Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Itaas ang antas ng digmang bayan at kamtin ang lahatang-panig na mga pagsulong

Mensahe sa ika-34 Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan

Ni Armando Liwanag
Tagapangulo
Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Lubos ang kagalakan nating ipinagdiriwang ang pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) tatlumpu't apat na taon na ang nakaraan noong Marso 29, 1969.

Kami, ang Komite Sentral ng Partido, ay nagpupugay sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma. Kayo ay matatatag at matatapang na rebolusyonaryo at binabati namin kayo sa lahat ng inyong mga tagumpay bilang isang pwersang panlaban, pampropaganda, pang-organisa at pamproduksyon.

Nakapag-ambag kayo nang malaki sa pangkabuuang tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto mula nang ilunsad ito noong 1992. Umani kayo ng maniningning na tagumpay sa pagtupad sa inyong mga tungkulin sa tatlong taong plano ng 1999 hanggang 2002.

Ang inyong mga tagumpay ay bunga ng matatag ninyong paninindigan sa rebolusyonaryong adhikain, masikhay na paggawa at puspusang pakikibaka at mataas na diwa ng pagsasakripisyo sa ilalim ng wastong pamumuno ng Partido at taglay ang aktibong paglahok at suporta ng mamamayan.

Parangalan natin ang ating mga rebolusyonaryong martir at mga pumanaw na bayani. Gawin nating inspirasyon ang kanilang kawalang-pag-iimbot at mga sakripisyo. Muli nating pagtibayin ang ating rebolusyonaryong kapasyahang lumaban nang mas matapang para sa pambansa at demokratikong mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino.

Ang imperyalismong US at ang papet na rehimeng Arroyo ay binabagabag ng malubhang krisis at bunga nito ay naging bangkarote, desperado at higit na mapagsamantala at mapang-api kaysa nakaraan. Ipinatutupad nila ang patakarang todo-gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan at pinagmumukhang demonyo ang mga ito bilang mga "terorista".

Ang tugon natin ay itaas ang antas ng ating digmang bayan at kamtin ang lahatang-panig na mga pagsulong sa kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa imperyalismo at mga lokal na nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa.

1. PAGTASA SA LAKAS NG BHB

Sa Plenum ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 2002, nilagom at sinuri nito ang pag-unlad ng BHB mula nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Lahatangpanig na nakamit ang malalaking tagumpay, laluna sa proseso ng pagtupad sa Tatlong Taong Plano noong 1999 hanggang 2002. Nailatag ang matatag na batayan para iangat ang digmang bayan sa isang bago at mas mataas na antas at kamtin ang mas malalaking pagsulong sa lahatang-panig na paraan.

Bilang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, pinamumunuan ng PKP ang BHB. Nakapagpalakas ito sa ideolohiya, pulitika at organisasyon sa pamamagitan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at sa pamamagitan ng matatag na rebolusyonaryong pakikibaka.

Matibay at malinaw na nailatag ang pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Lubusan nating pinuna at itinakwil ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunistang linya na puminsala sa BHB noong dekada 1980 at maagang bahagi ng dekada 1990 at nagbantang wasakin ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan hanggang noong ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Nabigo natin ang pinakaimbing mga pagtatangka ng kaaway na gibain ang rebolusyonaryong kilusan mula sa loob.

Nasaksihan natin ang tuluytuloy na pagkabulok at pagpapakasira ng mga rebisyunistang taksil at ayaw magwastong oportunistang nagladlad na bilang mga espesyal na ahente ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo, hindi lamang bilang mga antikomunistang propagandista kundi mga ahenteng paniktik at armadong kombatant sa ilang kaso.

Napatatag natin ang alyansang manggagawa-magsasaka bilang pundasyon ng ating rebolusyon. Ito ang pagsasanib ng namumunong uri at pangunahing pwersa ng rebolusyon. Pinagkakaisa nito ang masang anakpawis, na bumubuo sa mahigit 90 porsyento ng sambayanang Pilipino.

Itinatakda ng rebolusyonaryong linyang makauri ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at tinitiyak nito ang tagumpay ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng hakbang-hakbang na pagpapaunlad ng hukbong bayan sa isang mahabang panahon.

Bunga ng ganitong estratehikong linya, ang hukbong bayan ay nakapag-iipon ng lakas sa kanayunan, pangunahin na sa hanay ng masang magsasaka, hanggang makamit na ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang kakayahan at malikha na nila ang kalagayan para agawin ang kapangyarihang pampulitika mula sa kaaway na nakabase sa kalunsuran. Bunga ng linyang ito, naiaabante natin ang paglutas sa problema sa lupa at naisasakatuparan ang demokratikong nilalaman ng rebolusyon. Bunga nito, napalalawak at napatatatag natin ang baseng masa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Nakapag-iipon ang BHB ng armadong lakas sa pamamagitan ng paglulunsad ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya batay sa papalalim at papalawak na baseng masa. Lubusan na nating pinauunlad ngayon ang maagang yugto ng estratehikong depensiba. Naabot na natin ang mapagpasyang bilang ng mga Pulang mandirigma upang makasulong tungo sa gitnang yugto ng estratehikong depensiba.

Ang BHB ay may libu-libong Pulang mandirigmang mahusay na nasanay at subok sa labanan, na may libu-libong ripleng awtomatik at iba pang malalakas na sandata. Taun-taon ay lumaki ang bilang ng mga Pulang mandirigma nang 10- 15 porsyento noong 1999-2001, mas mataas kaysa dating taunang tantos na 8 hanggang 9 na porsyento.

Dumami rin nang 11-16 porsyento ang ating malalakas na riple noong 1999-2001, mas mataas kaysa dating taunang tantos na 7.1 porsyento. Sa kabila ng signipikanteng idinami ng ating mga sandata, mas marami pa rin ang bilang ng Pulang mandirigma kumpara sa riple (3:2). Malaki itong kakulangan sa armas para sa bilang ng mga sanay na mandirigma, bukod pa sa di hamak na mas maraming mga reserbang pwersa. Dumaragdag sa mga pultaym na mandirigma ang milisyang bayan na nagsisilbing rebolusyonaryong pulisya at reserbang pwersa sa mga baryo, at ng mga yunit sa pagtatanggol sa sarili na binubuo ng lahat ng kalalakihan at kababaihang may mahusay na pangangatawan sa mga organisasyong masa.

Mayroon tayo ngayong 128 larangang gerilya na sumasaklaw sa humigit-kumulang 8000 baryo at makabuluhang bahagi ng humigit-kumulang 700-800 bayan at lunsod sa mahigit 90 porsyento ng mga prubinsya sa buong bansa. Sa abereyds, saklaw ng isang larangang gerilya ang 12 baryo sa bawat bayan.

Limampung porsyento ng mga larangang gerilya ay may kabuuang lakas na tig-iisang kumpanya ng BHB at ang nalalabing 50 porsyento ay may mas maliit sa kumpanya. Kalakhan ng labinlimang rehiyong binuo ng Partido ay may abereyds na di bababa sa anim na larangang gerilya na bawat isa ay may lakaskumpanyang pwersa ng BHB.

Noong 2001, pumili ang kaaway ng 12 larangang gerilya bilang pambansang prayoridad na target para sa matagalang kampanya ng panunupil, na kinatangian ng pagkubkob sa bawat larangang gerilya gamit ang malaking bilang ng mga pwersa ng kaaway at pagpapadala sa mga baryo ng mga special operations team para sa saywar at paniktik, gayundin ng mga tim para sa mga operasyong pagpatay-pagnanakaw- at-panununog.

Batay sa superyor na lakas-militar nito, ang kaaway ay naglulunsad ng estratehikong opensibang militar, nagtatangkang kubkubin ang BHB at "hanapin at wasakin" ito o, "hawanin, hawakan, konsolidahin at paunlarin" ang ilang piling erya. Ngunit ang problema ng mga pwersa ng kaaway ay kinamumuhian sila ng mamamayan bilang mga instrumento ng mga imperyalista at mga mapagsamantalang uri at ginagawa silang bulag at bingi kaugnay ng BHB.

Dagdag dito, nakapagpaunlad na ang BHB ng marami-raming larangang gerilya. Maaaring konsentrahan ng kaaway ang 12 sa mga ito ngunit mapababayaan namang umunlad ang mahigit 100 larangang gerilya. Kapag desidido ang militar na konsentrahan at sakupin ang alinmang erya, pansamantalang iniiwan natin ang teritoryo at inilalaan muna ang panahon sa ibang erya. Kasunod ay naglulunsad tayo ng mga taktikal na opensiba sa eksteryor na linya ng kaaway.

Nanatili sa humigit-kumulang 128 ang bilang ng mga larangang gerilya sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon pangunahin na dahil sa pagbibigay-diin sa gawaing konsolidasyon at hindi dahil sa bisa ng kampanyang panunupil ng kaaway. Sa katunayan, matapos ang bawat kampanyang panunupil ng kaaway, gayon na lamang ang galit ng mamamayan sa kaakibat na malulubhang paglabag sa karapatang-tao kaya tumitindi nang higit kaysa nakaraan ang pagnanais nilang sumapi sa armadong rebolusyon.

Binubuo ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, aktibistang pangkultura at mga bata ang pinakasolidong baseng masa ng mga larangang gerilya. May daan-daanlibong kasapi ang naturang mga organisasyong masa. Dumami sila nang abereyds na 19.4 porsyento taun-taon sa panahong 1999 hanggang 2001.

