Home   References   Organizations   Features   Multimedia   Utilities



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

CPP Primers


Monopolyo atbp.

  1. Introduksyon
  2. Gaano kahalga ang industriya ng langis sa Pilipinas?
  3. Bakit palaging tumataas ang presyo ng produktong petrolyo?
  4. Karaniwang isinisisi sa OPEC ang pagtaas ng presyo ng langis. Ano ang OPEC at ano ang kinalaman nito sa pagpepresyo?
  5. Gaano kalaki ang ipinapatong ng kartel sa presyo ng langis?
  6. Magkano ang tinutubo ng mga kumpanya ng langis sa Pilipinas?
  7. Bakit malayang nakapandaraya ang mga kartel ng langis?
  8. Bakit ipinapatupad ng reaksyunaryong gubyerno ang deregulasyon?
  9. Makatutulong ba kung ibabalik ang regulasyon ng gubyerno sa industriya ng langis?
  10. Ano kung gayon ang dapat gawin upang maging abot-kaya ang presyo ng langis?

Matapos ang pabarya-baryang pagbababa mula Oktubre hanggang Disyembre noong nakaraang taon, muli na namang itinataas ng Petron, Caltex at Shell ang presyo ng mga produktong petrolyo. Abereyds na 35 sentimo ang idinagdag sa presyo ng bawat litro ng gasolina at 30 sentimo sa diesel noong Marso 20. Makaraan ang halos dalawang linggo lamang, panibagong 50 sentimo ang itinaas ng mga presyo. Para umano habulin ang 37% pagtaas kamakailan ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan, maaasahan ang susunod pang mga pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Dating gawi na ng tatlong dambuhalang kumpanya ang paminsan-minsang pagbababa ng mga presyo upang umiwas sa batikos. Ngunit ang naturang mga pagbaba ay di-hamak na maliit kung ihahambing sa aktwal na ibinabagsak ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. At tumaas lamang nang bahagya ang presyo ng krudong langis, mabilis pa sa alas-kwatro ang pagtataas din nila ng presyo.

Kung magbabalik-tanaw sa nakaraang mga taon, malinaw na makikita ang pataas na pangkalahatang direksyon ng presyo ng mga produktong petrolyo. Dili iba't ang malawak na masang anakpawis ang dumaranas ng pinakamatinding hagupit nito.

Ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay isa sa mga suliraning araw-araw na kinakaharap ng mamamayang Pilipino. Ang paglaban dito ay isang partikular na bahagi ng paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at ng kasabwat nilang reaksyunaryong estado.

Tinatalakay ng praymer na ito ang katotohanan sa likod ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis. Ipinakikita kung paano nilalapastangan ng mga monopolyong kumpanya ng langis ang kapakanan ng mamamayan sa pagpiga nila ng dambuhalang tubo. Binibigyang-diin ang usapin ng kontrol at pagmamay-ari sa industriya ng langis bilang pinakamapagpasyang usapin hindi lamang sa paglutas sa problema ng tumataas na presyo kundi, higit na mahalaga, sa pagtiyak na magsisilbi ito sa pambansang interes.  Back to top

1. Gaano kahalaga ang industriya ng langis sa Pilipinas?

Gayon na lamang kahalaga ang langis sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino. Halos lahat ng mga bagay na ginagamit natin sa araw-araw ay ginamitan ng panggatong na petrolyo. Ang gaas mismo, na esensyal sa pang-araw-araw na buhay ng marami lalo sa kanayunan ay isang produktong petrolyo.

Estratehiko ang papel ng langis sa pambansang ekonomya. Mahigit limampu't apat na porsyento (54.4%) ng pambansang konsumo ng enerhiya ay nagmumula sa imported na langis. Ito ang nagpapatakbo sa mga makinarya sa mga pabrika at sakahan, nagpapaandar sa mga sasakyan at lumilikha ng kuryente. Galing din sa petrolyo ang hilaw na materyales na kailangan ng batayang industriya ng kemikal, na bukod sa industriya ng bakal ay saligan ng tunay na industriyalisasyon at kaunlaran.

