CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  
PANGKALAHATANG PAGBABALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA
(1980 HANGGANG 1991)


III. MULA SA ASASINASYON KAY AQUINO, 1983
HANGGANG SA PAG-AALSA SA EDSA, 1986




Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Ipininal ng:
KTKS

Nobyembre 1992


MULA NG ASASINASYON NI AQUINO naabot ang kasagsagan ng pakikibakang anti-pasista na nagtuluy-tuloy hanggang sa pagbagsak ng pasistang diktadura. Nawala sa naghaharing pangkating Marcos ang inisyatibang pampulitika at napunta iyon sa kamay ng mga pwersang anti-diktadura. Niyanig ng mga higanteng protestang masa ang buong bansa. Kumitid ang suportang nakukuha ng pasistang pangkating Marcos sa malaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Ang imperyalismong US ay naghanda na sa pagsipa kay Marcos para makaiwas sa mas malaking pinsala. Naganap ang polarisasyon sa pulitika at umiral ang sitwasyong patungo sa mapagpasyang kumprontasyon ng pasistang diktadura at mga pwersang anti-pasista.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ay pumagitna sa mga malakihang anti-pasistang pakikibaka na umantig at nagpakilos sa milyun-milyong mamamayan. Maramihang naitayo ang mga progresibong samahang masa; namutiktik ang sari-saring tipo ng mga anti-pasistang organisasyon ng iba't ibang sektor ng lipunan. Ang mga alyansang multisektoral ay naging mga sentro ng pampulitikang pakikibaka ng malawak na masa sa iba't ibang antas at saklaw.

Ubos-kayang pinaigting ang mga pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran. Paulit-ulit na isinagawa ang mga kampanyang masa na nakasentro sa kalunsuran at ikinokoordina sa buong bansa. Mula 1984 nailunsad ang mga koordinadong welga ng mga manggagawa at, sa Mindanaw at ilan pang rehiyon, ang mga welgang bayan na sinabayan ng mga malaking rali at martsa sa mga lansangan ng Maynila-Rizal at iba pang syudad. Tampok ang naging papel ng mga manggagawa sa mga hayag na aksyong pampulitika, gayundin ang kanilang mga welga sa pagpapaigting ng pakikibakang anti-diktadura.

Sa kanayunan nagpatuloy ang mabilis na paglawak at paglakas ng armadong rebolusyon. Humigit-kumulang 1000 malakas na riple taun-taon ang nasamsam mula sa kaaway. Dumalas ang mga malaki at konsentradong operasyong gerilya sa iba't ibang dako ng bansa. At sa mga ito nakasamsam ang hukbong bayan ng mabibigat na sandata gaya ng masinggan at mortar, nakalipol ng mas malaking bilang ng tropa ng kaaway, nakapatay o nakabihag ng mga upisyal na mataas ang ranggo, at nagpatama ng mga bigwas na yumanig sa pasistang diktadura. Nagsimula at lumaganap ang paggamit ng radyo sa komunikasyon at mga pasabog sa mga taktikal na opensiba.

NAGING MATUNOG NOONG MGA TAONG ITO ang mabilis at malalaking pagsulong ng kilusan sa Mindanaw. Mula 1981 nanguna ang Mindanaw sa mapangahas na pagpapalawak at pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya. Matingkad din ang iniambag nito sa pagsulong ng kilusang masa at kilusang protesta sa kalunsuran. Lalo pang umarangkada ang pagsulong ng kilusan sa isla pagkatapos ng asasinasyon ni Aquino. Hanggang maagang bahagi ng 1985 nasa Mindanaw ang malaking bulto ng kabuuang bilang ng malakas na riple, kasapi ng Partido, at kasapi ng lihim at hayag na mga samahang masa sa kanayunan at kalunsuran.

Ang mga naturang pagsulong at tagumpay sa isla ay nakatuntong sa malawak na latag ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at kalunsuran. Mahusay na nagamit sa Mindanaw ang buong-isla at interrehiyunal na pagbabalak, koordinasyon at pagtutulungan; ang mapangahas na pagbibigay ng tungkulin at promosyon sa mga kadre; ang nalagom na mga karanasan sa pagpapatupad ng "Mahigpit Nating mga Tungkulin"; at ang suportang kadre mula sa labas -- upang mabilis na magpalawak at masaklaw ang malaking mayorya ng target na mga probinsya at bayan. Mabisang nasamantala doon ang napakainam na sitwasyon sa bansa, gayundin ang mga paborableng kalagayan sa isla gaya ng relatibong kahinaan ng mga lokal na reaksyunaryong grupo, konsentrasyon ng AFP sa mga bahaging Moro, matinding krisis sa sosyo-ekonomiya, at paborableng kalupaan.

