|
Lucia Makabayan 14 Marso 1985
Pagkilala sa Gubat
Walang humpay ang mga kuliglig
Anim o animnapung sabay-sabay humuhuni
Kung iindahin mo, kasama, ang tunog na ito,
Maririndi ka lamang o sasaktan ng ulo.
Kaya't isipin at pakatandaan
Musika itong likas sa kagubatan.
Hindi masasagkaan ang ihip ng hangin
Ika'y pinananabikang dalawin, kaladkad ang dilim
Tatagos sa mga burol, susuot sa mga puno
Aaligid sa iyo at manunuot sa buto.
Kung hahalukipkip ka, sadya kang bibiruin
Ang ginaw sa kasukalan ay hindi panauhin.
Huwag nang makipagtagisan sa niknik at lamok
Sariling hukbo nila'y nakapwesto sa lahat ng sulok
Habang ika'y naka-alerto, may gagawi sa iyong batok
Bubulung-bulong, susundut-sundot sa iyong antok
Kaya bugawin mo man sa pagpapausok
Saglit na aatras at muling lulusob.
Madalang mangumusta ang araw
Mahinhing sisilip at ngingiti nang panakaw.
Ngunit hayan na naman ang sabik na ulan
Araw ay nagtampo, nagbigay-daan
Batid ng ulan ang mga dapat diligan.
Pag-aralan natin, kasama, ang batas ng kagubatan.
Kilalanin din natin ang mga kaluskos
May ingay na paparating, may papalayo
Iba ang pagtalilis ng apat ang paa,
Kakaiba rin ang yabag ng mga di-kilala.
Kayat itong gubat ay ating galugarin pa
Kilanling parang isang tapat na kasama.
|
|