, laluna ang nasa kategorya ng di regular at di permanenteng manggagawa sa mga sakahang kapitalista, susuriin at gagawan ng kaukulang aksyon ng samahan ng magsasaka ang anumang kontrata o plano na ginagamit ng panginoong maylupa, administrador, katiwala, o kontratista sa paggawa para magrikrut ng mga manggagawang bukid sa lokalidad.

Pangangalagaan ng samahan ng magsasaka ang pampulitika't pang-ekonomyang mga karapatan ng mga manggagawang bukid. Pwede rin silang magmyembro sa unyon sa pinagtatrabahuhan nila.

Seksyon 4. Ang sinumang magririkrut ng manggagawang bukid ay pagbabawalang lumabag sa mga makatwirang kontrata, mang-usura, kumaltas ng sahod ng mga manggagawa, mandaya sa kwenta, at gumawa ng iba pang porma ng pagsasamantala. Parurusahan ang sinumang lumabag sa pagbabawal na ito.

Seksyon 5. Titiyakin ng unyon ng manggagawang agrikultural sa sakahang kapitalista, o ng samahan ng magsasaka sa lugar na kalapit ng sakahang ito, na ipapamahagi't bubungkalin ang nakatiwangwang o sobrang mga parte ng asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista. Sa kaso naman ng mga rantso, ang sukat ng lupang ititira para sa mga ito ay ibabatay sa aktwal na bilang ng hayop.

Seksyon 6. Depende sa kongkretong kalagayan, pwedeng lubos na kontrolin ng demokratikong gubyernong bayan ang mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista, o hayaan ang mga may-ari na patuloy na ariin at pamahalaan ang mga asyenda, alinsunod sa mahihigpit na kundisyon, tulad ng pagpapahusay sa kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawa, at pagbabayad ng buwis, na ang malaking parte ay pera, sa demokratikong gubyernong bayan.

Seksyon 7. Mahigpit na pagbabawalan ang malaking kapitalistang dayuhan na magmay-ari ng kahit kapirasong lupang agrikultural o magkaroon ng kontrol dito sa anumang paraan. Kung gayon, parurusahan sila at ang kanilang mga tuta kapag nilabag nila ang pagbabawal na ito.

Seksyon 8. Parurusahan ang mga may-ari, administrador, katiwala, o kontratista sa paggawa, pati ang kanilang mga tuta, na gumagamit ng mga pribadong gwardyang armado o tropang kaaway o pulis para bantayan ang mga asyenda at supilin ang mga manggagawang bukid at mga mamamayan.

Seksyon 9. Isasabansa ng demokratikong gubyernong bayan ang mga lupaing agrikultural na pinatatakbo sa batayang kapitalista. Ito ang magiging oryentasyon ng mga unyon at ng masang manggagawa.


KABANATA VII
ANG MGA MARALITANG SETLER AT ANG MGA PAMBANSANG MINORYA SA MGA PRONTERA

Seksyon 1. Sa mga prontera, ang mga maralitang setler at mga pambansang minorya ay oorganisahin bilang samahan ng magsasaka para mapangalagaan ang kapakanan nilang lahat, mapaunlad ang kooperasyon, at malabanan ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Itataguyod ang pagkakaisa at pagkakaintindihan ng mga setler at mga dati nang nakatira sa prontera.

Seksyon 2. Kikilalanin ang karapatan ng mga pambansa at etnikong minorya sa kanilang lupang ninuno at ang kanilang karapatan sa komunal na pag-aari. Ang mga hangganan ng kanilang mga lupang ninuno at komunal ay itatakda sa pamamagitan ng demokratikong konsultasyon sa kanila at sa kanilang mga asosasyon.

Seksyon 3. Sa mga lugar na pinagtrosohan, kaingin, pastulan, at reklameysyon erya, sisiguraduhin sa mga maralitang setler at mga pambansang minorya na sila ang may karapatan sa homisted o lupang binubungkal nila, at hihikayatin sila na lalo pa itong paunlarin.

Seksyon 4. Ang mga magsasakang walang lupa ay ililipat sa mga prontera para malutas ang kakulangan ng lupa sa ilang lugar. Gayunman, hindi papayagan ang anumang paglabag sa karapatan ng mga pambansang minorya at mga dati nang nakatira sa prontera.