Noong 1983 batay sa pagsusuring nagampanan na sa kabuuan ang tungkulin sa pagpapalawak at pagpusisyon sa mga estratehikong bahagi ng isla at ayon sa pasya ng KPKS, binuo at mabilis na pinarami ang mga kumpanya (5 kumpanya ang agad na binuo noong 1983 na umabot sa 13 noong 1984 at 15 noong 1985). Sinimulan ang pagpapaigting ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagtataas sa antas ng digma. Ang mga kumpanya ay paulit-ulit na nagbunsod ng mga taktikal na opensibang tumama nang matindi sa nasorpresang kaaway.

Noong Nobyembre 1983 naabot ng Komisyon sa Mindanaw (MDC) ang kongklusyong umiiral ang "revolutionary high tide" sa isla at sa bansa at nagpasya silang ikambyo ang mga gawain patungo sa isang inaasahang pag-aalsang anti-pasista. Radikal na binago ang kabuuang relasyon at direksyon ng mga pangunahing linya ng pakikibaka sa paghahangad na makasunggab sa isang magandang oportunidad. Ang akala at pinalitaw sa pwersa, iyon ay pagpapaunlad o pagpipino lamang, pero sa katunaya'y paglihis na, sa linya ng digmang bayan.

Ang latag at koordinasyon ng mga gawain at pakikibaka sa isla batay sa bagong oryentasyon ay ipinirmi at isinistematisa sa balangkas na RA-WA na nakatuon sa pagpapasiklab ng isang pangkalahatang insureksyon. Kaugnay nito, inengganyo ang mga kadre sa masugid na pag-aaral at pagharap sa insureksyon bilang anyo ng pakikibaka.

Ang 3 estratehikong koordinasyon ay ginawang 3 estratehikong kumbinasyon at ikinonsentra sa konsepto ng "kumbinasyon o pakikibakang pulitiko-militar". Mula sa dating pananaw doon bilang isang pamamaraan sa pag-oorganisa, ang "kumbinasyong pulitiko-militar" ay itinuring na isa nang tipo ng pakikibaka na inilalapat hindi lamang sa kalunsuran (kumbinasyong WeBa-Partisano), kundi sa buong digma sa isla (RA, pakikibakang militar - WA, pakikibakang pulitiko/insureksyon).

Gayon ang naging anyo ng pagsisistematisa sa ideya ng pagpapabilis sa tagumpay sa pamamagitan ng pagsugal sa labis na pinalaking mga posibilidad na likha ng malawak na bugso ng mga pakikibakang masa sa kalunsuran at matinding krisis pampulitika ng reaksyon.

Sa "pakikibakang pulitiko-militar" pinatampok ang halaga ng mga welgang bayan na tiningnang "isang prosesong tumutungo sa popular na pag-aalsa" na inisip na gamitin upang pabilisin ang polarisasyong pulitikal, ilantad ang kainutilan ng gobyerno, hasain ang masa, at pasambulatin ang kabuuang sitwasyon. Ang pakikidigmang partisano ay itinotodo at tuwirang inilalangkap sa mga pangkalahatang paralisasyon at ang kumbinasyong ito ay inisip na makapagpapabilis sa pagkahinog ng insureksyunaryong sitwasyon.

Ipinaloob din sa balangkas na RA-WA ang linya ng mabilis na regularisasyon ng hukbong bayan at pagpapaigting ng digma sa pamamagitan ng pagtataas ng antas. Pinagpasyahan ng Komisyon sa isla na isentralisa sa mga rehiyon ang lahat ng yunit gerilyang panagupa, na noon ay humahawak ng kalahati ng lahat ng malakas na riple. Ang layunin ay imaksimisa ang mga pwersang panagupa sa pagpapaigting ng digma, ilaan ang buong-panahon nila sa paglaban, ihiwalay sila sa mga gawain sa mga lokalidad, at tiyakin ang kanilang maksimum na pleksibilidad sa gawaing militar. Ang mga yunit gerilya ng mga distrito at larangan ay tinipon at ipinaloob sa mga MRGU at SRGU, bagamat may SRGU na ipinailalim sa komiteng larangan dahil hindi kayang hawakan sa antas ng rehiyon.

Sa umpisa nagitla at tinamaan nang matindi ang pasistang diktadura at AFP. Walang katulad sa nakaraan ang nakamit na mga tagumpay militar, ang pag-igting ng mga pakikibakang masa at ang paglawak ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa buong isla.

Pero hindi nagtagal, mula 1984, ibinuhos sa mga larangang gerilya at kalunsuran ng Mindanaw ang malaking bulto ng tropang panlaban ng AFP, pinatindi ang mga operasyong militar na laking-brigada, at maramihang itinayo ang mga pasistang yunit paramilitar at mga sektang panatiko. Sa kalunsuran, minilitarisa ang mga komunidad na balwarte ng mga armadong partisano, sunud-sunod ang pagpaslang sa mga kilalang lider at alyado, at ginipit ang mga hayag na organisasyong masa at alyansa.

