Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa

Patnubay sa Pagtatatag ng Demokratikong Gubyernong Bayan



<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>



April 20, 1977



UNANG BAHAGI. MGA PANGKALAHATANG TUNTUNIN

Artikulo 1. Ang Demokratikong Gubyernong Bayan ay pinamumunuan ng proletaryado at nakabatay sa masang anakpawis, ang proletaryado at uring magsasaka. May katangian din ng nagkakaisang prente ang Demokratikong Gubyernong Bayan - sumusuporta at lumalahok dito ang lahat ng demokratikong uri, kabilang ang petiburgesya, pambansang burgesya, at iba pa.

Artikulo 2. Ipapatupad ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang lahat ng patakaran at hakbang na kailangan para maipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang mga patakaran at hakbang na ito ay sasaklaw sa pulitika, ekonomya, militar, kultura, at lahat ng iba pang aktibidad ng mga mamamayan; at maghahawan sa landas tungo sa pagtatatag ng demokratikong republikang bayan sa buong Pilipinas.

Artikulo 3. Ang sistema ng Demokratikong Gubyernong Bayan ay ibabatay sa prinsipyong demokratikong sentralismo. Ang indibidwal ay nakapailalim sa gubyerno at sa kapakanan ng lahat; ang minorya ay nakapailalim sa mayorya; ang nakakababang antas ng gubyerno ay nakapailalim sa nakakataas na antas ng gubyerno. Iboboto ng mamamayan ang mga kagawad ng gubyerno o kaya'y nonombrahan ayon sa batas.


IKALAWANG BAHAGI.
ANG SISTEMA NG GUBYERNO

Kabanata I. Ang Sentral na Gubyernong Bayan

Artikulo 1. Ang Pambansang Kongresong Bayan ang pinakamataas na organo ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Magbabalangkas at mag-iisyu iyon ng mga proklamasyon at batas na kailangan para pamahalaan ang sambayanan. Ang awtoridad ng Pambansang Kongresong Bayan ay ipagkakatiwala sa ihahalal nitong Kataas-taasang Kunsehong Bayan.

Artikulo 2. Ang Pambansang Kongresong Bayan ay bubuuin ng mga delegadong ihinalal ng kumperensya ng mga gubyernong bayan ng probinsya, at ng iba pang namumunong representante ng mga demokratikong uri, partido at grupo na irinekomenda ng Pambansa-Demokratikong Prente at inaprubahan ng mga delegado ng gubyernong bayan ng probinsya.

Artikulo 3. Ang Pambansang Konggresong Bayan ay pupulungin agad kapag napalaya na ang malaki-laking parte ng Pilipinas o kapag nagtagumpay na ang rebolusyon sa buong bansa.

Artikulo 4. Lilikhain ng Pambansang Konggresong Bayan o ng Kataas-taasang Kunsehong Bayan ang kailangang mga sentral na organo at ministri ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

Artikulo 5. Ang Pambansa-Demokratikong Prente ay gagawa ng rekomendasyon tungkol sa pagrereorganisa at pagpapanatili ng mga tauhan ng reaksyonaryong gubyerno at sa pagkuha ng mga bagong tauhan para sa Demokratikong Gubyernong Bayan.


Kabanata II. Mga Lokal na Organo ng Gubyerno


Artikulo 1. Ang batayang yunit ng Demokratikong Gubyernong Bayan ay ang gubyernong bayan ng baryo. Ang pinakamataas na awtoridad sa antas na ito ay ang pangkalahatang pulong ng taumbaryo. Tatawagin ang pangkalahatang pulong ng taumbaryo para ihalal ang komiteng rebolusyonaryo ng baryo, o kaya'y para talakayin ang mga patakaran at proyekto ng alinman sa binanggit na mga komite.

Artikulo 2. Sa pagitan ng mga pangkalahatang pulong ng taumbaryo, ang komiteng rebolusyonaryo ng baryo ang pinakamataas na awtoridad ng gubyerno sa baryo. Habang hindi pa naitatayo ang komiteng rebolusyonaryo sa baryo, ang komiteng pang-organisa ng PKM o ang komite ng balangay ng PKM ang mangangasiwa sa mga gawain sa baryo alinsunod sa prinsipyo ng nagkakaisang prente. Ang mga komiteng ito ay maghahalal ng mga upisyal mula sa kani-kanilang hanay.

Artikulo 3. Ang komiteng rebolusyonaryo ng baryo at ang samahan ng magsasaka sa baryo ay mamamahala sa lahat ng gawain sa baryo kaugnay ng organisasyon, edukasyon, ekonomya, depensa, kultura at kalusugan; magpapatupad sa programa para sa reporma sa lupa; mag-oorganisa ng milisyang bayan; lalahok sa gawain ng hukumang bayan; mangungulekta ng mga buwis at boluntaryong kontribusyon; at magbibigay ng lahat ng suporta para sa simulain ng rebolusyon.