Subalit dahil ang industriya ng langis sa Pilipinas ay kontrolado ng mga dayuhang monopolyong kapitalista, nagsisilbi lamang ito sa pagsasamantala sa mamamayan at pagpapalaki ng tubo ng malalaking korporasyong dayuhan. Ang dayuhang kontrol sa industriya ng langis ay isa sa mga haligi ng imperyalistang dominasyon sa ekonomya ng bansa. Iginagapos nito ang mamamayang Pilipino sa walang katapusang pagtaas ng presyo ng langis habang walang katapusan namang lumiliit ang kanilang kakayahang bumili.  Back to top

2. Bakit palaging tumataas ang presyo ng produktong petrolyo?

PALAGING PATAAS ANG presyo ng mga produktong petrolyo dahil itinatakda ito ng kartel sa industriya ng langis sa layuning magkamal ng sobra-sobrang tubo.

Ang industriya ng petrolyo sa Pilipinas ay monopolisado ng mga kumpanyang Petron, Shell at Caltex—na bumubuo sa lokal na kartel sa langis. Kontrolado ng naturang mga kumpanya ang importasyon, pag-iimbak, pagrerepina at kalakhang bahagi ng distribusyon hanggang pagtitingi ng petrolyo. Mahigit 90% ng pamilihan ng mga produktong petrolyo sa bansa ay hawak ng mga ito. Sa ganitong katayuan, naitatakda ng sabwatan ng tatlo ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang mga kumpanyang bumubuo sa lokal na kartel ay mga subsidyaryo o pag-aari ng mas malalaking kumpanyang multinasyunal (multinational corporation o MNC) na bumubuo naman sa internasyunal na kartel na kumukontrol sa industriya ng langis sa buong daigdig (tingnan ang Talahanayan 1). Nakalatag sa daigdig ang malawak na lambat ng mga subsidyaryo ng naturang mga MNC.

Kumakamal ng napakalaking tubo ang mga MNC sa langis sa pamamagitan ng transfer pricing — ang sistema ng mas mataas na pagpepresyo sa "kalakalan" sa hanay ng mga subsidyaryo o sa pagitan ng isang subsidyaryo at ng nagmamay-aring MNC (na tinatawag na parent company). Isa ito sa mga pangunahing nagtutulak pataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa Pilipinas, ang krudong langis na inaangkat ng mga lokal na subsidyaryo mula sa mga parent company ay karaniwang mas mataas nang humigit-kumulang $3 bawat bariles kaysa presyo nito sa pan daigdigang pamilihan.

Sa pamamagitan ng transfer pricing, napalalabas ng mga lokal na kumpanya ng langis na nalulugi sila dahil sa malaking gastos sa importasyon. Kung tutuusin, ang pinalalabas na pagkalugi ay tubo para sa MNC na nag mamay-ari sa kumpanya. Ngunit ang umano'y pagkaluging ito ang isinasangkalan nila para makapagtaas ng presyo at sa gayo'y matiyak din ang supertubo ng subsidyaryo. Samakatwid, dalawang beses na kumikita rito ang kumpanya — isa para sa parent company at isa para sa subsidyaryo — sa kapinsalaan ng karaniwang mamimili.

Tinatayang P19 bilyon bawat taon ang naipupuslit ng lokal na kartel sa langis sa pakanang ito.

Lalo pang nakabwelo ang kartel sa ganitong pandaraya mula nang ipatupad ang deregulasyon ng industriya ng langis noong 1996.  Back to top

3. Karaniwang isinisisi sa OPEC ang pagtaas ng presyo ng langis. Ano ang OPEC at ano ang kinalaman nito sa pagpepresyo?

ANG ORGANIZATION of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay organisasyong kinabibilangan ng mga bansang Saudi Arabia, Iran, Iraq, Venezuela, Nigeria, United Arab Emirates, Kuwait, Indonesia, Libya, Algeria at Qatar. Binuo ito noong 1960 sa layuning ikoordina ang mga patakaran sa produksyon ng langis ng mga kasaping bansa sa harap ng labis na produksyong ginagawa ng mga imperyalista at ng kaakibat na pagbagsak ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Ang ganitong pagbagsak ng presyo ay banta sa katatagan ng ekonomya ng mga naturang bansa dahil sa langis sila pangunahing nakasandig.

Nagkakaisa ang mga myembro ng OPEC na kontrolin at limitahan ang produksyon ng langis upang iwasan ang sobrang pagbaba ng presyo nito at ang mabilis na pagkaubos ng limitadong reserba. Reaksyon ito sa halos solong paghigop ng mga imperyalista sa kita mula sa langis.

