Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ginunita
Ginunita nitong Hunyo 4 ng Desaparecidos, KARAPATAN, Ecumenical Movement for Justice and Peace, at Sons and Daughters of the Disappeared ang Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos. Inaalala sa araw na ito ang mga dinukot ng mga pasista mula noong panahon ng diktadurang Marcos at mga kasunod na rehimen at di na nailitaw mula nang sila�y nawala.
Itinuturing na malaking bilang na ang 759 kataong nawala sa kasagsagan ng pamamasista ng diktadurang Marcos mula 1972 hanggang 1981.
Pero mas dumami pa ang kaso ng desaparecidos makaraang maibagsak ang diktadura at maibalik umano ang demokrasya sa bayan. Sa panahon ng rehimeng Aquino, umabot ang bilang ng desaparecidos sa 821 (batay sa ulat ng KARAPATAN) karamihan sa panahong pinairal ng rehimen ang total war nito laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Tatlumpu�t siyam katao naman ang nawala sa panahon ni Ramos at 26 katao sa panahon ni Estrada.
Sa tatlong-taong panunungkulan ni Gloria Arroyo, may naitala ang KARAPATAN na 38 desaparecidos. Labing-isa sa mga kasong ito ay nangyari sa loob lamang ng apat na buwang kasagsagan ng kampanyang elektoral mula Pebrero hanggang Mayo 2004.
May naidokumento rin ang KARAPATAN na 3,150 kaso ng paglabag sa karapatang-tao kung saan sangkot ang mga tauhang militar, pulis at paramilitar ng gubyerno. Mula Enero 21, 2001 hanggang Hunyo 1, 2004 naman, may naitalang 160 kaso ng pwersahang ebakwasyon na nakaapekto sa 15,096 pamilya at 112,664 indibidwal.
Tampok sa panahong ito ang pagpatay ng Armed Forces of the Philippines sa 200 katao noong 2003 nang walang katarungan at labag sa anumang prosesong hudisyal at ligal, ayon sa Amnesty International (AI). May naitala ang AI na sapilitang pagpapalikas ng 400,000 katao mula sa kani-kanilang lugar dahil sa mga operasyong militar laban sa mga rebeldeng Moro.
Samantala, nananatili pang nakapiit ang halos lahat sa mahigit 300 bilanggong pulitikal na iginigiit ng National Democratic Front na dapat palayain ng rehimen bilang confidence building measure ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa NDF. Mula nang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan noong unang linggo ng Enero, 17 bilanggong pulitikal pa lamang ang napalalaya.
|