Agad na naramdaman at tumindi ang mga problema sa pagkabanat at pagkagasgas ng pwersa at ang mga limitasyon at kahirapan sa pagsusustini ng bagong antas ng digma. Labis na naging bulnerable ang mga larangang gerilya dahil napakababa pa ng kakayahan sa pulitika at militar ng mga yunit sa mga lokalidad. Noong 1984 at 1985 pa lamang ihinahabol ang pagbubuo ng mga komiteng seksyon at bago pa lamang nakita ang pangangailangang paunlarin ang armas at kakayahang militar ng mga pwersa sa mga lokalidad. Habang itinulak ang sigeng pag-igting ng labanan at pagsugod patungong mapagpasyang sagupaan, sige naman ang pagtindi ng mga problema sa istabilidad ng pamunuan ng Partido sa isla at sa mga rehiyon, ang pagnipis ng latag ng mga kadre sa kanayunan, at paglala ng mga problema sa seguridad ng kilusang lihim sa kalunsuran. Lumasap ng papalaking pinsala ang kilusan sa kalunsuran at kanayunan, bagay na naging malawakang pagkabuwag at paralisasyon pagpalo ng isteryang KAHOS noong 1985 - 1986.

Ang KAHOS ay malawakang kampanyang anti-impiltrasyon na inilunsad mula Hulyo 1985, ipinormalisa sa pinalaking pulong ng komiteng tagapangalaga ng MDC noong Setyembre 1985, at ipinatigil ng MDC noong Disyembre 1985 pero nagpatuloy at lalong umalagwa sa isang rehiyon hanggang Marso 1986. Daan-daang kadre, mandirigma, aktibista at karaniwang magsasaka ang dinakip, ininteroga at pinarusahan nang walang sapat at matibay na batayan.

Malubhang nilabag ng KAHOS ang mga indibidwal na karapatan ng mga napagsuspetsahan, ang mga pamantayan sa makatarungang paghuhusga at ang mga tuntunin sa siyentipikong pagkilatis at pagtitimbang ng mga ebidensya. Ang mga kaso ay binuo, siniyasat, hinusgahan at isinara sa pamamagitan ng mga pamamaraan at prosesong lubhang suhetibista, padalus-dalos, arbitraryo at lubos na depektibo. Malaganap na ginamit ang tortyur sa baluktot na batayang ang pinahihirapan ay mga espiyang kaaway, sa isang sitwasyong namayani ang pagpapalagay na may-sala ang mga suspek kahit ang suspetsa ay karaniwang nakatuntong sa pinakamarupok na batayan.

Ang KAHOS ay tulak ng pagkasindak sa di pa napapatunayang mga pangamba sa malawakan at matagal na impiltrasyon ng kaaway. Namuo ang gayong pangamba nang tumindi ang pagkabahala sa lumalaking mga suliranin sa seguridad at mga pinsala sa kanayunan at kalunsuran, at kaalinsabay, may naunang alerto mula sa sentral na pamunuan laban sa malawakang impiltrasyon, may kampanya ng intriga ang kaaway tungkol sa mga tao nila sa loob ng kilusan, at may mga ulat tungkol sa maraming internal na impormasyong alam ng kaaway. Nabuo ang paniniwala sa malawakang impiltrasyon at sinaklot ng sindak ang nakatayong pamunuan sa isla nang ang ulat at duda ng isang dating bilanggong pulitikal ay sumanib sa sariling duda ng mga namumunong kadre sa puting purok ng isang rehiyon, humantong sa mga pag-aresto, mga pag-amin at pagtuturo na piniga sa pamamagitan ng tortyur. Tuluyang naging isterya ito nang ang mga pag-aresto, toryur, pag-amin at suhetibistang paghuhusga ay pumunta sa papalawak nang papalawak na saklaw at papataas nang papataas na antas, naggatungan sa isa't isa, tumibag sa pagtitiwalaan, sumagasa sa integridad at mga proseso ng organisasyon ng Partido, at humalihaw sa buu-buong mga organisasyon ng Partido.

Nangyari ang KAHOS sa kalagayan ng maigting na buhay-at-kamatayang pakikibaka sa reaksyunaryong kaaway. Ang KAHOS ay isinagawa sa pag-aakalang ipinagtatanggol ang Partido at rebolusyon laban sa mga impiltrador ng kaaway.

Mayroon tayong mga prinsipyo at tuntuning dapat gumabay sa pag-usig at pagsugpo sa mga impormer at impiltrador at mayroong pagsisikap na paalalahanan ang mga yunit ng Partido laban sa paglabag sa mga ito. Gayunman, ang mga iyon ay hindi sapat na napag-aralan, naipalaganap at naikintal sa isip at gawa; may kasaysayan ng pagpapadalus-dalos at kamusmusan sa paghawak sa ganitong mga usapin sa loob ng Partido.

