CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  
PANGKALAHATANG PAGBABALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA
(1980 HANGGANG 1991)


II. 1980-1983:



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Ipininal ng:
KTKS

Nobyembr3 1992


PAGPASOK NG DEKADANG 1980, bumulusok ang ekonomiya at ibayong tumindi ang paghihikahos ng mamamayan. Lumaganap ang mga protesta at pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran. Lumantad ang mga lamat sa kampong pasista at humina ang suportang tinatamasa nito mula sa malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Ang pasistang diktadurang US-Marcos ay naging higit na bulnerable sa mga paghamon at paglaban mula sa iba't ibang panig.

Samantala, ang rebolusyonaryong kilusan ay mahusay na nakapusisyon para sa malaking pagsulong. Sa gabay ng "Mga Mahigpit Nating Tungkulin" (OUT), malinaw nang nasasapol ang wastong linyang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista laban sa pasistang diktadurang US-Marcos, gayundin ang mga gawain sa pagpupundar ng mga larangang gerilya at yunit gerilya, at ang patakaran sa pagsulong nang hakbang-hakbang, lahatang-panig at tuluy-tuloy. Sa pamamagitan ng pag-asa sa masa at sa sarili, nailatag at masigla nang lumalakas ang mga organisasyon ng Partido at hukbong bayan at ang kilusang masa sa iba't ibang rehiyon. Nagiging mas malaganap na sa buong kapuluan ang mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan.

Sa ika-8 Plenum ng KS noong 1980, nilagom ang mga karanasan sa pagbubuo ng mga panimulang larangang gerilya at itinakda ang diin sa patuloy na mapangahas na pagpapalawak habang ihinahanda ang mga rekisito sa pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya. Nasapol ng Partido ang napakainam na sitwasyon at ang halaga ng pagsunggab sa inisyatibang pampulitika; itinuon ang pinakamalakas na bigwas sa diktadurang US-Marcos upang puruhan ang imperyalismong US at prinsipal na papet nito.

Masiglang lumawak at lumakas ang mga larangang gerilya at mabilis na naitayo ang mas maraming iba pa. Ang mga maunlad na larangang gerilya ay nagsilbing mga inang larangan: sila ang pinagkunan ng mga sulong na karanasan at mga binhing pwersa't sandata; umalalay sila sa pagtatayo at pagpapalakas ng iba pang mga larangan. Hanggang 1981 makabuluhan din ang bilang ng mga kadre at aktibistang masa na pumunta sa kanayunan mula sa kalunsuran, bukod pa ang tuwirang ligal na pag-oorganisa sa kanayunan na ginawa ng mga piling yunit na nakabase sa syudad.

Taun-taon noong 1980-1982, nadagdagan ng mahigit 1,200 ang mga baryong saklaw at lumaki ng mahigit 50,000 ang kasapian ng mga samahang masa. Daan-daang libong magsasaka ang napakilos at nakinabang sa lihim at hayag na pagpapatupad ng minimum na programa ng rebolusyong agraryo na umabot hanggang sa antas ng distrito at inter-distrito. Lumaki ang mga hayag na aksyong masa ng mga magsasaka laban sa mga pasistang abuso at kaugnay ng mga isyu sa bukid gaya ng monopolyo sa niyog at kaso sa lupa sa Sta. Isabel at San Antonio.

Noong 1982 at 1983 mabisang nasaklaw ng mga larangang gerilya ang halos buu-buong mga probinsya at malalaking tipak ng mga rehiyon sa lahat ng dako ng kapuluan. Ang mga larangang gerilya sa Mindanaw, Samar, Negros at Bikol ay sumaklaw sa 2/3 hanggang 3/4 ng kalupaan at baryong maaaring saklawin. Malawak ang latag ng mga larangang gerilya hanggang sa kakapalan ng populasyon at paligid ng mga poblasyon, tabing haywey, tabing-dagat at mga kapatagan. Dulot nito, malawak ang languyan ng mga pwersang gerilya, maraming linya ng komunikasyon at suplay, at higit pa, lumakas ang tuwirang gawain at impluwensyang pampulitika sa buu-buong mga munisipalidad at probinsya.

