|
|
Bilang ambag sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng Unibersal na Deklarasyon ng mga Karapatang-tao, inilalathala ng Ang Bayan ang espesyal na isyung ito tungkol sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas sa pagitan ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Makasaysayan ang Kasunduan, dahil makabuluhan itong tumutugon sa hangarin ng sambayanang Pilipino sa paggalang sa mga karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas. Sa pamamagitan nito, pormal na kinikilala ng GRP ang malawakang paglabag sa mga karapatang-tao sa bansa. Itinatakda rin ang pangangailangang gumawa ng mga kongkretong hakbang upang baguhin ang sitwasyong ito at bigyang-katarungan ang mga biktima ng pasistang panunupil at karahasan. Ang Kasunduan ay pinagtibay ni Kasamang Mariano Orosa, Tagapangulo ng Pambansang Konseho ng PDPP noong Abril 10, 1998, at ni Pangulong Joseph Estrada ng GRP noong Agosto 7, 1998. Pero iba't ibang paraan ang ginagawa ng reaksyunaryong rehimeng US-Estrada para sagkaan ang pagpapatupad nito.
Bilang mga alyadong organisasyon ng PDPP at alinsunod sa mga probisyon ng Kasunduan, ang Partido at Bagong Hukbong Bayan ay naninindigan na dapat ipatupad ito nang kagyat, buo at walang pasubali. Ang pagsasakatuparan nito kapwa ng PDPP at GRP ay susi sa pagpapapatuloy at pagsulong ng usapang pangkapayapaan. Pananaw at mga hakbangin ng GRP laban sa KasunduanNilagdaan ni Estrada ang Kasunduan pero may ikinabit na sariling dagdag na ipatutupad iyon "alinsunod sa mga prosesong Konstitusyunal at ligal" ng GRP. Nang arbitraryong igiit ng mga kinatawan ng GRP ang nasabing dagdag hindi lamang sa mga pwersa ng GRP kundi maging sa mga pwersa ng PDPP, epektibong binarahan nila ang aktwal na implementasyon ng Kasunduan. Di naglaon dinala ng mga kinatawan ng GRP ang linya ng pangangatwiran na wala silang obligasyon sa Kasunduan dahil nagkamali lamang daw ang kanilang prinsipal na si Estrada sa paglagda at pagpapatibay dito. Papayag lamang silang ipatupad ang Kasunduan at igalang ang lagda rito ng kanilang presidente, kung magpapailalim ang PDPP sa mga kundisyong mangangahulugan ng pagsuko sa kalayaan at sariling awtoridad ng rebolusyonaryong kilusan, bagay na labag sa mismong diwa at mga prinsipyo ng usapang pangkapayapaan na nauna nang pinagkaisahan ng dalawang panig. Sa ganitong mga gawi, inilalantad ng GRP ang kawalan ng sinseridad sa usapang pangkapayapaan at pagdadalawang-mukha sa usapin ng mga karapatang-tao. Pumirma si Estrada sa Kasunduan hindi para seryosong ipatupad ito, kundi para lamang makapag-astang naninindigang pabor sa mga karapatang-tao. Malinaw na hindi rin seryoso ang GRP na harapin at lutasin ang mga tunay na ugat ng digmaang sibil sa Pilipinas. Matapos ang mahigit limang taong negosasyon, hindi pa rin nito binibitiwan ang saligang layuning pasukuin lamang ang mga pwersang rebolusyonaryo sa pamamagitan ng panlilinlang at pananakot. Sa di nito paggalang sa Kasunduan, hinahadlangan ng GRP ang pagsulong ng usapang pangkapayapaan sa iba pang paksa sa adyenda ng kinakailangang mga pundamental na reporma at pagbabago. Hindi malayong nagtutulak ang GRP ng tuluyang pagbagsak ng usapang pangkapayapaan kasabay ng ibayong pagpapatindi pa ng pananalakay sa rebolusyonaryong kilusan at panunupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang pakana ng GRP na ibasura ang Kasunduan ay udyok pangunahin ng imperyalismong US at ng pinakamasugid na instrumento nito sa bansa � ang mataas na kumand ng AFP at PNP. Sa harap ng napakalubhang krisis sa ekonomya at masiglang paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusang armado, nanunulsol sila ng todong pagpapaigting ng kontra-rebolusyonaryong digma at paggamit ng kamay na bakal upang suhetuhin ang nag-aalsang mamamayan. Papanagutin ang GRP!Bagamat gustong ibasura ng GRP, ang Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao ay dapat patuloy na ipalaganap at ipaliwanag sa malawak na masa ng sambayanan. Bagamat gusto nitong talikuran ang Kasunduan, dapat papanagutin ang GRP sa mga obligasyong inako nito, bukod sa iba pa nitong mga obligasyon sa mga demokratiko at pambansang karapatan at kapakanan ng sambayanan. Dapat militanteng igiit ng mga demokratiko at progresibong pwersa ang paggalang sa Kasunduan at ang pagpapatupad nito ng mga kinauukulan. Lumagda ang rebolusyonaryong kilusan sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas na walang ilusyong mawawakasan nito ang lansakang mga paglabag ng pasistang estado sa mga demokratikong karapatan at kalayaan ng mamamayan. Gayunman, laging bukas at nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na makipagtulungan sa anumang pagsisikap na makatugon sa makabuluhang paraan sa mga saligang interes ng masa ng sambayanan. Mula't sapul, nanindigan ang Partido at BHB na dapat isulong at pag-ibayuhin ang armadong rebolusyon habang isinusulong ang negosasyong pangkapayapaan. Ang lantad na kawalang-katapatan at kawalang-galang ng mga pinuno at kinatawan ng reaksyunaryong papet na gubyerno sa sarili nitong lagda at mga obligasyong kusang inako sa usapang pangkapayapaan ay dagdag pang dahilan para magpursige sa armadong rebolusyon at lalo pang paigtingin ito. Laging handa ang mga rebolusyonaryong pwersa na sumalig sa sariling pakikibaka para makamit ang tunay, makatarungan at matagalang kapayapaan.
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|