Malawak at malaki ang pinsalang nilikha ng KAHOS. Maraming kadre ng Partido at hukbo hanggang sa antas ng rehiyon at larangan ang naaresto at naparusahan. Marami pa ang umalis o tumakas dahil napaghinalaan, nalito o nademoralisa. Naging laganap ang demoralisasyon, pagkalito at pagdududahan ng mga pwersa sa lahat ng antas. Naparalisa o nabuwag ang mga organo sa gawain sa puting purok, nagkakaisang prente at NDF. May mga yunit ng BHB na nabuwag o lumiit; may mga tauhan ng BHB na pinauwi. Tumigil o halos nawala ang mga pakikibakang masa at mga taktikal na opensiba. Sinamantala ng kaaway ang kaguluhan para mang-intriga at manghati at salakayin ang malalawak na bahagi ng mga larangang gerilya na nagulo o di kaya'y nawalan ng yunit ng Partido o hukbo.

SAMANTALA SA SENTRAL NA PAMUNUAN, lumitaw ang pananaw na ang pampulitikang krisis ay isa nang mabilis na nahihinog na rebolusyonaryong krisis. Higit pa, ang krisis ay inisip na pinakamalamang na tumungo sa mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon sa ilang taon sa pamamagitan ng pag-igpaw sa SCO, sa regular na pakikidigmang makilos na nilalakipan ng pakikidigmang gerilya at malawak na mga pag-aalsang bayan.

Sa Pambansang Kumperensyang Militar ng 1984 at ika-9 na Plenum ng Komite Sentral ng 1985, tinanggihan ng sentral na pamunuan ang balangkas na RA-WA ng MDC. Pero ang balangkas ng SCO na itinaguyod ng sentral na pamunuan ay mayroon ding pagmamadali sa pag-igpaw patungong regular na pakikidigmang makilos at pag-iisip ng paglalaro sa insureksyon. Malakas ang tendensyang magtakda ng mga tungkulin at layunin na lampas sa aktwal na kakayahan at antas ng pag-unlad ng rebolusyon.

Pinuna ang insureksyunistang balangkas ng Mindanaw, pero inayunan at inindorso ang mga pangunahing sangkap niyon, gaya ng mabilis na pagpaparami ng mga kumpanya, pagtataas sa antas ng digma, largadong pakikidigmang partisano sa kalunsuran, at paghahabol sa mga malawakan at pangkalahatang pag-aalsa. Ang mga sangkap na ito ay ipinaloob sa programa at pakikibaka para sa SCO na umiral hanggang 1990.

Bago ang Kumperensyang Militar ng 1984 at ayon sa desisyon ng KPKS noong 1983, sumige na ang pagbubuo ng mga kumpanya sa Kabisayaan. Pagkatapos ng kumperensya, sumunod ang pagbubuo ng mga kumpanya sa Luson.

SA IKA-9 NA PLENUM NG KS natukoy ang tindi ng problema ng reaksyon kaugnay ng sosyo-ekonomikong krisis, malubhang pagkakahiwalay ng pasistang diktadura, malalang pagkakahati-hati at labanan ng mga reaksyunaryo at mabilis na pagsulong ng rebolusyon. Pero may pagmaliit sa kaya pang ilaki ng armadong lakas ng reaksyon at sa mga maniobra sa pulitika na kayang gawin ng US at mga lokal na reaksyunaryo.

Malakas ang tendensyang sumobra ang pagtantya sa kakayahan ng Partido at rebolusyon. Umiral ang pananaw na nakaalpas na tayo sa paglalatag, nakapagbuo na tayo ng malakas na pwersa, at ang usapin nang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagmaksimisa ng pwersa sa isang pambihirang sitwasyon para makamit ang pagsulong na katumbas ng mapagpasyang tagumpay o di kaya, malapit doon. Dahil kakaiba ang lawak ng ispontanyong partisipasyon ng masa sa mga pampulitikang mobilisasyon sa kalunsuran, malakas din ang tendensyang sumobra ang pagtaya sa antas ng kamulatan ng mamamayan.

Namaliit ang mga problema at mga limitasyon ng rebolusyonaryong kilusan, ang mga patlang at kulang sa latag, tibay at kakayahan ng Partido, hukbo at baseng masa para sa pagpupursigi sa mas masinsin at mas maigting na labanan sa kanayunan at laluna, para makaigpaw sa mas mataas na antas ng digma. Ang pansin ng Plenum ay natuon sa mga usapin ng mas matinding pakikibaka, mas masaklaw na hagod ng impluwensya ng rebolusyon, paghahangad na kamtin agad ang pangkalahatang pamumuno sa mamamayan, at pagpolarisa ng sitwasyon sa pagitan ng rebolusyon at diktadurang US-Marcos.

Nangibabaw ang pananaw na itaguyod ang linya ng matagalang digmang bayan at magpunyagi sa pagbubuo ng hukbong bayan at baseng masa sa kanayunan. Ito ay gumanap ng makabuluhang papel sa pagsagka sa higit pang paglakas ng mga insureksyunistang hatak sa susunod na mga taon. Pero sa mga pananaw na itinaguyod ng Plenum, malakas ang paghahangad na madaliin ang pag-igpaw sa mas matataas pang antas ng digma; nagtataasan ang mga target na itinakda sa iba't ibang larangan ng gawain na inakalang sabay-sabay na magagawa.