Ang populasyon sa ilalim ng umiiral na mga organo ng kapangyarihang pampulitika ang bumubuo ng pinalawak na baseng masa na bumibilang ng ilang milyon. Yaong mga hindi pa kasapi ng mga organisasyong masa ay nagbibigay ng iba't ibang anyo ng suporta sa hukbong bayan. Napakikilos sila sa mga aksyong masa.

Relatibong balansyado ang pagkakalatag sa buong bansa ng mga larangang gerilya. Limampung porsyento ng mga ito ay nasa Luzon, 20 porsyento sa Visayas at 30 porsyento sa Mindanao. Bawat panrehiyong kumand ng BHB ay may pitong larangang gerilya sa abereyds.

Natural lamang na hindi pantay- pantay ang pag-unlad ng mga panrehiyong kumand at mga larangang gerilya ng BHB sa usapin ng lakas-sandata, inabot ng reporma sa lupa at laki at kalidad ng baseng masa. Tinukoy ng Partido kung aling mga larangang gerilya ang pinakamauunlad, di gaanong maunlad at pinakamababa ang antas ng pag-unlad sa layuning matulungan yaong mga nahuhuli na makahabol sa mas mauunlad at maiangat ang pangkalahatang pag-unlad sa bago't mas mataas na antas.

Bilang pangunahing organisasyon ng Partido, nasa BHB ang pinakamataas na konsentrasyon ng mga kasapi ng Partido. Ito ang pangunahing organisasyon para mahigpit na makaugnay sa pinakamalaking bilang ng masang anakpawis. Ito ang pinakamakapangyarihang sandata ng Partido at mamamayan sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika.

Pangunahing nagmumula sa alyansang manggagawa-magsasaka ang lakas ng BHB. Dagdag dito, kumukuha rin ng lakas ang BHB mula sa mga alyansa ng mga progresibong pwersa, mga patriyotikong pwersa at pakikipag-alyansa sa mga mabuway at di-maaasahang alyado sa pinakamalawak na tipo ng alyansa para ihiwalay at gapiin ang kaaway sa bawat takdang panahon.

Taglay ng BHB ang lakas para samantalahin ang lumulubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema at itaas ang antas ng digmang bayan at kamtin ang lahatang-panig na mga pagsulong sa bagong-demokratikong rebolusyon.

2. KRISIS NG U.S. AT PANDAIGDIGANG SISTEMANG KAPITALISTA

Ipinagyayabang ng US at mga Pilipinong reaksyunaryong tuta nito na walang saysay ang paglaban ng sambayanang Pilipino sa kanila dahil ang US umano ang nagsosolong superpower, na sa ngayo'y siyang pinakamalakas na kapangyarihang pang-ekonomya at militar. Wala raw pwersa sa daigdig na makapipigil ditong gawin ang nais nito.

Sa katotohanan, bulok sa kaibuturan ang imperyalismong US. Buo ang tiwala ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa na malalabanan nila ito dahil inabot na nito ang pinakamalalim at pinakamalubhang krisis sa ekonomya at pinansya mula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at dahil nahiwalay na ito bunga ng imperyalista at teroristang patakaran nito ng agresyon at panunupil.

Sa mga imperyalistang bansa, ang US ang pinakanakinabang sa globalisasyon ng "malayang pamilihan". Bunsod ng mataas na tantos ng interes at tubo rito, nakaakit ang US ng dayuhang pamumuhunan sa mga sapi, bono at iba pang ari-arian mula sa mga imperyalistang alyado nito at mga bansang nagpoprodyus ng langis. Ginamit nito ang mga dayuhang pondo para tustusan ang konsumerismo, walang-rendang ispekulasyon sa paglalabas ng mga sapi at pagsasanib ng mga korporasyon, pamumuhunan sa ibayong dagat at produksyong militar.

Ipinagyabang ng US na ang "bagong ekonomya" nito ay tuluytuloy na lumalago nang walang disempleyo ngunit hindi tumataas ang sahod dahil umano sa pangunguna ng US sa mataas na teknolohiya at, higit sa lahat, dahil sa mga pagkaltas sa sahod at pagbabawas sa gastos para sa mga panlipunang serbisyo1. Sa katunayan, ang ekonomya ng US ay artipisyal na sinuhayan ng mga panlabas na utang.

Agad pagkalipas ng rurok ng "bagong ekonomya" noong 2000, bigla itong bumulusok nang tauntaon. Mula noon, nasa matagalan nang pagdausdos ang stock market (o pamilihan ng mga sapi) at sumira ito ng mahigit US$ 8 trilyon. Mabilis na bumulusok ang produksyong industriyal at nalantad ang dambuhalang mga anomalya sa mga sapi, bono at pautang ng mga korporasyon. Ang panandaliang mga bugso ng maliit na paglago ay sinundan ng ibayo pang mga pagbulusok.

Bankrap kung tutuusin ang ekonomya ng US. Mayroon itong pampublikong pagkakautang na US$6.4 trilyon at netong panlabas na utang na US$2.8 trilyon. Walang-humpay na lumalaki ang depisit nito sa kalakalan. Ang surplas nito sa badyet sa ilalim ng rehimeng Clinton ay naglaho na at hinalinhan ng dambuhalang mga depisit sa badyet sa ilalim ng rehimeng Bush. Desidido ang rehimeng ito na samsamin ang mga pondo para sa panlipunang seguro, kahit makaraang masaid ang mga pondong pampensyon at mga salaping impok, na ginamit bilang kolateral sa pagbili ng mga sapi sa paraang on margin2 ng 40 porsyento ng mga pamilyang Amerikano.

Gayunman, ang administrasyong Bush ay nagkakaloob sa monopolyong burgesya ng malalaking pagkaltas sa buwis na nagkakahalaga ng US$2.65 trilyon sa loob ng sampung taon; gumagastos ng US$400 bilyon sa militar para sa paglulunsad ng dalawang kagyat na magkasunod na digmang agresyon; at nagbabanta ng gera laban sa Syria, Iran at sa Democratic People's Republic of Korea.

Sinamantala ng rehimeng Bush ang buhos ng simpatya mula sa mamamayan sa buong mundo para sa mga pamilya ng mga biktima at sa sambayanang Amerikano matapos ang mga atake noong Setyembre 11 at kagyat na isinangkalan ang mga atake para magbanta o maglunsad ng teroristang gera laban sa mga gubyernong naggigiit ng kanilang kasarinlan at laban sa mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya.

Sa ngalan ng kontra-terorismo, ang rehimeng Bush ay sadyang nang-uupat ng gera, nagtutulak ng pasismo at panunupil sa pandaigdigang saklaw at aktwal na nagsasagawa ng interbensyong militar, tulad ng sa Pilipinas, at naglulunsad ng mga digmang agresyon, tulad ng sa Afghanistan at Iraq, upang magpasigla ng produksyong pandigma at mangamkam ng mapagkukunan at ruta ng suplay ng langis.

Dahil sa malapit na kaugnayan nito sa military industrial complex at mga monopolyo sa langis, naniniwala ang naghaharing pangkating Bush na sa pagpabor sa naturang mga sektor ay mapasisigla ng US hindi lamang ang sariling ekonomya kundi gayundin ang buong pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ngunit ang pagpapabundat sa mga sektor na ito ay hindi nakalilikha ng sapat na empleyo para lumaki ang demand ng mga mamimili3 relatibo sa krisis ng sobrang produksyon sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ang pang-ekonomya at pampinansyang krisis na pawang dinaranas ngayon ng tatlong sentro ng pandaigdigang kapitalismo (ang US, Japan at European Union) ay nagluluwal ng pinakareaksyunaryong mga tunguhin tulad ng pasismo, rasismo at mga digmang agresyon. Ang monopolyong burgesya ay gumagamit ng pinakareaksyunaryong mga argumento upang ibintang ang krisis sa mga mamamayang hindi kabilang sa lahing puti at nagtulak sa paglakas ng mga tunguhing pasista, rasista at mapandigma.

Ang US ang numero unong imperyalistang kapangyarihan. Itinutulak ito ng krisis na mangagaw ng dagdag na mga teritoryong pang-ekonomya (mga malakolonya at mga bansang dependyente) at gamitin ang mga ito bilang mapagkukunan ng mga hilaw na materyales, larangan ng pamumuhunan, pamilihan, salient points of control4, at saklaw ng impluwensya.

Ang US ang numero unong teroristang kapangyarihan. Ito ang pinakamalaking lumilikha, nag-iipon at gumagamit ng nukleyar, kemikal at biological na weapons of mass destruction (o mga sandata para sa maramihang pamiminsala). Ito ang kaisa-isang kapangyarihang gumamit ng bomba atomika upang lipulin ang populasyon ng mga lunsod, kagaya sa Hiroshima at Nagasaki. Gumamit na ito ng mga kemikal upang patayin at pahirapan ang buu-buong komunidad at lasunin ang kapaligiran tulad sa Indochina. Walang habas itong gumagamit ng sari-saring mababagsik na mga sandata tulad ng mga cluster bomb5, smart bomb6, mga bombang may depleted uranium7 at iba pa laban sa mga di-militar na target, na nagdudulot ng malawakang pagkamatay, pagkasugat, pagkakasakit at pagkawasak.

