Tutol sa gera ang sambayanang Pilipino
Sa Luzon, Kabisayaan at Mindanao, umaalingawngaw ang mariing pagbatikos sa gera ng US sa Iraq
Sa kabila ng mariing pagkundena ng napakaraming bansa sa mundo sa kasisimula pa lamang na gera laban sa Iraq, buong kapal ng mukha na inianunsyo ni Gloria Macapagal-Arroyo na kabilang ang kanyang gubyerno sa tinaguriang "coalition of the willing" na hayagang sumusuporta rito.
Sinamantala rin ni Macapagal-Arroyo ang malaon na niyang inaasam-asam na pagsisimula ng gera upang mabigyang-katwiran ang napipinto niyang paggamit ng "emergency powers" at mapadali ang pagpapasa sa "Anti-Terrorism Bill."
Bago pa man simulan ang gera, ipinakita na rin ni Macapagal-Arroyo ang pagpapakatuta niya sa amo niyang numero unong terorista sa mundo. Sunod-sunod ang mararahas na pagbuwag sa mga mapayapang demonstrasyon laban sa gera ng US sa Iraq. Hapon ng Marso 20, walang-awang pinagpapalo, binomba ng tubig at pinaghuhuli ng mga pulis ang mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Pamalakaya, Anakbayan, Anakpawis at KMU. Bagamat 12 sa kanila ang nasaktan, mas malaking bilang pa ng mga demonstrador ang bumalik sa US embassy, kabilang ang mga obispo, pari at madre na kasapi ng Promotion of Church People's Response, Justice not War Coalition, Bayan Muna, Moro Christian Peoples Alliance, Migrante at Gabriela.
Noon namang Marso 18, umabot sa 11 demonstrador, kabilang ang isang 10 taong gulang na batang lalaki, ang nasaktan nang buwagin ang kanilang rali sa tapat din ng US Embassy. May mga nabalian ng paa, binti at kamay at pumutok ang ulo. Pinagbubugbog din at pinaputukan ng baril ng pro-US at anti-komunistang Discovery Crusade of the Philippines ang isang grupo ng mga nagrarali laban sa gera.
Samantala, naglabas ng patalastas sa Philippine Daily Inquirer nitong Marso 20 ang koalisyong Women Working for Peace laban sa gera ng US sa Iraq. Bukod sa 31 kababaihang convenor ng koalisyon, pirmado ang patalastas ng mahigit 160 madre, kababaihang mambabatas at lokal na upisyal, mga artista, tagamidya at iba pang prominenteng lider kababaihan, 17 organisasyon ng kababaihan, mga guro at istudyante sa 17 paaralan at libu-libo pang iba. Ayon sa koalisyon, nababahala sila sa kahihinatnan ng 1.4 milyong Pilipino sa Middle East, kung saan 65% ay mga babaeng domestic helper. Anila, lumalaki ang bulnerabilidad ng kababaihan at mga bata sa panggagahasa at sekswal na abuso kapag may gera. Ang panggagahasa tuwing may gera ay isang moda ng tortyur at panlulupig, dagdag nila.
Sa mga unang oras ng pagsalakay ng US sa Baghdad at iba pang bahagi ng Iraq, nakiisa ang mga Pilipino sa mga protesta sa 126 na bansa sa mundo. Bukod sa Metro Manila, pumutok ang mga kilos protesta sa Baguio City at sa Rizal, Quezon, Cavite, Laguna, at Occidental Mindoro. Paralisado ang buong Panay at Guimaras sa welga laban sa pagtaas ng presyo ng langis at pagsalakay ng US sa Iraq. May mga pagkilos din sa mga lunsod ng Bacolod, Cebu, Davao, Cagayan de Oro at Zamboanga.
Binatikos din ng mga senador at kongresista na kasapi ng Legislators Against War (LAW) ang unilateral na gerang ito ng US.
Inianunsyo ng Justice not War Coalition ang paglulunsad ng malakihang mga kilos protesta simula ngayong Marso 22.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|