|
Katalino Maylayon 23 Setyembre 1984
War'y Kaytagal!
Pagbabagong kaladkad
Ng mahabang pagsisikap,
Di simbilis ng bukadkad
Ng iilang bulaklak,
Lalupa't buong bayan
Ang pinahahalimuyak.
Kahi' wari'y kaytagal,
Di naman kasimbagal-
Ng pagkahiganteng-hukluban
Ng kasisibol na halaman,
O ng ganap na paghuhulas
Ng bundok tungong himlayan,
O ng pagkitid o paglapad
Ng malaking karagatan,
O ng buu-buong ikot
Sa lakbay ng bulalakaw,
O ng tuluyang pagdilim
Ng lakas ng Haring Araw!
Lingunin ang nalagpasan,
Tanawin ang kaharap;
'Wag na lamang dalasang
Sa orasan ay sumulyap.
Sampagitang kapuluan,
Napipintong mapabusilak!
|
|