Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Lumalalang krisis pangkabuhayan

 Read this article in English

Matitindi ang hagupit ng lalong lumalalang krisis pangkabuhayan sa Pilipinas, laluna sa panig ng masang anakpawis.

Mabibigat na bigwas ang dulot sa mamamayan ng kamakaila�y sunud-sunod at walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga saligang pangangailangan.

Palaki nang palaki ang kinakailangang halaga upang mabuhay nang disente sa araw-araw. Samantala, nakapako ang napakababa na ngang sahod ng mga manggagawa at kapos na kapos ang kita ng mga magsasaka at iba pang anakpawis.

Nitong Hunyo 17, itinaas na naman nang P1.70 kada kilo ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG). Pagkatapos ng eleksyon, dalawang beses itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng gasolina at krudo. Hindi pa nasasapatan sa pito hanggang walong ulit nang pagtataas sa presyo ng mga produkto nila sa loob ng taong ito, balak na naman nilang muling magtaas ng presyo pagpasok ng Hulyo.

Patuloy naman ang pagtatangka ng Meralco na itaas ang singil sa kuryente. Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng Korte Suprema na naging abusado ang Energy Regulatory Commission (ERC) at iligal ang inaprubahan nitong 12 sentimo kada kilowatt-hour na probisyunal na pagtataas sa singil ng MERALCO mula Nobyembre 2003. Bukod pa ito sa 13.7 sentimo/kwh na idaragdag sa singil ng MERALCO mula Hulyo at sa 14-38 sentimo/kwh na karagdagang singil ng NAPOCOR para sa isinusuplay nitong kuryente sa MERALCO at iba pang distributor. Ipapabalikat pa rin ito sa publiko sa pamamagitan ng dagdag na bayarin sa kuryente.

Nakaamba ring itaas ang singil sa serbisyo sa tubig. Mula nang ipatupad ang deregulasyon at pribatisasyon ng public utilities, aabot na nang mahigit 500% ang pagtaas ng mga singil dito.

Bukod pa sa mga ito, balak magpataw ang rehimen ng mga karagdagang buwis para mapunan ang patuloy na lumalaking depisit sa badyet at mabayaran ang walang tigil sa paglaking utang ng gubyerno. Isa pang binabalak na pagkukunan ng malaking pampuno sa depisit ng gubyerno ang pagdagdag ng 50-100% buwis sa konsumo ng softdrinks.

Samantala, patuloy na lumalaki ang disempleyo. Ayon mismo sa pinakahuling mga estadistika ng gubyerno noong Abril, nadagdagan ng dalawang milyon mula sa nakaraang kwarto ang siyam na milyong wala o kulang sa trabaho. Kung ihahambing sa mga pigura noong Abril 2003, lumaki mula 27.8% tungong 32.2% ang tantos ng disempleyo at kakulangan ng trabaho. Lubhang maliit pa kung tutuusin ang mga pigurang ito. Ang totoo, umaabot sa mahigit kalahati ng lakas paggawa ng bansa ang wala o kulang sa mapagkakakitaan.

Di rin maipagkakaila, kahit ng reaksyunaryong gubyerno, ang talamak na kahirapan sa buong bansa. Aabot sa 90% ng mamamayan o halos 72 milyong Pilipino ang nabubuhay sa halagang `137 bawat araw, na 55% lamang ng minimum na arawang sahod sa Metro Manila at 29.4% ng kinakailangang halaga para mabuhay nang disente ang isang anim-kataong pamilya.

Inutil ang kasalukuyang rehimen sa paglutas ng mga problemang pangkabuhayan ng mamamayan at paghatid ng anumang kaluwagan. Ang tugon pa ng rehimen sa tumitinding kahirapan ay ibayong pagpapahigpit ng sinturon at ang nakaiinsultong payo na magtiis na lamang.

Sa katunayan, ang pagbagsak sa kabuhayan ng mamamayan ay sadyang kagagawan ng gubyerno. Sadyang sinasagkaan ng gubyerno ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Ang bahagyang ginhawa na nakamit ng mga tsuper ay dumaan sa napakatinding pakikibaka at pakikitunggali. Ang maliit na kaluwagang dulot sa kanila ng pagtaas ng pamasahe ay mabilis ding nababawi sa muling pagtaas ng presyo ng krudo at mga pyesa ng sasakyan.

Sa kabilang banda, alinsunod sa patakaran ng neoliberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon, binibigyan ng gubyerno ng lubos na karapatan ang mga imperyalista at lokal na mga galamay nila na dambungin ang ekonomya.

