Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mapangahas na isulong ang rebolusyong Pilipino sa gitna ng lumulubhang krisis ng daigdig at ng bansa

 Read this article in English

Mensahe sa ika-35 anibersaryo
ng Partido Komunista ng Pilipinas

ni Kasamang Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa ngalan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, ikinararangal kong iparating ang pinakamilitanteng pagbati ng rebolusyonaryong pakikiisa sa lahat ng mga kasama, kaibigan at sa malawak na masa ng sambayanan sa okasyon ng ika-35 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido sa teoretikong pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at batay sa kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.

Buong-galak nating ipinagdiriwang ngayon ang malalaking tagumpay na naipon ng ating Partido sa loob ng mahabang panahon, gayundin ang mga bagong tagumpay na nakamit sa ilalim ng Tatlong Taong Plano para sa 1999-2002 at nitong isang taon sa ilalim ng Tatlong Taong Plano para sa 2003-2005. May matibay tayong tuntungan para mapangahas na isulong ang rebolusyong Pilipino sa gitna ng lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Ang nakamit nating mga tagumpay ay lubos na pinaggugulan ng pagpupunyagi, pakikibaka at mga sakripisyo. Kaugnay nito, pinupuri namin ang lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, mga aktibistang masa at ang buong sambayanan sa lahat ng kanilang mga rebolusyonaryong pagsisikap. Ipinapahayag namin ang pinakamataas na parangal sa mga rebolusyonaryong martir at bayani.

Napatunayan ng Partido ang katayuan nito bilang abanteng destakamento ng rebolusyonaryong proletaryado sa Pilipinas at bilang pwersang namumuno sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, pagsusulong sa pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, at pagpapalawak at pagkokonsolida sa organisasyon ng Partido alinsunod sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo.

Ikinararangal ng Partido ang matagumpay na paglulunsad ng digmang bayan sa loob ng 35 taon sa isang bansang may estratehikong importansya para sa imperyalismong US. Magkasamang kinaya at napangibabawan ng Partido at ng sambayanang Pilipino ang mabibigat na pahirap ng imperyalismo at reaksyon, kabilang ang 14 na taon ng pasistang diktadurang Marcos at ang tuluy-tuloy na iba't ibang anyo ng interbensyong militar ng US sa mga sumunod na rehimen.

Naipakita natin na matagumpay na makapaglulunsad ng matagalang digmang bayan sa isang malakolonyal at malapyudal na bansang nasa palagiang krisis. Ang ating rebolusyonaryong kilusan ay nasa unahan ngayon ng mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa daigdig at marubdob nating hinahangad na mas marami pang bayan ang maglunsad ng armadong rebolusyon. Determinado tayong lubusin ang bagong-demokratikong rebolusyon gaano man katagal ito abutin at kapagdaka'y tumuloy sa sosyalistang rebolusyon.

Habang nagkakagulo noon ang mga bansang pinaghaharian ng mga rebisyunista at iwinawaksi ng mga naghaharing rebisyunista ang kanilang mga karatulang komunista at sosyalista at hibang nilang isinasapribado ang mga pag-aaring publiko, inilalako naman ng mga imperyalista, mga lokal na reaksyunaryo at mga rebisyunista at Trotskyistang taksil ang kasinungalingan na ang Partido at kilusang masa ay nawalan na raw ng mapagkukunan ng inspirasyong ideolohikal at suportang materyal.

Nagulantang ang mga kontrarebolusyonaryo nang ilunsad ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at muling pagtibayin ang anti-rebisyunistang pusisyon nito, punahin at itakwil ang mga rebisyunistang taksil at mga ayaw-magwastong oportunista at pagkatapos ay batikusin at itakwil ang "bagong kaayusang pandaigdig," globalisasyon ng "malayang pamilihan," at iba't ibang kabulaanang anti-komunista na balot sa lenggwaheng petiburges.

Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, pamumuno sa ibayong pagsulong ng rebolusyong Pilipino at pagpapahayag ng paninindigan kaugnay ng mga usaping pandaigdig, signipikanteng nakapag-ambag ang ating Partido sa mga pagsisikap ng pandaigdigang kilusang komunista at ng malawak na kilusang anti-imperyalista para kontrahin ang may maraming anyo ng opensiba ng mga imperyalista at nakamit nito ang pagkilala, paggalang, pagsusuportahan at pagtutulungan ng mga partido komunista at partidong manggagawa at ng proletaryado at mamamayan sa pandaigdigang saklaw.

1. Nag-iibayong lakas ng Partido

Buong-sigasig nating isinasakatuparan ang Tatlong Taong Plano para sa 2003-2005 upang palakasin pa ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon; itaas ang antas ng digmang bayan at lahatang-panig na sumulong. Ginagawa nating tuntungan ang mga tagumpay na nakamit sa takbo ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at ng Tatlong Taong Plano para sa 1999-2002.

Patuloy tayong humahalaw ng inspirasyon sa Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad noong 1967 at sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad noong 1992. Ang mga kilusang pagwawastong ito ay kapwa nakapagpalakas at muling nagpalakas sa Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Pinuna at iwinasto ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang malalaking kamalian mula 1930 at humantong ito sa muling pagtatatag ng Partido noong 1968. Pinuna at iwinasto naman ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang malalaking kamalian mula 1980 at humantong ito sa pagpapanibagong-sigla ng Partido sa loob ng mahigit isang dekada hanggang ngayon.

Lahat ng mga organo, yunit at indibidwal na kasapi ng Partido ay nasa tuluy-tuloy na proseso ng pag-aaral at paggagap sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Kaya naisaloob nila ang proletaryong rebolusyonaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan. Taglay nila ang sandata para punahin at iwaksi ang suhetibismo, sa anyo man ng rebisyunismo, empirisismo o dogmatismo.

Kaya nilang isanib ang mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan at kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Naging mapagpasya ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa kanilang pagkatuto. Mayamang aralin ang mga paglalagom na isinagawa kaugnay nito ng mga organong namumuno at istap ng Partido sa iba't ibang antas at ng mga yunit ng Partidong gumaganap ng gawain sa iba't ibang tipo ng teritoryo, iba't ibang tipo ng tungkulin at iba't ibang tipo ng organisasyong masa.

Higit kailanman, lahat ng kadre at kasapi ng Partido ay inoobligang magsagawa ng mga panlipunang pagsisiyasat kaugnay ng kanilang gawaing masa at matuto mula rito, magtasa ng kanilang gawain at magsagawa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang itaas ang antas ng kanilang kaalaman at paghusayin ang kanilang gawain at estilo ng paggawa. Ang mga organo at yunit ng Partido ay nagdardaos ng mga pulong pag-aaral kaugnay ng kasalukuyang gawain, matagalang mga isyu at mga piling babasahin.

Laging idinaraos ang mga pormal na kurso sa batayan, intermedya at abanteng antas. Ang batayang kurso ay naglalayong tiyakin na bawat kasapi ng Partido ay nakakukuha ng batayang edukasyon sa Marxismo-Leninismo at sa rebolusyong Pilipino. Ang intermedyang kurso ay naglalayong bigyan ang mga kadre ng malalim na kaalaman hinggil sa kasalukuyang rebolusyon at magsagawa ng komparatibong pag-aaral. Ang abanteng kurso ay naglalayong ipamilyarisa ang mga kadre ng Partido sa mga klasikong lathalain ng Marxismo-Leninismo hinggil sa pilosopiya, ekonomyang pampulitika at estratehiya at taktika at obligahin silang magsuri ng mga mayor na problema sa Pilipinas at sa daigdig.

