|
Lucia Makabayan 13 Enero 1982
Sagada
Humahaplos ang usok
Sa dinadaanang mga pino
Patungo sa hagdan-hagdang taniman ng palay
Paakyat, dahan-dahan, sumasanib
Sa nagdidilim nang ulap.
Hindi natitinag ang mga dambuhalang bato
Malaon nang pinatahimik ng panahon.
At tayong namamangha ay niyakap ng hangin
Di tayo nakatinag sa hamog na naglalambing
Nautal ang lahat
Kasama, bundok, puno, bato
Tila pinakikinggan ang paghinga ng bawat isa.
Mga kubong daratnan
Ay mistulang mumunting laruan
Naghihintay sa mga iniluwal ng kabundukan.
Sa hudyat ng kasamang kanina lamang nabatubalani
Muli nating tinunton ang makitid na pilapil
Wari'y gumaan ang riple't makotong pasan.
Taglay sa isip ang namayaning larawan.
Ang ili na kanina'y ating tinatanaw
Ngayo'y biglang sinibulan ng buhay.
Nag-aabang sa durungawan, ang ilang kabataan
Naghihintay sa atin ang mga lallakay sa dap-ay
Mabini ang mga babae sa kanilang pagkaway.
Mga paslit na naglalaro'y masiglang sumalubong
Kinilala ng mga aso ang kanilang panauhin.
Sa paligid ng apoy masa't hukbo'y nagsanib
Kwento't kuro'y hinimay at pinagsaluhan
Ito ang buhay na larawan
Ito ang kulay ng rebolusyon.
|
|