Hinahayaan nito ang mga imperyalista na bahain ang bayan ng kanilang sobrang produkto at wasakin ang mga produktibong pwersa sa lokal na agrikultura at industriya.

Para maakit ang dayuhang kapital, binibigyan ang mga imperyalista ng lubos na laya sa pagpasok at paggalaw ng kanilang puhunan at negosyo. Pati mga estratehiko at pampublikong serbisyo ay ipinaubaya na sa mga dayuhang kumpanya at mga kumprador na katambal nila. Natural na resulta nito ang walang awat at sobra-sobrang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang saligang bilihin at serbisyo.

Nitong taon, pinahintulutan ng rehimen ang pagtataas ng singil sa kuryente at ng buwis upang makabawi sa inako nitong mahigit P500 bilyong utang ng NAPOCOR alinsunod sa mga probisyon ng kontra-mamamayang Electric Power Industry Reform Act.

Wasak ang pambansang ekonomya ng Pilipinas at ang kabuhayan ng karaniwang mamamayan. Nasa kamay na lamang ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan ang kalutasan nito.

Sa harap ng ganitong kalagayan, napakahalaga ng pagsusulong ng iba�t ibang paraan ng pakikibaka:

Naririyan ang mga pang-ekonomyang pakikibakang masa sa kani-kanilang lugar ng produksyon�mga pabrika, mga sakahan, mga upisina at iba pa. Mahalagang dalhin ang mga ito sa kalsada at sa pangkalahatang publiko, tuligsain at labanan ang mga patakaran ng gubyerno na naglulubog ng ekonomya sa ibayong krisis at ng mamamayan sa ibayong pagkakabusabos, igiit ang paglutas ng mga kagyat na usaping pangkabuhayan at kamtin ang kahit kaunting kaluwagan.

Mahigpit na tungkulin ngayon ng Partido na pamumuan at pag-ibayuhin ang mga pakikibakang pangkabuhayan, iugnay at ikumbina ang mga ito sa mga pumuputok na protesta laban sa pinakamarahas at pinakamaruming eleksyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas, samantalahin ang tumitinding bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryo at ang nagaganap na malaking kaguluhan, paralisis at panghihina ng reaksyunaryong paghahari bunga ng di nareresolbang pagkapanalo sa eleksyong pampanguluhan, at yanigin ang buong reaksyunaryong sistema sa kapakinabangan ng rebolusyonaryong kilusan.

Kaalinsabay, patuloy na pasisiglahin ang pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong programang sosyo-ekonomiko sa mga saklaw at base ng Bagong Hukbong Bayan. Habang tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng rebolusyong agraryo at ang pagsusulong ng mga pangmatagalang pakikibaka para sa pundamental na pagbabago ng buong sistema, malaki na ang maitutulong ng mga sariling paunang-lunas ng mamamayan sa pamumuno ng Partido, Pulang hukbo, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Gayundin, puspusang pagsisikapan at igigiit ng peace panel ng National Democratic Front at mga konsultant nito ang pagpapasok ng pinakamaraming mahahalagang kagyat at pangmatagalang repormang sosyo-ekonomiko sa borador ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na sesentruhan ng mga susunod na talakayan sa negosasyong pangkapayapaan sa Hunyo 22-25 sa Oslo, Norway. Ang CASER ang ikalawang sustantibong adyenda sa usapang pangkapayapaan. Katulad ng papel ng CARHRIHL sa usapin ng karapatang-tao, ang CASER ay magagamit ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan sa pagsusulong ng mga pang-ekonomyang pakikibaka at kapakanan ng mamamayan sa loob at labas ng mga rebolusyonaryong base, habang hindi pa lubusang naipapanalo ang rebolusyon at hindi pa nakakamit ang ganap na pagbabago ng sistemang pang-ekonomya at panlipunan sa bayan.

 


 Back to topNext article

21 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lumalalang krisis pangkabuhayan
Hindi mapapanatag ang paghahari ni GMA
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mga kaso ng pagpatay isinampa laban sa militar

Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ginunita
Panibagong anomalya sa AFP, nabunyag
Kampanyang anti-malarya ng BHB
Ang sakit na malarya
Pagpapabaya ng gubyerno
Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay ng BHB sa Eastern Visayas

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
50 armas nasamsam sa mga reyd ng BHB

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Hepe ng pulisya sa Angat, Bulacan pinarusahan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.