![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Nakikiisa ang lahat ng kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa lahat ng 17 magkakaalyadong organisasyong bumubuo sa National Democratic Front sa okasyon ng ika-30 taong anibersaryo nito. Marapat lamang na sa araw na ito ay muli nating pagtibayin ang dedikasyon sa walang kapagurang pakikibaka hanggang sa pagkakamit ng pambansang kalayaan at demokrasya. Ialay natin ang pagdiriwang na ito sa lahat ng martir at bayani ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sariwain natin ang alaala ni Kasamang Antonio Zumel � ang yumaong tagapangulo ng NDF na si Manuel Romero � at humalaw ng inspirasyon sa kanyang lubos na pag-aalay ng buhay at talino sa paglilingkod sa bayan. Ang pagdiriwang na ito ay nagaganap sa gitna ng papatinding krisis sa daigdig at sa ating bansa, na nagsisilbing lalong mainam na kalagayan sa pagsusulong ng rebolusyon. Laluna na nitong nagdaang mga taon, mabilis at lahatang-panig ang pag-abante ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Puspusang isinasabalikat ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mabibigat na tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan, kilusang masa at nagkakaisang prente.
Maningning ang rekord ng NDF sa pagtataguyod at pagtatanggol ng pambansa-demokratikong interes at rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng NDF, ibayong napalalawak ang pagtangkilik sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Pilipinas ng iba't ibang sektor sa bansa, kabilang ang mga manggagawa, malamanggagawa, magsasaka, pambansang minorya, kabataan at estudyante, gayundin ang mga guro, propesyunal, kawani ng pamahalaan, at iba pa. Tampok na papel ng NDF ang pagkatawan sa rebolusyonaryong kilusan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno � sa kabila ng mga pihit sa takbo ng negosasyon dulot ng mga sagkang inilalagay dito ng gubyerno. Signipikante rin ang gawaing proto-diplomatiko at pagkatawan ng NDF sa rebolusyonaryong kilusan sa pakikipag-ugnayan sa iba't ibang bansa at mga pandaigdigang organisasyon at institusyon. Dahil sa mga gawaing ito ng NDF, marami ang kumikilala sa lehitimong adhikain at gawain ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Marami rin ang kumikilala sa status of belligerency nito o sa katayuan nito bilang isang lehitimong pwersang nakikipagdigma na may sariling kapangyarihang pampulitika, hukbo at teritoryo. Ang malawak na pagkilala at suportang tinatanggap ng NDF ay kalasag laban sa "gerang kontra-terorismo" ng imperyalismong US at reaksyunaryong estado. Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa ay nagagalak sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng NDF. Ang NDF ay isang di magigibang moog ng anti-imperyalista, anti-pyudal at antipasistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino. (Halaw sa mensahe ni Kasamang Gregorio "Ka Roger" Rosal sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng National Democratic Front sa Abril 24, 2003.) ![]()
|
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|