Pumatay na ito ng mahigit 10 milyon katao sa mga gerang agresyon mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, katulad sa Korean War (4.5 milyong Korean), Vietnam War (6 na milyong Vietnamese) at sa unang gerang agresyon laban sa Iraq (150,000). Nanulsol ito ng mga antikomunistang masaker, tulad ng pagpaslang sa 1.5 milyong Indonesian noong 1965. Nagbunsod ito ng mga gerang fratricidal8, na pumatay ng mahigit isang milyon katao tulad ng sa Rwanda at daan-daang libo tulad sa Congo at dating Yugoslavia.

Sa pamamagitan ng mga embargo9, ibinunsod ng US ang pagkamatay ng 1.5 milyong Iraqi at humigit-kumulang 750,000 bata. Pinakamasahol sa lahat, kahit walang lantad na karahasang pisikal, nagpapataw ang US ng araw-araw na karahasan ng neokolonyal na pagsasamantala sa bilyun-bilyong mamamayan sa magkakasunod na mga henerasyon.

Sa kasalukuyang digmang agresyon laban sa Iraq, saksi tayo sa pambibiktima ng tinaguriang mga pwersang koalisyon sa sambayanang Iraqi higit sa lahat at pagpaparusa sa gubyernong Iraqi dahil sa paggigiit ng pambansang kasarinlan. Gayundin, nakikita natin ang isang malaking lamat sa alyansa ng mga imperyalistang kapangyarihan, kung saan lantad na nasa isang panig ang US at Britain at nasa kabilang panig naman ang France, Germany at Russia.

Bagamat sa pangkalahata'y nagkakaisa sila laban sa mamamayan ng daigdig at laban sa mga rebolusyonaryong kilusan, ang mga imperyalistang kapangyarihan ay itinutulak ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na magkumpitensyahan nang mas matindi kaysa nakaraan at magalit sa walang habas na kasakiman ng nag-iisang superpower sa pagsakmal sa pinakamalaking bahagi ng dambong.

Noong unang digmang agresyon laban sa Iraq, ipinapasan ng US sa mga alyado nito ang kalakhan ng mga gastos sa gera. Ngunit sinakmal nito ang kalakhan ng mga dambong sa gera sa pamamagitan ng pagpapataw ng mga pangmilitar at iba pang kontrata sa mga bansang nagpoprodyus ng langis, pagpapahigpit ng kontrol sa suplay ng langis patungong Japan, Europe at iba pang bahagi ng daigdig at pagpwersa sa Palestinian Liberation Organization na yumukod sa Zionistang iskema ng dominasyon ng US at Israel sa Palestine at sa Middle East.

Nagsabwatan ang US at ang Europe upang sistematikong buwagin ang dating Yugoslavia. Ngunit ang US ang sumunggab sa pinakamalaking pakinabang sa pamamagitan ng pagpapalawak sa NATO alinsunod sa estratehikong plano ng US at paghadlang sa paglalatag ng mas matitipid na daluyan ng langis patungong Central at Western Europe na daraan sa Russia o sa mga ilog Danube at Rhine10.

Bunga ng digmang agresyon nito laban sa Afghanistan, nagkaroon ang US ng tuntungan para ibayong mapasok ang Central Asia at ang Caspian Sea Region at para makapaglatag ng daluyan ng langis na daraan sa Afghanistan at Pakistan patungo sa baybayin ng Arabian Sea at sa Indian Ocean, na lilihis na sa Persian Gulf at makapipigil sa pamumuhuan ng iba sa mga daluyan ng langis patungong Russia at China.

Sa kasalukuyang digmang agresyon laban sa Iraq, layon ng US na tuwirang makontrol ang pangalawang pinakamalaking prodyuser ng langis sa Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) at sa gayo'y ibayong makontrol ang OPEC, ang Middle East at ang kanugnog na mga rehiyon ng Central Asia at Caspian Sea. Nais din nitong baligtarin ang tunguhin sa hanay ng mga bansang kasapi ng OPEC na gamitin ang Euro sa halip na US dollar bilang salapi para sa mga transaksyon sa langis at parusahan ang Iraq dahil sa pagpapapsimuno nito ng gayong tunguhin noong katapusan ng 200011.

Bumabangon ang mga manggagawa at mga aping mamamayan ng daigdig sa mga dambuhalang aksyong masa upang iprotesta ang imperyalistang digmang agresyon ng US sa Iraq. Tanda ito ng nagiibayong mulat na pagtutol at paglaban ng mamamayan sa imperyalismo. Matagal nang nagpupuyos sa galit ang mamamayan ng daigdig sa mga pang-ekonomya at panlipunang sakunang inihahasik ng monopolyo kapitalismo laban sa kanila.

Umiigting ang mga mayor na kontradiksyon sa daigdig -� yaong sa pagitan ng mga imperyalista at mga aping mamamayan, sa pagitan ng mga imperyalista at mga gubyernong naggigiit ng pambansang kasarinlan, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado sa mga imperyalistang bansa. Ang pangekonomya at pampinansyang krisis ay humantong sa panlipunan at pampulitikang krisis at kaguluhan sa pandaigdigang saklaw.

Namamayagpag ang US nang may kahambugan ng isang hyperpower12 at niyuyurakan nito ang pambansang soberanya ng mga mamamayan ng mundo at dinadambong ang kanilang yamang panlipunan. Ipinangangalandakan ng kasalukuyang mga pampulitikang pinuno ng monopolyong burgesya ng US na maitatatag ng US ang pinakamalaking imperyo sa kasaysayan ng sangkatauhan, sa pamamagitan ng paggamit sa lubos na nakapamamayaning high-tech na lakas militar at pagsamantala sa pang-ekonomya at panlipunang pagkalugmok ng ikatlong daigdig at ng mga bansa sa dating blokeng Soviet, na ngayo'y kapwa lubog sa $3 trilyong utang panlabas.

Lahat na lamang ay isinasangkalan ng mga imperyalistang US upang sagpangin ang mga gubyernong naggigiit ng kasarinlan. Lumalaki ang bangayan nila at ng kanilang mga imperyalistang alyado at ilang dating papet na gubyerno. At sa loob mismo ng mga imperyalistang bansa, lalong lumalaban ang proletaryado at mamamayan kaysa nakaraan.

Ang sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa ay hindi naloloko ng mga pangako ng US at mga Pilipinong papet nito na malapit nang makabawi ang ekonomya ng US at ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa pamamagitan nito umano makaaahon ang Pilipinas mula sa depresyon ng ekonomya, malawakang disempleyo at laganap na kahirapan. Walang awat na pinasasahol ng US at mga papet nito ang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino.

Hindi rin nasisindak ang sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa sa kapangyarihang panteknolohiya at militar ng imperyalismong US. Nasaksikan nila kung paanong nabigo ang naturang kapangyarihan sa naunang mga digmang bayan sa Asia, kagaya ng sa China, Vietnam at Korea. Sila mismo ay matagumpay na bumigo sa bawat pakana ng US para wasakin ang rebolusyonaryong kilusang masa. Nanaig sila laban sa pasistang diktadurang Marcos na sinuportahan ng US at sa mga sumunod na mga reaksyunaryong rehimen.

Nailantad na ng US ang kainutilan nito sa kabiguan ng pagtatangka nitong durugin ang isang maliit na bandidong grupo, ang Abu Sayyaf, na nilikha nito noong dekada 1990 upang pahinain ang Moro National Liberation Front. Anu't anuman, ang teroristang gang na inorganisa ng CIA ay naisangkalan ng US para sa armadong panghihimasok laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino at ng Bangsamoro, partikular ang armadong pwersa ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Habang lalo itong nagiging mapanakop at mapanalakay bunsod ng krisis, lalong nahaharap ang mga imperyalistang US sa paglaban ng mga manggagawa at mga aping mamamayan, malalayang gubyerno at kanilang mga imperyalistang karibal.

Ang mga armadong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, Nepal, India, Turkey, Palestine, Colombia, Venezuela, Iran, Peru at iba pang bansa ay maaaring higit na lumakas at makapagbigayinspirasyon sa mas maraming mamamayan na tumahak sa landas ng armadong rebolusyon. Ang mga gubyerno ng China, North Korea, Cuba, Vietnam, Syria, Iraq, Libya at iba pang bansa ay naggigiit sa iba't ibang antas ng pambansang kasarinlan upang tutulan ang pananalakay ng US.

Sa kasalukuyan at inaasahang kalagayan, mapaiigting ng sambayanang Pilipino at ng kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at mapagsisikapang kamtin ang tagumpay ng bagongdemokratikong rebolusyon. Handa silang harapin at labanan ang bawat pag-iibayo ng armadong panghihimasok ng US at maging ang isang ganap na digmang agresyon ng US.

Ikinalulugod nila ang hamon at pagkakataong makaganti sa mga imperyalista kaugnay ng 1.5 milyong Pilipinong pinaslang ng mga pwersang mapanakop ng US mula nang mag-umpisa ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 hanggang matapos ang kampanyang pasipikasyon ng US noong 1913 at wakasan ang pagsasamantala at pang-aaping dinanas ng hene-henerasyong mga Pilipino sa ilalim ng imperyalismong US sa loob ng mahigit isang siglo.