Inabot ang isang antas ng konsolidasyon at pagpapatatag ng mga larangang gerilya sa pamamagitan ng hakbang-hakbang na pag-oorganisa, pagpapatupad ng minimum na programa ng reporma sa lupa, edukasyong pampulitika, pagbubuo ng mga batayang yunit ng Partido, pagbubuo ng mga yunit ng milisyang bayan, pagpapakilos ng masa sa pagsuporta sa hukbo, at pagsusulong ng iba't ibang tipo ng kampanyang masa. Nasaklaw ng demokratikong kapangyarihan at popular na kontrol ang mga kulumpon ng 3-5 magkakanugnog na baryo at sa ilang lugar, ang saklaw na laking-seksyon. Nabuo ang mga organisasyon at istruktura ng Partido sa antas ng larangan, distrito at seksyon.

Noong 1981 wastong ipinanawagan ang pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng mas malaganap at mas madalas na mga taktikal na opensiba. Akma iyon sa kabuuang sitwasyong pampulitika at ipinahihintulot ng latag at tatag ng mga larangang gerilya. Ang mga taktikal na opensiba ay isinagawa sa mas maraming larangang gerilya at nang mas madalas sa bawat larangan.

Binuo ang mga yunit gerilyang nagbigay ng papalaking pansin sa gawaing militar. Mula 1982 itinayo sa pinakasulong na larangan ang mga platung gerilya na mabilis na nakarating sa bilang na 34 sa buong bansa. Di hamak na mas marami ang nakakalat na mga iskwad na umabot sa mahigit 200. Sinistematisa at pinaunlad ang pagsasanay ng mga yunit gerilya.

Gawaing masa ang pangkalahatang diin ng hukbo, pero 800-900 malakas na riple taun-taon ang nasamsam mula sa kaaway sa pamamagitan ng mga iskwad at platun na sabay na umaasikaso sa gawaing masa at gawaing militar. Malaganap ang mga maliit na tambang at pagdisarma na pana-panahong sinaliwan ng mas malalaking tambang at reyd na isinagawa sa pamamagitan ng pagkokonsentra ng mga yunit na magkakahiwalay.

SA KALUNSURAN IBAYONG LUMAWAK ang demokratikong kilusang masa; lumaki at naging mas mapangahas ang kilusang protesta. Sa tulak ng pagsigla ng kilusang masa sa Maynila-Rizal at pagbubuo o di kaya'y pagpapalakas ng mga yunit ng Partido sa kalunsuran, nabuo sa mga sentrong lunsod ng iba't ibang rehiyon at lumawak mula sa halos wala ang mga hayag at lihim na samahang masa at mga alyansang sektoral at multisektoral. Napangibabawan ang dating pagkakasya sa makikitid na lihim na selula at ugnay sa maraming sentrong lunsod at mapangahas na napalawak ang hayag na kilusang masa.

Masigasig na lumawak ang mga unyong pinamumunuan ng Partido, nabuo ang progresibong sentrong unyon ng mga manggagawa at sumiklab ang kilusang welgang nagtuluy-tuloy hanggang bumagsak ang pasistang diktadura at kahit pagkatapos pa. Sa pamamagitan ng pagpupursigi sa rebolusyonaryong propaganda at pag-oorganisa at matatag na pakikipaglaban, napangibabawan hindi lamang ang nakalukob na pasistang paninindak kundi gayundin ang mas matagal nang pamamayani ng mga dilawan sa kilusang unyon.

Ang mga estudyante ay paulit-ulit na nagbunsod ng mga boykot at protesta laban sa pagtataas ng bayad sa tuition at para sa mga demokratikong reporma. Naabot ang rurok niyon sa mga kampanyang kinokoordina sa pambansang antas noong 1981. Napukaw at napakilos ang papalaking bilang ng mga sektor ng petiburgesyang lunsod sa mga organisasyon at pakikibakang sektoral, sa mga protestang pampulitika, at sa pagsuporta sa pakikibaka ng masang anak-pawis at mga bilanggong pulitikal.