Kaya nilang isanib ang mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan at kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.
Nakapaglabas ang Partido ng mahahalagang dokumentong may teoretiko at praktikal na kabuluhan para sa edukasyon ng mga kasapi ng Partido. Naglaman ang mga ito ng kritika sa modernong rebisyunismo at pagbagsak ng mga estadong pinagharian ng mga rebisyunista, mga saligang katangian ng monopolyo kapitalismo, globalisasyon ng "malayang pamilihan," pagka-agresibo ng mga "neo-konserbatibo" at iba't ibang tipo ng anti-komunismong petiburges, kabilang ang neo-Kautskyismo at Trotskyismo. Ang Partido ay kinilala ng mga partido komunista at mga progresibong organisasyon sa ibang bansa dahil sa mga teoretiko at pampulitikang pagsusuri nito.

Mapagpasya at militanteng isinusulong ng Partido ang pangkalahatang pampulitikang linya ng bagong- demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Nagkakaisa ang lahat ng kadre at kasapi ng Partido sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado bilang tugon sa kagyat na kalagayang malakolonyal at malapyudal nang may matagalang pagtanaw sa sosyalistang rebolusyon.

Ang kabulaanang pinalaganap ng mga reaksyunaryo at ayaw magwastong mga oportunista na ang Pilipinas ay hindi na malapyudal kundi umabot na sa mataas na antas ng industriyalisasyon at urbanisasyon mula noong panahon ng malaking kumprador na pasistang rehimeng Marcos, ay ganap nang napasubalian sa harap ng atrasadong kalagayang agraryo na inilantad ng lumulubha at lumalalim na krisis. Ang kasinungalingang lipas na ang mga usapin ng pambansang soberanya at patrimonya ay ganap na ring napasubalian habang kinukumpronta ng malawak na masa ng sambayanan ang mapandambong na katangian ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at ang lagim ng imperyalistang terorismo at mga gerang agresyon.

Salamat sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tumaas nang higit kailanman ang kakayahan ng Partido na pag-aralan ang petiburges na panlipunang batayan ng mga Kanan at "Kaliwang" oportunistang kamalian at tunguhin at matutunan ang epektibong pagbaka at pagsugpo sa mga ito. Ang tagumpay natin laban sa oportunismo, repormismo, rebisyunismo at likidasyunismo sa loob ng Partido ay nagpabilis sa paglaki ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusang masa. Ibayo pang nagpakabulok ang mga ayaw magwastong oportunista at mga rebisyunistang taksil at lubusan na silang nagladlad bilang mga espesyal na ahente ng kaaway.

Tuluy-tuloy na iniugnay ng Partido ang uring manggagawa sa uring magsasaka sa pamamagitan ng pagsalig pangunahin sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, pagkabig sa mga panggitnang magsasaka, pagnyutralisa sa mayayamang magsasaka at pagsamantala sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga naliliwanagan at mga despotikong panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng mga despotiko. Ito ang rebolusyonaryong linyang makauri ng Partido sa pagsusulong ng antipyudal na demokratikong rebolusyon, sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, sa pagpapatupad ng reporma sa lupa at sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa kanayunan.

Laging tumatalima ang Partido sa estratehikong linya ng paglulunsad ng digmang bayan sa loob ng mahabang panahon sa pamamagitan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pag-iipon ng lakas hanggang kayanin nang agawin ang kalunsuran. Sa pamumuno ng Partido, nag-iipon ng armadong lakas ang Bagong Hukbong Bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba. Naglulunsad ito ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Sa kalakha'y nakumpleto na nito ang maagang subyugto ng estratehikong depensiba at kasalukuyan nang nasa proseso ng pagsisimula ng gitnang subyugto.

May libu-libo itong Pulang mandirigma na may mga ripleng awtomatik at iba pang malalakas na armas. Dumaan na sila sa pagsasanay pulitiko-militar at subok na sa labanan at sa gawaing masa. Dumami sila sa taunang tantos na 10-15% mula 1999 hanggang 2001 kaagapay ng pagdami ng malalakas na riple sa taunang tantos na 11-16% sa gayunding panahon. Gayunman, mas marami pa rin ang mga Pulang mandirigma kaysa mga baril sa resyong 3:2. Kaya nariyan ang mahigpit na pangangailangang sumamsam ng dagdag pang mga baril sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba.

Kumikilos ang BHB sa 128 larangang gerilyang sumasaklaw sa milyun-milyong mamamayan. Matatagpuan ito sa 8,000 baryo o halos 20% ng lahat ng baryo. Nasa makabuluhang bahagi ito ng 700-800 bayan at lunsod (humigit-kumulang 50% ng kabuuang bilang) at nasa mahigit 90% ng mga prubinsya. Sa direksyon ng Partido, sadyang nagdahan-dahan ang hukbong bayan sa pagpaparami ng mga larangang gerilya (kumpara sa mataas na tantos ng pagdami noong huling hati ng dekada 1990) upang mapalawak at makonsolida ang bawat larangang gerilya.

Bigo ang kaaway sa mga layunin ng patakarang todo-gera at pagkokonsentra ng mga pwersang militar sa 12 piling larangang gerilya mula 2001. Patuloy na lumalaki at hindi masupil ang rebolusyonaryong kilusan. Makapagkokonsentra ang kaaway ng mga pwersang militar sa 12 larangang gerilya at makagagawa ng lahat ng klase ng kahayupan laban sa mamamayan. Ngunit sa mahigit 110 larangang gerilya gayundin sa mga bagong erya, ang BHB ay ibayo pang makapagpapalakas, makagaganap ng rebolusyonaryong gawain at makapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Pinakamataas na prayoridad ang ibinibigay ng Partido sa pagtupad sa rebolusyonaryong patakaran sa reporma sa lupa upang tugunan ang kahilingan ng mga magsasaka para sa lupa, na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Bukod sa kampanya sa reporma sa lupa, naglulunsad rin ang Partido ng mga kampanya para organisahin at bigyang-edukasyon ang masa, pataasin ang produksyon, pahusayin ang kalagayang pangkalusugan at pangkalinisan, sanayin ang mamamayan sa pagtatanggol sa sarili, ibsan o pawiin ang iliterasiya, itaguyod ang mga pangkulturang aktibidad, resolbahin ang mga alitan sa hanay ng mamamayan at iba pa.

Sistematikong itinatayo ng Partido ang baseng masa ng rebolusyon. Kabilang dito ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ang tumatayong demokratikong gubyernong bayan. Ito ang rebolusyonaryong gubyerno ng mga manggagawa at magsasakang sangkot sa isang gera sibil laban sa reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Sinusuportahan sila ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pa at ng malawak na masa ng sambayanan. Ang kasapian ng mga organisasyong masang ito ay aabot sa daan-daang libo at lumaki sa abereyds na taunang tantos na 19.4% mula 1999 hanggang 2001.