3. LUMULUBHANG KRISIS NG LOKAL NA NAGHAHARING SISTEMA

Ang ibayong lumubhang krisis ng US at pandaigdigang sistemang kapitalista ay sumasalanta sa malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas. Mabilis na lumulubha ang lahatang-panig na palagiang krisis ng sistema. Walang ligtas sa krisis ang mga nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Sa ilalim ng islogan ng globalisasyon ng "malayang pamilihan", mariing ipinagbawal ng imperyalismong US sa papet na estado ng Pilipinas na maglaan ng pondong publiko para magsagawa o magpasikad ng pag-unlad ng pambansang industriya. Ipinataw nito sa estado ang liberalisasyon ng pagpasok ng dayuhang kapital at mga produkto, pribatisasyon ng mga mga ari-arian ng estado at pagtanggal sa mga regulasyong nagbibigay ng kaunting proteksyon sa mga anakpawis at sa kalikasan.

Ang Pilipinas ay walang anumang tipo ng produktong maibebenta sa pandaigdigang pamilihan maliban sa hilaw na materyales at mga semimanupakturang may mababang dagdag na halaga. Sobra ang suplay ng lahat ng ito. Makapag-eeksport pa rin ng gayong mga produkto ngunit sa di hamak na mas mababang presyo. Kasabay nito, ibinukas na ng estado ang pamilihan ng Pilipinas sa pagbaha ng lahat ng tipo ng produkto, kabilang na ang mga pangunahing produktong agrikultural, sa kapinsalaan ng mga lokal na prodyuser.

Sa kabila ng kumprehensibong pambansang base ng likas-yaman at ng malaking populasyon nito, tagibang ang ekonomya ng Pilipinas dulot ng imperyalista at pyudal na pagsasamantala. Lahat ay maramihang inaangkat nito: mga manupakturang pangkonsumo, mga makinarya at hilaw na materyales para sa limitadong pagpoproseso, malaking kantidad ng panggatong at mga luho para sa nakatataas na mga uri.

Ang karaniwang taunang resulta ay malaking dagdag sa depisit sa kalakalan at sa utang panlabas na lumampas na sa $54 bilyon. Kailanma't nagkakaroon ng surplas sa kalakalan sa alinmang natatanging taon, resulta ito ng pagbabawas sa import at lokal na produksyon. Ngayon, ang rehimeng Arroyo ay labis na nakasandig at nakatali sa US dahil umuutang ito sa mga bangkong US ng abereyds na US$51.7 milyon kada buwan sa napakabigat na mga kundisyon.

Ang pagkabangkrap ng ekonomya ng Pilipinas ay inilalantad di lamang ng lumolobong depisit sa kalakalang panlabas at utang panlabas kundi pati ng papalaking depisit sa badyet at lokal na utang ng reaksyunaryong gubyerno. Kulang na kulang ang buwis at iba pang koleksyon ng gubyerno sa lumalaking gastos sa pinakakontra-produktibong mga layunin.

Ang pagliit ng kita ng estado ay bunga ng depresyon ng ekonomya, liberalisasyon ng kalakalan, naunang pribatisasyon ng mga korporasyon ng gubyerno at burukratikong korapsyon. Pumapaimbulog ang gastos ng gubyerno para sa pagbabayad ng utang, militar at pulisya, mga proyektong imprastrukturang batbat ng korapsyon at maluluhong mga pasilidad ng pinakamatataas na upisyal ng gubyerno. Dumadausdos naman ang panlipunang gastusin para sa pampublikong edukasyon, kalusugan at pabahay.

Galit ang malawak na masa ng sambayanan sa pinalobong mga datos sa halaga ng produksyon sa sektor ng serbisyo at sa kabulaanan ng sinasabi ng rehimeng mataas na tantos ng paglago ng gross national product (kabuuang produksyon ng bansa). Sa katotohana'y bagsak ang produksyon dahil sa mataas na halaga ng mga imported na sangkap at pagliit ng demand sanhi ng lumiit na kita.

Laganap ang mga pagkabangkrap at malawakang tanggalan. Inaamin kahit ng rehimen na mahigit 10 porsyento ang tantos ng disempleyo. Sa minimum ay umaabot nang 50 porsyento ang tunay na kabuuang disempleyo kung susundin ang tamang depinisyon ng empleyo. Ang kita ng higit na nakararaming mayorya ng mga manggagawa at magsasaka ay kulang upang ipantawid-gutom at lalong naglulubog sa kanila sa utang. Nasa ilalim ng hangganan ng kahirapan ang 86 na porsyento ng mamamayan. Mayorya ng mga kababaihan at mga bata ay dumaranas ng malnutrisyon.

Nagdurusa ang masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at ang mga panggitnang saray sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga saligang pangangailangan, paglaki ng mga buwis at pagtaas ng mga bayarin para sa mga saligang panlipunang serbisyo tulad ng tubig, kuryente, pampublikong transportasyon at iba pa. Biktima na nga ng tumataas na gastusin sa edukasyon ang kabataaan, hirap pa silang makakuha ng trabaho. Di hamak na mas maliit ang pagkakataon ng kababaihan na makakita ng trabaho sa loob ng bansa kumpara sa kalalakihan. Kaya't sila ang bumubuo ng mayorya ng mga Pilipinong nagiging overseas contract worker (OCW).

Ang kawalan ng kaunlarang pang-ekonomya at ang mataas na tantos ng disempleyo ay nagtulak sa 10 porsyento ng populasyon na maging mga OCW na pinagkakaitan ng mga karapatan sa pag-uunyon at napupwersang tumanggap ng sahod na mas mababa sa sahod ng mamamayan sa pinagtatrabahuhan nilang bansa. Ang kababaihan ang pinakabulnerable sa maraming tipo ng abuso laluna kung sila'y nagtatrabaho bilang mga tagaaliw o katulong sa bahay.

Walang na ngang ginagawa ang rehimen upang ibsan ang pangekonomya at panlipunang pagdurusa ng mamamayan, binabansagan pa nitong "terorista" ang mga manggagawa dahil sa paggamit nila sa kanilang mga karapatang pang-unyon at paggigiit ng mas mabuting sahod at pamumuhay. Bukambibig nito ang reporma sa lupa ngunit nagtutulak ito ng reklasipikasyon ng lupang agrikultural upang ilabas ito sa saklaw ng reporma sa lupa. Hinihikayat nito ang lalong konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilang korporasyon at pamilyang panginoong maylupa.

Habang lumalala ang pangekonomya at panlipunang krisis, lumalala rin ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Sa pag-impis ng madarambong sa kapangyarihan, lalong nagiging masidhi kaysa nakaraan ang kumpetisyon ng magkakaribal na paksyong pampulitika ng mga mapagsamantalang uri. Nagiging karaniwan na ang gawi nilang ilabas ang baho ng isa't isa sa pagaagawan sa suporta ng publiko sa gitna ng diskuntento at kaguluhang panlipunan.

Umiiral ang matinding ribalan sa pulitika hindi lamang sa pagitan ng mga partidong pampulitika o koalisyon kundi sa loob mismo ng mga naghahari at oposisyong partido at koalisyon. Kadalasan, ang kumpetisyon ay nag-aanyong labanan ng mga personalidad at pamilya sa hanay ng mga mapagsamantalang uri.

Gayon na lamang ang pagkakahati at pagkakabitak ng naghaharing koalisyon ni Arroyo bunga ng kumpetisyon sa korapsyon, kaya si Arroyo mismo'y lubusan nang nawalan ng kredibilidad at nahiwalay bunga ng kabiguan niyang maglatag ng anumang kapanipaniwalang patakarang magpapagaan sa lugmok na kalagayan ng lipunan. Kaya't sa pagtatapos ng taon, inianunsyo niyang di na siya tatakbo sa pagkapresidente sa 2004.

Seryoso man siya o hindi, ang punto'y napwersa siyang gumawa ng di pangkaraniwang pahayag na nagpapakita ng kanyang mahinang katayuang pampulitika. Sa katunayan, matagumpay na siyang naihiwalay ng malawak na nagkakaisang prenteng itinataguyod ng mga ligal na demokratikong pwersa at ng mga oposisyunista sa loob at labas ng kanyang naghaharing koalisyon, dahil sa pagkapapet, korapsyon, kawalangkakayahan at pagkamapanupil ng kanyang rehimen.

Ang ribalan sa pagitan ng mga paksyon ng upisyal ng militar at pulisya ay sumasalamin sa ribalan ng mga reaksyunaryong pulitiko at nagsisilbing isang mayor na salik sa paglubha ng krisis pampulitika. Utang ng mga upisyal militar at pulis ang kanilang promosyon sa kanilang mga padrinong pulitiko at sa gayo'y madali silang nasasangkot sa mga labanang pampulitika at sa mga pagbabanta ng kudeta at kontra-kudeta sa pinakamatataas na antas.

Pinag-aagawan ng pinakamasasahol na mga upisyal ng militar at pulisya ang paghahari sa mga sindikatong kriminal na sangkot sa iligal na sugal, prostitusyon, droga, kidnap-for-ransom, ismagling at iba pa. Ang mga pinaka-ambisyoso sa kanila ay nagpiprisintang mga kandidato para sa pagkapresidente, senador o kongresista, o upisyal ng lokal na gubyerno. Ang kanilang kapital para sa pamumulitika at kampanyang elektoral ay nagmumula sa mga operasyong kriminal.

Ang panghihimasok ng US sa ekonomya, pulitika at militar ay lalo't lalong nalalantad kaakibat ng patakarang "gera laban sa terorismo" ni Bush. Sinasamantala at isinasangkalan nito ang mga atake noong Setyembre 11 upang lalong pahigpitin ang kontrol ng US sa mga usaping pampulitika at pang-ekonomya sa Pilipinas at ibalik ang mga tropang pangkombat at base militar ng US sa teritoryo ng Pilipinas.

