|
Kris Montaņez Enero 1975
Gerilyero
Kaybagal ng mga pangyayari
Minsa'y kaybilis
Sa loob ng isang, taon
Naisaayos mo ang isang yunit propaganda
Nadakip ka ng mga kaaway
Nabimbin ng ilang buwan
At nang makaalpas
Kaagad kang nagtungo
Sa sonang gerilya
Kayningning ng tala ng rebolusyon
Sa iyong katauhan
Sa makupad kumilos
"Nagmamadali ang panahon" wika mo
Sa madaling panghinaan ng loob
"Simulan ang unang hakbang"
Sa nalulunod sa sarili
"Umahon na't lumubog sa masa"
Sa nag-uurung-sulong sa landas na tatahakin
"Ipukol ang paningin
Sa abot-tanaw mo
Hanggang doon sa kabilang ibayo
Kaylinaw ng landas na ating malilikha
Halika"
Ilang araw, Ilang gabi
Ang nagdilim sa sigabo ng talakayan
Ang di nakahinga sa usok ng sigarilyo't
Pagkawasak ng maraming maliliit na daigdig
Ilang araw, Ilang gabi
Ang kaytatag na naghintay
Upang ang bawat salita'y maging talang
Sumisinag sa bawat sulok ng isang silid
Ilang araw, Ilang gabi
Ang sa wakas ay nagsabog ng liwanag
Upang sa malawak na daigdig
Ay malantad ang landas
Na dapat nang hawanin
Ilang araw, Hang gabi
Bago mabuo ang isang hakbang
"Mula sa isang hakbang
Tayo ay kikilos
Tungo sa kasaysayan!"
Kaisa ka na ng masa ngayon
Sa kanayunan
Isang gerilyero
Kaniig mo ngayo'y manggagawa't magsasaka
Sa mga pilapil at gubat ng pag-aalsa
"Lutasin mo ang iyong suliranin
At tanggapin ang bagong tungkulin
Halika"
Naroon sa mga liblib na pook
Ang diklap ng pagbabangon
Sa masukal na landas
Ang landas ng paglaya
Sa bisig ng masa
Ang bigwas ng tagumpay!
"Halika
Dito sa kasaysayan
Dito sa kasaysayan
Tayo magkita!"
Kayningning ng tala ng rebolusyon
Sa iyong katauhan
|
|