Ang mamamayan ang hindi matutuyong bukal ng lakas ng Partido at hukbong bayan. Ang pinakamahuhusay nilang mga anak ay sumasama sa mga rebolusyonaryong pwersa. Kusa silang nag-aambag ng mga rekurso kapag nakikinabang sila sa reporma sa lupa, pagtaas ng sahod, mas mataas na produksyon, mas magandang presyo ng kanilang mga produkto, edukasyong masa, pangangalaga sa kalusugan, mga pangkulturang aktibidad, panloob na seguridad at depensa. Ang patakaran sa pagbubuwis ng demokratikong gubyernong bayan ay naglalayong lumikom ng mga rekurso para sa panlipunang kapakinabangan ng mamamayan.

Kinokoordina ng Partido ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa kalunsuran at kanayunan. Upang maisakatuparan ang koordinasyong ito, gumagamit ang Partido ng mga ligal at iligal na pamamaraan. Umiiral at dumarami ang mga grupo ng Partido sa mga ligal na institusyon at organisasyon, kabilang yaong reaksyunaryo. Laging nagsusumikap ang Partido na bigyang-kakayahan ang armadong rebolusyonaryong kilusan at ang ligal na kilusang masa para makasulong sa kani-kanilang paraan laban sa mga moog ng reaksyon.

Matagumpay na natutupad ng Partido ang patakaran nito sa pakikipagkaisang prente. Upang higit na palakasin ang saligang alyansang manggagawa-magsasaka, nagbubuo ito ng iba pang mga anyo ng alyansa. Ang mga ito ay ang alyansa ng mga progresibong pwersa na kinabibilangan ng masang anakpawis at ng petiburgesyang lunsod, ang alyansa ng mga patriyotikong pwersa na kinabibilangan ng mga unang nabanggit at ng panggitnang burgesya at ang pansamantala at mabuway na pakikipag-alyansa sa ilang seksyon ng mga reaksyunaryo sa layuning ihiwalay at gapiin ang kaaway.

Ang patakaran at mga taktika ng Partido sa pakikipagkaisang prente ay naglalayong suhayan at suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pukawin ang milyun-milyong mamamayan lampas sa kasalukuyang bilang ng mamamayan sa mga organisadong rebolusyonaryong pwersa upang lumahok sa iba't ibang anyo ng pakikibaka at bumangon sa mga aksyong masa. Kapag mas malawak ang alyansa, mas epektibo nitong maihihiwalay at mapahihina ang kaaway. Sa karanasan, matagumpay nang nagamit ng Partido ang pinakamalawak na tipo ng alyansa upang ihiwalay at ibagsak ang pasistang rehimeng Marcos noong 1986 at ang tiwaling rehimeng Estrada noong 2001. Ang lakas at karanasang nakamit sa pagpapabagsak sa partikular na mga naghaharing pangkatin ay maaaring humantong sa pagpapabagsak sa bulok na naghaharing sistema sa hinaharap.

Taun-taon ay lumaki ang organisasyon ng Partido dahil sa mahigpit nitong pagtalima sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo at pagbaka kapwa sa burukratismo at anarkiya.
Ang demokratikong kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod, pambansang minorya, kababaihan, kabataan, propesyunal, relihiyoso, negosyante at iba pa ay nagsasagawa ng pinakamahahalagang anyo ng ligal na pakikibaka. Nagsasagawa ang kilusang masa ng napapanahong mga opensiba sa propaganda at aksyong masa kaugnay ng mga palagian gayundin ng maiinit na isyung multisektoral at sektoral. Ang iba pang anyo ng ligal na pakikibaka ay ang pagtatanggol sa mga karapatang-tao maging sa mga reaksyunaryong korte, ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang nalalapit na reaksyunaryong eleksyon.

Sa rebolusyonaryong pananaw, ang mga ligal na anyo ng pakikibaka ay itinuturing ng Partido bilang paraan para ilantad ang kabulukan ng naghaharing sistema, palaganapin ang pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon, ibsan ang pang-aapi at pagsasamantala hanggang sa isang antas at, kung hindi maaaring ibsan, hikayatin ang mamamayan na mag-isip at kumilos sa paraang rebolusyonaryo. Ang mga patriyotiko at progresibong organisasyong masa ang pinakadesidido at pinakamilitante sa pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at demokrasya.

Taun-taon ay lumaki ang organisasyon ng Partido dahil sa mahigpit nitong pagtalima sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo at pagbaka kapwa sa burukratismo at anarkiya. Ang sentralisadong pamumuno ay nakabatay sa demokrasya at ang demokrasya naman ay ginagabayan ng sentralisadong pamumuno. Lahat ng mga namumunong organo, yunit at indibidwal na kasapi ay yumayabong sa buhay-Partidong balansyado ang displina at kalayaan.

May ilampung libo ang pambansang kasapian ng Partido. Lumaki ito sa pamamagitan ng pagrekrut sa pinakasulong na mga elemento sa armadong rebolusyonaryong kilusan at ligal na demokratikong kilusang masa. Kaya napahigpit at napalalim pa nito higit kailanman ang malapit na ugnay sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka. Mulat na mulat itong paramihin ang mga kasaping mula sa uring manggagawa at magsasaka upang patatagin ang rebolusyonaryong saligan at katangian nito.

Ipinupundar ng Partido ang organisasyunal na lakas nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga sangay sa mga lokalidad at lugar ng trabaho at paghahalal ng mga namumunong organo mula sa antassangay pataas. Kaalinsabay, nagbubuo ito ng mga grupo ng Partido sa loob ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa at institusyon. Bilang pangunahing organisasyon ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay may malaking proporsyon ng mga kasapi ng Partido. Dagdag dito, araw-araw ay sama-samang namumuhay at gumaganap ng gawain ang mga Pulang kumander, upisyal pampulitika at Pulang mandirigma.

Ang pinakamahihirap at pinakamapanganib na mga tungkulin ay nasa kanayunan, laluna sa mga larangang gerilya. Sistematikong hinihikayat ng Partido ang mga kadre at kasapi nitong nagmula sa hanay ng mga manggagawa at nakapag-aral na kabataan na lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan. Taglay nila ang kakayahang pulitikal at teknikal para itaas ang antas ng gawain at pakikibaka. Ang mga aktibistang masang nagnanais na sumapi sa Partido ay hinihikayat at inoobliga ring tumungo sa kanayunan upang matuto sa pakikibaka roon at maglingkod sa sambayanan.

Mulat ang Partido sa tungkulin nitong hikayatin ang kababaihan na umanib sa hanay nito. Higit itong lumakas sa pamamagitan ng pagpapalaki sa porsyento ng kababaihan sa kasapian ng Partido at sa mga namumunong organo. Ang papalaking papel ng kababaihan sa loob ng Partido ay nagsisilbing inspirasyon sa kababaihan gayundin sa kalalakihan sa pangkalahatan, at kung wala ito, may mawawalang mahahalagang kakayahan at antas ng epektibidad na kapakipakinabang sa Partido.

Dulot ng mas malaki at mas dekalidad na kasapian kaysa nakaraan, nakagaganap ang Partido ng mas maraming klase ng tungkulin at sa paraang mas mahusay kaysa nakaraan. Sa higit pa nitong paglakas sa organisasyon, nasa pusiyon ang Partido para mas mabisang pamunuan ang proletaryado at mamamayan sa mapangahas na pagsusulong sa rebolusyong Pilipino sa gitna ng lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

2. Lumulubhang pambansang krisis

Araw-araw ay lumulubha ang sosyo-ekonomikong krisis ng naghaharing sistema. Lahat ng mga mayor na palatandaan ay malinaw na nagpapakitang lumulubog ang malapyudal na ekonomya. Ang sagad na pangangayupapa ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa patakaran ng US sa globalisasyon ng "malayang pamilihan" ay ibayo pang nagsadlak sa ekonomya ng Pilipinas sa pagkabangkrap at depresyon. Ipinagwalambahala na ng rehimen ang paggigiit ng mamamayan ng soberanya sa ekonomya, pangangalaga sa pambansang patrimonya, reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at walang kasimbilis nitong sinalanta ang ekonomya.