Si Arroyo ay isang walang kahihiyang papet ng imperyalismong US. Bantog siya sa pagtutulak ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at pagpupwesto ng mga ahenteng maka-US (na kabilang sa kwestyunableng grupong AGILE) sa burukrasya upang gumawa ng mga patakaran at batas na kapakipakinabang sa US at mga multinasyunal na korporasyong US.

Ginagamit ng US si Defense Sec. Angelo Reyes bilang handler ni Arroyo. Itinulak niya si Arroyo na paralisahin at ibasura ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP at magdeklara ng patakarang todo-gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Itinulak rin niya si Arroyo na magbalangkas ng isang batas laban sa terorismo alinsunod sa USA Patriot Act, tanggapin ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at pahintulutan ang mga tropang Amerikano na lumahok sa mga operasyong kombat sa Pilipinas.

Nakakasa na ang mga plano para susugan ang konstitusyong 1987 ng reaksyunaryong gubyerno upang alisin ang mga pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at ang pagbabawal sa mga tropang pangkombat at mga base ng US sa Pilipinas.

Nangangarap si Speaker Jose de Venecia na maging prime minister sa ilalim ng isang sistemang parlamentaryo na pagtitibayin ng isang constituent assembly13 o asembliyang tagapagbuo ng konstitusyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Subalit inihahanda na ng US si Reyes para pumalit kay Arroyo. Mas pabor din ito sa pagdaraos ng isang kumbensyong konstitusyunal.

Ang mga ahente ng CIA at si Reyes ang responsable sa paglakas ng loob ng Abu Sayyaf na mangidnap at magsagawa ng mga teroristang pambobomba upang bigyangkatwiran ang partisipasyon ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong pangkombat laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng PKP at MILF.

Pinatindi ni Reyes ang mga kampanyang panunupil ng militar laban sa mga rebolusyonaryong pwersa mula noong 2001, at sa gayo'y naipagpatuloy sa ilalim ng rehimeng Arroyo ang patakarang todo-gera na itinulak niya sa ilalim ng rehimeng Estrada. Siya rin ang responsable sa paglabag sa kasunduang tigil-putukan ng GRP at MILF. Nasa ilalim siya ngayon ng gabay ng mga eksperto sa saywar ng US CIA para lumikha ng kaguluhan at pagkatapos ay tumakbo sa pagkapresidente na nagpiprisinta bilang tigasing magbabalik ng kaayusan.

Lubos na sumasang-ayon si Arroyo sa US at kay Defense Sec. Angelo Reyes sa paggigiit ng pagsuko ng NDFP. Ang layunin nilang lahat ay ibasura ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP dahil tiyak na tatangging sumuko ang NDFP sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa isang "final peace agreement" na makaisangpanig na binalangkas ng GRP.

Upang maibasura ang usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP, nakipagsabwatan ang GRP sa gubyernong US upang ibilang ang Partido, BHB at ang chief political consultant ng NDFP sa listahan ng mga "terorista" at ikampanyang pamarisan ito ng iba pang gubyerno (Britain, Canada at Australia) at ng Council of the European Union. Nais ng GRP na takutin ang negotiating panel ng NDFP at gawing mahirap na ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP.

Sinusunod ni Arroyo ang dikta ng imperyalismong US na pagibayuhin pa ang armadong kontrarebolusyon sa ngalan ng anti-terorismo. Nagbubulag-bulagan siya sa katotohanang ang mga kampanyang panunupil ng militar na binigyang-prayoridad laban sa labindalawang larangang gerilya ng BHB mula 2001 ay nabigong mapigilan ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan. Patuloy siyang nangangarap nang gisisng na makatatakbo pa siya sa pagkapresidente kung madudurog niya ang Bagong Hukbong Bayan.

Tila nakakalimutan ng US at ng mga papet nito sa Pilipinas na ang armadong rebolusyonaryong kilusan ay lumakas kahit noong umiral ang pasistang diktadurang Marcos sa loob ng 14 na taon at nakinabang sa presensya ng mga base militar ng US kapalit ng dambuhalang suplay militar at tulong pinansyal sa papet na rehimen.

Kung tutuusin, sa pamamagitan ng ibayong panunupil at pagbabanta ng muling paghahari ng lantarang terorismo, itinutulak ng US at mga papet nito ang sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa na paigtingin ang armadong rebolusyon.

Ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo ay itinutulak ng kalagayang krisis na maghasik ng karahasan. Subalit ang kalagayan ding ito ay paborable para mapaigting ng mga rebolusyonaryong pwersa ang armadong rebolusyon.

4. ITAAS ANG ANTAS NG DIGMANG BAYAN

Dahil mismo sa malubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema kaya desperadong nagpatupad ang papet na rehimeng Arroyo ng patakarang todogera at hiniling ang armadong panghihimasok ng US sa ngalan ng "gera laban sa terorismo" sa tangkang takutin ang malawak na masa ng sambayanan.

Subalit sa Plenum ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas kamakailan, nagbalangkas ito ng 3-Taong Plano para sa 2003-2005 upang itaas ang antas ng digmang bayan at magkamit ng lahatang-panig na mga pagsulong sa rebolusyon. Ginawa ito matapos lagumin at halawan ng mga aral ang nakaraang 3-Taong Plano para sa 1999-2002, sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at, sa partikular, ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Pangkalahatang layunin ng plano na puspusang labanan at biguin ang nag-iibayong mga atake ng rehimeng US-Arroyo at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa isang bago at mas mataas na antas.

Ang mga pangunahing layunin ay:

1) Ibayong palawakin at paigtingin ang anti-imperyalista, antipyudal at anti-pasistang pakikibaka. Ihiwalay at ibagsak ang rehimeng US-Arroyo. Labanan ang tumitinding armadong panghihimasok ng US at terorismo ng estado.

2) Paabutin ang mga larangang gerilya sa mayorya ng mga munisipalidad, laluna sa mga estratehikong bahagi ng kapuluan. Ilatag ang mga rekisito upang maabot ang panggitnang yugto ng estratehikong depensiba sa pamamagitan ng higit pang pagpapalawak at pagbibigay ng ibayong atensyon sa paalun-along pagkokonsolida ng bawat munisipalidad. Paigtingin ang pakikidigmang gerilya, palawakin at pabilisin ang kumpas ng rebolusyong agraryo at palakasin ang kakayahan ng baseng masa sa organisasyon, pulitika, ekonomya, depensa at kultura.

3) Itaguyod ang pamumuno ng Partido sa BHB at sa armadong rebolusyon. Kabigin sa armadong rebolusyon ang milyun-milyong mamamayan sa pamamagitan ng patakaran at mga taktika sa pakikipagkaisang prente. Palawakin at palakasin ang relasyon at pakikipagtulungan sa lahat ng posibleng mga alyado.

4) Palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Palaganapin ang Marxismo- Leninismo-Maoismo. Isulong ang bagong-demokratikong rebolusyon. Maglunsad ng kampanya ng rekrutment sa Partido na may layuning magkaroon ng daandaang libong kasapi ng Partido.

Itayo ang mga larangang gerilya

Dapat tayong magtayo ng mga larangang gerilya sa mayorya ng mga munisipalidad at dagdagan ng 20 porsyento ang kasalukuyang bilang. Dapat nating maabot ang lakas-kumpanya ng BHB sa bawat larangang gerilya. Dapat nating konsolidahin ang platun bilang sentro de grabidad sa bawat munisipalidad na nasa larangang gerilya.

Upang makahabol ang mga rehiyong nahuhuli sa usapin ng lakas-sandata, dapat silang tulungan sa tatlong paraan: higit na atensyon at paggabay mula sa sentro, higit na suporta mula sa kalunsuran sa usapin ng mga kadre, propaganda at pagpapasigla ng kilusang masa, at mulat na pagsuporta mula sa malalakas na rehiyon.

Sa karamihan ng mga rehiyon, dapat tayong magkaroon ng di bababa sa anim na larangang gerilya, na bawat isa'y may lakaskumpanya. Sa bawat larangang gerilya na may lakas-kumpanya, dapat tayong magpaunlad ng tatlo o higit pang kulumpon ng pitong konsolidadong baryo na nasa paborableng kalupaan.

Dapat nating ibatay ang ating pagpapalawak sa konsolidasyon. Dapat tayong magpakahusay sa pagkokonsolida at pagpapaunlad ng mga larangang gerilya upang malikha ang kakayahang pampulitika at militar para makapagtayo ng karagdagang mga larangang gerilya. Kaalinsabay, dapat nating maksimisahin ang suporta mula sa mga syudad at iba pang sentrong urban sa usapin ng mga kadre mula sa hanay ng mga manggagawa at kabataang nakapag-aral, propesyunal at teknikal na kasanayan, at suportang materyal.

Dapat nating bigyang-pansin ang pagdurugtong ng mga larangang gerilya at pagpapaunlad ng magkatalikurang relasyon upang mamaksimisa ang pagtutulungan. Dapat nating paghandaan ang pagpapaunlad ng matatatag na baseng erya sa pamamagitan ng pagdurugtong ng ilang larangang gerilya. Dapat tayong magpaunlad ng matatag na kontrol sa bawat estratehikong lugar sa bawat rehiyon at sa bawat mayor na isla. Dapat nating tukuyin ang mga estratehikong lugar na ito at iulat sa mga nakatataaas na organo.

