Pananalanta ng Pasistang Estado: Mistulang batas militar sa SamarMula nang maitalaga si Maj. Gen. Jovito Palparan Jr. sa Eastern Visayas, mistulan nang nakapailalim sa batas militar ang buong rehiyon, laluna ang Samar. Mula Enero hanggang Abril, naisadokumento ng Katungod-Sinirangang Bisayas (Katungod-SB) ang sampung kaso ng pananalbeyds, anim na kaso ng pagkamising (desaperacidos) at tatlong kaso ng bigong pamamaslang. Bunsod nito, marami nang mga Samare�o ang lumilikas patungong Maynila at ibang lugar upang makaiwas sa tumitinding militarisasyon sa isla.
Kabilang sa pinakahuling kaso ng panghaharas ng mga tropa ni Palparan ang naiulat na panununog sa mga sasakyan ni Pergentino Deri-on Jr, isang abugado ng karapatang-tao. Dating pangalawang pangulo ng Katungod-SB ng Eastern Visayas si Deri-on. Bago ito, ibinunyag ng Katungod-SB ang nakuha nitong "order of battle" ng militar kung saan nakalista ang 36 na aktibista. Kabilang sa listahan ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, katulad ni Alex Lagunzad, pangkalahatang kalihim ng Katungod-SB at Atty. Fedelito Dacut na pinaslang noong Marso 14.
Noong Mayo 3, binaril at iniwang sugatan si Diosdado L. Abunda, kasapi ng Bayan Muna, sa Barangay Sto. Ni�o, Sulat, Eastern Samar. Si Abunda ay isang technologist sa Department of Agriculture. Pang-apat na siyang kasapi ng Bayan Muna sa Eastern Visayas na inatake sa loob ng dalawang buwan. Karugtong ang dalawang kasong ito ng humahabang listahan ng mga pagpatay sa mga progresibong lider at elemento sa rehiyon at sa buong bansa.
Gayundin, walang pakundangan si Palparan sa pagsalakay sa ordinaryong mamamayan. Karugtong ng serye ng pananalakay at panununog sa mga komunidad sa gitnang Samar noong Marso, binomba ng mga helikopter ng Philippine Air Force ang Barangay Catarman, Calbayog City at Pambujan sa Northern Samar nitong Abril 16, 19 at 20.
Nitong Mayo 2, may gana pang humingi ang berdugong si Palparan, Jr. ng karagdagang 300 sundalo para sa kanyang pasistang paghahari. Sa ngayon, ang 8th ID, na nakabase sa Catbalogan, ay may mahigit 6,000 sundalo at elemento ng CAFGU na nakapaloob sa tatlong brigada o siyam na batalyon, at nakapakat sa Samar, Leyte, Masbate at ilang bahagi ng Bohol.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|