Ang produksyong agrikultural at ang limitadong manupaktura para sa lokal na konsumo ay itinutulak pababa ng mas mataas na gastos sa imported na kagamitan, panggatong at mga sangkap at ng pagbaha ng mga sobrang produkto mula sa ibang bansa. Gayundin, ang produksyon ng hilaw na materyales (agrikultural at mineral) at mga pang-eksport na malamanupakturang may mababang dagdag-halaga ay naitulak pababa ng pandaigdigang sobrang produksyon ng gayong tipo ng mga produkto at ng pagbagsak ng presyo ng mga produktong ito nang di-hamak na mas mababa sa ginagastos sa produksyong nakasalig sa import.

Ang importasyon ng mga produkto para sa lokal na konsumo ng karaniwang mamamayan at ng mga luho ng matataas na burukrata at nagsasamantalang uri at ang pagsustento sa mga operasyong burukratiko at militar ng reaksyunaryong gubyerno ay tinutustusan ng napakabigat na pagtaas ng buwis, lokal na publikong pangungutang (upang abonohan ang lumalaking depisit sa badyet) at utang panlabas (pangunahin para punan ang laging lumalaking depisit sa kalakalan).

Maging ang mga upisyal sa pinansya ng reaksyunaryong gubyeno ay umaaming may krisis sa pinansya. Umabot na sa P5.162 trilyon ang kabuuang utang, mas malaki kaysa kabuuang produksyon ng ekonomya. Kabilang dito ang mga pagkakautang ng burukrasya at ng mga insitusyon at korporasyong pampinansya. Pambayad-utang pa lamang ay P357 bilyon na o 46% ng kabuuang badyet. Ang utang ng pambansang gubyerno ay nagkakahalaga ng US$58 bilyon o humigit-kumulang 60% ng kabuuang utang publiko.

Katawa-tawa ang badyet ng reaksyunaryong gubyerno. Mataas ang itinatakda nitong maksimum sa paluging paggasta ngunit sa praktika ay lagi namang mas malaki pa rito ang ginagastos. Nagpapataw ito ng mas mataas na buwis sa isang wasak na ekonomya at patuloy na gumagasta ng dambuhalang halaga ng nalikom na buwis para sa pagbabayad-utang, militar at pulisya, pondo sa paniktik, paglalakbay sa ibang bansa, kompyuter, kotse para sa matataas na burukrata at iba pa.

Matinding hinagupit ng disempleyo at papabagsak na kita hindi lamang ang masang ankapawis ng mga manggagawa at magsasaka kundi pati ang mga panggitnang saray ng lipunan.
Patuloy na lumiliit ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan. Nakikipagsabayan ang korapsyon sa depresyon ng ekonomya bilang sanhi ng papaliit na kita ng estado. Ang depisit sa badyet noong isang taon ay P217 bilyon. Upang punan ang depisit sa badyet, ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay nangutang sa mga capital market1 sa loob at labas ng bansa at pangunahing umaasa sa pribadong pautang ng US kapalit ng mabibigat na kundisyon.

Matarik na bumubulusok ang ekonomya ng Pilipinas mula pa noong krisis pampinansya noong 1997, bunsod ng pandaigdigang sobrang produksyon ng mga malamanupakturang may mababang dagdag-halaga at ng pagtumal ng pribadong konstruksyon. Mula noon, pumaimbulog ang tantos ng disempleyo tungo sa antas na mahigit 50%, kung hindi natin susundin ang kalokohang upisyal na depinisyon ng disempleyo, underemployment at self-employment sa mga upisyal na estadistika. Nawala na ang karamihan sa mga pangmadaliang trabahong kontraktwal at partaym sa mga sweatshop2 na konektado sa mga kumpanyang multinasyunal gayundin ang mga kaswal na trabaho sa gubyerno. Bukod pa ito sa pagbawas sa mga regular na trabahong pultaym alinsunod sa tinaguriang patakaran sa pleksibleng paggawa.

Matinding hinagupit ng disempleyo at papabagsak na kita hindi lamang ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka kundi pati ang mga panggitnang saray ng lipunan. Mahigit 85% ng mamamayan ay nasadlak na sa karalitaan. Ang malawak na masa ng sambayanan ay hinahagupit ng pagsirit ng tuwiran at di-tuwirang buwis, presyo ng mga batayang bilihin at mga bayarin sa mabilis na sumasahol na mga serbisyong panlipunan at imprastraktura. Mabilis na tumaas ang singil sa tubig, kuryente, transportasyon at iba pang serbisyong publiko.

Mahigit 60% ng kababaihan at mga bata ang dumaranas ng malubhang malnutrisyon. Laganap ang mga sakit at bulnerabilidad sa karamdaman. Halos walang serbisyong pangkalusugan mula sa reaksyunaryong gubyerno kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Paparaming mga bata ang hindi na makapag-aral sanhi ng gipit na kalagayan ng kanilang mga magulang at kawalan ng mga pasilidad pang-eskwela. Sa pinakamalalaking syudad lamang gumagastos ang gubyerno para sa pakitang-taong mga proyektong pabahay.

Ang labis na suplay ng enerhiya bunsod ng puno-ng-katiwaliang pagdami ng mga pribadong kumpanya ng kuryente at ng pagpapatakbo sa Malampaya gas pipeline ay hindi nagpababa sa mga singil kundi nagtulak pa sa mga kumpanya ng kuryente na sumingil ng sobra sa mga konsyumer. Ang pribatisasyon ng serbisyong tubig at mga estero sa national capital region ay nagresulta sa walang rendang pagsingil ng sobra kasabay ng pagsahol ng serbisyo.

Sa kabila ng bangkrap at lugmok na kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas, ipinagyayabang ng reaksyunaryong gubyerno ang umano'y tumataas na tantos ng paglago ng ekonomya at ang tantos ng disempleyo na kakatwang mas mababa pa kaysa ilang mauunlad na kapitalistang bansa. Ang mga aktibidad na tinutustusan ng publikong utang, ang labis na pagpapalaki sa bahagi ng sektor ng serbisyo sa ekonomya at ang mga remitans ng mga overseas contract worker ay lumilikha ng ilusyong lumalago ang ekonomya. Ang mapanlinlang na depinisyon ng disempleyo ay lumilikha rin ng ilusyon ng tantos ng disempleyong di-hamak na mas mababa kaysa totoo.

Dahil sa pampulitikang krisis ng naghaharing sistema, nahihirapan na ang mga naghaharing uring malalaking kumprador at panginoong maylupa na maghari sa dating paraan. Nagiging mas maigting at mas marahas ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksyunaryong koalisyon, partido, paksyon at personahe. Nililimitahan ng malubhang krisis sa ekonomya ang makukurakot sa gubyerno para magbigayan at makuntento ang naghahari at karibal na mga paksyon ng mga pulitikong kumakatawan sa mga nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Laging may alitan ang mga paksyon maging sa loob ng naghaharing koalisyong pinangungunahan ng pangkating Macapagal-Arroyo. Kaya pabagu-bago ang anyo at laman ng koalisyon.