Hanggang 1982, tampok sa kilusang lunsod ang mga sektoral at pang-ekonomiyang pakikibaka ng mga manggagawa at estudyante. Gayunman, nagsimula na ang ilang piling koordinadong kampanyang multisektoral, gaya ng kampanya sa dalaw ng Papa at boykot sa eleksyong presidensyal noong 1981. Pinamunuan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang malalaking hayag na pampulitikang mobilisasyon na nilahukan ng malawak na hanay ng mga pwersang anti-pasista, pati ng mga magsasaka mula sa kanayunan.

MULA 1981 PINAG-IBAYO ANG pagpapalawak ng gawaing alyansa at ugnay sa iba't ibang pwersang progresibo at antipasista. Itinakdang pangkalahatang prayoridad ang pagtatayo ng NDF, malapad na alyansang ligal, mga alyansang sektoral, mga alyansang nakabatay sa isyu, at mga taktikal na pakikipagtulungan sa pinakamalawak na hanay ng mga pwersang antipasista.

Sa pamamagitan ng pag-asikaso sa iba't ibang antas ng alyansa at ugnayan, tuluy-tuloy na napalawak at napalakas ang mga saligang rebolusyonaryong pwersa (Partido, hukbong bayan, mga rebolusyonaryong samahang masa), kasabay ng mabilis na paglawak ng pamumuno at impluwensya sa mamamayan sa kalahatan at aktibong pagsamantala sa mga alitan ng mga reaksyunaryo. Lumawak ang ugnay ng Partido sa lahat ng sektor at sa iba't ibang antas: sa munisipalidad, probinsya, rehiyon at pambansa.

Sinikap buuin ang probisyunal na palagiang komite ng NDF na kasama ang ilang alyado. Binuo ang kalihiman ng NDF na nagpasigla sa gawaing propaganda at nagpalawak ng tuwiran at lihim na ugnay at pakikipag-usap sa iba't ibang personalidad at pwersang pampulitika.

Lumawak at umunlad ang gawain sa hanay ng mga pambansang minorya. Lumakas ang pakikibaka ng mga minorya sa Chico Dam at pinabilis niyon ang paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Cordillera. Naitayo ang CPDF bilang organisasyon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ng mamamayan sa Cordillera. Sa Mindanaw, nalinaw ang oryentasyon ng indipendyenteng gawaing pampulitika na ikinukumbina sa gawaing alyansa.

Sa ibayong-dagat nagtalaga ng upisyal na tagapagsalita ng NDF at pinalakas ang mga yunit ng Partido upang palawakin ang gawain sa propaganda, pag-ugnay sa mga potensyal na kaibigan at pag-oorganisa sa mga Pilipinong nandadayuhan.

SA GITNA NG MABILIS NA PAGSULONG sa iba't ibang larangan ng gawain at iba't ibang saklaw, yumabong at lumaki ang organisasyon ng Partido sa buong bansa. Nakalampas ito sa pagiging partidong kadre at nagkaroon ng malawak na katangiang-masa. Mula 1980 hanggang 1983, lumawak ng halos 4000 taun-taon ang kasapian ng Partido. Nabuo ang mga saligang yunit ng Partido sa maraming baryo, pabrika, paaralan at komunidad.

Mas mabisang nasaklaw ng makinarya ng Partido ang buong bansa. Higit na nagkalaman ang mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon: nabuo ang mga komite ng Partido sa mga larangan, distrito at seksyon, bukod sa loob ng hukbo. Pinalakas ang mga pambansang organo sa pamamagitan ng promosyon ng mga kadre mula sa mga rehiyon at pagbubuo ng mga organong istap.

Sa pangkalahatang balangkas ng pagsusulong sa digmang bayan, nagsikap ang mga namumunong komite ng Partido na higit na palalimin at payamanin ang pagsapol sa partikular na landas ng pag-abante ng rebolusyonaryong pakikibaka. Idinaos ang mga paglalagom sa iba't ibang antas sa gabay ng mga patakaran ng "Mahigpit Nating mga Tungkulin" at binuo ang mga pananaliksik sa kalagayan at panlipunang pagsisiyasat sa mga rehiyon.

Ibinuwelo sa buong bansa ang mga pag-aaral sa batayang kurso ng Partido. Nakapagbigay ito ng komprehensibo at sistematiko bagamat panimula lamang na kaalaman sa mga saligang prinsipyo ng Partido at sa kasaysayan ng lipunan at rebolusyong Pilipino.