Artikulo 4. Limang subkomite para sa organisasyon, edukasyon, ekonomya, depensa, kultura at kalusugan ang tiyak na itatatag sa ilalim ng komiteng rebolusyonaryo ng baryo.

a. Ang subkomite para sa organisasyon ay mamamahala sa pagbubuo at pagkokoordina ng mga organisasyong masa tulad ng sa mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, komersyante, kabataan, kababaihan, titser, bata, at aktibista sa kultura.

b. Ang subkomite para sa edukasyon ay mamamahala sa pagpapa-unlad ng rebolusyonaryong kamulatang makauri, mangangasiwa sa mga iskwelahan (elementari at iskwelahang masa), at magtataguyod ng iba't ibang tipo ng aktibidad sa kultura.

k. Ang subkomite para sa ekonomya ay mamamahala sa pagpapatupad ng reporma sa lupa, sa produksyon at kooperasyon, at sa pagkulekta ng mga buwis at boluntaryong kontribusyon na pansuporta sa Demokratikong Gubyernong Bayan at sa Bagong Hukbong Bayan.

d. Ang subkomite para sa depensa ay mamamahala sa pag-oorganisa ng milisyang bayan sa baryo, sa pagpapanatili ng kaayusang publiko at seguridad sa baryo, at sa paglaban sa mga kaaway ng mamamayan nang may koordinasyon sa Bagong Hukbong Bayan.

e. Ang subkomite para sa kalusugan ay mamamahala sa kalinisang publiko, sa gawaing medikal sa baryo, at sa pagdadala ng mga maysakit at sugatan sa mga istasyong medikal o klinika.

Artikulo 5. Artikulo 5. Nakakataas sa gubyernong bayan ng baryo ang lokal na gubyerno sa antas ng munisipalidad, distrito at probinsya. Idadaos ang kumperensyang bayan sa mga nakakataas na antas ng lokal na gubyerno para itakda ang mga patakaran at plano, pagtibayin ang mga tuntunin at regulasyon na paiiralin sa lokalidad, suriin ang ulat ng iba�t ibang organo ng gubyerno, at ihalal ang mga kunsehong bayan matapos disisyunan kung ilan ang magiging myembro nito.

Artikulo 6. Kabilang sa mga delegado ng kumperensyang bayan ng munisipalidad ang mga upisyal ng mga komiteng rebolusyonaryo ng baryo at mga komiteng pang-organisa ng baryo. Kabilang sa mga delegado ng kumperensyang bayan ng distrito ang mga tagapangulo at pangalawang tagapangulo ng mga kunsehong bayan ng munisipalidad. Kabilang sa mga delegado ng kumperensyang bayan ng probinsya ang lahat o karamihan ng mga myembro ng kunsehong bayan ng distrito. Ang kunsehong bayan na mismong tumatawag ng kumperensya ang magdidisisyon kung ilan ang magiging delegado sa kumperensya at kung kailan ito idadaos. Ang mga disisyong ito ay kailangang aprubahan ng nakakataas na kunsehong bayan. Pero kung sa antas ng probinsya ang idadaos na kumperensyang bayan, kailangan munang hingin ng kunsehong bayan ng probinsya ang aprubal ng Sentral na Gubyernong Bayan o ng nakatayo nang organong gumaganap ng tungkulin nito.

Artikulo 7. Ang kunsehong bayan ang organo ng gubyerno na mamumuno sa teritoryong saklaw nila at siyang magiging organong tagapagpaganap dito. Ang bawat kunsehong bayan ay maghahalal mula sa mga myembro nito ng isang tagapangulo at limang pangalawang tagapangulo para sa organisasyon, ekonomya, depensa at kalusugan. Idadaos ang mga plenum ng kunseho tuwing kailangan. Gayunman, ang tagapangulo at mga pangalawang tagapangulo ang tatayong pamalagiang komite ng kunsehong bayan, at kolektibong mangangasiwa sa mga gawain ayon sa mga disisyon ng plenum ng kunseho.

Artikulo 8. Karaniwa�y apat na taon ang panunungkulan ng komiteng rebolusyonaryo ng baryo o komiteng pang-organisa ng baryo at kunsehong bayan sa bawat antas. Pero pwedeng paikliin o pahabain ang panunungkulan kung ito ang disisyon ng nakakataas na kunsehong bayan, o kaya�y pwedeng lusawin o palitan ang kunseho o komite dahil sa petisyon ng mamamayan. Ang komite o kunseho ay pwedeng magnombra ng taong uupo sa nabakanteng pusisyon. Kailangang aprubahan ng nakakataas na komite o kunseho ang pagnonombrang gagawin.