Epektibong naipatutupad ng mga kasapi ng OPEC ang kontrol sa suplay ng langis sa pamilihan sa pamamagitan ng pagsasabansa at tuwirang paghawak nila sa produksyon ng krudong langis sa kani-kanilang bansa. Nagmumula sa mga bansang kasapi ng OPEC ang 41% ng kabuuang produksyon ng krudong langis at 55% ng langis na ikinakalakal sa daigdig. Dulot nito, makabuluhan ang impluwensya ng organisasyon sa presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan.

Subalit ang presyo ng krudong langis ay isa lamang sa mga salik na nagtatakda ng pump price ng mga produktong petrolyo. Ang higit na malaki at di makatwirang dagdag sa pinal na presyo ng mga produktong petrolyo ay kagagawan na ng mga imperyalistang kumpanya ng langis na siyang may kontrol sa transportasyon at pagrerepina ng krudong langis at sa distribusyon at pagtitingi ng mga produkto nito.

Kung gayon, hindi dapat ituon sa OPEC ang sisi sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil ang impluwensya o papel nito ay hanggang sa antas lamang ng produksyon ng krudong langis. Bagkus, dapat ikonsentra ang pinakamabigat na pagbatikos sa pandaigdigang kartel sa langis na humuhuthot ng sobra-sobrang tubo at siyang tunay na nagtatakda ng pump price ng mga produktong petrolyo.  Back to top

4. Gaano kalaki ang ipinapatong ng kartel sa presyo ng langis?

TANGING ANG MGA LIBRO DE kwenta ng mga kumpanya ng langis ang makapagpa pakita ng eksaktong halagang ipinapatong nila sa presyo ng petrolyo. Gayunman, maaaring gamiting pamantayan ang automatic pricing mechanism (APM), ang dating pormula ng gubyerno sa pagtatakda ng presyo ng langis, upang hanggang sa isang antas ay masukat ang sobrang pagpepresyong ginagawa ng mga monopolyo.

Ayon sa APM, sa bawat dolyar na itinataas o ibinababa ng pandaigdigang presyo ng bawat bariles ng krudong langis, 26 sentimo kada litro ang itataas o ibababa ng pump price ng petrolyo sa Pilipinas. Ayon din sa pormula, ang bawat pisong pagtaas o pagbaba ng palitan ng piso sa dolyar ay katumbas ng 13 sentimo kada litrong pagtaas o pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Makikita sa Talahanayan 2 ang tantyang sobrang pagpepresyo ng kartel batay sa APM. Kapag tumataas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan o kaya'y bumababa ang halaga ng piso kontra sa dolyar, labis-labis ang pagtataas na ginagawa ng kartel.

Laging nagmamadaling magtaas ng presyo ang mga kumpanya. Oras na tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, agad silang nagtataas ng presyo kahit hindi pa nauubos ang karaniwa'y tatlong buwang imbentaryo o imbak na langis na binili nila sa mas mababang halaga.

Kapag bumababa naman ang pandaigdigang presyo, o kaya'y tumataas ang halaga ng piso kontra sa dolyar, wala o halos walang ibinababa ang presyo. May mga pagkakataon ngang itinataas pa rin ito.  Back to top

5. Magkano ang tinutubo ng mga kumpanya ng langis sa Pilipinas?

AYON SA MGA UPISYAL NA ulat ng tatlong higante sa industriya ng langis sa Pilipinas, tumabo sila ng pinagsamang tubong P6.7 bilyon noong 2000.
Kung idaragdag dito ang tinatayang P19 bilyong naipupuslit nila taun-taon sa pamamagitan ng transfer pricing at ang halos P6.8 bilyong ipinatong nila sa presyo ng mga produktong petrolyo, lalabas na mahigit P32 bilyon ang tinubo nila sa taong 2000. Ipinakikita sa Talahanayan 4 ang deklaradong tubo ng tatlong kumpanya mula 1989 hanggang 1999. Sa mga korporasyon sa Pilipinas na kumita ng pinakamalaki sa taong 2000, pumwesto sa ikaapat ang Petron, ikaanim ang Shell at ikawalo ang Caltex.  Back to top