SA KABILANG BANDA, sa harap ng napakainam na sitwasyon at mabilis na pagsulong ng rebolusyon, lumakas sa ating hanay ang tendensyang magpadalus-dalos at magmadali. Lumitaw ang mga ideyang naghahangad ng lampas sa kaya at mga konseptong magbibigay-daan sa mga tahasang paglihis sa linya ng matagalang digmang bayan at mga malaking taktikal na pagkakamali sa susunod na mga taon ng kaigtingan ng anti-pasistang pakikibaka.

Ang paglunas sa mga patlang at kahinaan, gayundin ang pagpapakabihasa sa bago at mas kumplikadong mga tungkulin sa pagbubuo ng Partido, hukbo at baseng masa na natukoy noong 1980 ay hindi napag-ukulan ng sapat at tuluy-tuloy na pansin. Sa susunod na mga taon, lalong mapapabayaan ang mga ito at magiging mas masahol ang mga problema dito. Sa gawaing partido, nariyan ang mga pagkukulang sa gawaing edukasyon at pagsasanay, pagbubuo at pagpapatatag ng mga saligang yunit, tuluy-tuloy na pagpapalawak at lahatang-panig na pagpapatatag sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Sa gawaing masa, matagal nang mga problema ang lubhang maliit na bilang ng masang naoorganisa kung ihahambing sa lawak ng impluwensya, ang tendensyang mapako sa isang mababang antas ang mga organisasyong masa, ang patay-sinding gawaing edukasyon at propaganda, at ang kakulangan sa pagsusustini ng mga kampanyang masa. Sa pagbubuo ng hukbo, ang problema sa konsolidasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon; ang pagbabalanse sa gawaing militar, gawaing masa at gawaing produksyon; bukod sa mga problema sa lohistika, pinansya, medisina at teknik.

Sa pulong ng KPKS ng 1981, tinukoy na pumihit noong taong iyon ang pakikibakang antidiktadura. Tinukoy na sa naganap na pagpihit, tampok ang matinding pagkakahiwalay ng pasistang diktadura, pagpasok ng armadong pakikibaka sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba, at paghawak ng rebolusyonaryong kilusan sa pangkalahatang pamumuno sa pakikibakang antidiktadura bagama't umiiral pa ang makabuluhang oke ng mga reaksyunaryong anti-Marcos. Alinsunod dito, binago ang tatlong-taong programang binuo ng ika-8 Plenum ng KS.

Itinakdang pangkalahatang tungkulin sa abanteng subyugto ang pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya at ang paghahanda ng mga rekisito para makasulong sa estratehikong kontra-opensiba (SCO) na tinukoy na ikatlong subyugto ng estratehikong depensiba. Itinakda ang mga sumusunod na esensyal na tungkulin sa abanteng subyugto:

  • a. Pagbibigkis ng mga rebolusyonaryong pwersa; pagkabig sa isang bahagi ng blokeng repormista;
  • b. Sapat na preparasyon ng mamamamayan para sa tuwirang paglahok sa digma; lubos na pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong organisasyong asa at malalawak na organisasyong ligal; mga aksyong masa at papalakas na pagsuporta sa pakikidigmang gerilya;
  • k. Pagdemoralisa sa malaking bahagi ng tropang kaaway; pagnyutralisa sa mga pwersang pulisya; pagpapatama ng mga epektibong bigwas sa kaaway at aktibong pagbigo sa kanyang mga operasyong militar;
  • d. Malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya; pagbubuo ng maraming buong-panahong yunit gerilya at milisya; pagpapalaganap ng pakikidigmang partisano; pagbubuo ng mga kumand at kinakailangang yunit; pagtatayo ng mga base at sonang gerilya; at
  • e. Pagpapaunlad ng ugnay sa mga dayuhang kaibigan at alyado para makakuha ng tulong at internasyunal na pagkilala.