Ipinirmi ng Plenum ang kongklusyon na kumpanya na ang pangunahing pormasyon ng hukbong bayan at gawaing militar ang pangunahing tungkulin na ng hukbo. Tinukoy na ang mga kumpanya na ang pangunahing nagdadala ng mga taktikal na opensiba at sumasaklaw sa malaking bulto ng tauhan ng hukbo.

Binuo ang 3-taong programa na nakatuon sa pagkumpleto sa mga sangkap para umabante sa SCO. Binigyang-diin ang programa sa "regularisasyon" at pagpapaunlad ng kakayahang pandurog ng hukbong bayan. Pangunahing nilalaman ng programa sa "regularisasyon" ang pagbubuo ng mas marami pang kumpanya (regular at gerilya) hanggang mga batalyon; pagbubuo ng istruktura ng kumand sa iba't ibang antas; pagpapaunlad ng koordinasyon sa iba't ibang antas at saklaw; at pagpapaunlad ng pagsasanay at disiplina.

Naabot din ang sumusunod na mga pangkalahatang kongklusyon: una, sapat na ang lawak at tatag ng mga larangang gerilya para sa sustinidong pagpapaigting ng digma, at ikalawa, dapat nang paigtingin ang pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng pagtataas ng antas niyon. Sa gayon, inilagay sa sekundaryong pusisyon ang paglutas sa mga problemang bumabagabag sa konsolidasyon at akumulasyon ng ibayong pang lakas ng Partido at baseng masa at nabuo ang maling pagtaya na sapat na ang mga pampulitikang rekisito para sa mabilis na bertikalisasyon at "regularisasyon". Habang itinakda ang higit na pagpapatindi at pagtataas ng antas ng digma, lalong namang lumuwag ang paghawak sa mga gawain sa batayang antas at mga lokalidad.

Bilang bahagi ng programa para sa SCO, itinakda ang paghahanda at paglulunsad ng mga pag-aalsang bayan hanggang sa mga pangunahing sentrong bayan, liban sa NCR. Pinagtibay ang maluwag na konsepto ng pag-aalsa at insureksyon na hindi istrikto sa mga rekisitong estratehiko, malabo ang pag-unawa sa mga peligro at mga posibleng kabayaran, at lubhang malawak ang hilera ng maaaring maging layunin, mula sa simpleng pagsubok, pagpapanday ng masa, pagpapalakas ng hukbo, pagpapahina sa reaksyunaryong estado o mga lokal na sangay nito, hanggang sa aktwal na pag-agaw ng kapangyarihan. Para sa unang taon ng SCO, itinakda rin ang pagpapasiklab ng isang pangkalahatang pag-aalsa kasabay ng pangkalahatang opensiba ng hukbo.

Iprinograma ang pagpapalaganap ng pakikidigmang partisano sa buong bansa. Pinagtibay ang oryentasyon niyon bilang isang largado at namumukod na anyo ng pakikidigma, na katuwang ng pakikidigmang gerilya sa kanayunan, sumusuporta sa kilusang masa sa kalunsuran, at isang pangunahing sangkap sa paghahanda para sa mga pag-aalsa sa kalunsuran.

ISA PANG PANGKALAHATANG LAYUNIN ng 3-taong programa ang pakikibaka para sa mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon laban sa diktadurang US-Marcos. Tinarget ang polarisasyon sa pagitan ng rebolusyon at diktadurang US-Marcos, pagkuha ng pangkalahatang pamumuno sa prenteng antidiktadura at pagtransporma ng buong pakikibakang antidiktadura sa isang ganap na rebolusyonaryong pakikibaka.

Inakalang sapat na ang naipong lakas ng rebolusyon para tuluy-tuloy na lumaki, kabigin ang mga tinawag na liberal demokrata at wasakin bilang bloke ang mga reaksyunaryong anti-Marcos. Labis ang naging pagtaya sa rebolusyonaryong potensyal ng mga tinaguriang liberal demokrata at "kaliwang panig" ng mga reaksyunaryong anti-Marcos. Sa kabilang banda, malakas naman ang tendensyang maliitin ang kakayahan ng buong bloke ng mga reaksyunaryong anti-Marcos na igiit ang kanilang pamumuno sa pakikibakang antidiktadura.

Natantyang ang napakaigting na krisis ay papatungo sa polarisasyon at malaking kumprontasyon ng mga pwersang pampulitika, pero hinangad ang layuning hindi pa pwedeng kamtin sa gayong estratehikong balanse ng mga pwersa at antas ng pag-unlad: ang pangkalahatang polarisasyon sa pagitan ng rebolusyon at diktadurang US-Marcos at mapagpasyang kumprontasyon sa pasistang diktadura na walang papel bilang isang bloke ang mga reaksyunaryong anti-Marcos.

