Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Marami pang liko't ikot ang daraanan ng usapang pangkapayapaan

 Read this article in English


Malisyoso, mapanlinlang, taksil. Ito ang mabibigat na salitang binitawan ni Luis Jalandoni, tserman ng peace panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pagtatangka ng rehimeng Arroyo na lapastanganin ang kasunduan sa Oslo, Norway na kalalagda pa lamang ng peace negotiating panel ng NDFP at gubyerno noong Pebrero 14.

Ang kasunduan, na itinuturing na ika-11 mahalagang kasunduang pinirmahan ng dalawang panel mula nang masimulan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP noong 1986, ay nilagdaan matapos ang apat na araw na negosasyon. Ito ang una sa serye ng mga pormal na usapan matapos itong suspendihin ng rehimeng Arroyo noong 2001.

Inilahad sa kasunduan ang kapasyahan ng magkabilang panig na isulong ang prosesong pangkapayapaan at harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian. Sa partikular, pinagkaisahan ng dalawang panig na resolbahin ang usapin hinggil sa pagbabansag na terorista sa PKP, BHB at kay Jose Ma. Sison, punong konsultant ng NDFP peace panel. Gagawin ito alinsunod sa mga probisyon ng The Hague Joint Declaration, ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at iba pang bilateral na kasunduan sa nakaraan.

Bago umusad ang usapan, nagkaroon ng malaking kontrobersya at mahigpit na gitgitan sa naturang pagkakalista na tumagal nang halos dalawang araw. Iginiit ng NDFP panel sa GRP panel na ang aktibong pangangampanya ng rehimeng Arroyo kaugnay nito ay taliwas sa diwa at nilalaman ng lahat ng dati nang paglabag sa pambansang soberanya ng bansa at taliwas sa diwa at nilalaman ng lahat ng dati nang pinirmahang kasunduan sa pagitan ng NDFP at GRP.

Sa pinirmahan nitong pinag-isang pahayag noong kalagitnaan lamang ng Enero, sumang-ayon ang GRP na gumawa ng mga ligal, pampulitika at diplomatikong inisyatiba para maalis sa listahan ng mga terorista ang PKP, BHB at si Kasamang Sison.

Subalit nang talakayin na ang puntong ito, tusong naghugas-kamay ang panel ng GRP at sinabing wala itong hurisdiksyon sa US at iba pang bansang nagmamantine ng gayong listahan. Umastang inosente ang GRP sa ginawa nitong pangangampanya sa US at Europe para isama sa listahan ng mga "dayuhang terorista" ang PKP, BHB at si Kasamang Sison sa layuning gipitin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, bigyang-daan ang tuwirang panghihimasok ng US laban sa rebolusyonaryong kilusan dito at pilitin ang PKP at BHB na magsalong ng armas at sumurender sa GRP.

Mas masahol pa, inatasan ng Malakanyang ang peace panel ng GRP na ilihis ang pag-uusap tungkol dito at ibaling ito sa pagpapatigil sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa Permit to Campaign (PTC), pagpapatigil sa mga taktikal na opensiba ng BHB at pagpapasuko sa mga pwersa at armas ng hukbong bayan.

Sa pagtatangka nitong makalamang, malusutan ang responsibilidad nitong bawiin ang pagbansag at maibaling ang responsibilidad sa PKP, iginiit din ng GRP ang katawa-tawang kundisyon na kailangang magbigay ng "ligal at moral na batayan" ang Partido, BHB at si Kasamang Sison kung bakit hindi dapat ituring na terorista ang mga ito. Hindi na kailangan pang patunayan ng Partido at hukbong bayan na taliwas ang pagkakalistang ito sa mga prinsipyo ng rebolusyon at maka-mamamayang katangian at sa praktika ng PKP at BHB.