Matapos ang walang habas na pagsagad ng rehimeng Ramos kapwa sa lokal at panlabas na publikong pangungutang at malakihang pag-ubos nito sa mga rekurso, madaling nailantad ng oposisyon ang katiwalian ng mga sumunod na rehimeng Estrada at Macapagal-Arroyo. Garapalang tumiba ang mga naghaharing pangkatin sa mga kontratang publiko at mga pautang ng mga ahensyang pampinansya ng gubyerno at pribadong kumontrol sa pasugal at iba pang mapagkakakitaang kriminal na aktibidad.

Ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong pulitiko ay nasasalamin sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga paksyon ng militar at pulisya. Mahalaga para sa bawat reaksyunaryong pulitiko at partido ang magkaroon ng matibay na koneksyon sa alinman sa mga paksyong militar at pulis. Gayundin, mahalaga para sa mga upisyal ng militar at pulisya na magkaroon ng matibay na koneksyon sa alinmang paksyon ng mga reaksyunaryong pulitiko. Nagpoprotektahan ang mga paksyon ng burukratiko at armadong makinarya ng estado.

Ginagamit ng pinakamasasama at pinakamalalakas na paksyon ng mga upisyal ng militar at pulisya ang kanilang mga tauhan para kumontrol at magpatakbo ng mga sindikatong kriminal na sangkot sa mga bawal na gamot, pasugal, prostitusyon, pangingidnap, ismagling, bayarang pagpatay, pagnanakaw, pangangarnap at iba pa. Ang pinakamalalakas na paksyon ay mga aktibong ahente ng reaksyunaryong pulitika sa pambansang antas.

Nagtitipon sila ng mga pondong pangampanya para sa napipisil nilang mga kandidato sa pagkapresidente. Nagpiprisinta ngayong kandidato sa pagkapresidente ang isang dating pambansang upisyal ng pulisya na isang panginoong kriminal.

Gayon na lamang kalaganap ang inabot ng korapsyon at kriminalidad sa hanay ng mga upisyal miltar, kabilang sina dating defense secretary Gen. Angelo Reyes at dating intelligence chief Brig. Gen. Victor Corpus, kaya naglunsad ng publikong protesta ang mahigit 300 nakabababang upisyal ng army at navy noong Hulyo 26, 2003 at kabilang sa mga inilantad nilang krimen ang sobrang pagpepresyo sa mga suplay ng sundalo at ang teroristang mga pambobomba na pumatay ng maraming sibilyan sa Mindanao sa layuning bigyang-katwiran ang terorismo ng estado at interbensyong militar ng US gamit ang "gera laban sa terorismo" bilang sangkalan.

Minanipula ng US ang papet at tiwaling katangian ng rehimeng Macapagal-Arroyo upang makapagdikta ng patakarang pang-ekonomya alinsunod sa islogan ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at makapagpuslit ng mga ahenteng maka-US sa mahahalagang bahagi ng burukrasya gamit bilang prente ang tinaguriang Accelerating Growth, Investment and Liberalization with Equity (AGILE) upang magtulak ng mga patakaran at batas na kapaki-pakinabang para sa US at mga Amerikanong kumpanyang multinasyunal.

Sa kumpas ng US, pinalabas ni Macapagal-Arroyo na terorista ang rebolusyonaryong kilusan at pinalakpakan nito ang pagkakabilang ng Partido, BHB at ng punong konsultant sa pulitika ng NDFP sa listahan ng mga "terorista" ng mga gubyernong US, Dutch, European Council at ilang iba pa. Sa gayon, pinabangis pa at kinunsinti niya ang pinakabrutal na mga kampanya ng panunupil laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa, laluna sa kanayunan.

Sinuspinde rin niya ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Pati mga militanteng unyon ng manggagawa at iba pang organisasyong masa ay inakusahan niya ng "terorismo" dahil sa pagtatanggol nila sa mga pambansa at demokratikong karapatan at paggigiit ng mga repormang panlipunan at pang-ekonomya upang ibsan ang pagdurusa ng mamamayan.

Sinungaling ang tingin ng malawak na masa ng sambayanan kay Macapagal-Arroyo dahil sa pagdedeklara niya noong Disyembre 30, 2002 na hindi siya tatakbo sa pagkapresidente at sa pagbawi niya rin dito makaraan ang ilang buwan. Laganap ang pag-asang hindi siya mananalo sa eleksyong presidensyal, maliban kung mamimili siya ng boto at mamanipulahin niya ang kaaapruba lamang na teknolohiya sa pagbibilang ng boto gamit ang kompyuter. Kaya naghahanda ang mga karibal niya sa pulitika na udyukan ang mamamayan na maglunsad ng mga dambuhalang protestang masa at manawagan ng interbensyong militar ng kanilang mga kasabwat sa reaksyunaryong armadong pwersa.

Si Sen. Raul Roco man o ang artistang si Fernando Poe Jr. ang pumangalawa sa kanya, madaling mabubuo ang isang malawak na nagkakaisang prente upang panagutin siya sa pandaraya sa eleksyon. Sina Eduardo Cojuangco na bantog sa pagnanakaw sa coco levy, dating presidente Joseph Estrada at ang mga Marcos ay magsisikap na kahit paano'y makinabang sa kaguluhang pampulitika at sa kalalabasan nito. Sa pag-asang "mananalo" siya sa eleksyon at sa takot sa marahas na reaksyon ng kanyang mga kalaban, nag-aalok na si Macapagal-Arroyo ng amnestiya at pakikipagkasundo sa pinakamalalaking mandarambong tulad nina Cojuangco, Estrada at mga Marcos.

Nag-aalok din siya ng kumbensyong konstitusyunal upang gawing parlamentaryo ang anyo ng gubyerno at siya'y maging presidenteng ala-France.3 Gayundin, umaasa siyang makikinabang at masisiyahan ang US sa isang bagong konstitusyong pumapawi sa mga probisyon kaugnay ng mga karapatang tinukoy sa doktrinang Miranda,4 ukol sa soberanya sa ekonomya at proteksyon sa pambansang soberanya, at pagbabawal sa mga dayuhang base militar, dayuhang tropa at mga nukleyar, biological at kemikal na weapons of mass destruction.

Si Sen. Raul Roco man o ang artistang si Fernando Poe Jr. ang pumangalawa sa kanya, madaling mabubuo ang isang malawak na nagkakaisang prente upang panagutin siya sa pandaraya sa eleksyon.
Maaari pa rin siyang matalo sa eleksyon sa kabila ng lahat ng magagamit niyang rekursong materyal at pandaraya. Subalit walang anumang garantiyang ang mananalo ay may saligang pagkakaiba sa kanya. Lahat ng mga mayor na kandidato sa pagkapresidente ay nakatatakbo dahil tumatanggap sila ng pangampanyang pondo at pasilidad mula sa mga nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa at dahil sumusumpa sila ng pangangayupapa sa mga imperyalistang interes ng US.

May ilang progresibong partido at kandidatong tumatakbo para sa mga pusisyon sa antas na mas mababa sa pagkapangulo at senado. Masasamantala nila ang laganap na galit sa pinakamakapangyarihang mga reaksyunaryong partido at pulitiko gayundin ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong partido at kandidato. Maipagwawagi nila ang makabuluhang bilang ng mga pwesto maliban kung magmaniobra ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo upang sagkaan ang kanilang pananalo.