Sa pagpapalabo ng makauring katangian ng mga reaksyunaryong anti-Marcos sa pamamagitan ng paggamit ng terminong repormistang burgis para sa kanila at paghati ng bloke sa kanan at "kaliwang" panig, ipinagkamali ang isang blokeng reaksyunaryo sa isang pwersang panggitna na nasa pagitan ng rebolusyon at reaksyon. Dala ng gayong pagkalito, lumitaw sa isang banda ang kaliwang tendensyang labis na palakihin ang usapin ng pagbaka sa repormismo sa mga hayag na alyansang anti-pasista, bagay na humantong sa pagkakamaling boykot sa snap election. Sa kabila naman ang kanang tunguhin sa pagbubuo ng NDF, na hindi pa man ay ikinokompromiso na ang maksimum na programa at naghabol na ipaloob sa NDF maging ang mga itinuring na liberal demokratang lulong pa sa repormismo't parlamentarismo at ang mga diumanong "kaliwang BR."

Kasabay ng pagtatangkang "nyutralisahin" ang mga reaksyunaryong anti-Marcos, higit pang idiniin ang halaga ng pagbubuo ng NDF at pag-akit dito ng iba pang rebolusyonaryo at progresibong pwersa, ang pagpapataas sa nilalamang pampulitika ng mga aksyong masa, at ang pagpapalakas ng rebolusyonaryong pamumuno sa prenteng anti-pasista.

Hinabol ang pormal na pagtatatag ng NDF na binubuo ng Partido at mga pwersang pinamumunuan ng Partido sa simula, pero sasaklaw sa iba pa sa kalaunan. Ang NDF ay dinisenyo sa balangkas ng malapad na pambasang rebolusyonaryong nagkakaisang prente laban sa pasistang diktadura at nagdadala ng programa para sa mapagpasyang (di kumpleto) tagumpay ng rebolusyon laban sa diktadurang US-Marcos. Ang pampulitikang programa niyon ay isang programang koalisyon na naghahangad sumaklaw sa mga liberal demokrata at "kaliwang panig" ng mga reaksyunaryong anti-Marcos at kung uubra ay magnunyutralisa sa paglaban at pananalakay ng imperyalismong US.

Bunga ng target na wasakin ang bloke ng mga reaksyunaryong anti-Marcos, lumitaw ang tendensyang pagbanggain ang tungkulin sa pagbubuo ng rebolusyonaryong pambansang nagkakaisang prente (NRUF) at malawak na prenteng antindiktadura (BADF). Ang tendensya'y labis na palakihin sa malawak na ligal na prenteng antindiktadura ang ilang usapin sa mga islogan at anyo ng pakikibaka (kaugnay ng pakikibaka sa repormismo at pagpigil sa pagpapalakas ng mga reaksyunaryong anti-Marcos) sa paraang nagpapakitid sa ating ugnay, impluwensya at maniobra (OUST/Resign, Boykot/Partisipasyon sa eleksyon).

Kakabit ng ganitong tendensya ang palagay na mula 1983 nasa antipasistang antas na ang kamalayan ng malawak na masa at ang rebolusyonaryong tungkulin ay higit pang itaas iyon sa pamamagitan ng pagtataas sa pampulitikang nilalaman ng kanilang mga pakikibaka.

Noong 1984 may positibong epekto ang kampanyang boykot na inilunsad kaugnay ng eleksyon sa Batasang Pambansa. Nakapagpakilos ng malaking bilang ng masa sa mga militanteng aksyon sa lansangan gaya ng Lakbayan at nakabig ang malaking bilang ng mga ligal na progresibong pwersa at makabuluhang bahagi ng mga reaksyunaryong anti-Marcos. Gayunman, mayroong pagpapalaki sa banggaan ng boykot at partisipasyon at sobrang pokus sa eleksyon. Sa pakikitungo sa eleksyon, idiniin ang tungkuling labanan iyon bilang tangka ng pasistang diktadura na makaalpas sa depensibong pusisyon sa pulitika at pagsisikap ng mga reaksyunaryong anti-Marcos na hilahin sa repormismo ang masa.

Lampas sa antas ng pag-unlad ang paghahangad na kagyat na ipailalim sa rebolusyonaryong pamumuno ang mayorya ng mamamayan, ang mga pwersang panggitna at ang mga ligal na progresibong pwersang tinawag na liberal demokrata. Ang paghahangad na kabigin sa rebolusyon ang "kaliwang panig" ng mga reaksyunaryong anti-Marcos ay hindi lamang lampas sa antas ng pag-unlad, lihis ito sa wastong pagsusuri sa makauring katangian ng mga reaksyunaryong anti-Marcos.

SALUNGAT SA INAASAHAN NG PARTIDO ang pagpapatawag ng snap election noong magtatapos ang 1985. Iginiit ng sentral na pamunuan, alinsunod sa taktika ng mapagpasyang tagumpay, ang aktibong boykot sa snap election sa kabila ng malawak na pagtutol ng mga kadre at kasapi at hiling ng mga kagawad ng KPKS ng pulong para pagpasyahan ang usapin.

