Sumalakay na ang halimaw
Sa pag-atake sa Iraq, buong-yabang na ipinakikita ng US sa mundo na wala itong isinasaalang-alang kundi ang makasariling imperyalistang interes
Nitong Marso 20, sinimulan na ng imperyalismong US ang duwag at walang pakundangang pambobomba sa Iraq. Bilang sagot, naglunsad rin ng pambobomba ang Iraq laban sa mga pwersang Amerikano na nasa hangganan ng Kuwait. Pinabulaanan nito ang ipinagkakalat ng US na handa na diumano ang malaking bahagi ng pwersang militar ng Iraq na sumuko at lumaban sa rehimen ni Saddam Hussein.
Sinundan ito ng mas malala pang pambobomba na nakatuon sa kabahayan ni Saddam Hussein at kanyang mga anak na babae. Nilusob na rin ng mga pwersang Amerikano ang katimugang bahagi ng bansa at inokupa ang isang bayan na nasa hangganan ng Iraq at Kuwait.
Pinalalabas ng US na hudyat pa lamang ito ng mas malalaking atake. Gayunpaman, ilang araw bago ito, nagpaulan na ng mga bomba ang dalawang eroplanong B-1 sa katimugan ng Baghdad. Ginapang na rin ng mga tropang Amerikano ang "demilitarized zone" na pinakamalapit sa hangganan ng Kuwait.
Sa kabila ng kayabangan ng US hinggil sa kanilang high tech at mas malalakas na armas, umaasa itong masasakop ang Iraq kung kusang susuko ang mga sundalong Iraqi. Kasabay ng tuluy-tuloy na pananakot sa mamamayang Iraqi, tuluy-tuloy din ang US sa pagkakalat ng sari-saring disimpormasyon, kasinungalingan at mga kabulastugan. Di bababa sa 17 milyong polyeto ng propaganda ang ibinuhos ng mga US sa loob ng Iraq.
Agad na nanawagan para sa kagyat na pagpapatigil ng pambobomba ang China at Russia. Tinawag nilang "paglabag sa mga patakaran ng UN at iba pang pandaigdigang batas," "di lehitimo" at "di nararapat" ang digmang agresyon ng US. Ayon pa sa Russia, isa itong "malaking pagkakamali" at "di pinag-isipan nang mabuti."
Sa kabilang banda, nagpamalas ng kaduwagan ang France at Germany sa harap ng pambabraso ng US. Mula sa dati'y mariing pagtutol sa agresyon, nagkakasya na lamang ang mga ito sa "paghahanda sa malaking kaswalti sa hanay ng mga sibilyang Iraqi." Mas masahol pa, hindi pipigilan ng Germany na gamitin ng mga eroplanong pandigma ng US ang kanilang himpapawid.
Gayundin, lumabas na inutil ang UN sa harap ng walang pakundangang paglapastangan ng US sa lahat ng prosesong diplomatiko at pampulitika ng kapulungan.
Tulad ng inaasahan, nagkandarapang magbigay ng suporta ang Pilipinas at South Korea, kapwa malakolonya ng US. Pumanig din sa US ang Japan.
Pumayag na rin ang Turkey na gamitin ng US ang himpapawid ng bansa sa pagsalakay. Namaniobra ng naghaharing partido sa Turkey ang karereorganisang parlamento para pahintulutang pumasok ang karagdagang 60,000 tropang Amerikano sa bansa. Noon pa mang hindi pa pormal na pumapayag ang parlamento, tuluy-tuloy ang pagpapapuslit ng pwersa at kagamitan ng US sa hilagang Iraq gamit ang mga daungan at pasilidad ng Turkey.
Sa bisperas ng pananalakay, tanging ang pinakamasusugid nitong alyado tulad ng UK at Spain ang nasandalan ng US. Ngunit kahit ang mga ito ay nahaharap sa matinding pagtutol at pag-aaklas sa loob ng kani-kanilang mga bansa.
Sunud-sunod na nagbitiw sa pwesto ang ilang mga prominenteng myembro ng gubyerno ni Tony Blair ng UK matapos niyang ideklara ang walang kundisyong pagsuporta sa pandigrigma ng US. Isinusuka siya ng kanyang mga kapartido at nakuha lamang niya ang pagsangayon ng parlamento dala ng mga boto ng kalabang partido. Nananawagan na ang marami sa kanyang kapartido para sa kanyang pagbibitiw.
Sa US, UK at Spain, naganap ang pinakamalalaking demonstrasyon at pinakamalalawak na kilusang masa laban sa digmang agresyon sa Iraq. Nakahanda rin ang mamamayan dito na tuluy-tuloy na labanan ang digmang agresyon at usigin ang kanilang mga upisyal.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|