![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang kumand ng SOT sa Panay ay nilipol ng mga Pulang mandirigma Pebrero 24, 2003, alas 5:30 ng hapon, tinambangan ng isang yunit ng BHB ang isang iskwad ng SOT (Special Operations Team) ng Task Force Panay sa sapa ng Sibagwan, Barangay Daan Sur, Tapaz, Capiz. Napatay sa labanang ito sina Capt. Francisco Fonteveros, ang kumander ng SOT sa Panay, apat pang sundalo at ang giya nilang elemento ng CAFGU. Sugatan ang isa pang sundalo. Nasamsam ng yunit ng BHB ang limang ripleng M16, isang M14, maraming bala at isang two-way radio. Umabot ng humigit-kumulang 45 minuto ang labanan. Namartir sa labanan si Kasamang Ismaelito "Ka Bob" Giganto, kumander ng BHB sa Central Front. Pinasinungalingan ng tagumpay na ito ang naunang deklarasyon ng Task Force Panay (TFP) sa ilalim ng 3rd ID na nalipol na nila ang BHB sa Tapaz. Ipinagmalaki nilang ililipat na ng SOT sa pwersang impantri at CAFGU ang kontrol sa naturang bayan. Magdadalawang taon nang tinututukan ng TFP ang larangang gerilya sa Central Panay bilang isa sa mga prayoridad na durugin ng 3rd ID hanggang sa katapusan ng taong 2002, sa ilalim ng patakarang all-out war ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Simula noong Hulyo 2001, itinutok ng TFP ang papalaking pwersa nito sa sentral na larangan. Noong Oktubre 2002 ay umabot na sa dalawangkatlo (2/3) ng buong pwersang militar sa Panay ang nakatalaga sa humigit-kumulang tatlong bayan lamang sa hangganan ng mga prubinsya ng Capiz, Iloilo at Aklan. Kabilang sa mga pwersang ito ang 12th IB, ang Provisional Infantry Battalion (PIB), ang SOT, mga CAFGU at Army Engineering Battalion. Ang lugar na kanilang kinokonsentrahan ay lupang ninuno ng mga Tumanduk, isang pambansang minorya sa Panay. Malakas ang suporta ng mga Tumanduk sa rebolusyonaryong kilusan dahil sa tulong nito sa kanilang pakikibaka laban sa pag-agaw sa kanilang lupa. Katunayan, ang martir na si Ka Bob ay isang magiting na Pulang kumander na nagmula sa hanay ng mga Tumanduk. Ipinakat sa intermedyang bahagi ng Tapaz, sa walong magkakatabing baryo, ang unang bats ng SOT sa ilalim mismo ng 3rd ID noong Nobyembre-Disyembre 2001. Naglunsad ito ng mga operasyong kombat at saywar upang pilitin ang mamamayan na sumapi sa CAFGU at Barrio Intelligence Network (BIN). Noong Hulyo 2002, ipinakat naman sa mabundok na bahagi ang ikatlong bats ng SOT at ipinailalim sa TFP (ang ikalawang bats ay sa Bohol itinalaga). Samantala, inilagay din sa mga barangay na nakapalibot sa eryang binababaran ng SOT ang mga pwersa ng 12th IB bilang pwersang panseguridad nito. Ngunit sa pagtatapos ng halos dalawang taon, hindi nakamit ng TFP ang layunin nitong makarekrut ng mga elemento ng CAFGU at BIN sa bawat baryo. Sa halip, di aabot sa kalahati ng target ang nakuha at ang mga napasapi ay ilang dati nang masasamang elementong isinusuka ng masa sa lugar.
Sa mahabang panahong pagtigil ng reaksyunaryong militar sa kabundukan, inabuso nila nang labis ang mamamayan. Kabilang sa kanilang pananalanta ang pwersahang pagkonsentra ng mga tao sa sentro ng baryo at pagpapataw ng curfew, paninira ng mga panananim, pagdakip at pananakot sa mga pinaghihinalaang aktibo sa kilusan at pagtatangkang manggahasa. Binaril nila si Dante Parle, isang kabataang inakusahan nilang kasapi ng BHB. Karugtong lamang ito ng mahaba na ring kasaysayan ng panunupil sa mga pambansang minorya sa Tapaz mula pa noong panahon ng rehimeng US-Marcos. At tulad ng dati, umani ng papalaking protesta mula sa mamamayan ang ganitong mga paglapastangan sa karapatang-tao, at lalong dumami ang nagpasyang sumapi sa hukbong bayan. Bukod sa pagtarget na wasakin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, nilayon din nilang tugisin at durugin ang mga yunit ng BHB. Naglunsad ang mga ito ng mga operasyong kombat. May mga buwang higit pa sa dalawang operasyong laking-batalyon ang nailulunsad. Gayunman, walang naganap na mapagpasyang engkwentro sa mga yunit ng BHB dahil pinangalagaan ng mamamayan ang kaligtasan ng hukbo at ng mga organisasyong masa. Napilitan na lamang ang militar na mag-imbento ng mga sagupaan tulad ng nangyari noong Nobyembre 27, 2002 sa Santa Carmen, Dumalag, Capiz, kung saan binaril at napatay ang isang sundalo ng kapwa niya rin sundalo at malubhang nasugatan ang isa pa. Nagsasagawa noon ang 12th IB ng isang combat clearing operation. Ipinagmalaki ito ng TFP bilang engkwentro sa BHB at pinarangalan pa ang kanilang napatay. Nitong huli, ang mismong sentro ng kumand ng SOT ay nilipol ng BHB. Binibigyang-diin ng matagumpay na taktikal na opensibang ito ang pagkabigo ng kanilang kampanyang militar. Bibiguin ng BHB ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa suporta ng masa, patuloy itong lumalakas at tumatatag, katuwang ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga pambansang minorya upang ibayong ipagtanggol ang lupang ninuno. ![]()
|
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|