Ang konsepto ng SCO ay uminog sa mga koordinadong pakikidigmang regular, pakikidigmang gerilya, mga pag-aalsa at aksyong masa, na naglalayong paigpawin ang digma mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkakapatas, at maaari pang hanggang sa mapagpasyang tagumpay kung mapupwersa ang imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo na pumayag sa pampulitikang kasunduan. Itinakda ang mga sumusunod na esensyal na tungkulin sa SCO:

  • a. Pangkalahatang polarisasyon ng mga pwersang pampulitika; sukdulang pagkakahiwalay ng mga sagadsarin; mapagpasyang pagpawi sa mga repormistang burgis bilang pwersang pampulitika;
  • b. Aktwal at aktibong paglahok ng mamamayan sa digma ("Titingkad ang pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, sa mamamayan at sa digma sa kanayunan at kalunsuran.");
  • k. Pakikidigmang regular na kakumbina ng pakikidigmang gerilya, mga insureksyon at aksyong masa ("Sa kasukdulan nito, ang pakikidigmang regular ang magdadala ng nangungunang papel sa mga mapagpasyang labanan. Makakamit ang mga rekisitong militar para sa pagtatayo ng mga baseng purok at mapupwersa ang kaaway na baguhin nang malaki ang disposisyon ng kanyang pwersa at ikonsentra ang mga iyon sa mga estratehikong lugar.");
  • d. Pagdurog, paglansag o pagparalisa sa burukrasya; at
  • e. Pagpigil sa tuwirang agresyon ng US.

Ihinapag pero tinanggihan ng KPKS ang panukala na ikategoryang malakolonyal, malapyudal at malakapitalista ang lipunang Pilipino batay diumano sa mga pagbabago sa makauring istruktura ayon sa census ng reaksyunaryong gobyerno. Gayundin ang naging pasya sa panukalang pananaw na ang estratehiya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan ay nangangahulugan ng mga baseng purok at malalaking regular na pormasyon mula umpisa ng digmang bayan, kaya partikular lamang sa Tsina at hindi uubra sa Pilipinas. Sa anu't anuman, nalikha ang impresyong ibinubukas sa pundamental na pagrepaso ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan.

Ihinapag din ang panukalang 3 estratehikong koordinasyon bilang patnubay na konsepto sa estratehiya. Sa naturang konsepto, inilagay sa sentro ng estratehiya ang koordinasyon ng kanayunan at kalunsuran, ng pakikibakang pampulitika at armado, at ng pakikibaka sa loob ng bansa at larangang internasyunal. Nakapaloob sa konsepto ng koordinasyon ng kanayunan at kalunsuran ang pormula ng timbangang 60-40 ng gawaing nayon at lunsod, ang konsepto ng manggagawa-magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon, at ang konsepto ng pakikibakang pampulitika na nagbibigay-diin sa masaklaw na kilusang pampulitika na umiinog sa lunsod.

Ang panukalang konsepto ay lampas sa wastong patakaran ng lahatang-panig na pagsulong at paggamit ng iba't ibang anyo ng organisasyon at pakikibaka: iligal at ligal, lihim at hayag, armado at di armado. Doon, ang tendensya ay labis na palakihin ang timbang ng, kung hindi man tuluyang isinesentro sa, pakikibakang lunsod ang malawakang pampulitikang paghahanda ng mamamayan para sa mas matataas na antas ng digma. Inengganyo niyon ang paglabas at paglayo sa linyang sa kanayunan iniipon ang pangunahing lakas ng rebolusyon, hindi lamang sa militar kundi maging sa pulitika. Sa gayon, ibinukas ang pinto sa labis na pagpapalaki sa lugar ng pakikibakang lunsod, gayundin sa mga pananaw na naghihiwalay ng gawaing militar at ng gawaing pampulitika sa kanayunan.

Ang panukala ay iniwan ng KPKS sa katayuan ng patuloy na pag-aaral. Pero sa paglilinaw ng mga tungkulin sa abanteng subyugto at SCO, at maging sa ginawang mga pagbabago sa programa, inilakip na ang pagbibigay ng diin sa masaklaw na pampulitikang kilusan at pakikibakang umiinog sa syudad.