6. Bakit malayang nakapandaraya ang kartel sa langis?

MALAYANG NAKAPANDARAYA ang kartel sa langis dahil kinakandili ito ng reaksyunaryong gubyerno. Kahit noong panahon ng "regulasyon" o pagkontrol ng gubyerno sa presyo ng langis, tuluy-tuloy na tumataas ang mga presyo. Bagamat noon ay tila walang kalayaan ang kartel na itakda ang presyo ng langis, kung tutuusin ay palaging nasusunod ang kagustuhan nito dahil sa mahigpit na pakikipagsabwatan dito ng reaksyunaryong gubyerno sa pamamagitan ng Energy Regulatory Board (ERB), ang ahensyang nag-aapruba sa mga pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagpapatupad ng deregulasyon ng industriya ng langis, tahasan nang binigyan ng buong laya ang mga dayuhang monopolyo sa pagtatakda ng presyo ng langis sa lokal na pamilihan. Unang isinabatas ang deregulasyon noong 1996 bilang Republic Act (RA) 8180 o Downstream Oil Industry Deregulation Act. Dahil sa pagtutol ng mamamayan, isinaisantabi ito ng gubyerno ngunit hinalinhan lamang noong 1998 ng halos eksaktong kopya, ang RA 8479.

Sa ilalim ng deregulasyon, higit pang naging malayang mandambong ang mga dambuhalang kumpanya ng langis.

Una, binuwag na ang ERB. Hindi na ngayon kailangang maghapag pa ng kaukulang petisyon sa ERB ang kumpanyang nagnanais magtaas ng presyo. Hindi na rin kailangang iharap sa publiko ang anumang planong magtaas ng presyo.

Inalis na rin ang tatlong-buwang mini mum na imbentaryo o dami ng suplay na dapat ay pirmeng naka imbak ng mga kumpanya. Ang pagtatakda ng minimum na imbentaryo ay isa noong proteksyon sa mabilis na pagbabagu-bago ng presyo. Ngayong wala na ito, mas malaya na ang mga kumpanyang kaagad na magtaas ng presyo tuwing tataas ang presyo ng krudong langis, gaano pa man kalaki ang natitira nilang suplay.


Alinsunod naman sa awtoridad na ibinigay dito ng RA 8479, Kwenta batay sa datos ng DOE inalis na ng dating rehimeng Estrada sa pamamagitan ng Executive Order 314 noong Nobyembre 2000 ang taripang dapat bayaran ng mga kumpanya sa pag-angkat ng mga produktong petrolyo kabilang yaong ginagamit ng nakararami tulad ng diesel at LPG. Kaya bukod sa malaya na silang magtaas ng presyo, libre na rin sa pagbabayad ng buwis ang tatlong dambuhala.

Hanggang sa kasalukuyan, kontrolado ng tatlong malalaking kumpanya ang pamilihan ng mga produktong petrolyo sa bansa. Hawak ng Petron ang 35.4% nito, 35.1% ng Shell at 20.9% ng Caltex. Ang mga kumpanyang baguhan sa industriya at yaong mga bagong pasok sa bansa, na ipinangalandakan noong yayabong sa ilalim ng deregulasyon at magpapasigla sa kumpetisyon, ay bumabahagi lamang ng 8.6% ng merkado. Sa kabuuang 3,220 gasolinahan sa bansa, 145 o 4.5% lamang ang pag-aari ng mga bagong kumpanya. Banggitin pa, karamihan sa mga ito ay nakasalig sa tatlong dambuhalang kumpanya.

Patuloy pa rin ang paglaki ng tatlong higante. Noong 2000, P4.2 bilyong bagong kapital ang ginugol ng Petron para pataasin ang kapasidad nito sa produksyon. Mula sa dating 165,000 bariles ng langis araw-araw, nakapagpoproseso na ito ngayon ng 180,000. Noon namang 1999, itinaas ng Caltex nang 39% ang halagang inilaan para paunlarin ang refinery nito sa Batangas at palawakin ang saklaw nito sa pamilihan. Bunga nito, naitaas ng kumpanya ang kakayahan sa produksyon mula 70,000 tungong 84,000 bariles bawat araw.  Back to top

7. Bakit ipinatupad ng reaksyunaryong gubyerno ang deregulasyon?

ANG PAGSASABATAS NG deregulasyon ng industriya ng langis ay pagsunod sa dikta ng US sa pamamagitan ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) at bahagi ng patakaran ng imperyalistang "globalisasyon". Upang maipilit ang pagpapatupad nito, ginawa itong kundisyon sa $650 milyong pautang ng IMF sa bansa noong 1994.

Noon pang 1992, itinakda na sa pamamagitan ng RA 7638 na ang direksyon ng programa ng gubyerno sa enerhiya ay ang pribatisasyon ng mga ahensyang may kaugnayan sa enerhiya at ang deregulasyon ng sektor ng enerhiya.