Kaugnay ng napipintong reaksyunaryong eleksyon, ang mga progresibo at reaksyunaryong partido at kandidato ay kapwa lumalapit sa Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa dahil sa baseng masa ng mga ito. Bilang rebolusyonaryong prinsipyo, hindi naniniwala ang Partido na ang pakikibakang elektoral ang pinakamabisang paraan para makamit ang pambansa at panlipunang paglaya ng mamamayan. Ngunit binibigyang-pansin ng Partido ang paglapit ng mga partido at kandidatong pulitikal sa balangkas ng pakikipagkaisang prente.

Matapos sumunod sa direksyon ng US at ng mga sagad-sagarang papet sa militar, sa pangunguna ni Gen. Angelo Reyes, na magdeklara ng patakarang todo-gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at paralisahin ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP mula 2001, hayagang nagpapakita si Macapagal-Arroyo nitong mga huling buwan ng pagnanais na muling buksan ang naturang negosasyon. Wala pang linaw kung muli ngang mabubuksan ang usapan. Maaring nagkukunwari lamang siyang interesado sa usapang pangkapayapaan upang palambutin ang kanyang mapandigmang reputasyon.

Laging nagpapahayag ang NDFP ng seryosong interes sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan dahil nais nitong mabuo ang Joint Monitoring Committee upang pabweluhin ang implementasyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at pabilisin ang pagsisikap tungo sa pagbabalangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms.

Ang papalubhang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema ay nagpapaigting sa pangaapi at pagsasamantala sa malawak na masa ng sambayanan. Laging nagsisikap ang mga naghaharing reaksyunaryo na ipasa sa kanila ang bigat ng krisis at supilin sila kapag sila ay tumututol. Ang paglabag sa mga karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura ng mamamayan ay laging may katambal na paglabag sa mga karapatang sibil at pampulitika.

Sa direksyon ng US at sa tulak ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at ng "gera laban sa terorismo", walang habas na nilalabag ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga karapatang-tao. Ngunit hindi natatakot ang mamamayan, lalupa't may mga rebolusyonaryong pwersa at mga ligal na demokratikong pwersang determinadong pumukaw, mag-organisa at magpakilos sa kanila.

Ang malawak na masa ng sambayanan ay paparaming nagbabangon upang itaguyod, ipagtanggol at isulong ang kanilang mga pambansa at demokratikong interes laban sa dayuhan at pyudal na paghahari at sa nag-iibayong tunguhing pasista. Ang kilusang manggagawa ay masigasig na nagtatanggol sa mga karapatang pangunyon at iba pang demokratikong karapatan at naggigiit ng across the board na dagdag sa sahod at tumutuligsa sa tumataas na presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan. Tinututulan nito ang malulupit na aksyon ng estado at ng mga kapitalista para magtanggal ng mga manggagawa, bawasan ang sahod, mangwasak ng mga unyon at mambuwag ng mga welga.

Ang kilusang magsasaka ay naggigiit ng tunay na reporma sa lupa at kumukundena at tumututol sa lahat ng mga pakana para bawiin maging ang mga naunang pakitang-taong reporma sa lupa at pagibayuhin ang konsolidasyon ng lupa sa kamay ng iilang korporasyon at pamilyang panginoong maylupa. Ang masang magsasaka at mga etnikong minorya ang pangunahing sinasalanta ng malulupit na kampanyang pagkubkob at panunupil ng militar gayundin ng kasinglupit na pagsisikap ng mga korporasyon at mga pamilyang panginoong maylupa para mangamkam ng lupa. Naglulunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka ang aping mamamayan sa kanayunan upang igiit at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Nakapagsagawa ng mga aksyong masa ang kababaihan, kabataan, mga propesyunal, aktibistang pangkultura, relihiyoso, makabayang negosyante at iba pang sektor ng lipunan upang itaguyod ang kani-kanilang sektoral na isyu. Nakiisa rin sila sa mga manggagawa at magsasaka upang bigyang-diin ang komun na interes ng mga sektor at pag-ibayuhin ang kanilang bisa at pagkakaisa. Naglulunsad sila ng mga lokal at pambansang aksyong masa.

Ang mga Pilipino sa ibang bansa, na karamiha'y mga migranteng manggagawa, ay bumubuo ng 10% ng populasyon na nagpapasok ng napakahalagang dolyar sa kaban ng estado. Patriyotiko sila at nagnanais na magtrabaho sa sariling bansa at makapiling ang kanilang mga pamilya. Ngunit wala silang makuhang trabaho sa gitna ng laganap na disempleyo. Ikinagagalit nila ang pagtanggi ng reaksyunaryong estado na bigyan sila ng proteksyon sa ibang bansa samantalang pinapatawan sila nito ng napakaraming bayarin. Kaya naglulunsad sila ng mga militanteng protesta sa ibang bansa at gayundin ang kanilang mga pamilya sa loob ng bansa.

Mahalaga ang mga ligal na kilusang masa. Nailalantad ng mga ito ang kasamaan ng naghaharing sistema at minsa'y nakapagtutulak ng ilang reporma at pagluwag ng kalagayan. Ngunit hindi mababago ng mga ito ang saligang katangian ng mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Tanging ang armadong rebolusyon ang makapagpapabagsak sa naghaharing sistema at makapagpapalit dito ng bagong sistemang malaya sa imperyalismo at mga nagsasamantalang uri, demokratiko, makatarungan, masagana at maunlad.

3. Lumulubhang pandaigdigang krisis

Ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay binabayo ng pinakamalalang krisis ng sobrang produksyon at krisis sa pinansya mula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Apat na taon nang lumulubha ang pandaigdigang krisis. Ang pinakamatinding sinasalanta ng krisis ay ang mga bansa sa Asia, Africa at Latin America at ang mga paurong na bansa sa dating blokeng Soviet. Lahat ng mga pandaigdigang sentro ng kapitalismo, ang US, European Union at Japan ay pawang tinamaan ng panloob na krisis at ng biglang pagkitid ng pandaigdigang merkado.

Nakalamang ang US bunsod ng establisado nitong kapangyarihan sa ekonomya, pulitika at militar, ng ungos nito sa mataas na teknolohiya at ng katayuan nito bilang pinakamalaking pamilihan ng mga produktong pangkonsumo at bilang ultimong pinatutunguhan ng pinakamalalaking daloy ng puhunan mula sa ibang pandaigdigang sentro ng kapitalismo, mga bansang nageeksport ng langis at ng lahat ng iba pang bahagi ng daigdig noong dekada 1990. Binigyan nito ng buong kalayaan ang monopolyo kapitalistang kasibaan na nagpapanggap bilang globalisasyon ng "malayang pamilihan". Nakaakit ng dayuhang pondo ang mataas na tantos ng interes sa US, ang masiglang stock market, ang bula ng high-tech at ang masiglang pamilihan ng mga produktong pangkonsumo.

Umiral ang ilusyon ng walang hanggang paglago ng "bagong ekonomya" na walang implasyon at walang disempleyo habang minamasaker ang mga regular na trabahong pultaym at pinapalitan ng mga trabahong partaym. Sumobra ang suplay ng pinansya bunsod ng labis na pangungutang ng US sa labas, pananamsam ng mga korporasyon sa mga bangko at pondong pampensyon, ispekulatibong pagsasanib ng mga kumpanya at sobrang kumpensasyon sa mga upisyal ng kumpanya, at pagpapalobo sa halaga ng mga ari-arian sa impluwensya ng bula ng high-tech.

