|
Wilfredo Gagosta Agosto 1975
Ang Kabiguan ay may Pangakong Tagumpay
napakapait tanggapin ang paulit-ulit
na pagkalugmok
sa paulit-ulit na pagbabangon
laluna't kung sa bawat pagbabangon
ay may pangakong pagtataguyod
ngunit sa bahagyang pag-angat
ng nagdurugong tuhod,
mga inaasahang kapanalig ang mga Lavang
dadagok.
kasumpa-sumpang krimen ang pagkakanulo
laluna't ang biktimang pinapagbuhat
ng parusang krus
ay bayang ipapako sa kalbaryong pulo.
hubad silang papanaw
at tatakasan ng dugo.
at ang kahuli-hulihang saplot
ay ipupusta ng mga dayong tanod.
krimeng karumal-dumal din ng mga naglalamay
kung yuyuko't luluha na lamang
sa dumaraming bangkay,
ipipikit ang mga mata, sa nagbubunyi pang kataksilan
at tuluyang patatamlayin
ng pesimistang pananaw.
ang nagdurugong tuhod
ay hahayaan bang mamaga?
ang mga katawang luray
ay hahayaang manlupaypay?
ang kinakapos na paghinga
ay hahayaang maputol sa tuluyang pagluhod
sa pilosopiyang baligho-
"huwag nang bumangon upang di na,
malugmok?"
sa pagkalugmok natututuhan
ang matatag na pagbabangon;
sa gitna ng dilim
ang liwanag ay nakasisilaw;
sa kataksilan nakikilalang higit
ang katapatan.
di malalabag ang batas ng kalikasan,
ng pag-unlad ng kasaysayan-
may pag-asa sa kawalan ng pag-asa,
may tumutubong bulaklak sa libingan;
ang kabiguan ay may pangakong tagumpay;
ang madilim na gabi
ay may pangakong bukang-liwayway!
|
|