Artikulo 9. Ang mga pambansang minorya ay may karapatang magkaroon ng awtonomya sa mga probinsya, distrito, munisipalidad o baryong sila ang bumubuo sa mayorya. Ang awtonomong gubyerno ay iaayon sa mga hangarin ng nakakaraming mamamayan ng isang nasyonalidad o mga nasyonalidad. Pero sa saligan, ang awtonomong gubyerno ay susunod sa sistema ng gubyerno na nakalahad sa Patnubay na ito. Sa mga lugar na ang pambansang minorya ang bumubuo sa minorya, magkakaroon sila ng proporsyonal na representasyon sa mga kumperensya at kunseho, gayunman, walang hadlang sa kanilang mga representante na magkaroon ng pusisyong mas mataas sa pusisyon ng iba.

Artikulo 10. Ang lahat ng organo ng gubyerno, mula antas ng baryo hanggang antas ng probinsya, ay itatatag nang may patnubay ng nakakataas na pampulitikang awtoridad na nakatayo na, at nang may sapat na pagsasaalang-alang sa pagpapanatili ng nagkakaisang prente.


Kabanata III. Ang Hukumang Bayan


Artikulo 1. Lilikhain ng Sentral na Demokratikong Gubyernong Bayan ang Kataas-taasang Hukumang Bayan bilang pinakamataas na awtoridad sa hustisya. Pwede ring likhain ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang mga ispesyal na hukuman kung hinihingi ng ispesyal na mga kalagayan.

Artikulo 2. Ang hukumang bayan ay lilikhain ng gubyernong bayan ng probinsya, distrito, munisipalidad at baryo sa kani-kanilang antas. Sa maliit at simpleng mga kaso, magkakaroon ng lupon na bubuuin ng tatlong huwes man lamang. Sa malaki�t kumplikadong mga kaso naman, laluna kung kamatayan ang pwedeng maging parusa, magkakaroon ng lupon na bubuuin ng siyam na huwes man lamang.

Artikulo 3. Oobligahin ng hukumang bayan na gawing ditalyado ang demanda, at iimbistigahin nang husto ang kaso bago ito litisin. Laging aalamin ng hukumang bayan ang panig ng nagdedemanda at ng akusado. Ang panig ng nagdedemanda at ng akusado ay sapat na didinigin, at may karapatan silang kumuha ng abugado at magharap ng mga testigo�t ebidensya.

Artikulo 4. Karaniwa�y idadaos ang mga paglilitis sa harap ng publiko, at ang sinumang mamamayan ay malayang magbigay ng opinyon tungkol sa kaso. Tuwing kailangan, hihingin ng hukumang bayan ang tulong ng anumang kinauukulang organo ng Demokratikong Gubyernong Bayan para magbigay ng linaw sa isyung kinakaharap ng hukuman.

Artikulo 5. Ang disisyon sa bawat kaso ay pagbobotohan ng mga huwes. Ipapaliwanag ng bawat huwes sa mga kasama niya sa lupon ang dahilan ng kanyang boto. Karaniwan, ang kaso ay didisisyunan sa pamamagitan ng boto ng simpleng mayorya ng lupon. Gayunman, kung kamatayan ang ipaparusa, kailangan ang boto ng malinaw na mayoryang dalawang-katlo. Ang lahat ng disisyon ay babasahin at ipapaliwanag ng nangungulong huwes.

Artikulo 6. Ang disisyon ng nakakababang hukumang bayan ay pwedeng iapila sa nakakataas na hukumang bayan. Gayunman, ang hukumang bayan ay pwedeng tumanggap ng mosyon para sa rekonsiderasyon ng disisyon nito. Ang mga kasong dinisisyunan ng kamatayan ay awtomatikong iaapila sa pinakamataas na awtoridad ng pampulitika�t hudisyal sa rehiyon, at kung posible�y awtomatikong dadalhin sa Kataas-taasang Hukumang Bayan o sa nakatayo nang organong gumaganap ng tungkulin nito.


IKATLONG BAHAGI.
ANG PUNDAMENTAL NA MGA KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA MAMAMAYAN


Artikulo 1. Sa harap ng batas, ang lahat ng mamamayan ay pantay-pantay, at kung gayo'y pantay-pantay ang kanilang mga karapatan.

Artikulo 2. Ang mamamayan na labingwalong (18) taong gulang o higit pa ay may karapatang bumoto at mahalal anuman ang kanyang kasarian, lahi, nasyonalidad, hanapbuhay, uring pinagmulan, katayuan sa kabuhayan, edukasyong naabot, relihiyon, o tagal ng paninirahan. Ang pagbabawalan lamang na bumoto at mahalal ay ang mga baliw at mga taong kaaway ang turing ng batas.

