Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Palawakin ang antipasistang pagkakaisa

Kagyat ang pangangailangan para ibayong bigkisin ang hanay ng mamamayang Pilipino laban sa lumalalang pagyurak sa mga karapatang sibil at nagbabadyang lantarang pasistang paghahari.

Mula 2001, aabot na sa 51 lider at kasapi ng progresibong partidong Bayan Muna ang pinatay at 14 ang dinukot at hindi pa natatagpuan. Labingwalong pinuno at myembro ng Anakpawis na ang pinaslang. Kinitil ang buhay ng dalawang kasapi ng Gabriela Women's Party. Walang humpay ang pagpaslang sa mga sibilyan, laluna sa mga magsasakang nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa subalit pinararatangang may kaugnayan sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Lalong lumalawak ang saklaw ng pasistang panunupil kung ibibilang din ang napakarami nang kaso ng mga bigong pagpatay, pagdukot, iligal na pang-aaresto at pagkulong at iba't ibang anyo ng pananakot.

Kaakibat ng serye ng pamamaslang sa mga demokratikong pwersa ang puspusang pagtutulak ng rehimeng US-Arroyo sa mga pasistang panukala tulad ng Anti-Terrorism Bill at ng National ID System. Ang lahat ng ito'y naghahawan ng daan para sa pagpapataw ng paghaharing militar sa buong bansa.

Ngayon pa lamang ay halos batas militar na ang umiiral sa maraming bahagi ng bansa. Sa Catbalogan, Samar, mula nang italagang hepe ng 8th ID ang berdugong si Maj. Gen. Jovito Palparan, Jr. ay nagtayo na ng detatsment ang militar sa bawat barangay at tuwi-tuwina'y sinosona ang mga komunidad ng maralita. Apat na myembro ng Bayan Muna mula sa bayang ito ang dinukot nitong Abril. Isa sa kanila ay patay na samantalang ang tatlo ay hindi pa natatagpuan. Sa kanayunan ng Eastern Visayas, libu-libong mamamayan na ang namakwit sa kanilang mga baryo dahil sa mababangis na operasyong militar at walang awang pagpatay ng AFP sa mga sibilyan.

Sa Mindoro, ipinagpapatuloy ng mga humalili kay Palparan ang mga kahayupang pinalaganap niya sa isla nang siya pa ang namumuno sa 204th Bde. Isa sa pinakahuling biktima ang mag-asawang Mangyan sa Mamburao, Occidental Mindoro na pinatay, pinagtataga ang mga bangkay at sinunog ng mga militar.

Sa komunidad ng mga Moro sa iba't ibang dako ng kapuluan, malaon nang mistulang batas militar ang naghahari sa dalas ng mga pananalbeyds, pambobomba, sapilitang pagpapabakwit, pagsosona, iligal na pang-aaresto at walang taning na detensyon ng mga mamamayan dito.

Sa lalim na ng krisis na kinasasadlakan ng rehimeng Arroyo, at sa tindi na ng pagkakahiwalay nito, bangis ng pasismo ang ginagamit nitong sandata laban sa mamamayan.

Inaakala ni Arroyo na ito ang susi upang makapanatili siya sa poder at matamasa ang lahat ng kaakibat nitong kurakot, luho at pribilehiyo. Ito rin sa tingin niya ang mabisang paraan upang madurog ang anumang pagtutol sa malulupit na patakaran at hakbangin sa ekonomya na puspusang itinutulak ng mga pandaigdigang institusyong kontrolado ng mga imperyalista tulad ng International Monetary Fund at World Bank. Ang mga patakaran at hakbanging ito, tulad ng mga dagdag na buwis, walang humpay na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo, pagpapako ng sahod sa napakababang antas upang makaengganyo ng dayuhang pamumuhunan, pagbawas sa pondo para sa mga panlipunang serbisyo at paglalaan ng malaking tipak ng badyet ng gubyerno sa bayad-utang at pagpapaubaya ng pambansang patrimonya sa mga mandarambong na kumpanya sa pagmimina at pagtotroso ay mariing tinututulan ng mga pwersang binibiktima ngayon ng pasistang pandarahas. Sila ang mga pwersang masugid na naglalantad at tumututol sa pagwasak ng rehimen sa kabuhayan ng mamamayan at pagsusubasta sa pambansang patrimonya. Sila rin ang pumupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos sa mamamayan upang labanan ang mga patakaran at hakbanging nagpapahirap sa kanila.

Buong akala ni Arroyo na habang panahon niyang masisindak at masusupil ang mamamayan at walang pakundangan niyang maipatutupad ang anumang naisin ng kanyang mga imperyalistang amo. Para tiyak niyang masupil ang kanyang mga kalaban, sadya siyang nag-iimbita ng papataas na antas ng interbensyong militar ng US.

Subalit pilit binubura ni Arroyo sa kanyang isipan na sa kabila ng 14 na taong lagim ng pasistang rehimeng Marcos, at sa kabila ng masugid na suporta rito ng US, unti-unting nagbigkis at nag-ipon ng lakas ang mamamayan hanggang sa matagumpay nilang napatalsik ang kinamumuhiang diktador noong 1986. At nito lamang 2001, aapat na taon pa lamang ang nakalilipas, tiyak na sariwa pa sa alaala ni Arroyo ang daluyong ng protestang tumapos sa katiwalian at pandarambong ng sinundan niyang presidenteng si Joseph Estrada.

Malinaw ang aral na nahalaw mula sa malagim na kabanata ng batas militar. Tanging ang mahigpit na pagkakaisa ng pinakamalawak na hanay ng mamamayan ang makakapagsansala kundi man makapipigil sa banta ng lantarang pasistang paghahari. Tanging ang lakas ng kanilang organisadong pagkilos ang makatitiyak sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng kanilang mga kahilingang pangkabuhayan at pagpapatupad ng mga hakbangin para sa kagyat na kaluwagan laluna ng mga maralita.

Ang libu-libong pumirma sa pahayag nitong Abril 27 laban sa serye ng pamamaslang sa mga aktibistang tunay na nagtataguyod sa kagalingan ng mamamayan ay sumasalamin sa tindi na ng pagkakahiwalay ng rehimeng Arroyo at sa lawak na ng hanay ng mamamayang tumututol sa pasistang panunupil. Tungtungan ito sa pagbubuo ng malawak na nagkakaisang prente ng mamamayan laban sa walang humpay na paglapastangan sa mga karapatang sibil at nagbabadyang panganib ng batas militar. Marapat na iugnay ang ganitong mga pagsisikap sa pakikibaka para tuluyan nang patalsikin si Arroyo sa poder.

 


 Back to topNext article

07 Mayo 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin ang antipasistang pagkakaisa
National ID, Anti-terrorism Bill mga pakana ng US
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Ang brutal na gera ng rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mistulang batas militar sa Samar

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Aktibistang pangkapayapaan, iligal na ikinulong

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Philippine Army, binigwasan ng BHB sa Quezon

Araw ng Paggawa:
Pagdiriwang, masigla't matagumpay; mensahe ni Arroyo, binatikos

Mga Pinay, naglunsad ng martsa-rali sa New York
Mga detalye ng korapsyon ng rehimen
Arroyo-Cojuangco, patuloy ang sabwatan sa coco levy
Sa ibayong dagat:
Patuloy ang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Nepal

Sa ibayong dagat:
Makasaysayang kumperensya sa Bandung, ginunita

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.