Seksyon 5. Ang demokratikong gubyernong bayan, kasama ang samahan ng magsasaka, ang may responsibilidad sa mapayapang paglutas ng mga alitan tungkol sa lupa sa mga prontera.

Seksyon 6. Pagbabawalang mang-agaw ng lupa sa mga prontera ang mga malaking kapitalista, panginoong maylupa at burukratang kumprador. Kung gayon, parurusahan sila at ang kanilang mga tuta kapag nilabag nila ang pagbabawal na ito.

Seksyon 7. Magiging kontrolado ang pagputol ng mga puno, at sa pagpapatupad ng patakarang ito ay bibigyan ng sapat na atensyon ang kapakanan ng lahat at hindi pipinsalain ang kapakanan ng mga maralitang setler at mga pambansang minorya.


KABANATA VIII
PAGPAPATUPAD SA PROGRAMA

Seksyon 1. Para mapangasiwaan ang gawain sa reporma sa lupa, ang demokratikong gubyernong bayan ay magtatatag ng mga komite para sa reporma sa lupa sa bawat antas. Bibigyan ang mga komiteng ito ng awtoridad na magdisisyon sa mga problemang may kinalaman sa reporma sa lupa. Tutulungan sila ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

Seksyon 2. Para makamit ang reporma sa lupa, ang masang magsasaka ay momobilisahin ng mga samahan ng magsasaka at mga namumunong organo nito. Bukod sa pamumuno sa mga pulong masa, susuriin nila kung saang uri kabilang ang mga pamilya sa kanilang lokalidad, aalamin kung ilan ang pwedeng magtrabaho at kung ilan ang dependyente sa bawat pamilya o bubong, iguguhit ang tamang mapa na nagpapakita ng mga lupaing kukumpiskahin at mga lupaing katabi nito, at tutukuyin ang kalidad at sukat ng mga parsela bago ipamahagi nang libre ang lupa at pagkaraang ipamahagi ito.

Seksyon 3. Ang mga pulong masa ay idadaos tuwing kailangan para mapatibay ang determinasyon ng masang magsasaka na isulong at ipagtagumpay ang pakikibaka para magkaroon ng lupa. Itataguyod ng mga pulong masa ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at ang umiiral na linya tungkol sa reporma sa lupa sa bawat lugar; bibigyan ng buong laya ang pagbubuhos ng hinaing laban sa pang-aapi ng mga imperyalista, panginoong maylupa at burukratang kapitalista; tutukuyin ang solusyon sa umiiral na mga problema; at pasisiglahin ang diwa ng kooperasyon sa produksyon.

Seksyon 4. Ang mga despotikong panginoong maylupa at ang mga tuta nila na marahas na lumalaban sa reporma sa lupa ay aarestuhin ng milisya, mga lokal na gerilya, o mga regular na yunit ng Hukbong Bayan para litisin ng hukumang bayan.

Seksyon 5. Bago gawin ang reporma sa lupa at habang ginagawa ito, tutukuyin kung ang mga panginoong maylupa ay despotiko o di despotiko; naliliwanagan o di nalilinawagan; at malaki, katamtaman ang laki o maliit. Tatratuhin sila ayon sa kanilang katangian, at ang pinakamalalakas na bira ng masang magsasaka ay ikokonsentra sa mga despotikong panginoong maylupa na may katungkulan at nagmamay-ari ng malalawak na lupain.

Seksyon 6. Munisipalidad, malaking asyenda o kaya�y baryo ang lugar na magiging batayang yunit para sa pagpapatupad ng minimum at maksimum na layunin ng reporma sa lupa.


KABANATA IX
MGA BUWIS SA AGRIKULTURA

Seksyon 1. Ang tagumpay ng reporma sa lupa ang siyang susi para makaasa sa sarili ang demokratikong gubyernong bayan.

Seksyon 2. Ang demokratikong gubyernong bayan o mga representante nito ay sisingil ng buwis sa masang magsasaka pagkatapos ng bawat anihan. Ang bubuwisan ay ang bawat pamilya o bawat bubong. Pwedeng produkto o pera ang ibayad na buwis.