Ang isang larangang gerilya ay mahahati sa baseng gerilya at mga sonang gerilya. Ang platun bilang sentro de grabidad ay nagbabase sa baseng gerilya. Ito ang pinakakonsolidadong erya ng larangang gerilya dahil sa mas masinsing gawaing masa sa saklaw nito. Ang platun o mga platun, na mahahati sa mga mga iskwad o mga sandatahang pangkat pampropaganda, depende sa sitwasyon o layunin, ay nakabase sa mga sonang gerilya na may mas malawak na saklaw sa labas ng mga baseng gerilya. Ang mga sonang gerilya ay ang bahagi ng larangang gerilya na mas mababa ang antas ng konsolidasyon.

Maaaring simulan ng isang platun ang pagtatayo ng isang larangang gerilya. Gumagampan ito ng gawaing masa, nagtatayo at nagsasanay ng milisyang bayan at nagsasagawa ng mga taktikal na opensiba upang makakuha ng karagdagang armas at abutin ang lakas-kumpanya.

Dapat nating subaybayan at masusing pag-aralan ang Campaign Bantay Laya ng kaaway upang epektibong biguin ito. Dapat nating pag-aralan nang mabuti ang karanasan sa alinmang kulumpon ng mga baryong matagal na hinawakan ng mga special operations team ng kaaway, tukuyin ang mga problema at ang mga hakbangin upang malutas ang mga ito.

Palakihin at palakasin ang hukbong bayan

Dapat nating paunlarin ang platun bilang saligang pormasyon. Dapat tayong magpakahusay sa pamumuno at pagpapakilos ng platun bilang sentro de grabidad sa mga larangang gerilya at mga rehiyon. Kasama ng panrehiyong komite ng Partido, ang panrehiyong kumand sa operasyon ay dapat may isang platun, pinalaking platun o kumpanya bilang sentro de grabidad sa antas rehiyon.

Paunlarin natin ang pagrerekrut at pagsasanay ng mga mandirigma. Dapat nating sundin ang mga rekisito sa edad, pulitika, organisasyon at kalusugang mental at pisikal. Dapat tayong magrekrut ng mas maraming manggagawa at kabataang nakapag-aral at mahusay na ikumbina sila sa mga mandirigmang nagmula sa hanay ng mga magsasaka. Sanayin natin ang di bababa sa 25 porsyento ng ating mga Pulang mandirigma upang maging mga upisyal sa iba't ibang antas. Dapat nating paunlarin ang pormal na kurso sa pagsasanay ng mga upisyal.

Sistematisahin ang pagsasanay pulitiko-militar sa malawak na saklaw. Maglaan tayo ng panahon para sa mga regular na drill habang ginagampan ang ating mga gawain. Palakasin natin ang pamumuno ng Partido at magsagawa ng masiglang gawaing pampulitika sa hanay ng hukbo. Palaganapin natin ang pangkalahatang pampulitikang edukasyon at ang batayang kurso ng Partido, ang demokrasya sa tatlong larangan at itaguyod ang disiplina at sistema ng pagtutulungan.

Harapin natin ang suliranin ng mga mandirigmang umaalis sa hukbo. Dapat nating sundin ang mga pamantayan sa rekrutment, magsagawa ng gawaing pampulitika sa hanay ng mga mandirigma, tulungan silang makapangibabaw sa mga kahirapan at suliranin, at labanan ang anumang pagmamaliit sa mga bagong rekrut.

Dapat bigyang-pansin ng Komite Sentral ng Partido at Panrehiyong Komite ng Partido ang mga usaping militar. Panapanahon, dapat nating tasahin at tayain ang gawain at mga usaping militar upang gabayan ang Partido at hukbo sa kanilang mga kongkretong tong tungkulin, mabilis na umangkop sa mga pagbabago ng sitwasyon at mga hakbangin at taktika ng kaaway, at maagap na lutasin ang mga suliranin.

Dapat tayong mag-aral ng teoryang militar, manaliksik at lumutas ng mga problema sa estratehiya at taktika. Dapat nating palakasin ang sistema ng kumand. Dapat nating pasiglahin muli ang mga pambansa at panrehiyong kumand sa operasyon. Dapat bigyang-prayoridad ang pagpaplano, pagsasanay, mga espesyal na operasyon, paniktik, ordnans, lohistika at mga pangangailangang medikal.

Itayo natin ang sangay ng Partido sa antas ng platun at ang grupo ng Partido sa loob ng iskwad. Dapat pangasiwaan ng Kawanihan sa Instruksyon ang pangkalahatang pampulitikang edukasyon at pampartidong edukasyon samantalang ang Paaralang Pulitiko-Militar ay dapat maglunsad ng mga pagsasanay pulitikomilitar. Dalasan pa natin ang pagdaraos ng mga kumperensyang pulitiko-militar para maging mas masaklaw ang palitan ng mga kongkrepananaw at karanasan.

Dapat nating palakasin ang sistema ng pag-uulat, paglalagom at pagtatasa ng mga taktikal na opensiba. Napakahalaga sa propaganda ang maagap nating paguulat sa mamamayan ng ating mga tagumpay sa labanan.

Ang mga pambansa at panrehiyong antas ng kumand ay dapat magbigay-pansin sa mga susing laban, espesyal na operasyon, at koordinadong operasyon alinsunod sa mga direktiba ng mga nakatataas na organo tulad ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika, Komisyong Militar, Komiteng Tagapagpaganap at mga Komiteng Rehiyon ng Partido.

Dapat nating madagdagan ang lakas-sandata ng hukbong bayan pangunahin na sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba. Bilang pandagdag, maaari tayong gumawa ng ilang tipo ng sandata o maaari ring bumili sa mga kaibigan at mga nangangalakal ng armas.

Dapat nating seryosong buuin ang milisyang bayan bilang lokal na pulisya natin at bilang pansuporta at reserbang pwersa ng mga pultaym na yunit ng hukbong bayan. Maaari tayong magsanay ng di bababa sa isang platun bawat baryong nasa larangang gerilya sa gawaing pampulis at panloob na seguridad.

Dapat din nating hikayatin ang mga organisasyong masa na magbuo ng mga yunit sa pagtatanggol sa sarili at bigyan sila ng pagsasanay at pag-aaral sa mga paraan ng paniniktik sa kaaway at sa gawaing transportasyon at komunikasyon, sa harap ng mga kampanya ng panunupil ng kaaway.

Dapat tayong maglatag ng malawak na aktibong lambatpaniktik sa pamamagitan ng pagpapakilos sa masa. Dapat tayong magpakahusay sa paniniktik at pagtukoy sa lambat-paniktik ng kaaway upang malansag ito. Dapat nating sistematisahin ang paguulat, pagsusuri, ebalwasyon at konsolidasyon ng natitipong mga impormasyon.

Dapat magpakahusay ang hukbong bayan sa gawaing panseguridad, paglilihim at pagbigo sa mga pakana at atake ng kaaway. Dapat nating isaisip lagi at sundin ang mga alituntunin kaugnay ng mga ito. Dapat tayong umiwas na malagay sa depensiba kapag ang kaaway naman ang maglunsad ng taktikal na opensiba laban sa atin.

Dapat tayong magbuo ng mga yunit ng armadong partisanong lunsod mula sa hanay ng mga Pulang mandirigmang kumilos na sa BHB nang di kukulangin sa dalawang taon at may kaalaman sa lunsod kung saan sila itinatalaga. Kapag hindi naghahanda o naglulunsad ng taktikal na opensiba sa syudad, ang mga armadong partisanong lunsod ay dapat bumase sa kanayunan.

Paigtingin ang mga taktikal na opensiba

Upang matiyak na ang armadong rebolusyon ay malawakan at malalimang nakaugat sa mamamayan, inilalaan ng hukbong bayan ang 90 porsyento ng panahon nito sa gawaing pampulitika at 10 porsyento sa mga taktikal na opensiba.

Ang pangunahing platun, bilang sentro de grabidad sa isang larangang gerilya, ay dapat magsikap na maglunsad ng isang taktikal na opensiba bawat tatlong buwan. Tungo rito, dapat mauna nang maniktik sa dalawa o tatlong posibleng target. Pagkatapos ay pipiliin natin ang pinakamadaling targetin ng ambus o reyd.

Ang panrehiyong kumand sa operasyon ay maaaring tuwirang magsagawa ng abereyds na isang taktikal na opensiba bawat tatlong buwan sa pamamagitan ng paghahanay ng mga pwersa para sa ambus o reyd o sa pamamagitan ng pagkokoordina ng mga opensiba sa loob ng isang panahon na isa-sagawa ng mga larangang gerilyang nasa ilalim ng kumand nito. Gayunman, kailanma'y hindi dapat itaya ng alinmang panrehiyong organisasyon ng hukbo o larangang gerilya ang dalawangkatlo ng kabuuang armadong pwersa nito sa iisang labanan.

Dapat pagsikapan ng mga platung nakatalaga sa armadong gawaing propaganda o gawaing masa na maglunsad ng isang taktikal na opensiba tuwing apat na buwan. Maaaring mas padalasin pa ito batay sa mga naunang tagumpay.

