|
Kris Montaņez Hunyo 1982
Pagbubuksan Ka ng Pinto
Pagbubuksan ka ng pinto,
Pulang mandirigma,
Patutuluyin ka
Sa abung-abung na may init pa ng saleng.
Nakabalabal sa Kaigorotan ang lamig ng gabi
Sa paanang bundok na ito ng Gran Cordillera.
Nakaugat sa mga bato ang pino, kamote
At palay sa payaw. Ilang buwan lamang
Ang itatagal ng ani sa agamang.
Hindi araw-araw ay may larnan ang gimata
Mula sa kaingin, o ang patibong sa gubat
Para sa usa't baboy-ramo. Bato at bato
Ang daang patungo sa bawat pintuan
Ng bagong sonang ito, nagbubukas sa tawag
Ng ama't kapatid ng mga katutubo.
Nagtitipun-tipon sa dap-ay ang mga katutubo,
Nakapaligid sa liwanag at init ng saleng
Habang nagtatanod ang mga pino
Na ngayo'y inaangkin ng naghaharing-uri.
May sagitsit ng apoy sa ginaw ng gabi,
May talsik ng liwanag sa gatilyo ng M-16,
May bagong saleng na nagliliyab
Sa pagkakaisa ng mga katutubo't Pulang mandirigma.
Pagbubuksan ka ng pinto, patutuluyin ka
Sa abung-abung na lalaging may saleng.
|
|