Umaalinsunod ito sa imperyalistang patakaran ng "globalisasyon" at "malayang kalakalan" na nagsasabing ang anumang pakikialam o regulasyon ng gubyerno ay humahadlang sa malayang kumpetisyon, nagreresulta sa pagbaba ng kalidad ng mga produkto't serbisyo at nagpapataas sa mga presyo.

Sa pamamagitan ng pagpawi sa anumang papel ng gubyerno sa galaw ng industriya at negosyo, nagiging pantay diumano ang laban ng iba't ibang kumpanya.

Makaeengganyo raw ito ng mga bagong mamumuhunan para lumahok sa ibubunsod na malayang kumpetisyon. Ang masiglang kumpetisyon ay magtutulak umano sa mga kapitalista na paghusayin ang kanilang mga produkto't serbisyo. Pinakamahalaga, magbibigay-daan daw ito sa pagbaba ng mga presyo.

Sa katotohanan, ang nais baklasin ng mga monopolyo kapitalista ay ang balakid at abalang idinudulot ng mga "regulasyon" ng gubyerno sa paghigop nila ng dambuhalang tubo. Sa paglubha ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ginagawa ng mga imperyalista ang lahat ng paraan upang maalis ang lahat ng hadlang sa bwelo ng kanilang mga negosyo.

Napakalinaw, na sa halip na buwagin, lalo lamang pinalakas ng deregulasyon ang pamamayani ng kartel ng langis sa Pilipinas.  Back to top

8. Makatutulong ba kung ibabalik ang regulasyon ng gubyerno sa industriya ng langis?

HINDI MALULUTAS NG simpleng pagbabalik sa dating kaayusan ang problema ng di maawat na pagtaas ng presyo ng langis. Matatandaang deka-dekada pa bago ipatupad ang deregulasyon, hindi na makaalpas ang mamamayan sa problemang ito.

Bago isabatas ang deregulasyon, ang gubyerno mismo ay nakikilahok sa kartel sa pamamagitan ng Petron na noon ay pag-aari pa nito. Taliwas sa deklaradong layunin noon ng Petron na tiyakin ang sapat na suplay ng langis sa presyong abot-kaya ng mamamayan, hindi iilan ang pagkakataong ito pa mismo ang nauunang maggiit ng pagtataas ng presyo.

Ang ERB, na naturingang tagapagpatupad ng mga regulasyon noon, ay siya pang nagtatanggol sa mga kumpanya ng langis kapag nagtataas ng presyo. Masahol pa, upang gawin umanong istable ang lokal na mga presyo kapag tumataas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan, ipinapapasan sa mamamayan ang "lugi" ng mga kumpanya sa pamamagitan ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF). Sa katunayan, sa ilalim ng batas sa deregulasyon ay obligado pa rin ang gubyernong bayaran ang mga balanseng noon pa kinukubra ng mga kumpanya mula sa OPSF.

Walang dudang ang deregu lasyon ay nagpapalala sa problema. Ngunit ito ay bahagi lamang ng mas saligang problema ng monopolyong kontrol sa industriya ng langis at ang pagtataguyod, pakikipagsabwatan at pangangayupapa rito ng gubyerno sa kapinsalaan ng mamamayan. May regulasyon man o wala, hangga't umiiral ang dominasyon ng mga monopolyong korporasyon sa industriya, magpapatuloy ang walang-patid na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.  Back to top

9. Ano kung gayon ang dapat gawin upang maging abot-kaya ang presyo ng langis?

UPANG LUTASIN ANG problema sa mataas at tuluy-tuloy pang tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo, kinakailangang:

  1. Irolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo upang alisin ang sobra-sobrang ipinatong dito ng kartel sa nakaraan. Samantala, dapat pigilan ang anumang pagtataas pa ng presyo;
  2. Ibasura ang RA 8479 na nag bigay sa mga kumpanya ng buong layang magtaas sa presyo, at iwaksi ang patakaran ng deregulasyon sa kabuuan; at
  3. Isabansa ang industriya ng langis sa Pilipinas. Isen tralisa sa estado ang importasyon, pag-iimbak at pagrerepina ng krudong langis at kalakhang bahagi ng distribusyon ng mga repinadong produktong petrolyo.

Maaaring pahintulutan sa isang takdang antas at panahon ang pribadong pagtitingi ng mga produktong ito. Subalit ang kalakhang bahagi ay ilalagay sa kontrol ng estado. Sa importasyon, maaaring pumasok ang bansa sa mga bilateral na pakikipagkasundo sa mga bansang mag-aalok ng krudong langis sa pinakamababang presyo.