Dapat laging pagpasyahan at ilunsad ang mga taktikal na opensiba upang palakasin ang armadong rebolusyon gayundin upang bigyang-inspirasyon ang mamamayan na lumahok o sumu- porta rito. Dapat maglunsad ng mga batayang taktikal na opensiba upang makasamsam ng armas mula sa kaaway at dapat maglunsad ng mga espesyal na taktikal na opensiba batay sa mga kaukulang atas ng isang hukumang bayan o kaukulang pampulitikang awtoridad upang arestuhin o parusahan ang mga lumalabag sa karapatangtao, mga mandarambong at mga taksil na may mga utang na dugo o nangurakot ng malaki sa mga rebolusyonaryong pondo at iba pang pag-aari.

Dapat nating ipakat nang wasto ang hukbong bayan para sa pakikidigmang gerilya. Dapat nating gamitin nang pleksible ang mga taktika ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat-lipat. Nagtitipon tayo ng pwersang may kakayahang maglunsad ng opensiba. Dinidispers natin ang ating pwersa upang gumanap ng gawaing masa. Inililipat natin ang ating mga pwersa upang umiwas sa mga opensiba ng mas malakas na pwersa ng kaaway.

Dapat nating tuklasin ang mga pagkakataon para sa mga taktikal na opensiba sa pamamagitan ng obserbasyon at paniktik. Makalilikha rin tayo ng gayong mga pagkakataon sa pamamagitan ng pagbuyo sa kaaway para magkamali. Anuman ang kalagayan, ang dapat nating pagplanuhan at ilunsad ay yaon lamang mga taktikal na opensibang tiyak nating maipagwawagi.

Sa tatlumpu't apat na taon ng armadong pakikibaka, napakarami nating natutuhang taktika para gapiin at disarmahan ang bahabahagi ng mga armadong pwersa ng kaaway. Maaari nating ireyd o tambangan ang maliliit na yunit ng kaaway. Maaaring hindi natin kayang lusubin ang malalaking kampong may malakas na depensa, ngunit maaari naman tayong mag-abang ng maliit na yunit na lalabas dito at tutungo sa ating pag-aambusan.

Maaari nating lipulin o i-haras ang isang yunit ng kaaway gamit ang maliit nating pwersa sa isang lugar, habang nag-aabang ang isang mas malaking pwersa sa isa pang lugar upang tambangan ang reimporsment o yunit ng kaaway na mag-iimbestiga. Maaari nating hawakan o palibutan ang isang lugar gamit ang isang platun o kumpanya upang ipatupad ang taktikal na opensiba o anupamang misyong nangangailangan ng kontrol sa perimetro ng lugar.

Matapos nating ipagwagi ang ilang taktikal na opensiba sa isang lugar, asahan nating maglulunsad ang kaaway ng sariling kontraopensiba. Maaari itong maging panandali o matagalan. Maaari nating iwasan at ikutan ang isang panandaling opensiba ng kaaway. Kailangan nating lumipat sa ibang lugar kapag ang opensiba ng kaaway ay matagalan at masaklaw.

Oras na ikalat ng kaaway ang mga pwersa nito upang sumaklaw ng masyadong malawak na teritoryo, maaari tayong pumili ng mahihinang bahagi sa parehong lugar para atakehin mula sa eksteryor na linya, o kung ipahihintulot ng mga kundisyon, sa likuran ng kaaway. Ang target ay maaaring isang maliit na detatsment, nakahimpil man o kumikilos.

Mapararami lamang ng BHB ang mga armas nito at maitataas lamang ang antas ng mga taktika at teknik nito sa pamamagitan ng paglulunsad at pagtatagumpay ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersa ng kaaway. Habang lalong lumalaki ang BHB, napauunlad ng ating mga Pulang kumander at mandirigma ang kanilang panlabang kakayahan at mga sandata at nakahihikayat ng mga bagong rekrut na may taglay na propesyunal at teknikal na kasanayang kapaki-pakinabang sa armadong rebolusyon.

Dapat tayong maging alerto sa armadong panghihimasok ng US. Dapat nating ipagtanggol ang mamamayan oras na yurakan ng mga tropa ng US ang pambansang soberanya at teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan. Dapat tayong maghandang lumaban sa panghihimasok at agresyong militar ng US.

Mula nang magapi ito sa Indochina, nagtagumpay ang US sa pag-atake at pagbabagsak ng mga dayuhang gubyerno sa pamamagitan ng mga sandatang hi-tech at mga taktikang blitzkrieg (gulpi de gulat). Ngayon, nais ng US na gamitin ang Pilipinas bilang larangan para subukan at ipakita ang armadong lakas nito laban sa isang rebolusyonaryong kilusang naglulunsad ng matagalang digmang bayan.

Upang labanan ang imperyalismong US, sumasandig tayo sa ating pangkalahatang linya, estratehiya at taktika at mayamang karanasan. Dagdag dito, nagbabalik-aral tayo sa matatagumpay na rebolusyonaryong pakikibaka ng mga kasama at mamamayang Tsino, Korean at Vietnamese sa pagbigo sa panghihimasok at agresyon ng US.

Sa paglaban sa kaaway, ang pangunahing patakaran natin ay lipulin ang mga pwersa nito. Kaalinsabay, may sekundaryo tayong patakarang lansagin ang mga pwersang ito sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na talikdan ang panig ng kaaway o sumanib sa panig ng rebolusyon. Dapat tayong magkaroon ng ispesyal na organo at mga ispesyal na operatiba upang magtanim o magpaunlad ng mga patriyotiko at progresibong elemento sa reaksyunaryong hukbo at pulisya. Dapat tayong magpaunlad ng isang demokratikong kilusan sa kanilang hanay. Dapat mayroon tayong estratehikong pananaw kaugnay nito.

Sa kilusang masa, dapat nating bigyang-pansin ang pag-abot sa mga sundalo ng reaksyunaryong hukbo at sa kanilang mga pamilya. Dapat tayong makipagtulungan sa mga biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga upisyal, korapsyon at paglabag sa karapatang-tao sa loob ng reaksyunaryong hukbo at pulisya.

Kailanma't maaari, dapat nating nyutralisahin ang lokal na pulisya at ang CAFGU. Dapat tayong gumawa ng mga paraan para disarmahan sila nang wala o walang gaanong pagdanak ng dugo. Pero sa kaso ng reaksyunaryong hukbo, maaari nating gamitin ang lahat ng kinakailangang taktika upang gapiin sila sa labanan.

Ang mga nabibihag na sundalo at pulis ay dapat nating tratuhin nang maluwag, respetuhin ang kanilang mga karapatang tao at bigyang ng makataong pagtrato. Tinatrato natin sila bilang mga bihag ng digma alinsunod sa Geneva Conventions at mga protocol nito gayundin sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ng GRP-NDFP.

Maaari nating palayain kaagad ang mga ordinaryong sundalo at pulis. Dapat nating ibimbin ang mga upisyal ng kaaway hanggang magkasundo ang kanilang gubyerno at ang NDFP sa proseso ng ligtas at maayos na pagpapalaya.

Gawaing masa at nagkakaisang prente

Dapat nating imulat, organisahin at pakilusin ang milyunmilyong mamamayan. Dapat natin itong isakatuparan sa pamamagitan ng masikhay na gawaing masa at solidong pag-oorganisa sa masa gayundin sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga alyado, malawakang propaganda at pagpapakilos sa masa na humihimok sa kanila alinsunod sa linya ng nagkakaisang prente.

Dapat nating palakihin ang ating organisadong baseng masa nang 30-40 porsyento bawat taon sa susunod na tatlong taon. Dapat nating organisahin ang daandaang libong mamamayan sa lahat ng rehiyon. Dapat tayong makaabot ng panibagong rurok sa solidong pag-oorganisa sa masa.

Kailangan nating buuin ang komiteng pang-organisa ng baryo14 bilang paghahanda sa pagtatayo ng komiteng rebolusyonaryong ng baryo, ang mga komiteng pang-organisa ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa, ang mga organisasyong masa, ang milisya, ang mga yunit sa pagtatanggol sa sarili ng mga organisasyong masa at ang mga sangay ng Partido sa mga kulumpon ng mga baryo at bayan.

Bawat iskwad ng BHB ay dapat magbuo ng 15 hanggang 20 grupong pang-organisa bawat buwan. Ang mga grupong pangorganisa ay dapat maging mga ganap na organisasyong masa sa loob ng isang taon at ang mga komiteng pang-organisa ay dapat maging mga ganap na organisasyong masa sa loob ng anim na buwan.

Dapat nating pagsikapang mamantine ang balanseng 3:1 sa pagpapalawak at konsolidasyon. Sa pagpaplano ng ating gawain sa lugar, dapat nating isaalang-alang kung ang lugar ay may sapat na maniobrahan at paborableng kalupaan. Magiging mas mabilis ang pag-oorganisa sa masa sa mga baryong dati na nating nakilusan kapag nalutas ang mga problemang naging sanhi ng pag-alis natin sa lugar.

Dapat tayong magbuo ng mga komiteng pang-organisa ng baryo14 at ng kakayaning dami ng komiteng pang-organisa ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa upang masaklaw ang buong baryo at maugnayan ang lahat ng mga demokratiko at progresibong elemento. Ang komiteng rebolusyonaryo ng baryo ang tumatayong organo ng gubyernong bayan na inihalal ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa o, kung ipinahihintulot ng kalagayan, tuwirang inihalal ng mga taumbaryo.

