Matatagumpay na Opensiba ng BHB: Philippine Army, binigwasan ng BHB sa QuezonIsang matinding bigwas sa kaaway ang tagumpay ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa South Quezon na biguin ang papatinding operasyong militar sa prubinsya. Nanaig ang mga Pulang mandirigma sa dalawang magkasunod na sagupaan noong Abril 24 laban sa 201st Bde dahil sa maayos na pagbasa sa sitwasyon at mataas na mapanlabang diwa sa gitna ng ilang araw nang operasyong militar.
Naganap ang nasabing mga labanan sa Sityo Villaminda, Barangay Sto. Ni�o-Ilaya, Lopez, Quezon na nagresulta sa pagkamatay ng di kukulangin sa 11 sundalo. Malaon nang naglulunsad ang mga yunit ng 201st Bde ng Civil Military Operations-Reengineered Special Operations Team (CMO-RSOT) sa anim na barangay ng Lopez kabilang ang Sto. Ni�o-Ilaya.
Naganap ang unang labanan bandang alas-12:20 ng tanghali. Ginagalugad noon ng mahigit 100 tropa ng militar ang paligid ng lugar na hinihimpilan ng isang yunit ng BHB. Palibhasa'y nakahanda ang mga gerilya, naunahan nila ng putok ang umaabanteng siyam-kataong tim ng kaaway. Sa unang bugso pa lamang ng putukan, walo agad ang tumimbuwang sa militar. Tumagal pa ang putukan nang 30 minuto. Napasabog din ng mga gerilya ang inihanda nilang bomba sa bukana ng kinalalagyan ng himpilan kaya lalo pang lumaki ang pinsala sa kaaway. Maayos na nakaatras ang mga kasama nang walang anumang natamong kaswalti.
Noong bandang alas-5 naman ng hapon, binalikan ng 10-kataong iskwad ng BHB ang lugar na pinaglabanan. Mula sa mataas at paborableng pusisyon, muling pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo sa loob ng 15 minuto. Walang nagawa ang militar kahit higit silang nakararami. Tila mga asong bahag ang buntot silang nagtakbuhan habang pinapuputukan ng mga gerilya.
Tulad ng dati na nilang nakagawian, mga sibilyan ang pinagbalingan ng karahasan ng mga duwag na militar. Inaresto ng AFP si Ben Sarmiento ng Sityo Villaminda noong Abril 25. Hinaras din nila maging ang mga residente ng mga karatig-barangay. Sa katunayan, iligal ding inaresto sina Poling Evangelista at Ruel de San Luis na naninirahan sa Sityo Baliswang, San Francisco B, Lopez, Quezon.
Sa Bulacan. Tinangkang durugin noong Abril 24 ng pinagsanib na pwersa ng First Scout Ranger Regiment (FSRR) at 56th IB ang isang nakahimpil na platun ng BHB sa Sityo Sulucan, Barangay Balaong, San Miguel. Bagamat ang kaaway ang siyang nakauna, naagaw ng BHB ang inisyatiba sa labanan. Ayon sa pahayag ng Eastern Bulacan Command noong Abril 26, aabot sa 10 sundalo ang napatay sa sagupaan habang anim ang sugatan sa panig ng BHB. Dahil sa mga kaswalting ito, dinampot at pinahirapan ng militar ang 12 residente ng Barangay Balaong.
Sa Negros. Tinambangan at pinarusahan ng isang pangkat ng BHB noong Abril 29 sa Barangay San Pablo, Manapla, Negros Occidental si Sgt. Tranquilino Malcredo, isang operatibong paniktik ng 11th IB. Duguan ang mahabang rekord ng 11th IB sa paglabag sa karapatang-tao saan man ito maipakat, maging sa Panay, Mindanao o Bohol.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|