Sa ibayong dagat: Patuloy ang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa NepalBuong-husay na nasasamantala ng Communist Party of Nepal (Maoist) [CPN(M)] at ng pinamumunuan nitong People's Liberation Army (PLA) ang pampulitikang krisis sa Nepal para paigtingin ang armadong rebolusyon. Sunud-sunod na malalaki't maliliit na opensiba ang matagumpay na nailunsad ng PLA mula nang magpataw ng batas militar si Haring Gyanendra noong Pebrero bunsod ng paglakas ng armadong rebolusyon.
Siyam na taon nang naglulunsad ng digmang bayan ang CPN(M) sa Nepal, isang maliit at mabundok na bansa sa hilaga ng India na nakapailalim sa isang pyudal na monarkiya.
Sa serye ng mga opensiba ng PLA nitong huling mga buwan, malulubhang pinsala ang tinamo ng reaksyunaryong Royal Army sa iba't ibang panig ng bansa kabilang ang palibot ng kabiserang Kathmandu. Ilampung sundalo ng gubyerno ang napatay sa mga sagupaan at daan-daan naman ang nasugatan.
Upang ilingid sa mamamayan ang pagkayanig ng rehimen at iwasan ang pagbagsak ng moral ng mga pasistang tropa, binusalan ni Gyanendra ang masmidya.
Subalit bigo ang rehimen sa tangkang pahupain ang galit ng mamamayan. Ang 11 araw na pangkalahatang welga mula Abril 2 ay nagpakita ng napakalawak na suporta ng mamamayan sa panawagan ng mga rebolusyonaryong pwersa na wakasan ang pyudal na monarkiya. Ito na ang pinakamatagal na pangkalahatang welga sa kasaysayan ng Nepal. Naparalisa nito ang kalakhan ng transportasyon at naisara ang karamihan ng mga pabrika, pamilihan, upisina ng gubyerno, paaralan at mga negosyo.
Desperado ang rehimen. Habang sabay na naglalagablab sa buong bansa ang malawakang welga at ang mga armadong opensiba ng hukbong bayan, lalong naging desperado ang mga hakbang ng estado. Pinag-ibayo ng Royal Army ang pasistang pandarahas nito sa mamamayan laluna sa mga base ng mga pwersang Maoista. Sa distritong Kapilbastu, halimbawa, may isandaang bahay ang sinunog ng mga sundalo at 12 katao ang pinaslang kabilang ang ilang aktibistang Maoista. Libu-libong mamamayan ang napwersang lumikas patungong India bunga ng pasistang kampanya.
Kasabay ng pasistang pandarahas, desperado ring nagpapalaganap ang rehimen ng malisyosong mga kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong kilusan. Nagpaparada ito ng mga ordinaryong mamamayan sa telebisyon at pinalalabas na sila ay mga sumukong Maoista. Ipinagkakalat din ng Royal Army na may nagaganap umanong bangayan sa hanay ng liderato ng CPN(M).
Ngunit hindi mapigil ng mga hakbangin ng rehimen ang pagkakahiwalay nito hindi lamang sa Nepal kundi sa internasyunal na komunidad.
Sa kabilang panig, tuluy-tuloy naman ang pag-unlad ng rebolusyonaryong gubyerno sa malawak na kanayunan ng bansa. Habang sumasahol ang pampulitikang krisis sa Nepal, bumibilis ang pagsulong ng matagalang digmang bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|