Sa kabila ng lahat ng pagtatangka ng GRP na ipihit ang mga pangyayari at paluhurin ang NDFP, nanaig ang prinsipyadong paninindigan ng NDFP. Sumang-ayon din ang GRP na gumawa na ng ilang diplomatikong hakbang, kabilang ang paghiling nito sa gubyerno ng Norway na kumbinsihin ang mga alyado nitong tanggalin sa "listahan ng mga terorista" ang PKP, BHB at si Kasamang Sison.

Gayunpaman, kababalik pa lamang ng panel ng GRP sa Maynila ay agad ipinahayag ni Teresita Quintos-Deles, Presidential Adviser on the Peace Process, na hindi tutupdin ng GRP ang naturang obligasyon.

Mariing binatikos ni Jalandoni ang GRP sa patuloy nitong pagbibigay-katwiran sa mga paglabag ng US sa pambansang soberanya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-agaw ng hurisdiksyon sa mga rebolusyonaryong entidad at pangyayari sa Pilipinas at panghihimasok at paglapastangan sa mga usapan at kasunduan sa pagitan ng GRP at mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa loob ng GRP, pangunahin sa mga nanghihimasok at sumasagka sa prosesong pangkapayapaan ang mga militaristang papet ng US sa Malakanyang at AFP tulad nina Defense Secretary Eduardo Ermita at mga kontra-rebolusyonaryong tipo ng mga sosyal-demokrata tulad ni Deles. Habang pinipilit ni Deles na karapatan ng US ang paglilista, sinasabi naman ni Ermita at ni Lt. Col Daniel Lucero, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, na ang pagtatanggal ng PKP-BHB sa listahan ay makasasagka sa kampanya ng AFP para mapawi ang mga operasyon at impluwensya ng PKP-BHB sa kanayunan.

Kung lalabas na walang saysay at babastusin lamang ng GRP ang mga kasunduan sa Oslo at iba pang kasunduan, laluna ang probisyon hinggil sa pagpapatanggal sa PKP-BHB at kay Kasamang Sison sa listahan ng mga "terorista," mawawalan ng batayan para ipagpatuloy pa ang negosasyong pangkapayapaan.

Katulad ng naganap sa katatapos nitong serye, asahan natin ang marami pang pagpihit at salimuot sa proseso ng usapang pangkapayapaan at mahigpit na pakikitunggali sa reaksyunaryong gubyerno sa larangang ito ng pakikibaka, kasabay ng patuloy na pagsusulong ng matagalang digmang bayan hanggang sa makamit na natin ang lubos na tagumpay.

Patuloy na mahigpit nating pinanghahawakan ang armadong pakikibaka bilang pangunahin at pinakamapagkakatiwalaang paraan ng rebolusyunaryong pakikibaka at ang hayag na pakikibakang masa at parlamentaryong pakikibaka bilang napakahalaga ring sekundaryong paraan ng pakikibaka. Kaalinsabay, nagpupursige at nananatiling bukas tayo sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan bilang dagdag na larangan ng pakikibaka, hangga't bukas din at may kapasyahan ang kabilang panig na makipag-usap at makipagkasundo. Kung walang gayong kapasyahan ang rehimeng Arroyo, handa ang NDFP na hintayin na lamang ang hahalili ritong rehimen na maaaring may mas malaking interes na isulong ang prosesong pangkapayapaan.

 


 Back to topNext article

21 Pebrero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Marami pang liko't ikot ang daraanan ng usapang pangkapayapaan
Mga pakinabang ng mamamayan mula sa kasunduan sa Oslo
Mga kinatawan sa JMC, hinirang
Mga aktibista para sa karapatang-tao, pinaslang ng militar
Karahasan laban sa mga progresibong kandidato at partido
Matatagumpay na Opensiba ng BHB
27 armas, nasamsam ng BHB

Mga Ulat Koresponsal:
Pagpaparami ng mga guro ng rebolusyon sa Camarines Sur

Mga Ulat Koresponsal:
Ka Basil, dakilang rebolusyonaryo

Mga Ulat Koresponsal:
Mapait ang asukal sa Negros

Laban sa imperyalistang globalisasyon at gerang agresyon:
Mumbai Resistance 2004, matagumpay na idinaos

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.