Salungat sa desisyon at lingid sa kaalaman ng KPKS, ang konsepto ay ipinalaganap bilang patakaran sa Mindanaw. Isang tampok na resulta, partikular ng konsepto ng pakikibakang armado at pampulitika sa syudad, ang pagsulong ng pakikidigmang partisano sa Syudad ng Davao. Lumaganap ang mga operasyong agaw-armas at noong 1981, sinimulang buuin ang mga armadong partisano. Mabilis na umigting ang mga operasyong partisano at lumarga ang "pag-oorganisang pulitiko-militar" sa mga komunidad. Nakasamsam ng malaking bilang ng riple at maraming narekrut sa mga rebolusyonaryong organisasyon. Sa kabilang banda, nahagip ng mga operasyong partisano ang maraming target na hindi dapat, labis na tumampok sa syudad ang mga aksyong militar at ang mga "baseng partisano" ay naging lantad na target ng mga atakeng militar ng kaaway.

LUMITAW DIN SA PULONG NG KPKS ng 1981 ang ilusyon sa posibilidad ng mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon sa malapit na hinaharap at ang pagtatakda ga taktikang umaayon dito. Ang mga reaksyunaryong anti-Marcos ay tinaguriang mga repormistang burgis na dapat buwagin bilang isang blokeng pampulitika sa pamamagitan ng pagkabig sa "kaliwang panig" at paghihiwalay sa kanang panig. Sa gayon, inasahang mapipigil ang paglitaw ng Ikatlong Pwersa at malilikha ang pangkalahatang polarisasyon sa pulitika sa pagitan ng rebolusyon, kasama ang mga pwersang demokratiko, sa isang panig, at pasistang diktadurang US-Marcos, kasama ang iba pang sagadsaring reaksyunaryo, sa kabila.

Batay sa paniniwalang malakas na ang saligang alyansa at lubhang nahuhuli ang gawain sa mga panggitnang pwersa at malawak na nagkakaisang prente, ginawang prayoridad ang gawaing alyansa at kilusang pampulitika na umiinog sa kalunsuran. Ang sentral na pamunuan ay nagbase sa syudad, tumutok sa kilusang pampulitika at gawaing alyansa sa kalunsuran, at nagtayo at nagpalakas ng mga organong istap na nakabase sa syudad.

Iprinograma ang pagbubuo ng NDF na nakahulma sa pakikibaka para sa mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon laban sa diktadurang US-Marcos, at nagdadala ng isang programa ng malapad na rebolusyonaryong koalisyon na aakit maging sa mga ligal na progresibong pwersa at "kaliwang panig" ng ga reaksyunaryong anti-Marcos at makakanyutralisa, kung uubra, sa bantang agresyon at paglaban ng imperyalismong US.

Gumawa ng bagong burador na programa ng NDF na inisip na tawaging Katipunan batay sa mungkahi ng isang alyado. Iniatras ang burador na programa dahil sa malawak na pagtutol ng mga yunit at kadre ng Partido sa mga panukalang kompromiso sa maksimum na programa. Gayunman, nabuksan na ang pinto sa pananaw na kailangang limitahan o itago ang pamumuno ng Partido kung hangad na buuin at palakasin ang NDF bilang isang malapad na koalisyon.

NAGSIMULANG MAGING KAPUNA-PUNA ng mga taong ito ang problema sa pagpapatung-patong ng mga burador ng mga dokumento tungkol sa estratehiya, mga patakaran at oryentasyon na hindi naipipirmi pero sa iba't ibang paraa'y lumalaganap na rin ang nilalaman. Lumaganap din ang pagsasarili ng mga namumunong komite ng Partido sa mga teritoryo at rehiyon sa "pagpapartikularisa" ng mga estratehiya at taktika ng rebolusyon sa kani-kanilang saklaw nang walang sentral na paggabay.

Sa labas ng Partido, kaakibat ng pagsigla ng iba't ibang pwersa at grupong pampulitika, lumaganap ang sari-saring teorya at linyang salungat sa Marxismo-Leninismo at sa linya ng matagalang digmang bayan -- gaya ng dependyenteng kapitalismo, mga teoryang Eurokomunista, sosyal-demokrasya, at iba't ibang tipo ng linya sa insureksyon o terorismong lunsod. Pero ang mga teorya at linyang ito ay hindi maagap na nasuri at natuligsa at sa halip ay napabayaan pang makapagpalawak ng impluwensya at makapanlito hanggang sa loob ng Partido.

