|
Lucia Makabayan 20 Mayo 1979
Tag-araw (Filipino)
Dito sa luntiang kalawakang ito
na tinatampukan ng bundok Angas,
ang nakahilerang mga bundok Nacuron at Igabon
ay nakaunat tulad ng bukas na mga palad
na kumukupkop sa makitid at tahimik
na mga sapang dumadausdos tungo sa kanilang
lalim at bumubulusok
sa mga pasikut-sikot at talon,
nakakasalubong ang ilog Pan-ay
ng kanilang bungangang may
mumunting alon ng mainit na dampi:
tulad ng pangungumusta ng isang
kasamang kaytagal nang naghihintay.
Dito, ang mga ilog ng tag-araw
ay tahimik,
pambungad
sa iba namang panahong nagngangalit
kapag ang mga sapa'y nagiging ilog
dahil sa ulan: mabibilis at matitipunong ahas
na nililinis ang mga demonyong mapangwasak
tinatangay ang lahat ng dumi sa kapusukang
walang patumangga para matunaw sa
naghihintay na dagat....
Dito, tulad sa saanmang lugar, ang Kalikasa'y kumikilos
tulad ng mga makabayang sumusulong tungo sa kinabukasang
sila ang lilikha....
(K.M.)
|
|