Sa panahon ng kampanya sa eleksyon, milyun-milyong mamamayan ang hayagang napahanay at napakilos sa antipasistang pakikibaka; nahinog ang sitwasyon para sa mapagpasyang kumprontasyon at pagpapatalsik sa pasistang diktadura. Dahil sa taktikang boykot, nahati ang mga ligal na progresibong pwersa sa gayong krusyal na pagkakataon, lumuwag ang ugnay nila sa malawak na antipasistang paglaban ng masa, at nalimitahan ang pampulitikang maniobra ng Partido.

Pagkatapos ng eleksyon, mabilis na bumawi ang Partido sa pamamagitan ng pananawagan at paglulunsad ng mga aksyong protesta. Ang mga yunit ng Partido at mga organisasyong masang pinamumunuan ng Partido ay aktibong lumahok sa pag-aalsang EDSA. Pero sinamantala ng US, mga reaksyunaryong anti-Marcos at ng mga repormistang grupong petiburgis ang pagkakamali ng Partido sa boykot para palitawing wala sa eksena ang Partido at rebolusyonaryong kilusan nang mapabagsak si Marcos.

ANG PANGANGAILANGAN NG PAGDARAOS ng bagong Kongreso ng Partido ay natukoy noong ika-8 at ika-9 na plenum ng KS. Pero hindi naasikaso ang mga pinakamahalagang paghahanda sa Kongreso: ang mga teoretikong pag-aaral, pagrepaso sa mga ulat at dokumento, wastong paghahapag ng mga pangunahing usapin sa nakaraan at kasalukuyang praktika, pagbubuo ng wasto at komprehensibong pag-unawa sa mga pangunahing usapin sa teorya at praktika, at pagbubuo ng nagkakaisang pag-unawa ng Partido sa mga ito.

Kalakhan ng panahon at pagsisikap ng sentral na pamunuan, gayundin ng karamihan sa mga namumunong kadre sa pambansang antas at mga rehiyon ay nagugol sa pang-araw-araw na pangangasiwa, pamumuno sa mga pampulitikang pakikibaka o taktikal na pamumuno sa hukbo.

Ang kasapian ng Partido ay lumaki nang halos apat na ulit mula 1980 hanggang 1985. Napalitaw ang malaking bilang ng mga sulong na elementong subok at panday sa maigting na pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran at narekrut sa Partido ang pinakamatapat at pinakadeterminado sa kanila.

Pero malaking porsyento ng mga dati at bagong rekrut ay hindi nabigyan ng sapat na pagsasanay at edukasyon sa ideolohiya at pulitika. Lalong napabayaan ito noong kasagsagan ng pakikibakang antipasista. Ang mga pag-aaral at gawain ng mga kadre at kasapi ng Partido ay uminog sa mga araw-araw na gawain at pakikibaka. Hindi sila sapat na naarmasan sa teorya ng Marxismo-Leninismo at maging ng kaalaman sa kasaysayan ng Partido at rebolusyong Pilipino. Hindi naasikaso ang tuluy-tuloy na pagpapanibagong-hubog sa ideolohiya ng maraming narekrut laluna mula sa intelihensiya at mga magsasaka.

Ang sentral na pamunuan at maraming iba pang namumunong komite ay labis na nahila sa pagbabase at mga gawain sa syudad. Habang ang sentral na pamunuan ay nakalubog hanggang sa mga ditalye ng mga aksyong masa sa Maynila-Rizal, hindi nasubaybayan at naagapan ang malalaki at higit na kumplikadong mga usapin sa pagbubuo ng hukbo, pangkalahatang takbo ng digma, pagbubuo ng baseng masa at pagbubuo ng Partido sa kanayunan. Ang dati nang mahinang sistema ng pag-uulat ay lalo pang humina at pinalitan ng mga konsultasyong ginagawa sa syudad at mga pag-uulat sa mga pulong.

Sa pagnanais na palakihin ang papel ng KPKS sa pamumuno, pinagpasyahan ng ika-9 na Plenum na bawasan ang kapangyarihan ng KTKS. Inalisan ito ng kapangyarihang magpasya sa mga patakaran sa pagitan ng mga pulong ng KPKS, liban sa mga sitwasyong kagipitan. Samantala, mas pinalakas ang mga komisyong teritoryal at pambansa. May pagpapahina sa tuluy-tuloy na sentral na pamumuno habang pinalakas ang kapangyarihan ng mga organong dapat ay mga katulong na istap ng sentro. Ang usaping ito ay paulit-ulit na babalik at mas titindi sa susunod na mga taon ng paglala ng burukratismo at pag-igting ng internal na tunggalian sa linya at mga taktika.

Dumami at lumaki ang mga organong istap na nakabase sa syudad; kumapal ang mga ligal na institusyon at programa. Tumigil halos ang pagpapadala ng mga kadre at aktibista sa kanayunan. Dumami ang mga kadreng nakakumpol sa kalunsuran laluna't naroon ang mga pinakamatunog na aksyong pampulitika at ang mga pasilidad at kaluwagan sa pag-uugnayan, pangangasiwa at koordinasyon. Tumigil ang pagpapadala ng mga kadre at aktibista sa kanayunan at nagsimula ang kabaligtad na tunguhin: ang pagpunta sa lunsod ng mga kadreng dating nakatalaga sa kanayunan.