Seksyon 3. Ang mga magsasaka na gitnang-panggitna ang katayuan bago magkaroon ng reporma sa lupa, pati ang mga magsasakang naging gitnang-panggitna ang katayuan nang mabigyan ng lupa, ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng limang porsyento ng kanilang netong ani.

Seksyon 4. Ang mga kasamang nakikinabang sa pagkakababa ng upa sa lupa ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng dalawang porsyento ng kanilang netong ani pagkatapos magbayad ng upa sa panginoong maylupa.

Seksyon 5. AAng mga mayamang magsasaka, nakakataas-na-panggitnang magsasaka at iba pang di nagbubungkal na may-ari ng mga sakahang kasinlaki ng sa mga mayaman at panggitnang magsasaka ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng sampung porsyento (10%) ng kanilang netong ani.

Seksyon 6. Ang mga samahan ng magsasaka ay magkokontribusyon buwan-buwan sa demokratikong gubyernong bayan ng halagang katumbas ng dalawang porsyento ng kanilang netong kita sa loob ng isang buwan.

Seksyon 7. Ang mga kapitalistang namumuhunan sa agrikultura, bilang korporasyon o bilang indibidwal, ay magbabayad taun-taon ng gradwadong buwis sa kita (graduated income tax), mula sa minimum na sampung porsyento hanggang limampung porsyento (10%-50%) ng kanilang netong kita, ayon sa sumusunod na talaan (Rerepasuhin at aamyendahan pa ang bahaging ito):

Netong Kita (P); Porsyentong Ibubuwis

Mahigit 5,000 hanggang 10,000 10%

Mahigit 10,000 hanggang 20,000 15%

Mahigit 20,000 hanggang 40,000 20%

Mahigit 40,000 hanggang 80,000 25%

Mahigit 80,000 hanggang 160,000 30%

Mahigit 160,000 hanggang 320,000 35%

Mahigit 320,000 hanggang 640,000 40%

Mahigit 640,000 hanggang 1,280,000 45%

Mahigit 1,280,000 50%

Seksyon 8. Ang mga manggagawa sa agrikultura ay magbabayad ng buwanang buwis na katumbas ng lima hanggang sampung porsyento (5%-10%) ng dagdag na sahod na nakuha sa tulong ng demokratikong gubyernong bayan o ng Bagong Hukbong Bayan. Ang buwis na ito ay iba pa sa butaw na ibinabayad nila sa unyon.

Seksyon 9. Pwede lamang itaas ang buwis sa agrikultura kung may mga tiyak na dahilan, tulad ng pagpapatindi sa gera at pagsuporta sa mga repyudyi (refugees), at ang dagdag na buwis ay hindi dapat sumobra sa doble ng karaniwang buwis.


KABANATA X
KATAYUAN NG MGA URI SA KANAYUNAN

Seksyon 1. Itinuturing na panginoong maylupa ang mga taong nagmamay-ari ng lupa pero hindi lumalahok sa paggawa, o kaya'y lumalahok lamang sa suplementaryong paggawa. Kinukuha nila sa upa sa lupa ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita. Itinuturing din na panginoong maylupa ang mga administrador ng lupa, katiwala, kontratista sa paggawa, at lokal na maton, na mas nakakaluwag ang kabuhayan kaysa gitnang-panggitnang magsasaka. Sa pagsasamantala sa mga magsasaka kinukuha ng mga ito ang malaking parte ng kanilang kinikita. Bukod sa nagsasamantala sa masang magsasaka ang mga panginoong maylupa, pangunahin sa pamamagitan ng pagsingil ng upa sa lupa, sila ay nag-uusura din, umuupa ng mga manggagawang bukid o hindi nagbabayad sa mga ito, nandadaya sa kwenta, nagpapaarkila ng hayop at kagamitang pansaka at ng modernong kasangkapang agrikultural, at gumagawa ng iba't ibang porma ng pangingikil.