Mula Marso 2000, malalim ang inilubog ng ekonomya ng US. Ang pagbagsak ng pinansya ay kinatampukan ng pagsadsad ng stock market at ng epidemya ng mga pautang na di masingil, na humantong sa pagkalugi ng mga investment house5 at mga kumpanyang industriyal. Hindi ito maiiwasan dahil ang tunay na ekonomya ay tinamaan ng sobrang produksyon ng mga produktong high-tech, industriyal at agrikultural, dambuhalang depisit sa kalakalan sanhi ng sobrang importasyon ng mga produktong pangkonsumo, at malaking utang panlabas bunsod ng dayuhang pamumuhunan. Sa walang prenong pagbagsak ng stock market sa US, US$8 trilyon ang naglaho. Tuluy-tuloy ang pagbagsak ng produksyong industriyal nang may panandaling mga panahon ng paglago sa ilang kwarto ng taon. Ang US ay may mahigit US$6.94 trilyong publikong pagkakautang at mahigit US$3.0 trilyong netong utang panlabas.

Sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng globalisasyon ng "malayang pamilihan", ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay umabot na sa punto kung saan ang sobrang produksyon at pagbagsak ng pinansya kapwa sa mga atrasado at sobrang-maunlad na bansa ay nauugnay at bumubwelta sa isa't isa tungo sa pagkitid ng pandaigdigang pamilihan sa kapinsalaan ng lahat. Ang saligang problema ng imperyalismo ay ang pagpiga ng monopolyong burgesya ng maksimum na tubo sa pamamagitan ng pagbabawas ng empleyo at sa kita ng mga tunay na tagalikha ng produkto at sa kalauna'y pagwasak sa pamilihan ng mga produkto sa tunay na ekonomya.

Ang saligang problema ng imperyalismo ay ang pagpiga ng monopolyong burgesya ng maksimum na tubo sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga manggagawa at sa kita ng mga tunay na tagalikha ng produkto at sa bandang huli�y pagwasak sa pamilihan ng mga produkto sa tunay na ekonomya.

Sa ilalim ng rehimeng Bush, ang US ay tinamaan ng papalalang krisis sa ekonomya at naging mas agresibo higit kailanman. Tinatangka nitong makaahon sa pangekonomyang krisis sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kaltas sa buwis para sa monopolyong burgesya at mga kumpanya nito (nagkakahalagang US$2.65 trilyon sa loob ng sampung taon) at paglalagay ng dagdag na kapital sa kanilang kamay, pag-engganyo sa kanila na pumasok sa produksyong pandigma, paggarantiya sa kanila sa pamamagitan ng mga kontrata sa pagbili ng mga produktong pandigma, pang-uupat ng isterya para sa tinaguriang gera laban sa terorismo at paglulunsad ng mga gerang agresyon. Habang naglalaan ng mas malaking pondo para sa produksyong pandigma, panunupil sa ngalan ng pambansang seguridad at mga gerang agresyon, patuloy na binabawasan ng US ang panlipunang gastusin.

Tila lubos na matagumpay at mapagkakakitaan ang magkasunod na gerang agresyon ng US sa Afghanistan at Iraq. Nakasakop ang US ng malalaking tipak ng bagong teritoryong pang-ekonomya sa anyo ng mapagkukunan ng murang paggawa at hilaw na materyales (langis, laluna), larangan ng pamumuhunan, saklaw ng impluwensya at malalakas na pusisyon. Tuwang-tuwa ang mga imperyalistang Amerikano na gamitin ang aabot sa US$400 bilyon upang muling punan at paunlarin pa ang mga armas nito, na kalakha'y weapons of mass destruction. Ang mga bagong kontratang iginawad ng gubyernong US sa military-industrial complex6 nagbunsod sa sinasabing paglago ng ekonomya ng US nitong ikalawa at ikatlong kwarto ng 2003.

Ngunit ang paglagong ito ay nangangahulugan lamang ng paglago ng produksyon at tubo ng military-industrial complex. Hindi ito nakalikha ng makabuluhang dami ng trabaho laluna sa manupaktura. Hindi ito nagbunsod ng matagalang makabuluhang pagbawas sa 6% tantos ng disempleyo at sa tatlong milyong manggagawang Amerikano na nawalan ng trabaho sa ilalim ng administrasyong Bush. Ang paglagong walang nalilikhang katrabaho ay hindi magreresulta sa tuluy-tuloy na pagbawi ng nakaratay na ekonomya ng US.

Sa kalagayang lumulubha ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, nagiging litaw ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang European Union at ang Japan ay nakalikha rin ng sobrang produktong industriyal at agrikultural at naggigiit na alisin ng US ang mga tuwiran at di-tuwirang subsidyo sa mga prodyuser nito at panatilihing bukas ang pamilihang Amerikano. Kasama ang iba pang bansang nag-eeksport ng asero, puspusan nilang tinutulan ang mataas na taripang ipinapataw ng US sa importasyon ng asero. Naobliga ang US na sumunod sa utos ng World Trade Organization na ibaba nito ang naturang taripa.

Subalit nakita natin sa usapin ng Iraq ang ilang matitinding kontradiksyon sa pagitan ng US at ilan sa mga mayor na imperyalistang alyado nito. Hanggang ngayon, galit ang France, Germany at Russia pati na ang China sa ginawang panggegera at pagsakop ng US sa Iraq. May pinakamagagandang idinadahilan ang mga ito sa pagtutol sa gerang agresyon ng US sa Iraq at bukod dito'y hindi naman naunang sumalakay ang Iraq sa US at patuloy itong tumalima sa desisyon ng UN Security Council na paghanapin ng weapons of mass destruction ang mga tagasiyasat ng UN.

Kaalinsabay, ang France, Germany, Russia at China ay mayroon noong pinagkakakitaang mga kontrata sa Iraq. Mula nang sakupin ng US ang Iraq, pinawalambisa nito ang mga kontrata ng gubyernong Iraqi sa mga kumpanyang mula sa naturang mga bansa, ngunit sa kabilang banda'y naggigiit namang bawasan o ipagpaliban ang pagbabayad ng Iraq sa kanilang mga pautang. Tahasan silang ipinwera ng US sa pinakamahahalagang kontrata para sa rekonstruksyon at rehabilitasyon ng mga malawakang winasak at pininsala ng US bago pa man at habang inilulunsad ang ikalawang gerang agresyon laban sa Iraq. Abala ang US sa programa ng pribatisasyon at pagmonopolyo sa pribatisasyon ng produksyon ng langis, mga rekursong langis at iba pang yaman ng Iraq.

Isinangkalan ng rehimeng Bush ang mga atake noong Setyembre 11 upang salakayin ang Afghanistan at magtayo ng isang lambat ng mga base at istasyong militar ng US sa Central Asia at sa rehiyon ng Caspian Sea upang makontrol ang yamang langis sa mga rehiyong ito at hadlangan ang daloy ng langis patungong Europe at China labas sa mga kontrolado nitong daluyan patungo sa mga Amerikano at British na kumpanya ng langis. Gayundin, nilupig at sinakop ng US ang Iraq upang direktang maangkin ang dambuhalang yamang langis nito, makapagmantine ng mga base militar para kontrolin ang buong Middle East at panatilihin ang US dollar bilang salapi ng mga transaksyon sa langis.