Ang ulat sa nagaganap na KAHOS at ang hindi karaniwang laki ng problema ay natanggap ng mga namumunong kadre ng MDC habang nasa pulong ang ika-9 Plenum ng KS. Hindi iyon iniulat sa Plenum at sa halip sa KTKS na, pagkatapos ng Plenum. Binuo ng KTKS ang lupon sa pagsisiyasat. Madaling nasiyasat at nadesisyunang buwagin ang magkasanib na komand na itinayo ng mga organong nakabase sa Maynila-Rizal para mang-aresto ng mga impiltrador sa Maynila-Rizal batay sa mga "natuklasan" ng KAHOS. Subalit nahirapang umabante sa pangangalap ng datos sa mga nangyayari at sitwasyon sa Mindanaw at noong Disyembre ipinasa sa MDC ang patuloy na pagsisiyasat at paggawa ng mga kinakailangang gabay at hakbang. Ang pag-usisa at pagsusuri sa nangyari ay natabunan ng mga gawain at usapin kaugnay ng snap election at pag-aalsang EDSA. Gayunman, dapat sanang ginamit ang sentral na awtoridad upang ipatigil agad ang KAHOS, gumawa ng lahat para mabilis na alamin ang buong pangyayari at nagbigay ng pinakamataas na prayoridad dito; ito ang mas matalas at mas matalinong paghawak sa usapin sa pambansang antas.

LUMAWAK ANG PAMUMUNO, ugnay at impluwensya ng Partido sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan at estudyante, kababaihan at iba't ibang seksyon ng intelihensiya. Tuluy-tuloy din ang aktibong pagpusisyon at pangunguna sa mga aksyong masa kaugnay ng mga isyung taktikal at ang pagtataguyod sa programang pambansang demokratiko.

Pero ang kapabayaan sa panloob na mga gawaing pang-ideolohiya ay nasalamin sa pangkalahatang paghina at pagbaba ng kalidad ng gawaing propaganda. Humina ang propaganda sa mga usapin sa teorya, estratehiya at mga saligang prinsipyo at hindi nakapagsagawa ng aktibong pakikipagtunggaling teoretikal laban sa lumakas na iba't ibang tendensyang petiburgis. Umabot pa ang puntong ibang pampulitikang grupo ang mas aktibo at mas humahawak ng inisyatiba sa pagpresenta at pagpapaliwanag sa mga saligang usapin, hanggang sa nakakapanlito sila maging sa loob ng Partido.

Bagamat may bugso ng malaking paglawak ng mga organisasyong masa pagkatapos ng asasinasyon kay Aquino, hindi nasustini ang pagsalo, pag-ugnay, pagtataas ng pampulitikang kamulatan at pag-oorganisa sa malaking bahagi ng masang napukaw at napalahok sa mga protestang masa. Isang dahilan sa Maynila-Rizal ang pagkabuwag ng panteritoryong organisasyon ng Partido. Pero mas malaganap na dahilan ang mahina at mababang kalidad ng gawaing edukasyon at organisasyon sa mga batayang antas. Labis na nahatak ang karamihan ng mga kadre sa mga gawain sa araw-araw na pangangasiwa, masaklaw na gawaing propaganda at mobilisasyon sa mga kampanyang masa

Mula 1984 nagsimulang lumiit at humina ang organisadong pwersang pinamumunuan ng Partido sa hanay ng masang estudyante bagamat nagpatuloy ang malawak na impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng mga pusisyon sa mga konseho ng mga mag-aaral, mga pahayagan sa kampus at mga organisasyong inter-paaralan.

Sa ibayong-dagat, pagkaraan ng ilang panahong nalimita tayo sa mga relatibong menor na partido at mga organisasyong wala sa gobyerno, lumawak ang ating ugnay sa antas ng partido-sa-partido, NDF sa ibang kilusang mapagpalaya at gobyerno, at sambayanan-sa-sambayanan. Sa gayong pag-unlad, nakatulong ang mga inisyatiba ng pambansang istap militar bagamat ang umpisa ng pagpasok nila rito ay ginawa sa likod ng KTKS. Sa pag-oorganisa ng mga Pilipinong nandadayuhan, walang gaanong pag-unlad at sa halip ay may ilan pang pag-atras.

Noong ika-9 na Plenum idiniin ang halaga ng pagpapalawak at pagpapalakas ng suportang internasyunal. Mga pangunahing layunin nito ang pagnyutralisa sa banta ng agresyon ng US at pagkalap ng mabibigat na sandatang kailangan sa pag-igpaw sa SCO. Iprinograma ang isang kampanyang diplomatiko. Kaugnay niyon, ihinapag ang panukalang ituring na sosyalista ang Unyong Sobyet. Ipinasya ng Plenum na ipailalim ang panukala sa patuloy na pag-aaral.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>


[ CPP Home Page|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.