Seksyon 2. Sa kabuua'y nagmamay-ari ng lupa ang mga mayamang magsasaka, pero marami rin sa kanila ang umuupa ng lupa. Naiiba sila sa panginoong maylupa dahil ang malaking parte ng kanilang kinikita ay kinukuha nila sa sariling paggawa at pagbubungkal sa lupa. Naiiba rin sila sa nakakataas-na-panggitnang magsasaka dahil kinukuha nila sa pagsasamantala ang humigit-kumulang sa tatlumpu hanggang limampung porsyento (30%-50%) ng kanilang kinikita. Nagsasamantala sila sa pamamagitan ng pag-upa ng mga manggagawang bukid at pagpapaarkila ng mga hayop at kagamitang pansaka, at mayroon silang sobrang pondo na ipinapautang nila.

Seksyon 3. Nagmamay-ari ng lupa ang marami sa mga panggitnang magsasaka, pero ang ilan sa kanila ay umuupa ng lupa. Sa sariling paggawa nila kinukuha ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita, at sa kabuua'y hindi nila ibinebenta sa iba ang kanilang lakas-paggawa.

a. Ang mga nakakataas-na-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsan nagsasamantala. Pero ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa higit labinlima hanggang tatlumpung porsyento (15%-30%) ng kanilang kabuuang kita.

b. Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka, sa kabuuan, ay hindi tuwirang pinagsasamantalahan ng panginoong maylupa, at sila mismo ay hindi nagsasamantala. Gayunman, bahagya o paminsan-minsang nagsasamantala ang ilang gitnang-panggitnang magsasaka, at ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa isa hanggang labinlimang porsyento (1%-15%) ng kanilang kabuuang kita.

k. Ang mga nakakababang-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, kayat ang sahod ay sekundaryong parte ng kanilang kabuuang kita. Nasa bingit sila ng pagiging maralitang magsasaka at pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng upa sa lupa at interes sa pautang. Pwedeng umabot sa dalawampu't limang porsyento (25%) ang kinikita nila sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa.

Seksyon 4. Sa kabuuan o sa pangunahin ay kasama ng panginoong maylupa ang mga maralitang magsasaka. Wala silang kahit kapirasong lupa, o kung mayroon ma'y napakaliit na parte lamang ng lupang binubungkal nila. Kung minsa'y kulang ang kanilang kagamitang pansaka at wala man lamang hayop na pantrabaho. May mga panahong kailangan nilang magbenta ng kanilang lakas-paggawa. Dito nila kinukuha ang dalawampu't lima hanggang limampung porsyento (25%-50%) ng kanilang kabuuang kita.

Seksyon 5. Karaniwa'y walang lupa't kagamitang pansaka ang mga manggagawa sa kanayunan, at kinukuha nila sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita. Nasa kategoryang ito ang mga manggagawang bukid. Nagtatrabaho sila sa mga sakahang kapitalista o malakapitalista, nagpapaupa sa mga mayamang magsasaka, at paminsan-minsa'y nagpapaupa rin sa mga nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Para kumita, maraming manggagawang bukid ang nagtatrabaho sa kung saan-saan at kung kani-kanino, at ang karaniwang nakukuha nilang trabaho ay pagtatanim, paggamas at pag-aani.

Seksyon 6. Pagpapatibay sa mga binanggit na klasipikasyon, ang bilang ng mga dependyente sa bawat pamilya at ang aktwal na surplus (sobrang pera o produkto) ng bawat pamilya o bubong ay laging bibigyan ng lubos na konsiderasyon ng demokratikong gubyernong bayan, mga samahan ng magsasaka, at mga komite para sa reporma sa lupa.


KABANATA XI
DAGDAG NA MGA TUNTUNIN AT REGULASYON

Seksyon 1. Ang Komite Sentral ng Partido ang gagawa ng kaukulang mga disisyon para baguhin o dagdagan ang pangkalahatang gabay na ito, batay sa higit pang imbistigasyong panlipunan at aktwal na karanasan sa gawain sa reporma sa lupa.

Seksyon 2. Ang Komiteng Tagapagpaganap at Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral ay maaaring magbalangkas ng mga tuntunin at regulasyon, gayundin ng mga pangkalahatang paliwanag o paglilinaw na umaalinsunod sa gabay na ito. Ang Komite ng Partido sa mga rehiyon ay pwedeng magbalangkas ng mga tuntunin at regulasyon, gayundin ng mga pangkalahatang paliwanag o paglilinaw na isusuplemento sa gabay na ito sa reporma sa lupa. Ang mga ito ay kailangang aprubahan ng Komite Sentral ng Partido.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.