|
Wilfredo Gacosta Nobyembre 1974
Bundok Bulusan, Ipaliwanag mo Ang Iyong Kahiwagaan
bundok Bulusan,
may puting ulap ka sa ulo
at sa mga balikat mong nakalaylay.
birhen ka ba't nagsuot ka ng puting belo
sa buhok mong luntian?
malaon ka nang ipinagkaloob
sa mga mananakop na dayuhan.
pati larawan mo'y ibinebenta na
ng mga hayok na mangangalakal.
ang banal na lawa sa iyong paanan
ay saksi sa pagsasamantala ng mga tuso
sa ganda ng mga anak mong kababaihan.
hinubdan ka na sa ganda at yarnan,
mga kahoy mo'y pinutol ng mga kawatan,
mga ibon at hayop na alaga mo
at sa mga api'y nakalaan
ay binugaw ng panlulupig ng mga alagad
ng batas militar.
birhen ka nga ba't nagsuot ng puting belo?
a, tinatakpan mo ang usok ng sinaing
ng iyong Pulang hukbo!
bundok Bulusan,
wala kang kaulap-ulap
sa iyong ulo at kandungan.
ang maaliwalas mo bang mukha
ay sagisag ng paglaya at tagumpay
o ng pagkakanulo sa mga anak ng bayan?
hindi mo ba natatanaw sa kalangitan
ang helikopter na palalong nagsasayaw?
sa iyong paanan, hindi mo ba naririnig
ang mga hambog na yabag
ng mga panauhin mong tampalasan?
bakit hindi ka magtago sa iyong mga ulap?
a, ibinukas mo ang iyong mga bisig
sa pagtanggap sa liwanag ng araw sa silangan
upang bigyan ng pag-asa
ang mga manghihimagsik na naguguluhan.
|
|