Dapat nating buuin ang munisipal na komite ng anumang tipo ng organisasyong masa kung ang gayong organisasyong masa ay naorganisa na sa 15-20 baryo sa isang munisipalidad. Pagdating ng takdang panahon, maaari na tayong tumuloy sa pagbubuo ng mga komite sa antas distrito at prubinsya.

Ang mga organisasyong masa ay dapat maglunsad ng mga kampanya upang pakilusin ang mamamayan para sa kanilang kapakinabangan at ilatag ang batayan para sa ibayong rekrutment at ibayong pagpapakilos. Sa pakikipagtulungan sa mga organisasyong masa, ang mga sandatahang pangkat pampropaganda ay dapat maglunsad ng malawakang edukasyong pampulitika. Dapat magsanay ng mas marami pang mga instruktor sa hanay ng masa. Dapat silang hikayating mapanlikhang gamitin ang lahat ng epektibong paraan at kagamitan sa edukasyon.

Dapat nating palawakin at pasiglahin ang pakikibakang antipyudal. Dapat nating isulong ang minimum na programa ng reporma sa lupa. Hikayatin ang mga samahang magsasaka na isulong ang kampanya para ibaba ang upa sa lupa, ibaba ang interes sa utang, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, itaas ang presyo ng mga produktong magsasaka, itaas ang produksyong agrikultural at paramihin ang mga trabahong pansaydlayn.

Dapat nating labanan ang pagbabalik ng lupa sa mga panginoong may lupa, mga pekeng kooperatiba, reklasipikasyon ng lupa at pananim, "globalisasyon" sa agrikultura, komersyanteng usura, iba't ibang tipo ng pangangamkam ng lupa at iba pa. Dapat mapatigil ang reaksyunaryong gubyerno sa pang-aagaw ng mga lupaing naipagkaloob na sa mga dating kasam� o nahulugan na nila.

Dapat tayong maglunsad ng iba pang tipo ng kampanyang masang naaangkop sa mga sumusunod: edukasyong pampulitika, organisasyon, produksyon, kalusugan, literasiya, kultura, pagsasanay sa pagtatanggol sa sarili, karapatangtao, paghahanda sa mga sakunang natural at likhang-tao at iba pa. Dapat nating dalhin sa kanayunan ang anumang kasanayan at tulong na makukuha natin sa kalunsuran.

Dapat nating palakasin ang alyansang manggagawa-magsasaka bilang batayan ng nagkakaisang prente para sa armadong rebolusyon. Dapat sandigan ng Partido at BHB pangunahin na ang mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kabigin ang mga panggitnang magsasaka, nyutralisahin ang mga mayamang magsasaka at samantalahin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa upang ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng huli.

Dagdag pa, dapat nating paunlarin ang alyansa ng mga progresibong pwersa kasama ang petiburgesyang lunsod, ang alyansa ng mga patriyotikong pwersa kasama ang panggitnang burgesya at ang mabuway na pakikipag-alyansa sa mga bahagi ng reaksyunaryong uri laban sa kaaway.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling organisadong baseng masang pinamumunuan ng Partido, magagamit natin ang mga patakaran at taktika sa pakikipagkaisang prente upang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan sa pinakamabilis na posibleng paraan. Sa gayo'y pinakaepektibo nating maikokoordina ang mga pwersa at mamamayan sa kalunsuran at kanayunan.

Dapat nating pairalin ang pagtutulungan at pagsusuportahan ng kanayunan at kalunsuran. At dapat nating gamitin sa pinakaepektibong paraan ang mga ligal, malaligal at iligal na mga anyo ng organisasyon at pakikibaka sa layuning makapagpalawak at makapagkonsolida.

Taglay ang mataas na kumpyansa, magsikhay tayo at makibaka upang maitaas ang antas ng digmang bayan at makamit ang lahatang-panig na mga pagsulong sa bagong-demokratikong rebolusyon. Tupdin natin ang mga target ng Tatlong-Taong Plano at umani ng malalaking tagumpay sa susunod na tatlong taon. Gawin natin ang ating makakaya upang mag-ambag sa pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo at ng malawak na kilusang anti-imperyalista.

Mga Paliwanag

1Sa kasaysayan ng kapitalistang sistema, ang mataas na empleyo ay palaging nagreresulta sa pagtaas ng sahod dahil ang mataas na demand para sa mga manggagawa ay naglalagay sa kanila sa mahusay na katayuang igiit ang karagdagang sahod.

2Sa pamilihan ng mga sapi sa US, maaaring bumili ng mga sapi sa paraang on margin o sa pamamagitan ng utang na may panggarantiyang kolateral na idedeposito sa mga stock broker. Ang mga bumibili "on margin" ay maaaring makautang ng dalawa hanggang apat na ulit ng halaga ng kolateral nila para magamit sa pagbili ng mga sapi sa pamamagitan ng parehong stock broker. Kung bumagsak ang presyo ng mga sapi nang mas mababa pa kaysa sa halaga ng utang, maaaring ibenta na ng stock broker ang mga sapi, kumpiskahin ang halaga nito at ng kolateral hanggang sa halaga ng utang, at maniningil pa ng interes sa utang.

3Consumer demand o ang kabuuang halagang maaaring bilhin ng mga mamimili batay sa kanilang kakayahang bumili.

4Ang salient points of control ay mga mahahalagang larangan o teritoryong kung makokontrol ay nagbibigay sa isang panig sa tunggalian ng paborableng pusisyon upang mula rito ay makontrol din o maimpluwensyahan ang iba pang mas masaklaw o mas estratehikong larangan o teritoryo. Sa ganitong pakahulugan, ang pagpusisyon ng US sa Iraq ay nagbibigay sa US ng salient point of control papasok sa kabuuan ng Middle East.

5Ang cluster bomb ay isang malaking bombang naglalaman ng daan-daang (umaabot nang 200-600) maliliit na bomba (bomblet), na kumakalat sa malawak na lupain at nagdudulot ng masaklaw na pinsala. Ang layunin nito ay pumatay o puminsala ng marami sa matataong lugar. Ipinapanukala ng mga nagtataguyod ng karapatang tao at makataong digma na ideklara bilang iligal na sandata para sa maramihang pamiminsala ang cluster bomb.

6Ang mga smart bomb ay mga makabagong bombang kinokontrol ng mga kompyuter upang gabayan ang pagbagsak nito tungo sa isang kinauukulang target. Anupaman ang pagmamalaki ng US na direkta itong tumatama sa mga target, 15-20 % ng mga bombang ito ng US ay nagmimintis karaniwang nagreresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan at pagkawasak ng mga imprastrukturang sibilyan.

7Ang depleted uranium ay uranium na inalisan ng bahaging ginagamit na saligang sangkap sa paglikha ng mga armas nukleyar. Isa itong napakabigat (high density) na metal na ginagamit na materyal sa mga sandatang pangwasak ng mga tangke at iba pang sasakyang pandigma. Ayon sa US, hindi na mapanganib sa tao ang depleted uranium dahil napakahina na ng nililikha nitong radiation. Subalit may mga ulat ng masasamang epekto nito sa kalusugan kapwa ng mga sundalong gumagamit ng gayong sandata at mga ginagamitan nito, at higit sa lahat, sa mga mamamayan ng mga bansang dinigma ng US sa nakaraan.

8fratricidal - pagpapatayan ng magkababayan.

9ang embargo ay ang pagpigil sa masok-labas ng mga produkto at mga sasakyang nagdadala ng mga ito upang ipitin ang ekonomya ng isang bansa at paluhurin ito sa kapangyarihang nagpapataw ng embargo.

10Ang Danube ang ikalawang pinakamahabang ilog sa Europe. Nagmumula ito sa Germany pasilangan hanggang sa baybayin ng Black Sea sa Romania. Ang Rhine naman ay isa sa mga pangunahing ilog sa Europe. Nagmumula ito sa silangang Switzerland at dumadaan sa Austria, Liechtenstein, France, Germany, at The Netherlands, patungo sa North Sea.

11Mula Nobyembre 2000, Euro na sa halip na US dollar ang tinatanggap ng Iraq kapalit ng ibinebenta nitong langis. Layunin ng hakbanging ito ng Iraq na kumawala sa kontrol ng US DOllar at pahinain rin ito bilang salaping nagagamit para makontrol ng US ang kalakalan sa langis.

12Sobra-sobrang makapangyarihan

13Maaaring magdesisyon ang senado at kongreso na magsama at magpulong bilang isang constituent assembly na may kapangyarihan na baguhin ang konstitusyon. Naiiba ito sa isang constitutional convention (concon) na isang asembliyang ihahalal sa isang pangkalahatang eleksyon.

14Ang nakasaad ditong Komiteng Pang-organisa ng Baryo (KPB) ang tinatawag natin ngayong Komiteng Pang-organisa ng Mamamayan sa Baryo (KPMB). Maaari itong buuin bilang paghahanda para sa Komiteng Rebolusyonaryo ng Baryo (KRB) sa kalagayang hindi pa ito maaaring itayo kaagad. Pinag-iiba natin ang KPMB sa KPB noong maagang bahagi ng dekada 1970 na hindi nakabatay sa saligang pag-oorganisa ng masa.

Read in English

 


 Back to top 

29 Marso 2003
Edisyong Pilipino


Itaas ang antas ng digmang bayan at kamtin ang lahatang-panig na mga pagsulong
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.