Noong 1982 binuwag ang Komisyon sa Edukasyon at Propaganda at Pambansang Kawanihan sa Instruksyon. Ipinasa sa mga komisyong teritoryal at a komite sa mga rehiyon ang pag-aasikaso sa gawaing edukasyon sa batayan at intermedyang antas at inako ng KTKS ang abanteng kurso at paglalathala ng teoretikal na dyurnal.

Subalit bunga ng pagpapahina sa dati nang panimula pa lang na makinarya sa edukasyon ng Partido, hindi lang napabayaan ang paggawa ng dagdag na mga kursong regular at ispesyal at ang pagsasalin at paglilimbag ng marami pang babasahing kailangan ng mga kadre at kasapi ng Partido. Tumigil pati ang bwelo ng pag-aaral sa batayang kurso at nabitin ang pagharap sa natapos nang mga pagsasalin.

Pinahina ang makinarya sa edukasyon sa kalagayan pa namang nag-ibayo ang pangangailangan sa mas aktibong gawaing pang-ideolohiya. Sa labas ng Partido, mas umigting ang mga teoretikong paghamon sa mga prinsipyo at linya ng Partido. Sa loob ng Partido, lalong lumaki ang pangangailangan sa edukasyon at pagsasanay. Ipinatutupad noon ang maramihang promosyon ng mga kadre dala ng malawakang pagbubuo o di kaya'y pagpapalakas ng mga komite ng Partido sa mga rehiyon, larangan at distrito at mga organong istap sa iba't ibang antas. Kaya lalong lumaki mula noon ang agwat sa pagitan ng pangangailangan at ng pag-aasikaso sa gawaing edukasyon at pagsasanay.

Sa pulong ng KPKS ng 1983 iniulat ang pagkakatuklas at pagkakabuwag ng isang malawak na network ng mga impiltrador ng kaaway sa isang bahagi ng larangang gerilya sa hangganang Quezon-Bikol. Pagkatapos ng maikling ulat at nang walang pag-usisa sa lahat ng mahalagang ditalye at datos ng pangyayari, sinang-ayunan ang mga kongklusyon ng ulat; inalertuhan ang ibang rehiyon sa panganib ng malakihang impiltrasyon ng kaaway.

NOONG 1983 NATUGUNAN SA KABUUAN ang mga tungkulin sa pambansang pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya. Sa lahat ng rehiyong labas ng Maynila-Rizal, nakatayo na ang mga panrehiyong organisasyon ng Partido at hukbo. Sa karamihan ng mga rehiyon, mayroong 2 hanggang 3 malaki at relatibong matatag na mga larangang gerilya. Nagsasagutan ang mga taktikal na opensiba sa iba't ibang bahagi ng kapuluan at masiglang sumusulong ang mga kampanya at pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran.

Bunga ng pagkabahala sa mabilis na paglawak at pagsulong ng hukbong bayan, sinimulan ng AFP noong 1981 at 1982 ang malakihang paglilipat ng kanilang pwersa mula sa mga saklaw ng MNLF. Malawakang itinayo ang mga yunit ng CHDF at mga ngkat ng mga panatikong antikomunista. Pinatindi ang mga operasyon sa pagkontrol ng populasyon sa kanayunan at ang mga pagdukot at pagsalvage sa kalunsuran.

Higit pa, sinimulang repasuhin at baklasin ng AFP ang dating disenyo ng kontrarebolusyonaryong digma na umiinog sa mga operasyong "search and destroy". Sinubukan ang mas komprehensibong operasyong kontra-gerilya gaya ng Cadena de Amor sa Timog Luson. Kaalinsabay, pinag-ibayo ng CIA ang mga operasyong paniktik sa bansa. At ang AFP ay nagsimula ng malakihan at matagalang operasyon paniniktik na nakapokus sa estratehikong pagsusuri sa rebolusyonaryong kilusan at pagtukoy sa mga pinuno, kadre at aktibistang masa sa iba't ibang saklaw at antas.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>


[ CPP Home Page|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.