Kasabay nito, sisikaping bawasan ang pag-asa sa imported na langis sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pansin at rekurso sa paghahanap at pagpapaunlad ng lokal na mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya katulad ng natural gas, hydro electric power, geothermal power at iba pa. Bukod pa ito sa paghahanap ng lokal na mga deposito ng langis.

Sa halip na ituon sa pagkakamal ng supertubo kagaya ng umiiral sa kasalu kuyan, itutuon ang produksyon sa pagtiyak na laging may sapat na suplay ng mga produktong petrolyo sa presyong abot-kaya. Pagsisilbihin ang industriya ng langis sa pagpupundar ng mga pambansang batayang industriya at mekanisasyon ng agrikultura.

Subalit ang ganitong mga hakbangin ay hinahadlangan ng kasa lukuyang malakolonyal na estado. Sa halip, patuloy na pinag titibay ng malalaking kumprador at burukrata kapitalista ang dayuhang monopolyo-kapitalistang interes sa bansa.

Ang pagsasabansa ng industriya ng langis, kung gayon, ay hindi maaaring ihiwalay sa pakikibaka para sa rebolusyonaryong pagbabagong panlipunan. Ang pagwawakas sa imperyalistang kontrol sa industriya ng langis ay magiging bahagi lamang ng pagwawakas sa imperyalistang kontrol sa lipunang Pilipino sa kabuuan.


Talasalitaan

krudong langis - hilaw na materyal ng mga produktong petrolyo. Nabuo sa loob ng milyun-milyong taon mula sa mga labi ng mga sinaunang hayop at halaman at natatagpuan sa mga deposito sa ilalim ng lupa.

diesel (o diesel fuel) - panggatong para sa makinang diesel. Nagpapaandar sa mga pampasaherong dyip at bus. Karaniwang tinatawag na 'krudo'.

downstream oil industry - ang bahagi ng industriya ng langis mula pagrerepina hanggang pagtitingi. Ang bahaging kinabibilangan ng produksyon ng krudong langis, pagluluwas at pagbebenta nito at pagdadala patungo sa mga refinery ay tinatawag na upstream oil industry.

geothermal power - kuryenteng nalilikha mula sa init sa ilalim ng lupa. Ang init ay nakaiipon ng kumukulong tubig malapit sa ibabaw ng lupa. Ang singaw ng kumukulong tubig na ito ay ginagamit upang paandarin ang mga turbinang lumilikha ng kuryente.

hydroelectric power - kuryenteng nalilikha sa pamamagitan ng pwersa ng bumubuhos na tubig. Sa pamamagitan ng mga dam o talon, nakalilikha ng sapat na pwersang magpapaikot sa turbinang lilikha ng kuryente.

LPG (liquefied petroleum gas) - gas na karaniwang ginagamit sa pagluluto. Mas kilala sa tawag na Gasul, ang tatak ng LPG na gawa ng Petron.

natural gas - gas na tulad ng krudong langis ay mula rin sa mga labi ng mga sinaunang hayop at halaman. Maaari ring matagpuan nang bukod o kasama ng mga deposito ng krudong langis.

Oil Price Stabilization Fund - pondo noon ng ERB na umano'y buffer o pansalo upang protektahan ang mamamayan laban sa labis na pagtaas ng presyo ng langis. Sa aktwal ay nagsilbing pang-abono ng gubyerno sa nababawas sa tubo ng mga kumpanya ng langis kapag hindi napagtitibay ang mga petisyon para sa pagtataas ng presyo.

presyo sa pandaigdigang pamilihan - ang sinusunod na pamantayan ngayon sa Pilipinas ay ang presyo ng krudong langis mula sa Dubai

pump price - presyo ng itinitinging mga produktong petrolyo sa mga gasolinahan

pagrerepina - paglinis sa krudong langis upang lumikha ng mas pino at purong mga produktong petrolyo. Ginagawa sa pamamagitan ng distilasyon o pagpapatining upang paghiwa-hiwalayin ang iba't ibang sangkap ng langis.

refinery (o oil refinery) - pasilidad na nagrerepina ng krudong langis

repinadong produktong petrolyo (o produktong petrolyo) - mga yaring produkto mula sa krudong langis. Mga halimbawa: gasolina, diesel, gaas at LPG.

sektor ng enerhiya - sektor na kinabibilangan ng industriya ng langis at kuryente.

Back to top

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.