Habang abala ang US sa pagpasok sa Central Asia gamit ang "gera laban sa terorismo" bilang sangkalan, sa isang banda ay tila bukas na tinanggap ng Russia at China ang panghihimasok, subalit sa kabilang banda nama'y pinahigpit pa nila ang kooperasyong militar sa pagitan ng Russia, China, Kyrgyzstan, Uzbekistan at Tajikistan sa ilalim ng Shanghai Cooperative Organization Treaty. Malinaw na nagsisikap ang US na lamangan sa pusisyon ang Russia at China ngunit ang dalawa namang ito ay nagsisikap ding pahusayin ang kanilang pusisyon para hindi sila malikod ng US.

Abala ngayon ang nag-iisang superpower at ang iba pang tradisyunal na kapangyarihang imperyalista sa pagsisikap na samantalahin ang lugmok na kalagayan ng ikatlong daigdig at mga bansa sa dating blokeng Soviet. Nagsisikap silang magkaisa laban sa mga aping mamamayan at bansa rito sa pamamagitan ng UN Security Council, IMF, World Bank, WTO, NATO at iba pang alyansang militar. Ngunit nag-aagawan din sila sa lyamadong pusisyon dahil likas sa mga imperyalistang kapangyarihan ang magpursiging palakihin ang kani-kanilang teritoryong pang-ekonomya sa daigdig. Malamang na sa atrasado at paurong na mga bansa magbanggaan ang mga ito. Kaugnay nito, maaaring paglaban-labanin ng mga estadong naggigiit ng pambansang kasarinlan at ng mga aping mamamayan at bansa ang mga imperyalistang kapangyarihan upang hadlangan, antalain o biguin ang kanilang agresyon.

Ang nag-iibayong armadong paglaban ng iba't ibang pwersang Afghan at Iraqi ay pinoproblema ngayon ng US nang higit pa sa mga kontradiksyon nito sa ibang imperyalistang kapangyarihan. Ang nagpapanibagong-lakas na Taliban at iba pang pwersang mujahedeen7 sa Afghanistan ay naglulunsad ng paparaming opensiba laban sa US at mga alyado nito sa NATO. Isang malawak na hanay ng mga pwersa sa Iraq, kabilang ang mga burges nasyunalista, komunista, Sunni, Shia, Kristyano, Arabo, Kurd, Turkmen at iba pang etnikong komunidad ang lumalaban sa mga pwersang mananakop ng US at sa papet na Iraqi Governing Council.

Pumihit na ang sitwasyon laban sa mga pwersa ng US, na siya na ngayong target ng mga opensibang gerilya. Sa tantya noon ng mga tinaguriang neo-konserbatibo sa rehimeng Bush, ligtas silang makapaglulunsad ng mga gulpi-de-gulat na pananalakay upang malansag ang mga gubyernong tumututol sa mga dikta ng US. Ngunit hindi nila naikonsidera na kakailanganing magmantine sa lupa ng militar at iba pang tauhan ng US upang masiguro ang mga pakinabang mula sa gera. Sa loob ng mahabang panahon, sisikapin ng US na mahawakan ang malaking pakinabang na nakamkam nito at matatali ito sa pakikipaglaban sa mga anti-imperyalistang pwersa at mamamayan.

Pumihit na ang sitwasyon laban sa mga pwersa ng US, na siya na ngayong target ng mga opensibang gerilya

Napakahalaga para sa mamamayan ng daigdig ang pakikibaka ng mamamayan ng Iraq at Afghanistan para sa kanilang pambansang paglaya at upang dulutan ng mga pamatay na dagok ang imperyalismong US. Kung wala ito, walang sasantuhin ang US sa paglulunsad ng mga gerang agresyon alinsunod sa doktrina ng gerang panansala at para isulong ang pasismo sa US at daigdig gamit bilang sangkalan ang isang permanenteng "gera laban sa terorismo."

Sa kalakhan, ang mga eksport ng mga bansa sa Asia, Latin Amerika at Africa at ng mga paurong na bansa sa dating blokeng Soviet ay hilaw na materyales, ilang malamanupaktura at mas kaunti pang produktong manupaktura. Sumobra ang produksyon ng lahat ng ito at ang sobrang produksyon ay humantong sa pagbabawas ng produksyon, pagkalugi at maramihang tanggalan sa trabaho. Masyadong lumaki ang depisit sa kalakalan ng mga bansang ito at nagresulta ito sa papalaking pagkakautang na mahigit US$3 trilyon nang walang maaasahang lunas sa loob ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Mga sakiting kuting ang kinauwian ng mga tinaguriang tigre sa Southeast Asia bunsod ng integrasyon ng China sa pandaigdigang sistemang kapitalista at ng sobrang produksyon nito ng mga manupakturang pangkonsumo at mga malamanupaktura na may mababang dagdag-halaga para sa mga imperyalistang bansa at mga karatig-bansa. Subalit ang China mismo ay bulnerable sa katotohanang marami-raming bansa ang patuloy sa sobrang produksyon ng katulad na mga produkto para sa mga imperyalistang bansa kung saan kumitid na ang pamilihan ng mga produktong pangkonsumo.

Inaasahan ng US na ang pagpasok ng China sa WTO ay magreresulta sa ibayo pang paglalansag sa mga industriyang pag-aari ng estado na itinayo noon sa ilalim ng sosyalismo at sa pagpapabilis sa kumpradorisasyon ng ekonomya ng China. Samantalang nakapangingibabaw nga ang malaking kumprador burgesya sa pambansang burgesya, ang US ay napakaproteksyunista at napakamapanlamang sa monopolistang paraan sa mga usaping pangkalakalan kaya nagkaisa ang China, India, Brazil at 17 atrasadong bansa laban sa pusisyon ng US sa WTO.

Ilang gubyerno sa ikatlong daigdig ang naggigiit ng pambansang kasarinlan laban sa pinakagarapal na mga antagonistikong hakbang, imposisyon at banta ng mga imperyalista. Ang pinakamatatatag sa kanila ay yaong mga mahigpit na nagtataguyod ng pambansang kasarinlan at sosyalismo. Mayroon ding nakahihimok sa suporta ng mamamayan mula sa burges-nasyunalistang pusisyon upang tutulan ang pinakamasasamang pakana ng US. Isang nagpapatuloy na bunga ng mga rebolusyonaryong kilusang pinamunuan ng proletaryado ang dekolonisasyon ng napakaraming bansa mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sobrang kapangahasan na para sa US kung mula sa neokolonyalismo ay muli pa itong mangongolonya.

Ang mga aping mamamayan at bansa ang pinakamalaki at pinakamaaasahang bukal ng paglaban sa imperyalismo at para sa pambansang kasarinlan at demokrasya. Sila ang naglulunsad ng pinakamatinding paglaban dahil sila ang dumaranas ng pinakamatitinding anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Ang kanilang pakikitunggali sa imperyalismo ang pangunahing kontradiksyon sa kasalukuyan. Sa nakararaming kaso ngayon, ang naturang kontradiksyon ay natatakpan ng pangangayupapa ng mga papet na gubyerno sa imperyalismo.

Dulot ng kawalan ng mga epektibong rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa maraming bansa, ang mga aping mamamayan at bansa ay madaling napapailalim sa makaisang-panig na karahas