|
Jason Montana
Seremonya sa Takipsilim (Filipino)
Kasama:
Lahat ay handa na sa iyong pagdating,
at matapos ang pagbati ng kolektiba'y
makapag-iisa na tayo
para ipagdiwang ang seremonya sa takipsilim.
May pahintulot tayo ng taumbayang
mapag-isa sa kanilang organisadong kabundukan.
Kaya't halika.
Minabuti kong hiramin sa isang mahirap na magsasaka
ang kanyang abung sa mataas na talampas
ng sinauna't makasaysayang mga payaw
na nagpupugay sa pulang diwa ng papawirin.
Ilalatag natin ang mga armas,
ang mga kasama nama'y bantay sa manloloob.
Sa oras na ito'y nananahimik
ang mumbaki.
Sisindihan mo ang dapugan
at sa pagbabaga nito, sa sahig na buho'y
ihahanda ko ang nililok na datoc,
ang mangkok na bao at gusing Ming.
Tayo'y iinom ng walang katapusang
kapangyarihan at pagmamahal ng lupang tinubuan
na ngayo'y naghihimagsik laban
sa mga imperyalista't kanilang mga kampon.
Saka kita hahandugan ng mahaba at luntiang
dahon ng tubo nang ito'y iyong mapagbigkis
sa kasaganaan at pagkakaisa
sa matagalang pakikibaka, samantalang
sa labas ay pumapagaspas ang pakpak
ng mga abuhing kalapati ng Uhaj.
(K.M.)
|
|