Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga detalye ng korapsyon ng rehimen

Ibinunyag ng isang retiradong pulis-heneral na tumatabo ng limpak-limpak na salapi sina Mike Arroyo na itinago sa kodang M1, ang anak nitong si Mikey Arroyo (M2) at kapatid na si Ignacio "Iggy" Arroyo (JS7) bilang mga pangunahing padrino ng hweteng ngayon. Ayon pa sa heneral, inangkin ng tatlong ito ang kuleksyon ng lagay mula sa hweteng matapos mahalal si Gloria Arroyo noong nakaraang taon. Tinatayang aabot sa P7 milyon kada buwan bawat prubinsya ang nakukulekta ng nakatatandang Arroyo habang tumatanggap naman ng P3 milyon bawat buwan kada prubinsya si Mikey. Kahit nakabase sa Visayas, nakakukuha ng P3 milyon hanggang P5 milyon si Iggy Arroyo mula sa mga panginoon ng hweteng sa Luzon.

Ang iskandalong ito ang pinakahuli lamang sa mahabang listahan ng nabubunyag na mga detalye kaugnay ng malawakang korapsyon at anomalya ng pamilyang Arroyo at mga kroni nito. Kasunod ito ng iskandalo hinggil sa magarbong pamumuhay ni Mike Arroyo nang tumira siya sa loob ng tatlong araw noong Marso sa pinakamahal na pahingahan sa isang hotel sa Las Vegas, Nevada, USA (na nagkakahalaga ng $20,000 o katumbas ng mahigit P1 milyon isang gabi).

Halos kasabay nito, ibinunyag ni Sen. Jinggoy Estrada ang sarisaring anomalya sa PAGCOR, ang tradisyunal na palabigasan ng sinumang pangkating nasa poder. Pinangangasiwaan ang PAGCOR ngayon ni Ephraim Eugenio, matalik na kaibigan ni Mike Arroyo at kilalang galamay ng mag-asawang Arroyo. Bukod sa kinukurakot ni Eugenio at mga alipures nito, hinuhuthutan din ni Eugenio ang PAGCOR, sa ngalan ng kanyang mga padrino. Nitong taon, aabot sa P489 milyon ang nawawala sa pondo ng PAGCOR dahil ipinambayad diumano ito ng upa ng isang casino (pasugalan) ng PAGCOR sa isang hotel. Ngunit nang siyasatin ito, hindi ito kabilang sa listahan ng mga gastos ng casino at lampas doble ito sa karaniwang halagang ibinabayad ng 13 ibang casino ng PAGCOR sa kani-kanilang mga inuupahang espasyo. Gayundin, milyun-milyon ang naglalaho na lamang sa PAGCOR dahil ginagamit itong pambayad sa 219 na konsultant at iba pang empleyado at alipures na ipinasok dito ng rehimen.

Malalaki man o maliliit, walang sinasanto ang mag-asawang Arroyo. Ultimong pagpapagawa ng mga uniporme ng mga empleyado sa Malakanyang ay pinakialaman na rin nila. Aabot sa P8 milyon ang halaga ng iginawad na kontrata sa isang suplayer para diumano sa bagong uniporme. Napakalaki ng halaga, ayon sa suplayer, dahil kalahati nito ay napunta sa isang malapit na kaibigan ni Mike Arroyo.

Kasabay ng lantarang pangungulimbat ng mga nasa Malakanyang, nag-uunahan naman ang iba pang mga upisyal ng gubyerno, militar at pulis sa paglimas sa natitirang rekurso ng bayan.

Pinakalitaw na rito ang pandarambong ni Maj. Gen. Carlos Garcia, dating comptroller o ingat-yaman ng AFP. Aabot na sa P303 milyon ang napapatunayang kinulimbat ni Garcia, kanyang asawa at mga anak mula sa pondo ng AFP.

Sa likod ng kaso ni Garcia ang mas malaki pang kaso ng pangungulimbat kung saan sangkot ang lihim na grupo ng mga nakatataas na upisyal-militar, ang dating kalihim ng depensa at kasalukuyang kalihim ng Department of the Interior and Local Government na si Angelo Reyes at mismong si Gloria Arroyo. Pinaghahati-hatian ng maraming upisyal-militar ang kikbak mula sa mga kontrata at biniling suplay at kagamitan ng AFP.

Ngunit mas malaki ang nakokopo ng isang mas maliit na grupo mula sa napakalaking pondong ibinibigay ng US bilang pamalit sa mga gastos ng AFP tuwing mayroong Balikatan. Tatlong matataas na upisyal, bukod kay Garcia, ang bumubuo sa maliit na grupong ito. Dagdag sa pondo ng Balikatan, pinagpipistahan din ng grupo ang pondong ibinibigay ng United Nations (UN) bilang pamalit sa nagagastos ng AFP tuwing may lumalahok na mga sundalong Pilipino sa mga operasyon ng UN sa ibayong dagat.

Bago si Garcia, nariyan ang panghuhuthot ni Gen. Jacinto Ligot, comptroller ng AFP sa ilalim ng panunungkulan ni Reyes bilang kalihim ng depensa. Dalawang mansyon sa US, samutsaring ari-arian sa Pilipinas at milyun-milyong piso rin ang produkto ng pangungulimbat ni Ligot.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Mayo 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin ang antipasistang pagkakaisa

National ID, Anti-terrorism Bill mga pakana ng US
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Ang brutal na gera ng rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mistulang batas militar sa Samar

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Aktibistang pangkapayapaan, iligal na ikinulong

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Philippine Army, binigwasan ng BHB sa Quezon

Araw ng Paggawa:
Pagdiriwang, masigla't matagumpay; mensahe ni Arroyo, binatikos

Mga Pinay, naglunsad ng martsa-rali sa New York
Mga detalye ng korapsyon ng rehimen
Arroyo-Cojuangco, patuloy ang sabwatan sa coco levy
Sa ibayong dagat:
Patuloy ang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Nepal

Sa ibayong dagat:
Makasaysayang kumperensya sa Bandung, ginunita

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.