Artikulo 3. May karapatan ang mga mamamayan na gamitin ang kalayaang magsalita, kalayaang magbuo ng asosasyon, kalayaang mamahayag, at kalayaang magtipun-tipon para maisulong ang rebolusyonaryong simulain ng masang anakpawis. Ibibigay sa mga mamamayan ang mga pasilidad na kailangan para matamasa ang mga kalayaang ito.

Artikulo 4. May karapatan ang mamamayan na tamasahin ang kalayaan sa konsensya at sa pananampalataya.

Artikulo 5. Hindi pwedeng labagin ang kalayaan ng mga mamamayan na magkaroon ng personal na seguridad. Ang sinumang mamamayan ay hindi pwedeng arestuhin nang walang sapat na batayang ligal.

Artikulo 6. Ang tahanan ng mga mamamayan ay hindi pwedeng pasukin nang walang permiso; at tinitiyak ng batas ang pagiging pribado ng mga sulat. May kalayaan ang mga mamamayan na manirahan kahit saan.

Artikulo 7. Ang mga mamamayan ay may karapatang maghanapbuhay, magtamasa ng mahusay na kundisyon sa pagtatrabaho�t pamumuhay, magkaroon ng personal na ari-arian, at magtabi, gumastos o mamuhunan ng naipong personal na pera ayon sa batas. May karapatan din silang magkaroon ng pahinga at bakasyon, at ng mga benepisyo gaya ng pondo para sa kapakanan ng lahat, segurong sosyal, pensyon sa pagreretiro, at iba pang tulad nito na makakamit sa ilalim ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Isasagawa ang rebolusyong agraryo at isasabansa ang ekonomya para mabago ang relasyon sa produksyon at mapalaya ang mga pwersa sa produksyon sa Pilipinas, at matiyak sa mamamayan na tatamasahin nila ang mga bunga ng pag-unlad ng ekonomya.

Artikulo 8. Ginagarantyahan ang karapatang magkaroon ng libreng edukasyong publiko. Pananatilihin at palalawakin ang mga iskwelahan at iba pang institusyong pangkultura para mapaunlad ang katawan at isip ng mamamayan, laluna ng kabataan.

Artikulo 9. Sa layuning mapaunlad ang pambansa, syentipiko't pangmasang kultura ay pangangalagaan at itataguyod ang kalayaan ng mga mamamayan na gumawa ng mga syentipikong pananaliksik, imbensyong teknolohikal, likhang panliteratura't pansining, at iba pang aktibidad sa kultura.

Artikulo 10. Pantay-pantay ang mga karapatan ng kababaihan at kalalakihan sa lahat ng larangan ng buhay pampulitika, pang-ekonomya, pangkultura, panlipunan at pantahanan. Pinoprotektahan ng batas ang kasal, ang pamilya, at ang mag-iina.

Artikulo 11. Ang mga mamamayan ay may karapatang magreklamo laban sa mga awtoridad na lumalabag sa batas o nagpapabaya sa tungkulin. May karapatang humingi ng bayad-pinsala ang sinumang napinsalaan o nawalan ng anuman dahil sa paglabag ng mga awtoridad sa kanyang mga karapatan bilang mamamayan.

Artikulo 12. Dapat sundin ng mga mamamayan ang Patnubay na ito at ang lahat ng batas na nilikha batay dito. Dapat nilang itaguyod ang disiplina sa pagtatrabaho, panatilihin ang kaayusang publiko, at respetuhin ang karapatan ng iba.

Artikulo 13. Sagrado at hindi pwedeng pinsalain ang mga ari-ariang publiko. Tungkulin ng bawat mamamayan na ingatan at protektahan ang mga ari-arian ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

Artikulo 14. Tungkulin ng mga mamamayan na magbayad ng buwis batay sa kakayahan nilang magbayad at ayon sa batas.

Artikulo 15. Sagradong tungkulin ng bawat mamamayan na magserbisyo sa militar ayon sa batas, at magbigay ng lahat ng pwedeng ibigay para sa pagdedepensa ng sambayanan laban sa mga dayuhang mananalakay at lokal na mapang-api.


IKAAPAT NA BAHAGI. BANDILA, SAGISAG, AT KABISERA


Artikulo 1. Ang pambansang bandila ng Demokratikong Gubyernong Bayan ay bandilang pula, na may tatlong malaking bituing gintong kumakatawan sa Luson, Bisayas at Mindanaw.

Artikulo 2. Ang pambansang sagisag ay katulad ng pambansang bandila.

Artikulo 3. Itatakda ang kabisera ng Demokratikong Gubyernong Bayan ayon sa mga kalagayan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.